Podcast: Download (Duration: 5:38 — 4.0MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Huwebes Pagkaraan ng Miyerkules ng Abo
Tinatawag tayo ng Panginoong Jesus upang sumunod sa kanya, magpasan ng krus katulad niya, at ihabilin sa kanya ang lahat ng nagdurusa.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Jesus, loobin Mong ang Iyong krus ang aming maging kaligtasan.
Bilang mga kasapi ng Simbahan, nawa’y maisabuhay natin ang diwa ng krus at maging hangang magpakasakit para kay Kristo at sa Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng ating bayan nawa’y mahabag sa mga mahihirap at gawin ang mga nararapat upang puksain ang pang-aapi at pagsasamantalang nagaganap sa lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa, mga dukha, maysakit, may kapansanan, at mga bilanggo nawa’y hindi mawalan ng pag-asa, bagkus ay makaranas ng nagpapaginhawang pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nag-iisa sa buhay nawa’y makatagpo ng mga taong handang dumamay sa kanilang mga problema sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga minamahal na yumao, maging ng kanilang mga naunang pumanaw na mga mahal sa buhay nawa’y makaisa ng Diyos sa Langit, sa magpasawalang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na aming Ama, ang Pagpapakasakit at Pagkamatay ng iyong Anak ang nagbigay ng buhay sa mundo. Tulungan mo kaming alalahanin ang kahalagahan ng mga krus at paghihirap, hindi lamang sa mabibigat na pagsubok, kundi maging sa mga pagpapasyang ginagawa namin sa araw-araw. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Marso 5, 2025
Biyernes, Marso 7, 2025 »




{ 3 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Patuloy tayo sa ating daan ngayong Kuwaresma sa loob ng 40 araw upang paghandaan ang pagdiriwang ng Misteryong Paskwal ni Kristo sa Mahal na Araw. Ang Unang Pagbasa ngayon ay isang paanyaya ni Moises sa mga Israelita na patuloy na maging matapat sa Diyos na naglikas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Egipto. Matapos gumawa ang Panginoon ng mga magagandang bagay at biyaya sa ating buhay, tayo rin nawa ay patuloy na magiging matapat sa kanya sa pagsunod sa kanyang dakilang kalooban. Ang Ebanghelyo ngayon ay isang paalala ni Hesus kung paano natin pagdadaanan ang buhay. Matapos ipahayag ni San Pedro na si Kristo ay ang Anak ng Diyos, lubos na inaanyayahan ni Hesus na upang tayo ay maging mga alagad niya, limutin natin ang ating sarili, pasanin ang krus, at sumunod sa kanya. At patuloy siya na ang nais maligtas ng buhay ay mawawalan nito, subalit ang mag-alay naman ng buhay ay makakamit ito. Siguro lahat tayo ay dumadaan ng napakaraming problema. Sa totoo lang, sino po ang makakapagsabi na wala silang problema o pagsubok sa buhay? At alam natin ang bigat at pagod dala ng hinanakit na iyan. Palagi nating ninanais araw-araw na guminhawa ang buhay natin. Kaya si Hesus ang maamong puso na maari nating lapitan dahil ang kanyang pamatok ay maginhawa, at ang kanyang pasan ay magaan. Subalit hindi ito’y kahulugan na madali lang takasan ang mga problema ng buhay. Kaya nagbigay siya ng isang tapat na paanyaya upang tularan siya. Alam po natin na ang ating Tagapagligtas ay naging masunurin sa dakilang kalooban ng Diyos hanggang sa kanyang kamatayan sa Krus. Ang kanyang paghahandog sa Banal na Krus ay tanda na tayo’y iniligtas mula sa ating mga pagkakasala at minarapat na gawing mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Kaya ang limutin natin ang ating sarili, pagpasan ang krus, at sumunod kay Kristo ay isang paanyaya na sa kabila ng ating mga pinagdaanan sa buhay, patuloy tayo sa pagtitiis na palaging nananalig sa Panginoon at gumagawa ng mga matuwid at mabuting bagay. Nawa’y ito po ang ating sakripisyo hindi lang tuwing Kuwaresma, kundi pati na sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, na sumampalataya tayo sa Diyos at maging mabuti rin sa ating kapwa.
AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 17
Sinabi ng Poong mahal:“Kasalanan ay talikdan,pagsuway ay pagsisihan;maghahari nang lubusanang Poong D’yos na Maykapal.”
MABUTING BALITA Lucas 9, 22-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang Anak ng Tao’y dapat magtiis ng maraming hirap. Itatakwil siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Ipapapatay nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.”
At sinabi niya sa lahat, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong sanlibutan kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano nga ang mapapala niya kung siya’y mapapahamak?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyo ngayon, matapos ang Miyerkules ng Abo, ipinahayag ni Hesus sa Kanyang mga alagad ang Kanyang nalalapit na pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay. Sinabi Niya:
“Ang Anak ng Tao ay kailangang magbata ng maraming hirap. Siya’y itatakwil ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote, at ng mga eskriba. Siya’y ipapapatay, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.” (Lucas 9:22)
Kasunod nito, itinuro ni Hesus kung ano ang ibig sabihin ng pagiging tunay Niyang alagad: “Ang sinumang ibig sumunod sa Akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa Akin. Sapagkat ang naghahangad na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa Akin ay siyang magkakamit nito. Ano ang mapapala ng isang tao kung makamtan man niya ang buong daigdig ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili?” (Lucas 9:23-25)
Sa ating paglalakbay ngayong panahon ng Kuwaresma, hinahamon tayo ni Hesus na suriin ang ating pananampalataya. Ang tunay na pagsunod sa Kanya ay nangangailangan ng pagtanggi sa sarili, pagpapasan ng krus, at pagsunod sa Kanyang halimbawa. Ipinapaalala sa atin ng Kuwaresma na ang pananampalataya ay hindi tungkol sa sariling kagustuhan kundi sa pagsuko sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng pag-aayuno, pananalangin, at pagkakawanggawa, natututo tayong palayain ang ating sarili mula sa makamundong hangarin upang mapalapit sa Diyos.
Lahat tayo ay may kanya-kanyang pasanin sa buhay—mga pagsubok, paghihirap, at sakripisyo. Sa halip na iwasan ang mga ito, inaanyayahan tayo ni Hesus na yakapin ang ating krus nang may pagtitiwala sa Kanya.
A huling talata ng Ebanghelyo binibigyan diin ni Hesus ang kahulugan ng pagkakaroon ng tunay na buhay. Sà araw araw na pamumuhay natin madalas, inuuna natin ang makamundong tagumpay, kayamanan, o kasikatan, ngunit ipinapaalala ni Hesus na ang lahat ng ito ay pansamantala lamang. Ang pinakamahalagang kayamanan ay ang buhay na walang hanggan. “Ano ang mapapala ng isang tao kung makamtan man niya ang buong daigdig ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili?”
Ngayong panahon ng Kuwaresma, tinatawagan tayong suriin ang ating sarili:
1. Mas inuuna ba natin ang ating kagustuhan kaysa sa kalooban ng Diyos?
2. Pinapasan ba natin ang ating krus nang may pananampalataya?
Sa bawat pagsubok at sakripisyo, nawa’y piliin nating manatiling tapat kay Kristo. Sapagkat ang tunay na buhay ay hindi matatagpuan sa yaman ng mundo, kundi sa ganap na pagsunod sa Kanya.
Manalangin tayo. Panginoon, turuan Mo akong talikuran ang aking sarili, pasanin ang aking krus, upang masunod ko ang kalooban mo. Tulungan Mo akong magkaroon ng tunay na pagbabago sa panahong ito ng Kuwaresma upang mas lalo kitang makilala, mapaglingkuran at mahalin. Amen.
VidalFamily143