Podcast: Download (Duration: 7:47 — 9.5MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Patnubay sa Misa
Tayo ay nagpapasalamat sa Amang naghahangad ng kabanalan para sa Kanyang mga anak. Puno ng pagmamahal sa Kanya, dalhin natin ang ating mga pangangailangan at sambitin:
Amang nagpapabanal, dinggin Mo ang Iyong bayan!
Para sa mga namumuno sa Simbahan, upang maging masigasig sila sa pagtahak sa landas ng pagtutuwid sa sarili at sa daan ng kabanalan, manalangin tayo sa Panginoon!
Para sa lahat ng mga kabataan ng ating bayan, nawa ay magtulungan sila sa pagtutuwid sa isa’t
isa nang matamo ang pangarap nilang kaganapan, manalangin tayo sa Panginoon!
Para sa mga namumuno sa ating bansa, upang mahanap nila ang tamang paraan sa pagtutuwid sa mga kamalian ng ating lipunan, manalangin tayo sa Panginoon!
Para sa mga taong nababaon sa kasalanan at kasamaan, upang maging bukas ang kanilang kalooban sa pagtutuwid sa kanila ng mga taong nagmamalasakit sa kanilang kapakanan, manalangin tayo sa Panginoon!
Para sa ating lahat na nagkakatipon sa pagdiriwang na ito, upang maituwid natin ang ating mga sariling kamalian at magtulungan tayo sa pagtutuwid sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon!
Para sa lahat ng pamilyang hindi nagkakasundo : nawa’y makatagpo sila ng lunas sa kanilang mga sugat sa pamamagitan ng kapatawaran, pagtuklas sa yamang panloob na taglay ng bawa’t isa, sa kabila ng kanilang nagkakaibang pananaw, manalangin tayo!
Ama naming bukal ng kabanalan, isugo Mo sa amin ang Iyong Banal na Espiritu upang matukyan namin na ang matuwid na landas ay ang daan ng kaganapan sa buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng Iyong Anak na si Hesukristong aming Panginoon. Amen!
Pages: 1 2
« Sabado, Marso 1, 2025
Lunes, Marso 3, 2025 »




{ 5 comments… read them below or add one }
Ang ating mga pagbasa sa Ikawalong linggo ng karaniwang panahon ay nagbukas kung ano ang ating ipinagdiriwang. Ang banal na Eukaristiya ay isang pasasalamat sa lahat ng ating mga natanngap at matatanggap lalo na ngayong unang linggo ng Marso. Ang pasasalamat ay hindi lamang sa mga bagay-bagay na dumarating sa ating buhay’ mula sa unang pagbasa hanggang sa ating Ebanghelyo tayo ay hinahamon na magpasalamat tayo dahil tinutulungan tayo ng ating Simbahan na makita natin ang ating sarili, malaman natin kung sino tayo at mapakilos tayo na magbago kung saan papasok tayo sa panahon ng Kuaresma na magsisimula sa araw ng Miyerkules.
Sa ating Ebanghelyo ayon kay San Lukas, napakaganda ng kanyang paglalarawan patungkol kung papaano natin lalong makikilala ang ating sarili.
Una, “Maaari bang maging tagaakay ng bulag ang isa ring bulag? Kapwa sila mahuhulog sa hukay kapag ginawa ang gayun. “ Bilang mga tagasunod ni Kristo, tayo’y kanyang hinahamon na kilalanin nating mabuti ang ating sarili, kilalanin natin ang ating mga nakakasama dahil kung ito’y nagpapalayo sa ating relasyon sa ating Panginoon tayo’y walang mapupuntahan. Ang pagiging bulag sa sarili at pagiging bulag sa labas ay isang kadiliman na kailangan nating kumawala sapagkat tayo ay walang magagawa at hindi natin maihahatid ang ibang tao kay Kristo. Ano ang dapat nating gawin? Alisin mo muna ang tahila sa iyong mata, at makakikita kang mabuti; sa gayo’y maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.” Sinasabi sa atin na una muna tayong tumingin sa ating sarili, tanggapin na tayo’y hindi perpekto at mahina bago natin itama ang kamalian ng iba.
Ikalawa, “Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at walang masamang punongkahoy na namumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat punongkahay sa pamamagitan ng kanyang bunga.” Ipinapaliwanag sa atin na ang ating mga gawa ay sumasalamin kung paano natin binubuksan ang ating sarili sa ibang tao. Kung ang ating panalangin at gawa ay nagtutugma sa kabutihan tayo ay na kay Kristo; kung ang resulta ay masama tayo ay nasa masama.
Sa ating pagdiriwang, tayo ay hinahanda na aminin natin ang ating mga pagkakasala ng sabay-sabay upang maging totoo tayo sa ating pananamapalataya na namatay si Kristo, nabuhay si Kristo at babalik sa Kristo sa takdang panahon na ating inaantay at pinapasalamat dahil alam natin na ang pangako sa atin ng Panginoon ay matutupad. Amen.
PAGNINILAY: Tayong lahat ay tinatawag na mga Kristiyano dahil sa ating pag-ibig sa isa’t isa. At ang pag-ibig na ito ay kinakailangang maging katulad ng pagmamahal sa atin ng Diyos. Kaya sa ating buhay, ang hamon sa atin kung paano mananaig ang kabutihan sa pamamagitan ng pag-ibig.
Noong nakaraang Linggo, narinig natin ang kahalagahan ng pagiging Kristiyano sa pagmamahalan kahit ang ating mga kaaway. Ngayon ang ating Ebanghelyo ay isang paanyaya na magkaroon ng bukas na isip tungo sa ating relasyon sa ibang tao. Kaya si Hesus ay ipinaalala na tanggalin muna ang puwing sa ating mga mata bago nating tanggalin ang puwing sa mata ng ating kapwa. Ibig sabihin nito na bago nating hatulan ang isang tao, suriin muna ang ating sarili kung tayo nga ba ay matuwid. At tayo ay tinatawag na magmunga nang masagana katulad ng isang puno na may mabungang prutas. Kung hahayaan natin manaig ang kagandahang-loob ng Diyos sa ating buhay, iyan ang magsisilbing batayan ng ating pagmamahal sa kanya at sa ating kapwa.
Ang Unang Pagbasa ay isang paglalarawan ni Sirac sa buhay ng tao bilang isang pagsubok. Sa kabila ng lahat ng ating mga pinagdaraanan sa buhay, patuloy tayong naging matatag sa ating pananamapalataya sa Panginoon. Kaya patuloy tayo sa paggawa ng kabutihan sa kanya at sa ating kapwa. At ang Ikalawang Pagbasa ay isang magandang pahayag tungkol sa Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon. Ito ay isang tanda na si Kristo ay nagtagumpay laban sa kamatayan.
Kaya tayong lahat ay makakamit ng buhay nang walang hanggan kung tayo’y magiging matapat sa kanyang dakilang kalooban. At kasama na dito ay ang pakikipagrelasyon natin sa ating kapwa-tao, lalung-lalo na sa ating mga kaaway.
Ang mga pagbasa ngayon ay mga aral at hamon na ating gagamiting gabay sa parating na kwaresama.
Sa Unang Pagbasa ay pinaaalala na pakabantayan natin ang mga lumalabas sa ating mga bibig. Ang lahat ng iyong mga sinasabi ay galing sa iyong utak at puso, iyan ang iyong pagkatao. Kahit wag tyaong humusga sa isang tao na hindi pa natin naririnig kung paano magsalita at kung ang mga lumalabas sa kanyang bibig. Maari tayong maging mapgakunwari sa umpisa pero habang tumatagal tayong nagbibigay ng mga pangungusap ay lalabas at lalabas ang tunay nating anyo. Kaya’t sikapin nating wag maging mapanirang puri ng ibang tao, wag tsismosa, wag palamura, wag bastos, wag gamitin ang pangalan ng Diyos sa walanh kwentang bagay, wag manumpa ng kasinungalingan at huwag tayong puro reklamo bagkus ay magpasalamat at magpuri sa Diyos.
Ang ating ebnaghelyo ay mga aral na preparasyon para sa ating mga dapat na asal at gawi sa parating na kwaresma. Ito ay panahon ng panunumbalik sa Panginoon at paniniwala sa Mabuting Balita. Huwag tayong maging pakitang tao sa mga gagawin nating sakripisyo at pangingilin sa darating na mga banal na araw. Matatawag tayong mga mapag imbabaw, ipokrito at bulaan. Ang lahat ng iyong gagawin para sa banal na araw ito ay sarilinin mo lamang at huwag ng ipagsabi. Gawin mo ito para sayo at para kay Hesus. Ng sa gayon ay gantimpala sa langit ang naghihintay sayo at hindi ang papuri ng taong nakapaligid sayo.
Mga kapatid, eto na sumapit na muli, samantalahin natin ito, suriin ang ating mga sarili. Aminin ang ating mga kasalanan, magsisi. Humingi ng kapatawaran sa Ama sa ating kalapastangan at sikapin ng matalikuran ang kasamaan. Ipanalangin din natin na tayo ay tulungan ni Hesus sa mga gawaing ito, tulungan tayo na matanggihan ang mga alok ni Satanas at sundi natin ang kalooban ng Diyos.
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyo, ang pangangaral ni Hesus ay idinaan sa apat na talinghaga na nagtuturo ng mahahalagang aral sa ating buhay espiritwal. Itinuturo nito ang kahalagahan ng tamang paggabay sa ating kapwa at ang pagiging tapat sa sarili, sa ating puso at mga gawa.
Una, ang bulag na nangunguna sa isa pang bulag ay nagpapakita ng kahalagahan ng tamang paggabay. Hindi natin maaaring akayin ang iba sa tamang landas kung tayo mismo ay hindi malinaw ang pananampalataya at kapos ang pang-unawa sa katotohanan. Ikalawa, sinabi Niya na ang alagad ay hindi higit sa kanyang guro, na nangangahulugan na tayo bilang mga tagasunod ni Kristo ay dapat manatiling mapagpakumbaba at patuloy na matuto, sa halip na ipagmalaki ang ating nalalaman. Itinuturo din nito ang pangangailangan ng ating patuloy na pagaaral sa kung ano ang katotohanan
Ikatlo, pinaalala sa atin ang tungkol sa pagpuna sa puwing ng iba habang hindi nakikita ang troso sa ating sariling mata. Bago natin husgahan ang pagkakamali ng iba, dapat nating suriin ang ating sariling kahinaan at magpakita ng habag at pang-unawa sa iba. At panghuli, ipinaliwanag ni Hesus na ang mabuting puno ay namumunga ng mabuting bunga, na nangangahulugang ang ating mga salita at gawa ay repleksyon ng kung ano ang nasa ating puso. Kung nais nating maging mabuting Kristiyano, dapat nating linisin at punuin ng pagmamahal, awa, at pananampalataya ang ating puso upang magbunga ito ng kabutihan.
Ang Ebanghelyong ito ay isang hamon sa atin upang maging mabubuting halimbawa sa ating kapwa. Sa ating paglilingkod, lalo na ang mga namumuno sa simbahan, kailangang tiyakin na tapat at dalisay ang hangarin. Huwag madaling mamuna sa iba nang hindi muna tinitingnan ang sarili. Sikapin na maging tulad ng isang mabuting puno na nagbubunga ng pag-ibig, awa, at kabutihan. Hilingin natin sa Panginoon ang biyaya na maging tunay na Kanyang mga alagad—mga taong hindi lamang naglilingkod, kundi namumuhay ayon sa Kanyang Salita.
Sa kabuuan, tinatawag tayo ng Ebanghelyo na maging mabuting gabay sa ating kapwa, manatiling mapagpakumbaba, maging maingat sa paghuhusga, at tiyaking puno ng mabuting intensyon ang ating puso. Sa ganitong paraan, tunay tayong magiging tapat na alagad ni Kristo at magiging patotoo ng Kanyang pagmamahal sa mundo.
Manalangin tayo. Panginoon, linisin Mo ang aming puso upang kami ay maging mabubuting saksi ng Iyong pagmamahal. Turuan Mo kaming maging mapagpakumbaba at huwag mapadali sa paghuhusga. Nawa’y maging mabuti ang aming mga salita at gawa upang kami ay maging tunay na halimbawa Mong mga alagad. Amen.
Sabi nila, “malayo na, pero malayo pa”, pero ngayon “malayo na, pero malapit na.” Kumusta na po kayo sa inyong paglalakbay? Maaring ang iba ay pagod na, at maaring ang iba ay nag e-enjoy pa sa kanilang paglalakbay. Mga kapatid malapit na po tayo sa panahon ng kwaresma, kaya patuloy lamang po sa paglalakbay sa paggawa ng mabubuting bagay, kahit na nakakapagod basta’t patuloy tayong kumakapit sa awa at habag ng Diyos upang sa pag apak natin sa panahon ng kwaresma ay maging handa tayo at maging tunay na mga saksi bilang mga alagad ni Kristo.
Kaya sa ebanghelyo, pinaalalahan tayo ni Hesus sa pamamagitan ng mga tatlong talinhagang pupukaw sa ating mga isipan upang tayo ay gabayan sa paggawa ng kabutihan sa Diyos at sa ating kapwa.
Una, “Maaari bang maging taga-akay ng bulag ang isa ring bulag? __Itoy isang katagang kung minsan tayo rin ay nagiging bulag at nag a-akay sa kapwa bulag. Bulag sa pag-ibig, bulag sa katotohanan at bulag sa pananampalataya. Kaya ang nangyayari, marami sa atin ang hindi nagkakaunawaan, nagkakasakitan, hindi nagkikibuan sapagkat kapwa sila bulag sa pagmamahal. Bulag silang makita ang kagandahan ng tunay na pagmamahal sa kapwa. Sabi ni Hesus, kapwa sila mahuhulog sa hukay kapag ginawa nila iyo. Kaya, matutu tayo mulat sa mga mabubuting bagay, sa mabubuting aral ni Hesus, sa katuruan ng Simbahan na siyang ating daan sa pag-akay sa mga di nakakita at di nagbigay ng halaga sa ipinamalas sa tunay na pananampalataya. Maging mulat tayo bago tayo mag-akay, ng sa ganoon madali sa atin ang pagakay sa mga bulag nating kapwa.
Pangalawa, “Ang tinitingnan mo’y ang puwing ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan sa iyong mata.” Aminin man natin sa hindi, karamihan sa atin, dito tayo magaling. Ang madali tayong manghusga sa kapwa. kaya paalala sa atin, Tignan muna nating ang ating mga sarili kung tayo ba ay karapatdapat na mga mabubuti, baka kasi mas makasalanan pa tayo keysa sa hinuhusgahan natin. Lahat tayo ay mga makasalan, nagkakamali tayo araw araw. Kaya patunayan po natin ang panggawa ng mabubuti para tayo ay maging daan at halimbawa sa ikababago ng ating kapwa.
Pangatlo.“Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at walang masamang punongkahoy na namumunga ng mabuti.” (“kung ano yung puno, siya rin ang bunga”) at ito kadalasan ang maririnig natin sa mga balita e.g.( Father killed people – Son like the father) Kaya, ang bawat ipinapakita natin/ mabuti man o masama ay sasalamin sa kapwa natin. Kung ang ipinapakita natin ay kasamaan, kasamaan din ang babalik sa atin. Pero kung mabubuti ang ipinapairal natin tiyak, mananaig ang kabutihan. At ito dapat ang sasalamin sa bawat isa sa atin, para tayo ay maging kapatdapat sa biyayang ipagkakaloob ng Diyos sa atin.
Kaya, sa pagdating at pagpasok natin sa panahon ng kwaresma, marapat lamang na ituon natin ang ating mga sarili sa mga mabubuting pagi-isip upang tayo ay makapag-akay ng husto,// ng mayroong magandang puso na handang tumulong sa mga nabibigatan sa buhay ng walang panghuhusga bagkus isang malasakit na pagdamay,// at ng maipakita natin ang mabubuting gawa/ ng sa ganoon, mamumunga ito ng maraming kabutihan hindi lang sa sarili kundi pati na rin sa ating kapwa na nagnanais makabahagi ng kabutihan sa iba. Amen.