Podcast: Download (Duration: 6:48 — 8.6MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
May pananalig na lumapit tayo at ating iharap sa Diyos na nagmamahal sa lahat ng kanyang mga anak ang ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, lingapin Mo ang iyong mga anak.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magturo sa kanyang mga miyembro ng tunay na dangal ng sakramento ng kasal upang tulungan ang mga mag-asawa na manatiling tapat sa kanilang bokasyon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga ikinasal nawa’y maging sensitibo sa pangangailangan ng bawat isa at makatagpo ng tunay na kaligayahan sa kanilang pinagsasaluhang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga nakararanas ng mga pagsubok sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa nawa’y tumanggap sila ng biyaya na maging matatag at magsumikap sa kanilang pagtatalaga ng sarili sa Diyos at sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, mga nalulumbay, at mga maysakit nawa’y makatagpo ng pagmamahal at suporta sa kanilang komunidad, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng lugar na walang hanggang Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, ibinigay mo sa amin ang sakramento ng kasal bilang tanda ng iyong pag-ibig. Tulungan mo kaming mamuhay sa pagkakaisa sa bawat isa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Biyernes, Pebrero 28, 2025
Linggo, Marso 2, 2025 »




{ 2 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Sa ating Unang Pagbasa (Sirak 17:1-15), sinasabi ni Sirac na lahat tayo ay nilikha ayon sa kawangis at anyo ng Diyos. At sa paglikha sa atin na mamuhay sa lupa ay may kaakibat na tungkulin na tayo’y namamahala sa kanyang mga nilikha. Kaya’t sa mga duamting na panahon ay nagpahayag ang Diyos ng kanyang sarili sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa kanyang bayan, na bilang sambyanan niya ay mas kilalanin siya bilang Diyos nila, at palaging sumusunod sa kanyang utos. Subalit nakita natin kung paano winawasak ng kasalanan ng ugnayan ng tao sa Diyos, na nagpapahiwalay sa kanya, at minsan nga ilang beses na sinasakupan ang bayang Israel. Ngunit sa kabila ng ilang ulit ng pagmamatigas at pagkukulang ng tao ay tapat pa rin ang Diyos sa kanyang mga plano para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Kaya sa takdang panahon ay sinugo niya si Hesukristo para ipaalala sa atin na lahat tayo ay nilikha para makamit ang kalangitan, kaya’t ito sana ang maging pamantayan ng ating buhay.
Sa ating Ebanghelyo (Marcos 10:13-16), ito’y isang kwento kung paanong malapit ang puso ni Hesus sa mga bata. Pinalapit ng mga magulang ang kanilang mga anak kay Hesus upang hawakan niya ang mga ito, ngunit pinagbawalan sila ng mga alagad. Subalit inituos niya na hayaan lumapit ang mga bata sa kanya at huwag sila’y hadlangan sapagkat tinuturing sila ni Hesus bilang dakila sa Kaharian ng Langit. Sa paghahawak ni Kristo sa mga bata, inaanyayahan niya ang lahat na tanggapin ang Paghahari ng Diyos katulad ng isang bata.
Noong mga sinaunang panahon, ang mga bata ay tinataguring bilang walang kahalagahan sa lipunan kasama ang mga kababaihan. Sila’y umaasa sa mga kalalakihan upang magsumikap para sa kanilang mga pangangailangan sa buhay. Ngunit ipinapakita ni Hesus na ang mga bata ay tunay na kinalulugdan ng Diyos Ama sa Langit. Kaya’t bilang mga Kristiyano, tayo’y tinatawag na maging katulad ng mga bata (childlike), hindi literal na maging mga bata (childish). Ang “childish” ay parang isip at gawain ay bata kahit matanda na, subalit ang “childlike” ay pagsasabuhay ng mga mabubuting aral mula pagkabata hanggang sa pagkatanda.
Ang mga tanging katangian ng isang mabubuting bata ay mapagkumbaba at masunurin. Katulad ng pagsunod nila sa mga utos ng mga magulang, tayong lahat bilang mga Kristiyano ay kinakailangang tumalima sa dakilang kalooban ng Diyos. Sa pagkakaroon ng kababang-loob, tayo’y sigurado na lahat ng mga kapangyarihan at impluwensiya ay hindi kaya nating abutin sapagkat may mga kahinaahan tayo. Subalit mas dapat nating pahalagahan ang ating pananamapaltaya sa Panginoon.
PAGNINILAY:
Ang Ebanghelyo ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagiging tulad ng katangian ng isang bata sa ating pananampalataya. Ipinapakita dito na ang Kaharian ng Diyos ay para sa mga may pusong, dalisay, mapagkumbaba, nagtitiwala, masunurin, at may simpleng pananampalataya, tulad ng mga bata. Hinihimok tayo ni Hesus na alisin ang ating kayabangan, pagdududa, at labis na umasa sa sarili upang tunay na matanggap ang Kanyang biyaya at pag-ibig.
Kadalasan, ang pagiging sobrang tiwala sa sarili ay nagdadala ito ng pag-aalinlangan, pagmamataas, at labis na pagtitiwala sa sarili(self sufficiency). Nakakalimutan nating umasa sa Diyos at maging masunurin sa Kanyang kalooban. Ang Ebanghelyo ay paalala ni Hesus na bumalik sa simpleng pananampalataya—isang pananampalatayang hindi nagdududa na may kababaang loob, at nagtitiwalang sumunod sa kalooban ng Diyos..
Sa Unang Pagbasa mula sa Aklat ni Sirak ay ipaalala sa atin ang ating pinagmulan at layunin bilang mga nilikha ng Diyos. Ipinapakita nito na ang tao ay hinubog mula sa alabok, subalit pinagkalooban ng Diyos ng talino, budhi, at kakayahang makilala Siya. Ipinapahayag din nito na ang Diyos ay nagbigay ng mga utos upang magabayan tayo sa matuwid na pamumuhay. Ang mensahe ng pagbasa ay isang paanyaya na gamitin natin ang ating buhay ayon sa kalooban ng Diyos, na may paggalang at pananampalataya sa Kanya.
Sa kabuuan, parehong tinuturo ng dalawang pagbasa ang tamang disposisyon ng puso sa harap ng Diyos—ang pagkilala sa ating mga limitasyon, mga kahinaan at ang ating pangangailangan sa Diyos at ang pagiging bukas sa Kanyang biyaya sa pamamagitan ng pananampalatayang may pagtitiwala at pagpapakumbaba.
Manalangin tayo. Panginoon, tulungan Mo akong magkaroon ng pusong tulad ng isang bata—mapagkumbaba, nagtitiwala, at masunurin sa Iyong kalooban. Nawa’y palagi akong lumapit sa Iyo nang may buong pananampalataya. Amen.