Podcast: Download (Duration: 4:56 — 3.6MB)
Huwebes ng Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Hebreo 10, 19-25
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Marcos 4, 21-25
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Thursday of the Third Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Hebreo 10, 19-25
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Kaya nga, mga kapatid, tayo’y malaya nang makapapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa kamatayan ni Hesus. Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buhay na daang naglagos hanggang sa kabila ng tabing-alalaong baga’y ang kanyang katawan. Tayo’y may isang Dakilang Saserdote na namamahala sa sambahayan ng Diyos. Kaya’t lumapit tayo sa Diyos nang may tapat na kalooban at matibay na pananalig sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nalinis na ang atig mga puso at nahugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag mag-alinlangan, sapagkat tapat ang nangako sa atin. At sikapin nating mapukaw ang damdamin ng bawat isa sa pag-ibig sa kapwa, at sa paggawa ng mabuti. At huwag kaligtaan ang pagdalp sa ating mga pagtitipon gaya ng ginawa ng ilan, kundi palakasin ang loob ng isa’t isa, lalo na ngayong nakikita nating nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo,
Sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
ALELUYA
Salmo 118, 105
Aleluya! Aleluya!
Ang salita mo’y liwanag,
tanglaw sa aking paglakad,
sa paghakbang sa ‘yong landas.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 4, 21-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Sinisindihan ba ang ilawan para itago sa ilalim ng takalan, o kaya’y sa ilalim ng higaan? Hindi ba upang ilagay sa talagang patungan? Walang natatago na di malalantad at lihim na di mabubunyag. Ang may pandinig ay makinig.”
At idinugtong pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig. Ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo ng Diyos at higit pa. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Enero 29, 2025
Biyernes, Enero 31, 2025 »




{ 6 comments… read them below or add one }
Ayon sa Unang Pagbasa, malaya silang makapasok sa Kadakilaan ng Kataas-taasan dahil sa pagkamatay ni Jesus. Binuksan nila para sa atin ang isang bago at buhay na daan na tumatakbo sa katawan ni Kristo. Mayroon silang Dakilang Saserdote na namamahala sa bahay ng Diyos. Kaya naparito tayo sa Diyos na may mabuting kalooban at matatag na tiwala sa kanya. Dumating sila nang malinis na budhi, dahil linisin din ang puso at katawan, at hugasan ng malinis na tubig.
binigyan tayo ng liwanag ng Diyos na mula sa Kanya upang maging liwanag din sa iba.. sa mga nadirimlan. Hindi tayo binigyan ng karunungan na mula sa Diyos para lang magpadala o magpa impluwensya sa kadiliman..tayo ang magsisilbing liwanag sa mundo.. liwanag na mula kay kristo at ang liwanag na ito ang magbubunyag ng mga lihim at kadiliman. Be like Christ. Be the light of the world.
“Ang panukat na ginamit ninyo sa inyong kapwa ay siya ring gagamitin sa inyo ng Diyos at higit pa.” Maging liwanag nawa tayo sa ating kapwa sa halip na husgahan natin sila. Sapagkat kung paano natin husgahan ang ating kapwa ay ganoon din ang tingin ng Diyos sa atin at maaaring humigit pa.
PAGNINILAY: Ayon sa Ebanghelyo ni San Juan, isa sa mga 7 pahayag ni Hesus tungkol sa kanyang sarili ay ang “Ilaw ng Sanlibutan”. Ito ay patotoo ni Hesus na ang sinumang sumusunod sa kanya ay hindi malilibot ng kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay. At sabi nga sa simula ng Ebanghelyo ni Juan na ang liwanag ay ang Salitang nagkatawang-tao, na siyang tumutukoy sa ating Panginoong Hesukristo.
Ngayong araw na ito, narinig natin sa Ebanghelyo ang isang parabula ni Hesus tungkol sa ilaw na hindi dapat natatago kapag ito’y sinisindi. Sabi ng Panginoon na wala sinumang tao ang magtataklob ng ilaw sa isang banga o kaya maglalagay nito sa ilalim ng higaan. Sa halip ang tao ay ilalagay ang ilaw sa isang patungan upang ito’y makita ng ibang tao. Dito inihantulad ni Hesus ang buhay ng bawat tao na kailangang makita ng ibang tao ang dala nating ilaw. Ito ay maihahantulad natin sa kanyang pahayag sa Panganagaral sa Bundok noong sinabi niya na ang bawat mabuting gawain natin ay dapat ikinaluluwalhati ng ating Poong Diyos (Cf. Mateo 5:16).
Ibig sabihin nito’y kailangan dala natin ang ilaw ng Panginoon tuwing tayo’y gagawa ng mabuti, at wala tayong tinatago na maitim na balak laban sa ating kapwa. Kaya kung tayo ay namumuhay sa liwanag ng Panginoon, nawa’y patuloy tayo lumakad sa landas ng kabutihan upang sundan natin ang Ilaw ng Sanlibutan tungo sa buhay na walang hanggan sa kalangitan.
Hayaan natin na ang bawat kabutihan at katuwiran na araw-araw nating ginagawa ay makapagdulot ng mabuting asal sa ibang tao upang makilala pa nila ang Diyos sa kanilang buhay.
PAGNINILAY:
Sa Mabuting Balita ating natunghayan ay isa nanamang talinghaga ang sinabi ni Hesus- ang Talinghaga ng Ilawan, ipinapaalala sa atin ang ating tungkulin bilang mga alagad ng Diyos. Tayo ay tinatawag na maging liwanag sa sanlibutan, upang maibahagi ang liwanag ni Kristo sa iba. Ang ilawan ay hindi ginawa upang itago lamang, bagkus ito ay ginawa upang magbigay liwanag para sa iba. Ang bawat isa sa atin ay pinagkalooban ng biyaya, talento, at pananampalataya na dapat gamitin para sa ikabubuti ng iba. Katulad ng espiritu ng pangangaral ni San Francisco de Asis “Ang iyong salita ay isang ilawan sa aking mga paa, at isang liwanag sa aking landas.” (Awit 119:105)
Ang ilaw na taglay natin ay hindi mula sa atin mismo, kundi mula sa Diyos. Kapag itinago natin ito—halimbawa, sa pamamagitan ng pagiging makasarili o walang malasakit—pinipigilan natin ang ibang tao na makita ang liwanag ng Diyos sa ating buhay. Kaya’t tayo ay hinihikayat na maging mapagpakumbaba, maging bukas-palad, mapagmahal, at matapat na tagapaglingkod ng Diyos, upang makita ng iba ang Kanyang presensya sa atin.
Sinabi rin ni Hesus na ang panukat na ginagamit natin ay gagamitin sa atin. Ang ibig sabihin nito ay ang habag, pagmamahal, at katarungang ipinapakita natin sa kapwa ay siya ring matatanggap natin mula sa Diyos. Kung tayo’y mapagbigay, mas daragdagan pa ang biyaya natin. Ngunit kung tayo ay maramot, pati ang kakaunting biyaya ay maaaring mawala sa atin sapagkat kusang pinapakawalan natin ang biyaya na walang sawang iniaalok sa atin ng Diyos.
Mga kapatid, ang Talinghaga ng Ilawan ay paanyaya ni Hesus na pagnilayan ang dalawang bagay: ang ating pagiging liwanag at ang ating pagiging responsable sa pagtugon sa biyaya ng Diyos.
Una, tinawag tayo upang maging ilaw ng sanlibutan. Ang ating pananampalataya ay hindi dapat manatiling nakatago o ekslusibo at pribado lamang. Ang bawat mabuting gawa, maliit man o malaki, ay nagiging isang sinag ng liwanag na nagbibigay-inspirasyon at pag-asa sa iba. Sa ating mga salita at kilos, tayo ay maaaring maging tulay para makita ng ibang tao ang kagandahang loob ng Diyos. Tanungin natin ang ating sarili: Paano ko ibinabahagi ang aking pananampalataya sa aking pamilya, sa lugar ng aking trabaho, o komunidad?
Ikalawa, ang panukat ng Diyos ay batay sa pagmamahal at pagkakawang-gawa na ginawa natin sa ating kapwa. Ang sinumang mas bukas sa pag-ibig ng Diyos ay lalong pinupuno ng Kanyang biyaya. Ngunit ang taong sarado ang puso at hindi nagbabahagi ng biyayang natanggap ay unti-unting nalalayo sa Diyos at tuluyang mawawala ito. Sa simpleng salita, ang buhay na malapit sa Diyos ay nagiging mas makabuluhan sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilaw at pag-asa sa kapwa.
Ngayong araw, sikapin nating maging ilaw sa ating kapaligiran. Sa maliit na mabuting gawa—isang ngiti, simpleng tulong, o dasal para sa nangangailangan—ay naibabahagi natin ang presensya ng Diyos. Huwag nating ikubli ang ating ilawan, sapagkat ito’y kaloob ng Diyos para sa kapakanan ng lahat.
Manalangin tayo. Panginoon, tulungan Mo kaming maging liwanag sa aming pamilya at komunidad at ng Iyong buong sambayanan. Nawa’y magamit namin ang aming buhay at mga talento para sa ikaluluwalhati ng Iyong pangalan. Amen.
“Pagninilay”
“Sinisindihan ba ang ilawan para itago sa ilalim ng takalan, o kaya’y sa ilalim ng higaan? Hindi ba upang ilagay sa talagang patungan?
Isang paalala ng Diyos sa atin na tayo’y tinatawag ng Diyos para sa isang misyon, malamang nasasabi natin na ang misyon natin ay magsilbi sa ating simbahan, Tama nmn na tayo’y tinatawag ng Diyos para maglingkod sa kanyang simbahan sa ibat ibang paraan. pero dapat din nating alalahanin na ang ilaw na binibigay sa atin ay hindi lng dapat nakukubli sa loob ng simbahan, tayo’y inaanyayahan din ng Diyos na ang Ilaw na ito’y dapat nating ibahagi sa mga taong di pa gaanong nakakilala ng Diyos, Hindi limitado ag ilaw na ito sa loob lamang ng ating simbahan, Ang Ilaw ay dapat nasa tamang lagayan, para maliwanangan ang lahat. Ito ang ating Misyon, palaganapin ang salita sa Diyos sa lahat ng dako.
God Bless,