Linggo, Enero 12, 2025

January 12, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon
Patnubay sa Misa

Ginugunita natin ngayon ang pormal na paghirang kay Hesus bilang “Lingkod ng Panginoon” na siyang aako sa mga pagkakasala ng sanlibutan. Puno ng pasasalamat, manalangin tayo:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Para sa lahat ng mananampalataya, lalo na ang kanilang mga pinuno: Nawa’y sila ang maging mga mapagkumbaba at tapat na lingkod ng Panginoon sa mundo
ngayon. Manalangin tayo!

Para sa mga bagong binyagan, lalo na iyong nasa sapat nang gulang: Nawa’y pahalagahan nila ang Banal na Espiritu sa kanilang mga puso at laging mamuhay na mga anak ng Ama. Manalangin tayo!

Para sa mga nakalilimot sa kahulugan at kahalagahan ng kanilang binyag: Nawa’y pag-ibayuhin ng Espiritu Santo ang mga bunga ng kanyang pamamalagi sa kanila at muli silang gawing masisiglang kasapi ng Simbahan. Manalangin tayo!

Para sa mga mahihirap, maysakit, at walang hanapbuhay: Nawa’y makatagpo sila sa pamayanang Kristiyano ng tulong na kailangan nila. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat na natitipon dito: Nawa’y lagi nating isaisip na tayo man ay mga anak ng Diyos at pagsikapan nating maging kalugud-lugod sa Kanya sa lahat ng oras. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng mga migrante at mga napilitang mangibang-bayan dahil sa digmaan. Nawa’y ang kanilang karapatan sa edukasyon na lubhang kailangan sa ikabubuti ng daigdig, ay maigalang at maipagkaloob ng Lipunan. Manalangin tayo!

Panginoong Hesus, sa pagbibinyag sa iyo, tinanggap mo ang bigat ng aming mga kasalanan. Nawa mapagaan namin ang gayong pasanin sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa aming mga pangako sa binyag. Isinasamo namin ito sa iyo na aming kapatid at Panginoon. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Melba G. De Asis January 12, 2019 at 7:00 am

Ang sakramento ng binyag sa pamamagitan ng pagbubuhos ng tubig at ng ispiritu santo ay ang paglilinis sa atin ng ating mga kasalanan na may kasamang biyaya at pagpapala mula sa Panginoon. Nawa’y gabayan tayo palagi ng kabanal banalang ispiritu santo para magkaroon tayo ng maayos na pamumuhay at maghangad ng kapayapaan sa lahat ng pagkakataon. Amen

Reply

Reynald Perez January 2, 2022 at 10:01 am

PAGNINILAY: Ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon ay hudyat ng pagtatapos ng Panahon ng Pasko ng Pagsilang. Ang Pagbibinyag ni Hesus sa Ilog Jordan ay tanda ng pagsisimula ng kanyang Pampublikong Ministeryo. Kaya tayo ay papasok sa Karaniwang Panahon sa susunod na araw upang pagnilayan ang ordinaryong pamumuhay ni Kristo nang siya’y nangaral ng Mabuting Balita at gumawa ng mga kababalaghan. Bagamat si Hesus ay ang Anak ng Diyos at may kalagayan na pagka-Diyos, nagpakumbaba siya at nagpabinyag sa kanyang pinsang si San Juan Bautista. Itong pangyayaring ito ay nagpapahiwatig ng 3 punto:

1.) ANG KAHALAGAHAN NG BINYAG. Bininyagan si Hesus upang gawing banal niya ang gawaing ito, na ito’y magsilbi bilang Sakramento. Ang binyag ay tanda ng kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng mga tubig ng pagbibinyag, ang ating mga kasalanan ay nililinis. Kung baga’y tayo ay nakiisa sa Pagkamatay ni Hesus sa paglilinis ng ating mga kasalanan, at tayo rin ay naipagkaloob ng grasya ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Panginoon.

2.) ANG PAKIKIBAHAGI SA PAMILYA NG DIYOS. Ang Sakaramento ng Binyag ay tinatawag na “pinto” patungo sa ating pananampalataya sa Panginoon. Tayo ay nakikibahagi sa pamilya ng Diyos, ang kayang Sambayanang kumakatawan sa Simbahan. Sinasabi ni San Pedro sa Ikalawang Pagbasa na walang sinumang itinatanggi ang Diyos Ama. Ipinahayag ng Apostol tungkol sa kaligtasang ipinahayag sinauna sa mga Israelita at ipinakita sa mga Hentil dahil kay Hesus na nagtupad ng kaligtasan. Ang pagbibinyag ay tanda na ang orihinal na kasalanan ay inilibing at ang grasya ng Diyos ay patuloy na nabubuhay.

3.) ANG MISYON NATING MGA KRISTIYANO. Ang Unang Pagbasa ay isa sa mga orakulo tungkol sa “Lingkod ng Panginoon”. Sinasabi dito sa propesiya na ang hinirang na Lingkod ng Diyos na si Hesukristo ng kapangyarihan ng Espiritu Santo upang ipamalas ang kanyang kapangyarihan, katuwiran, at kabutihang-loob. Kaya ang ating misyon bilang mga Kristiyano ay itinuturing na “Priestly, Prophetic, at Kingly”. Priestly sapagkat tayo ay inaanyayahang gumawa ng mga sakripisyo upang ipamalas ang ating kabutihan sa ibang tao lalung-lalo sa mga nangangailangan. Prophetic sapagkat tayo ay inaasahang ipahayag at ituro ang matuwid na pamumuhay ayon sa pamantayan ng ating Diyos. At Kingly sapagkat binigyan tayo ng kapangyarihan upang mamuno nang may kababang-loob at paglilingkod sa kapwa.

Nawa sa ating pagdiriwang ng Pagbibinyag kay Hesus, sariwain din natin ang mga pangako sa binyag na talikdan natin ang masasamang bagay na galing sa Diyablo at sumampalataya sa Panginoong Diyos at sa kanyang dakilang kalooban/magandang plano.

Reply

Mel Mendoza January 9, 2025 at 9:26 am

PAGNINILAY:
Dakilang Kapistahan ng Pagbibinyag ng Panginoong Hesus
Mabuting Balita: Lucas 3, 15-16; 21-22

Ang pagbibinyag ni Hesus ay nagpapakita ng Kanyang pakikiisa sa atin bilang tao, sa kabila ng Kanyang pagka-Diyos. Hindi Niya kailangan ng binyag dahil Siya’y walang kasalanan, ngunit pinili Niya ito upang ipakita ang kahalagahan ng pagpapakumbaba, pagsunod sa kalooban ng Ama, at pagbubukas ng daan para sa ating kaligtasan.

Ang pagbubukas ng langit at ang pagbaba ng Espiritu Santo ay tanda ng pagpapatibay ng Diyos Ama sa misyon ni Hesus. Ang tinig mula sa langit na nagsasabing, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan,” ay nagbibigay ng katiyakan sa Kanyang pagka-Diyos at sa kahalagahan ng Kanyang misyon.

Sa ating buhay, ang sakramento ng binyag ay mahalaga dahil ito ang ating pagpasok bilang miembro ng pamilya ng Diyos. Tayo’y nagiging mga anak Niya, pinalalaya mula sa kasalanang mana, at binibigyan ng biyaya ng Espiritu Santo upang mamuhay bilang mga tagasunod ni Kristo. Ang pagbibinyag ay paanyaya sa atin na mamuhay nang may kabanalan, ipahayag ang Ebanghelyo, at ipakita ang awa at pagmamahal ng Diyos sa ating kapwa.

Mga kapatid, ang Dakilang Kapistahan ng Pagbibinyag ng Panginoon ay paalala sa ating pananampalataya na ang ating buhay ay dapat nakatuon sa pagsunod sa Diyos Ama, tulad ng ipinakita ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakumbaba at pagtanggap ng binyag.

Ang pagbibinyag ay hindi lamang isang ritwal kundi isang Sakramento na iniwan ng Panginoong Hesus na pagsisimula ng ating espiritwal na paglalakbay. Pinapakita ng halimbawa ni Hesus na ang buhay na bininyagan ay buhay ng misyon at paglilingkod. Tinatawag tayong lahat na maging mga saksi ng Kanyang pag-ibig at liwanag sa mundo.

Binhi ng Hamon:

1. Paano ko naipamumuhay ang aking pananampalataya bilang isang bininyagan?
2. Ako ba’y nagiging saksi ng kabutihan at pagmamahal ng Diyos sa aking pamilya, trabaho, at komunidad?

Tularan natin si Hesus sa Kanyang pagpapakumbaba, at magtiwala sa Espiritu Santo na gumagabay sa atin araw-araw. Tandaan natin ang tinig ng Ama na nagsasabing, “Ikaw ang minamahal kong anak.” Ito rin ang Kanyang sinasabi sa atin sa bawat araw ng ating buhay.

Manalangin tayo. Panginoon, salamat sa biyaya ng binyag na nagbigay sa amin ng bagong buhay na kasapi ng pamilya mo. Tulungan Mo kaming maging tapat na saksi sa aming misyon bilang mga anak Mo, na patuloy na maglingkod at magpakumbaba tulad ng Iyong Anak na si Hesus. Nawa’y lagi naming maramdaman ang gabay ng Espiritu Santo sa aming buhay. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: