Podcast: Download (Duration: 5:18 — 3.8MB)
Lunes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Hilario, obispo at pantas ng Simbahan
Hebreo 1, 1-6
Salmo 96, 1 at 2b, 6 at 7k. 9
Ang Panginoo’y sambahin
ng lahat n’yang mga anghel.
Marcos 1, 14-20
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Monday of the First Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Hilary, Bishop and Doctor of the Church (White)
UNANG PAGBASA
Hebreo 1, 1-6
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit ngayon, siya’y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sansinukob at siya ang itinalaga niyang magmay-ari ng lahat ng bagay. Ang Anak ang maningning na sinag ng Diyos, sapagkat kung ano ang Diyos ay gayun din ang Anak. Siya ang nag-iingat sa sansinukob sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya’y lumuklok sa kanan ng Diyos, ang makapangyarihan sa lahat.
At kung paanong higit na di-hamak ang pangalang ibinigay ng Diyos sa Anak, gayun din, siya’y higit na di-hamak sa mga anghel. Sapagkat hindi kailanman sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,
“Ikaw ang aking Anak!
Ako ang iyong Ama.”
Ni hindi rin niya sinabi sa kaninuman sa mga anghel,
“Ako’y magiging kanyang Ama,
at siya’y magiging Anak ko.”
At nang susuguin na ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya,
“Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1 at 2b, 6 at 7k. 9
Ang Panginoo’y sambahin ng lahat n’yang mga anghel.
Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan.
Ang Panginoo’y sambahin ng lahat n’yang mga anghel.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa tupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
Mga diyus-diyusan nila’y yuyuko sa Maykapal.
Ang Panginoo’y sambahin ng lahat n’yang mga anghel.
Ikaw, Poon, ay Dakila at hari ng buong lupa,
Dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.
Ang Panginoo’y sambahin ng lahat n’yang mga anghel.
ALELUYA
Marcos 1, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 14-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Pagkatapos dakpin si Juan, si Hesus ay nagtungo sa Galilea at ipinangaral ang Mabuting Balitang mula sa Diyos: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito.”
Samantalang naglalakad si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na naghahagis ng lambat, Sila’y mangingisda. Sinabi ni Hesus, “Sumama kayo sa akin at kayo’y gagawin kong mamamalakaya ng tao.” Pagdaka’y iniwan nila ang kanilang lambat, at sumunod sa kanya.
Nagpatuloy siya ng paglakad, at sa di kalayuan ay nakita niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa kanilang bangka at naghahayuma ng mga lambat. Tinawag din sila ni Hesus at sumunod naman sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama, kasama ng mga taong upahan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Enero 12, 2025
Martes, Enero 14, 2025 »




{ 6 comments… read them below or add one }
Nagtungo si Hesus sa Galilea upang ipaalam ang Mabuting Balita ng Diyos. Ang takdang panahon ay dumating at muling pagharian ang Diyos. Pinagsisihan at talikdan ang mga kasalanang ginawa upang paniwalaan ang Mabuting Balita ng Panginoon. Naglakad siya sa tabi ng Lawa ng Galilea upang makita ang magkapatid na sina Simon at Andres. Iniwan nila ang lambat at sumunod kay Hesus. Nagpatuloy silang lumakad at sa isang minsan ay nakita rin ang magkapatid na anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Silang lahat ay nasa bangka at nagpahayuma ng lambat. Tinawag din si Hesus at sinundan ang ibang magkapatid. Naiwan sa bangka ang kanilang ama kasama ang umuupa ng mga tao.
Dahil si Hesus ang Anak ng Diyos na nagsasalita, naglilikha at naglilinis ng ating mga kasalanan, tayo kasama ng mga anghel ay sumasamba sa Kanya (Hebreo 1:1-6). Ang pagsamba sa Kanya ay ipinakikita natin sa pamamagitan ng 1) pakikinig sa pangangaral ng paghahari ng Diyos, 2) pagsisisisi sa ating mga kasalanan, 3) pagtitiwala sa Mabuting Balita ng pag-ibig at pagliligtas ng Diyos, 4) pagsunod sa Kanyang tawag na mamalakaya ng tao, (Markos 1:14-20). Tulungan nawa tayo ng Mahal na Birhen, mga anghel at ni San Hilario ng Poitiers, Pransiya at ng mga Banal sa ating misyon! Amen!
Pagninilay: Matapos ang masayang pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang, tayo ngayon ay nakapasok na sa Karaniwang Panahon, ang pinakamahaba sa lahat ng mga panahon sa Liturhikong Kalendaryo ng Simbahan. Dito wala tayong inaalala na espesyal na pagdiriwang ukol sa talambuhay ni Kristo, kundi ang kanyang ordinaryong pamumuhay, subalit ito’y ekstraordinaryo sapagkat ito ay ang kanyang Pampublikong Ministeryo. Sa bawat pangangaral at kababalaghan ng ating Panginoon, mayroong grasyang binibigay ang Diyos sa atin upang tayo ay mas maengayong sumunod sa kanya. Ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapahiwatig ng unang ministeryo ni Hesus sa Galilea. Dito ipinahayag niya na ang Paghahari ng Diyos ay pumarito na, at ang paanyaya ay pagbabalik-loob mula sa mga kasalanan at pagsasampalataya sa Mabuting Balita. Makikita natin ang Paghahari ng Diyos na kapiling natin kapag lumalago ito sa pamamagitan ng pag-ibig, katarungan, at kapayapaan. At upang ipahayag ang mga values na ito, tayo’y tinatawag ni Hesus katulad ng mga unang 4 na alagad na maging mga “mamalakaya ng tao”. Madalas ito ay ginagawa ng SImbahan sa pamumuhay ng mga pastol at pastor sa pagpaparangal ng Mabuting Balita at pakikiisa sa mga pangangailangan ng mga tao sa bawat komunidad/parokya. Tayo rin ay inaanyayahang tumugon sa tawag ni Kristo na ipahayag ang Mabuting Balita sa ibang tao at maging mga saksi para sa kanya sa paggawa ng katuwiran at kabutihan sa ibang tao. Ngayong nasa makabagong panahon tayo, may mga epektibong paraan upang ipalaganap ang Kaharian ng Diyos sa lahat. Kahit ang plataporma ng social media ay maaring gamitin upang ipalaganap ang mga tamang impormasyon tungkol sa mga nangyayari sa paligid natin, at hindi ipagkalat ang mga pekeng balita upang makapagpanakit at makapanira ng ibang tao. Nawa’y alalahanin natin na ang Paghahari ng Panginoon ay patuloy na lalaganap kung tayo’y tutugon sa misyon ng “Evangelization” upang dumaloy ang pagmamahal, kapayapaan, at katarungan sa isa’t isa.
“Sumama kayo sa akin”. Ito ang paanyaya ng Panginoon ayon sa pagbasa natin ngayong araw ( Mk 1:14-20). Ito rin ang paanyaya ng Panginoon sa bawat isa sa atin. Isang paanyaya ng buhay na panatag at payapa, isang buhay na puno ng pag-asa sa kabila ng maraming pagsubok na dumadatal sa ating mundo at sa ating buhay. Paano mananalig ang isang nagugutom na tiyan o ang isang taong pinagdahupan na ng pagkakataon? Marahil ay sasabihin natin ba mahirap gawin. Pero alalahanin natin na tayo ay may isang Diyos na higit na napakalaki kaysa sa lahat ng problema natin dito sa mundo. Manalig ka at magtiwala. Laganap ang biyaya ng Diyos. Atin lang imulat ang ating mga mata upang makita at maipagpasalamat ang lahat ng biyayang ito. Sumama tayo sa Kanyang paanyaya. Naghihintay Siya ng ating sagot.
Ang paanyaya sa atin ng Diyos sa ating mga pagbasa ay ang sumunod tayo sakaniya. Mag pa sakop tayo sa kapangyarihan ng Diyos na may lalang ng lahat sa langit at lupa. Sana sa ating ginagawa sa ating pang araw-araw na pamumuhay unahin natin at gawin natin ang mga ikalulugod ng Diyos. Ipakilala natin ang Diyos sa kapwa natin sa pagpapakita ng ating mga maayos na pamumuhay at pag sunod sakaniyang utos. Sana yung sinasabi kadalasan natin na “Ikaw lang sapat na” masabi rin natin sa Panginoon, mag pa sakop tayo sa kaniyang kapangyarihan at tiyak na tayo’y hindi mapapahamak. Iwan natin ang lahat ng mga bagay o kung anuman na nakakapag palayo sa atin sa Diyos at tayo ay sumunod at kumapit sa kaniya. Amen
PAGNINILAY:
Ang Panawagan sa Pagiging Alagad
Sa Ebanghelyo ngayon, narinig natin ang pagtawag ni Hesus sa Kanyang unang mga alagad. Simple ang mga pangyayari: nakita ni Hesus sina Simon at Andres na nangingisda, gayundin sina Santiago at Juan. Sa simpleng utos ni Hesus na, “Sumunod kayo sa akin,” iniwan nila ang kanilang hanapbuhay at pamilya upang sundan Siya. Ang pagtawag ni Hesus kina Simon, Andres, Santiago, at Juan ay patunay na ang Diyos ay tumatawag sa ordinaryong tao. Hindi Niya pinili ang mga taong kilala sa lipunan, mayayaman o makapangyarihan; pinili Niya ang mga mangingisda—mga simpleng tao na may pusong bukas sa misyon. Tayo man, anuman ang ating kalagayan, ay tinatawag ng Diyos sa iba’t ibang paraan: bilang magulang, anak, manggagawa, lingkod o lider sa ating komunidad. Ang mahalaga ay maging handa tayong makinig at sumunod sa Kanyang tawag.
Ang pagtawag ni Hesus ay hindi pangkaraniwan; ito ay direktang pag-anyaya. Tinawag Niya ang bawat isa sa kanilang pangalan at sa lugar ng hanap-buhay na kung saan sila naroroon. Sa ating panahon, tinatawag din tayo ni Hesus sa ating sariling mga karanasan, kakayahan, at estado ng buhay. May partikular na misyon ang Diyos para sa bawat isa sa atin. Ang tugon ng mga alagad ay kapuri-puri. Iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus nang walang pagdadalawang-isip. Suriin natin ang ating mga sarili, tayo ba, kapag tinawag ng Diyos, handa ba tayong talikuran ang ating mga “lambat”—o ang mga bagay na nagpapabigat sa atin sa pagsunod sa Kanya? Ang pagsunod kay Hesus ay nangangailangan ng radikal na desisyon at sakripisyo.
Sa Ebanghelyo hindi lamang tinawag ni Hesus ang mga alagad para sumunod; binigyan Niya sila ng malinaw na layunin at misyon: maging “mangingisda ng tao.” Tayo, bilang Kristiyano, ay tinatawag din upang magdala ng Mabuting Balita sa iba. Maaring sa ating pamilya, mga kaibigan, o komunidad. Hindi natin kailangang maging perpekto upang maging mabuting saksi; ang ating simpleng kabutihan, pag-ibig, at pagmamalasakit sa kapwa ay maaaring magdala ng liwanag ni Kristo sa mundo.
Ang kwento ng pagtawag sa mga alagad ay isang paanyaya rin para sa atin na suriin ang ating pagtugon sa Diyos. Handa ba tayong maglaan ng oras upang makinig sa Kanyang tawag? Bukas ba tayo sa posibilidad na babaguhin Niya ang direksyon ng ating buhay? Tayo ay tinawag hindi lamang para magdasal, kundi upang maging aktibong tagapagdala ng Kanyang pag-ibig sa mundo.
Sa tuwing nararamdaman natin na tinatawag tayo ng Diyos, kadalasan ang pagtugon natin ay may kasamang takot at pag-aalinlangan. Ngunit huwag nating kalimutang Siya rin ang nagbibigay ng lakas at biyaya upang magampanan ang pagtawag na ito. Inaanyayahan tayong tularan ang mga alagad, na buong kababaang-loob at buong pusong pagtitiwalang tumugon.
Binhi ng Hamon:
1. Ano ang mga “lambat” na dapat nating iwanan upang maging masigasig na alagad ni Hesus?
2. Sa papaanong paraan natin maipapakita ang pagtugon sa tawag ni Hesus sa ating kapwa?
Manalangin tayo. Panginoong Hesus, salamat sa Iyong pagtawag sa amin na maging Iyong mga alagad. Tulungan Mo kaming magtiwala sa Iyo nang lubos, at nawa’y masunod namin ang Iyong kalooban nang walang pag-aalinlangan. Gabayan Mo kami sa aming misyon na magdala ng Iyong liwanag sa iba. Amen.