Linggo, Enero 5, 2025

January 5, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon
Patnubay sa Misa

Pinasisigla ng halimbawa ng mga Pantas, idulog natin ang ating mga handog at kahilingan sa Panginoon:

Panginoon, gabayan mo kaming iyong liwanag!

Para sa Simbahang Bagong Jerusalem kung saan tinatawagan ng Panginoon ang lahat ng tao sa mundo: Nawa siya’y manatiling maliwanag na tanda ng pag-ibig
ng Diyos. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at lahat ng mga pinunong espirituwal: Nawa’y ang kanilang mga turo at halimbawa ay maging parang mga talang namamatnubay sa mga tao tungo kay Hesus. Manalangin tayo!

Para sa ating mga misyonerong nagsisikap na maghatid ng liwanag ng Kristiyanong pananampalataya sa mga di nakakakilala rito: Magtagumpay nawa sila sa pagpapalaganap ng mga pagpapahalaga ng Ebanghelyo sa kanilang kultura. Manalangin tayo!

Para sa mga kasapi ng mga BEC at mga pamayanang karismatiko: Nawa sila ay maging mga pampasigla sa ating mga parokya at sa bansa. Manalangin tayo!

Para sa bawat isa sa ating naririto ngayon: Nawa’y sumunod tayo sa paggabay ng Salita ng Diyos na ipinahahayag ng Simbahan. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng mga migrante at mga napilitang mangibang-bayan dahil sa digmaan. Nawa’y ang kanilang karapatan sa edukasyon na lubhang kailangan sa ikabubuti ng daigdig, ay maigalang at maipagkaloob ng Lipunan. Manalangin tayo!

Panginoong Hesus, tulad ng Jerusalem, bumabangon kaming nagniningning pagkat sumapit na ang iyong liwanag. Matulad nawa ang aming asal sa isang talang gumagabay sa iba tungo sa iyong nabubuhay at naghahari nang walang hanggan. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 2, 2023 at 12:51 am

PAGNINILAY: ANG DIYOS NA NAGPAPAHAYAG

Ipinagdiriwang ngayon ng ating Simbahan ang isa sa mga pinakaluma at pinakamagandang kapistahan. Ang tawag dito sa kapistahan ito ay “epipanya,” isang salita na nagmula sa wikang Griyego na nangangahulugang “pagpapakita” o “pagpapahayag”. Kaya ang pormal na tawag sa pagdiriwang na ito ay “Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon”.

Ipinapahayag sa atin ng liturhiya ngayon ang pagpapakilala ng kaligtasan ng Diyos sa sangkatauhan, hindi lang sa mga Hudyo, kundi kasama na rito ang mga Hentil. Ito ang ipinapahayag sa atin ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa nang tayong lahat ay hinirang ni Kristo na makibahagi sa kanyang misyon ng pagpapadala ng Mabuting Balita. Ito’y tanda na ang ating misyon ay pakikibahagi sa kalasapan ng kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan sa langit. Kaya dati pa sa Lumang Tipan ipinahayag na ang planong pangkaligtasan ng Diyos ay para sa lahat. Sa katunayan, ipinahayag ni Propeta Isaias ang liwanag ng Panginoon na magniningning mula Jerusalem patungo sa lahat ng mga bansa, at magmumula raw sa mga iyon ang mga taong nakasakay sa mga kamelyo na dadalaw sa silayan ng liwanag.

Kaya ang Ebanghelyo ay ang pagkilala kay Hesukristo sa pamamagitan ng mga Pantas/Mago. Kilala ang mga Pantas sa kulturang popular bilang “Tatlong Hari Mago,” subalit hindi naman nabanggit sa Ebanghelyo kung sila ba’y mga hari. Ni hindi rin natin kung ano ang propesyo nila kung sila’y mga pari ng isang matandang relihiyon o ang isa sa kanila ay isang Muslim. Hindi rin nabanggit kung tatlo nga ba sila, sapagkat ang numero ay itinaya sa tatlong handog nila: ang ginto, kamanyang, at mira. Maraming mga pag-aaral kung nasaan nga ba sila nagmula, siguro sa may bandang Kalagitnaang Silangan (Middle East). Ngunit ang mahalaga ay itong mga Mago na ito ay mga dalubhasang tila nga ba’y mataas ang kanilang antas sa lipunan.

Ipinahayag din sa kanila ang karunungan ng Diyos na ilarawan ang pagsikat ng mga bituin, at isa sa mga bagong tala ay tanda ng Pagsilang ng bagong Hari. Kaya lumakbay sila mula pa sa mga malalayong lugar upang ipagpasya kay Haring Herodes Magno tungkol sa nakita nila, na hindi nila nabatid noong una ang balak ni Herodes. At matapos nito ay sinundan nila ang tala hanggang natagpuan nila ang bahay na pinatitirahan nina Birheng Maria, San Jose, at ang Sanggol na Hesus. Ayon na nga sa Ebanghelyo ay sila’y sumamba sa paanan ng Sanggol at inialay ang kanilang mga handog. Kaya matapos ito, bumalik sila sa kanilang bansa nang malaman nila ang balak ni Herodes sa bata.

Mga kapatid, ang pagdiriwang natin ng Epipanya ay may kaugnayan sa ating pagdiriwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon. Sa pagpasok natin sa 2023, tayo rin ay patuloy na nagninilay tungkol sa kadakilaan ng Diyos na ipinakita sa Pagkatawang-tao ni Hesus. Matapos itong pagdiriwang na ito ay hindi pa natatapos ang Pasko ng Pagsilang dahil sa linggong ito ay pagninilayan pa natin ang pagpapakilala ng Panginoon (epipanya). Kaya natatapos ang mga masayang pagdiriwang sa susunod na Linggo, ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon. At matapos ang Pasko ay babalik po tayo sa Karaniwang Panahon. Kaya nga nawa’y makilala natin ang presensiya ng Diyos sa dakilang panahong ito upang dalhin natin ang kanyang pangalan sa ating mga ordinaryong pamumuhay.

Reply

FRANCIS CHARLES ESTABILLO January 1, 2025 at 10:31 pm

Sa ating ebanghelyo ang katanungan natin paano kaya kung bumalik pa sila kay Herodes para ituro kung nasaan si Jesus at hiindi sila sumunod sa sinabi ng Ama? Baka tayo ngayon ay wala at baka hindi nangyari ang mga kagustuhan ng Diyos. Sa ating mga tao nais rin ng Diyos na sabihin na huwag na tayong bumalik sa mga lugar kung saan tayo ang mapapahamak, sa lugar na tayo ay masasaktan at magkakasala, sa mga gawain na maaring makapagpalayo sa atin sa kaniya at sa mga gawaing maaaring maging dahilan ng hindi pagkaganap ng kaniyang mga balak para sa atin. Sa ating mga buhay marami tayong mga ipinagtataka o katanungan, baka sinasabi natin bakit hindi ito nangyari maganda pa naman sana to, sayang naman! Baka yung mga kahilingan natin na hindi ibinibigay ng Diyos sa atin hanggang ngayon baka yan ay makakapagpahamak sa atin kaya hindi niya ibinibigay, baka no ang sagot sa atin sa ngayon. Ang nais sabihin sa atin ng Diyos sa mga panalangin na hanggang ngayon hindi pa natin nakakamtan ay “NO!, No, not now o kaya naman YES! but not now”. Umasa tayo sakaniya na didinggin niya ang ating mga panalangin sa oras at panahon na kaniyang itinakda. AMEN

Reply

Mel Mendoza January 4, 2025 at 12:03 pm

PAGNINILAY:
Ang Pang-apat na Pantas

Ngayong Kapistahan ng Epipanya, ipinagdiriwang natin ang pagpapakita ng Panginoong Hesus bilang liwanag ng sanlibutan, hindi lamang sa mga Judio, kundi sa lahat ng tao, gaya ng sinisimbolo ng mga Pantas na mula sa iba’t ibang bayan. Ang kanilang paglalakbay ay tanda ng pananabik ng sangkatauhan na makilala ang Diyos, habang ang bituin na kanilang sinundan ay kumakatawan sa patnubay ng Diyos sa mga naghahanap sa Kanya.

Ang mga handog ng mga Pantas—ginto, kamanyang, at mira—ay may malalim na kahulugan:

1. Ginto – Simbolo ng pagka-hari ni Hesus. Siya ang Hari ng mga hari, ngunit ang Kanyang kaharian ay hindi makamundo, kundi espiritwal at walang hanggan.

2. Kamanyang – Simbolo ng Kanyang pagka-Diyos. Bilang Anak ng Diyos, Siya ang ating tagapagligtas na nagdudugtong sa atin sa Ama sa pamamagitan ng Kanyang panalangin at sakripisyo.

3. Mira – Simbolo ng Kanyang paghihirap at kamatayan. Ang mira ay ginagamit bilang pampahid sa mga bangkay, na nagpapahiwatig ng Kanyang misyon na magdusa at mamatay para sa kaligtasan ng sanlibutan.

Ang pagiging handang magbigay ng mga Pantas ng kanilang oras, kayamanan, at pananampalataya ay nagtuturo sa atin ng tunay na kahulugan ng pagsamba at pagbibigay ng ating sarili sa Diyos.

Ang Pang-apat na Pantas
Sa ating panahon, tayo ay ang pang-apat na pantas na patuloy na naglalakbay para hanapin ang Hari ng mga hari na walang iba kundi ang Panginoong Hesus. Sa misyon ng paghahanap kinakailangan na mayroon din tayong mga layunin at mga adhikain:

Una, sa Paghahanap sa Diyos – Tulad ng mga Pantas, sinisikap nating hanapin si Hesus sa ating pang-araw-araw na buhay. Sa ating mga panalangin, gawaing simbahan, at pagsisilbi sa kapwa, ipinapakita natin ang ating pananampalataya.
Paano ko hinahanap ang Diyos sa aking buhay? Ang mga Pantas ay naglakbay ng malayo at nagtiis ng hirap upang makita si Hesus. Tayo ba’y gumagawa ng paraan upang hanapin Siya sa ating pang-araw-araw na buhay, kahit ito’y nangangailangan ng sakripisyo?

Pangalawa, Pag-aalay ng Sarili – Ang ating mga alay ay hindi kailangang maging materyal. Maaari nating ialay ang ating mga talento, kabutihan, at sakripisyo para sa kaluwalhatian ng Diyos. Ano ang aking handog sa Diyos? Tulad ng mga Pantas, mayroon tayong maihahandog sa Panginoon: ang ating oras, talento, at kayamanan. Hindi mahalaga kung gaano ito kalaki; ang mahalaga ay mula ito sa ating pusong nagmamahal.

Sa panghuli ,Pagsunod sa Bituin – Ang “bituin” ay sumisimbolo sa patnubay ng Diyos. Ang ating pagsunod sa Kanyang kalooban, kahit mahirap ang landas, ay tanda ng ating pagiging tunay na pantas. Ang tanong, nagiging liwanag ba ako sa iba? Ang bituin ang nagbigay-gabay sa mga Pantas. Tayo, bilang tagasunod ni Kristo, ay tinatawag ding maging liwanag sa ating pamilya, komunidad, at lipunan, na nagpapakita ng pagmamahal ng Diyos sa iba.

Opo mga kapatid, maaari tayong matawag na “ika-apat na pantas” sa espiritwal na kahulugan. Ang pagiging pantas ay hindi lamang tungkol sa pagdadala ng mahalagang regalo tulad ng ginto, kamanyang, at mira. Sa ating buhay, maihahandog natin ang ating sarili, panahon, at pagmamahal bilang mga alay kay Hesus.

Bilang ika-apat na pantas, ang ating buhay mismo ang nagiging handog sa Diyos—isang patunay ng ating pag-ibig at pagsamba sa Kanya. Nawa’y ang ating paglalakbay sa pananampalataya ay maging tulad ng mga Pantas, puno ng pag-asa, pananampalataya, at kagalakan sa piling ni Kristo. Ngayong Epipanya, nawa’y matutunan nating tularan ang mga Pantas sa kanilang pananampalataya, pagsamba, at pagbibigay ng buong sarili sa Diyos.

Panalangin:
Panginoong Hesus, Ikaw ang Liwanag ng sanlibutan. Tulungan Mo kaming hanapin Ka sa aming buhay, sambahin Ka ng buong puso, at maging liwanag sa iba. Gabayan Mo kami sa tamang landas, gaya ng paggabay Mo sa mga Pantas. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: