Podcast: Download (Duration: 7:44 — 9.5MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Patnubay sa Misa
Hangad nating matupad ang lahat ng ninanais ng Diyos. Tigib ng tiwala sa kanyang pagmamahal sa atin, ating sambitin:
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin!
Para sa mga namumuno sa Simbahan, ang Bayang hinirang ng Diyos, upang maipamalas nila sa lahat ang dakilang halimbawa ng pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa lahat ng mga pari at mga namanata sa Diyos, mapuspos nawa sila ng dalisay na pagmamahal sa Diyos at sa kanilang kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa mga namumuno sa ating bansa, upang magsikap silang magpalaganap, hindi ng galit, poot, at paghihiganti, kundi ng tunay na pag-ibig sa kapwa, lalo na sa mga dukha at nangangailangan, manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa mga taong malalim ang sugat ng damdamin at hirap magpatawad sa mga nakasakit sa kanila, upang matutunan nilang ang wagas na pagmamahal lamang ang makapagdudulot sa kanila ng paghilom at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa ating lahat na nagkakatipon sa Lingguhang Eukaristiya, upang lumago tayo araw-araw sa pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa at matamo ang kaganapang kanilang hinahanap, manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa mga magulang na nagluluksa sa pagkamatay ng kanilang anak: nawa’y makatagpo sila ng suporta mula sa kanilang pamayanan at makatanggap ng kapayapaan at katiwasayan mula sa Espiritu Santo.
Ama naming mapagmahal, isugo mo sa amin ang iyong Banal na Espiritu upang mapuspos kami ng tunay na pag-ibig sa iyo at sa aming kapwa. Sana’y matamo namin ang aming nilulunggating kaganapan sa buhay at kasiyahan ng kalooban, at maging katulad ng iyong Anak na si Hesukristong aming Panginoon. Amen!
Pages: 1 2
« Sabado, Nobyembre 2, 2024
Lunes, Nobyembre 4, 2024 »




{ 7 comments… read them below or add one }
Pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ang dapat mangibabaw dito sa lupa para magkaroon tayo ng tunay na kapayapaan. Wala ng hihigit pa sa utos na ito. Kung mananatili ang pa-ibig sa loob ng tahanan ay may nakalaang pagpapala mula sa Diyos.
PAGNINILAY: Ang pinakabuod ng Bibliya mula Genesis hanggang Pahayag ay pag-ibig sapagkat ang ating Diyos ay pag-ibig. Tayong lahat ay patuloy na minamahal ng Panginoon, at ito’y isang paanyaya na tayo rin ay ipahalaga ang pag-ibig na iyon.
Ang Unang Pagbasa ay isang pangangaral ni Moises na tinatawag sa wikang Hebreo na “Shema, Israel”. Makikita natin sa pagbasa ang paanyaya ng propeta sa mga Israelita na dinggin siya sapagkat dala niya ang ang isang mahalagang mensahe mula sa Panginoon. Una niyang sinabi na matakot sila sa Panginoon sa pagsunod sa mga dakilang utos at kalooban. At dito sinabi naman ni Moises na mahalin nila ang Diyos nang buong puso, isip, kaluluwa, at lakas. Kaya ito’y paulit na ipinahayag ni Hesus sa Ebanghelyo nang tanungin siya ng isang eskriba kung ano ang pinakamahalagang utos sa lahat. Sa dami ng mga batas ng Hudyo, na ang eksaktong bilang ay 613, tila nga ba’y nakalimutan na nila ang pinakaimportante sa mga utos na ibinigay sa kanila. Dito sinipi ni Hesus ang “Shema” sa Unang Pagbasa tungkol sa pagmamahal sa Diyos, at ang Levitico 19:18 naman tungkol sa pagmamahal sa kapwa. At sinigurado niya na wala pang utos na higit sa dalawang ito. Kaya nga ang pagmamahal sa Diyos at kapwa ay ang pinakabuod ng Sampung Utos/Dekalogo, na para kay Hesus, kung bawal sa atin ang paglabag sa mga utos na iyon, ang kabutihan at kagandang-loob ay siyang dapat maging inspirasyon natin ng pagmamahal sa Panginoon at sa ating kapwa-tao.
Ang pagmamahal sa Diyos ay ang pagkilala sa kanya bilang pinakasanggalang ng ating buhay na sa kabila ng mga napupunong bagay ng mundo, siya pa rin ang tunay na nagbibiyaya at naggabay sa ating buhay. Kaya nga tayo’y nagtitipon sa simbahan tuwing Linggo at minsan bumibisita upang manalangin kahit 5 minuto upang makipag-usap tayo sa kanya at mabatid ang kanyang dakilang kalooban. Minsan binabasa natin ang Bibliya lalung-lalo ang Ebanghelyo sa bawat araw upang makilala ang mensahe niya para matuon ang ating buhay-pananampalataya sa kanya. At ang pagmamahal sa kapwa ay tinawag sa Ingles na “humanitarian”. Makikita dito ang ating pag-iintindi sa bawat pangangailangan ng isa. Kaya ginagawa natin ang tama hindi lang para tulungan sila, kundi pati na rin makita nila ang kahalagahan ng paggawa ng tama. Ganun rin ang paggawa ng kabutihan sa kanila upang tayo’y maging mabuting huwaran sa kanila na palaging maging matulungin sa ibang tao.
Kaya nga ang ating pagkakilanlan bilang mga Kristiyano ay nakasentro sa pag-ibig. At nawa ipakita natin ang pag-ibig ng Diyos na para sa lahat sa pamamagitan ng pag-ibig sa kanya at sa ating kapwa-tao upang maghari ang kabutihan at kagandang-loob sa buong mundo.
Kapuri puri ang Diyos na makapangyarihan sa lahat na may gawa ng langit at lupa. Maraming Salamat Amang Diyos. Kapayaan at kagalingan ng mga karamdaman ang sumaatin lahat. Amen
Kay Hesus na mismo na nanggaling…. Ang dalawang pinakamahalagang kautusan na magbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan, kapanatagan ng kalooban, pamumuhay sa lupa ng mapayapa, pagkakaroon ng relasyon sa Diyos at higit sa lahat ay ang makasama sa Paraiso kapag tayo ay pumanaw. Ito ay ang pagmamahal sa kapwa katulad ng pagmamahal sa ating sarili at higit sa lahat ay pagmamahal sa Diyos ng buong puso, isip at kaluluwa.
Hindi pa huli ang lahat, kinalulugdan ng Diyos ang taong nagsisisi at humihingi ng kapatawaran, mga taong nagsisikap na talikdan ng kasamaan. Samantalahin natin ang parating na Adviento, ihanda natin ang ating mga sarili, umpisahan linisin at ipagpatuloy kahit hindi na adviento at semana santa.
Ang dakilang utos “MAGMAHAL” kahit na minsan mahirap silang mahalin dahil sa ating limitasyon o kakayanan na mahalin ang iba.
I bring communion to the sick every Sunday,I need Gosphel reading,Thanks for your help,I will donate if I have money ?? God bless
PAGNINILAY: Sa ating mga pagbasa ngayon, ipinapaalala sa atin ng Diyos ang pinaka-ubod ng Kanyang utos: ang pag-ibig—pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Ito ang nagsisilbing gabay sa ating pananampalataya at sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Sa Unang Pagbasa mula sa Aklat ng Deuteronomio, ipinaalala ni Moises sa mga Israelita ang kahalagahan ng pagkatakot sa Diyos—hindi sa paraang takot na nag-uudyok ng pag-iwas, kundi takot na nagmumula sa pagpaparangal at pagmamahal sa Kanya. Ang pagkatakot na ito ang nagtutulak sa ating pagsunod at pagpapanatili sa Kanyang mga utos, na siyang nagbubukas ng pinto ng pagpapala at pagkalinga ng Diyos sa ating buhay.
Sa ating sariling buhay, madalas tayong napapaligiran ng mga tukso na maglayo sa atin sa Diyos—mga ambisyon, pansariling kagustuhan, o minsan ay mga gawain at responsibilidad na unti-unting nagiging hadlang sa ating pananampalataya. Ngunit sa pag-ibig sa Diyos, na may buong puso, kaluluwa, isip, at lakas, tayo ay inaanyayahan na ibalik ang ating pokus sa Kanya bilang sentro ng lahat ng ating ginagawa. Ang bawat dasal, sakripisyo, at simpleng kilos ng kabutihan ay nagiging paraan upang ipakita ang ating debosyon sa Kanya.
Sa Ikalawang Pagbasa, ipinapaalala ni San Pablo sa mga Hebreo ang dakilang pagmamahal at sakripisyo ni Hesus para sa atin. Si Hesus, ang Dakilang Saserdote, ay nag-alay ng Kanyang buhay minsan para sa lahat upang tayo ay lubusang mailigtas. Ang pag-aalay na ito ay nagpapakita ng isang pag-ibig na hindi natitinag at hindi nagmamaliw—isang pagmamahal na handang magbigay ng lahat, maging ang Kanyang sariling buhay, para sa ating kaligtasan. Bilang mga Kristiyano, tayo ay tinatawag na sundin ang halimbawa ni Hesus sa pagbibigay ng ating sarili, hindi lamang sa Diyos kundi para sa ating kapwa.
Sa Mabuting Balita, binibigyang-diin ni Hesus ang pangunahing utos na maging bukal ng ating pagkatao: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip, at buong lakas,” at “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Ang pag-ibig na ito ay hindi simpleng emosyon kundi isang aktibong pagkilos. Sa bawat pagkakataon na nagpapakita tayo ng pagmamahal, kabutihan, at malasakit sa iba, binibigyang-buhay natin ang utos na ito. Mahirap mahalin ang kapwa lalo na kung nasasaktan tayo o nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan, ngunit dito pumapasok ang tunay na kahulugan ng pagmamahal na ipinag-uutos ng Diyos—isang pagmamahal na may kasamang pagpapakumbaba, pasensya, at pagpapatawad.
Sa ating mga gawain at relasyon sa araw-araw, nawa’y magsilbing gabay ang aral na ito: mahalin ang Diyos sa pamamagitan ng taos-pusong pananalig at pagsamba sa Kanya, at mahalin ang kapwa sa pamamagitan ng paglilingkod, pag-unawa, at pagpapatawad. Sa ganitong paraan, tinatahak natin ang landas patungo sa kaharian ng Diyos—isang kahariang binubuo ng walang hanggang pagmamahalan at pagkakaisa. Ang Diyos na mismo ang nagsasabi, “Malapit ka nang mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos.” Sana ay maging inspirasyon ito upang patuloy nating pagsikapang magpakabanal at maging ilaw sa iba.
Nawa’y ipagkaloob sa atin ng Diyos ang biyaya ng tunay na pag-ibig na hindi lamang nananatili sa ating puso kundi lumalabas sa ating mga salita, gawa, at bawat desisyon sa ating buhay. Ang bawat hakbang ng pagmamahal ay hakbang din ng pagbabalik-loob sa Diyos, at sa ganitong pamumuhay, makakasumpong tayo ng tunay na kapayapaan at kagalakan na tanging sa Kanya lamang matatagpuan. Amen.