Podcast: Download (Duration: 7:45 — 9.5MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Araw ng mga Kaluluwa
Patnubay sa Misa
Kaisa ng lahat ng naniniwalang walang kamatayan ang kaluluwa at muling mabubuhay ang ating
katawan, ipanalangin natin ang mga pangangailangan ng lahat ng nabubuhay at nangamatay. Maging tugon natin ay:
Panginoon, dinggin ang aming panalangin!
Para sa lahat ng mga Kristiyanong sumasampalataya sa buong daigdig: Nawa ang asal nila’y laging maging pagbibigay-saksi sa pananampalatayang ipinahahayag ng mga labi nila at sa pag-asa sa buhay na walang hanggan. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa, ating Obispo, at lahat ng ibang pinunong espirituwal: Nawa magpatuloy silang magpahayag ng turo ng Simbahan nang buong linaw at tapang, at isabuhay ito araw-araw. Manalangin tayo!
Para sa ating mga pinunong pambayan at lahat ng may pananagutan sa pagtataguyod ng kagalingang panlahat: Nawa ipagtanggol nila ang matuwid, gawin ang tama, at pigilan ang mga malamang na magpahamak sa madla. Manalangin tayo!
Para sa mga doktor, nars, at mga taong nag-aalaga sa may malulubhang karamdaman: Nawa tumupad sila sa kanilang mga tungkulin nang may paggalang sa kabanalan ng tao at pasiglahin nila ang kanilang mga pasyente sa pag-asa sa kaligayahang walang hanggan. Manalangin tayo!
Para sa mga nalalapit sa dulo ng kanilang buhay: Nawa maluwag silang makapaghanda para sa kanilang pakikipagtagpo sa Panginoon nang malayo sa mga bagay na makamundo at lubos na nagtitiwala sa awa ng Diyos. Manalangin tayo!
Para sa ating pamayanang gumugunita sa ating mahal na yumao: Nawa puspusin ng pagmamahal ang ating pag-alaala sa kanila at maipahayag ito sa taimtim na pagdarasal at paggawa ng mabuti.
Manalangin tayo!
Panginoon, nagpapasalamat kami sa Iyo sa pagbibigay Mo sa amin ng ganitong pagkakataon upang gunitain ang aming mga yumao at tulungan sila sa kanilang kasalukuyang pangangailangan sa pamamagitan ng aming pagdarasal. Pagkalooban Mo sila, Panginoon, ng kapayapaan at kaligayahang ninanais namin para sa aming lahat. Isinasamo namin ito sa ngalan ni Hesus na aming Panginoon. Amen!
Pages: 1 2
« Sabado, Nobyembre 2, 2024
Linggo, Nobyembre 3, 2024 »




{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Buwan ng Nobyembre ay inilaan ng SImbahan upang gunitain ang mga mahal na yumaong sumakabilang-buhay. Subalit ngayong Ikalawang Araw ng buwang ito, naging katangi-tangi ang okayson sa Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano, o mas kilala bilang Araw ng mga Kaluluwa. Matapos ipagdiwang ang Lahat ng mga Banal, ating inaalala ngayon ang lahat ng mga yumao at pumanaw mula sa daigdig na ito na may pananampalataya na hindi natatapos ang buhay sa Kamatayan, bagkus sa darating na buhay na walang hanggan.
Napakadaming mga Pagbasang maaring gamitin ng mga parokya na may kaugnayan sa pagdiriwang ngayon. Kaya maaring gamitin ang mga Pagbasang nakalagay sa itaas ng pahinang ito, o kaya ang iba pang pagbasang mahahanap sa Misa para sa mga Yumao. Gayunpaman, ang pinakaugat ng pagdiriwang ngayon ay tungkol sa ating paniniwala bilang mga Kristiyano hindi lang sa bagong buhay, kundi pati na rin sa pagkabuhay na mag-uli.
Hindi natatapos ang buhay sa kamatayan, kundi mayroon pag-asa ng bagong buhay hindi sa mundong ito, kundi sa kabilang banda, at iyan ay gagampanan sa pagkabuhay na mag-uli. Ayon nga sa ating Panginoong Hesukristo, ang mga mabubuti ay magkakaron ng walang hanggang buhay sa langit, at ang mga masasama naman ay magkakaroon ng walang hanggang buhay sa impiyerno. Kaya ang langit at impiyerno ay mga totoong realidad kung saan hahantong ang buhay ng tao batay sa kanyang mga gawain habang namumuhay pa. Subalit sa ating pananampalataya, naniniwala tayo na may mga taong hindi nakapagsisi sa iilang kasalanan, ngunit sila’y namuhay nang matapat. At iyan ang ating paniniwala sa Purgatoryo, na ang mga kaluluwang ito’y ating ipinapanalangin na makamtan nila ang langit balang araw sa patuloy na paglilinis.
Ang doktrina ng purgatoryo ay sinasabi raw ng ibang sekta na walang batayan sa Bibliya. Ngunit ang paglilinaw diyan ay ang salita mismo ay wala sa Banal na Kasulatan, subalit ang turo mismo ay nasa Bibliya, lalung-lalo sa 2 Macabeo 12:42-46 na kung saan niloob ng Diyos na magkaroon ng pagbabayad-puri sa mga buhay at mga patay upang sila’y mailigtas mula sa pagkakasala. Kaya mga kapatid, mahalaga na pahalagahan natin ang buhay na binigyan ng Diyos sa bawat isa. At nawa patuloy tayo sa paggawa ng tama at mabuti, lalung-lalo sa ating kapwa. Kung paano tayong nagpakita ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa, iyan ang magiging batayan ng pagkakamtan natin ng kaligayahan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan.
Nawa patuloy rin tayo sa ating pagsampalataya sa pagkabuhay na muli ng nangamatay ng tao at sa buhay na walang hanggang upang balang araw tayo rin kapag mamatay ay makakasigurado sa bagong buhay na inilaan sa atin ng Panginoon.
Panginoon maraming salamat sa mga salita ta gabay mo upang kami ay makarating at makasama mo sa iyong kaharian kong saan may buhay na walang hanggan.patuloy mo nawa kaming gabayan at ituro ang daan patungo sayo na ikaw ang may likha sa amin at nagbibigay buhay.nawa sa kabila ng ng aming mga nagagawang kasalanan ay humihingi kami ng kapatawaran.at nawa patuloy mo kaming gabayan sa lahat ng mga pagsubok na aming nararanasan.dito sa mundong aming ginagalawan.all this i pray i jesus name amen.
Sa ating Ebanghelyo at Unang Pagbasa mayroon tayong mapapansin sa unang pagbasa nakarinig tayo ng mga paghahandog at sa Ebanghelyo naman sinabi na walang hindi makapupunta sa langit ng hindi sa pamamagitan ng Anak na si Jesus. Magandang palala sa atin na kung mayroon man tayong inaasam na kahit ano man yan hindi mahalaga para sa Diyos ang kung ano ang inialay mo sakaniya, pera man yan o pagkain. Ang sinasabi sa atin ng Diyos ngayon na tayo ay magkaroon palagi ng tiwala sakaniya, ang pagtitiwala natin sakaniyang kapangyarihan ang magdadala sa atin sa kaniyang kaharian at hindi ang mga alay. Sa pamamaraan ng pamumuhay ni Jesus sana ito yung masundan nating yapak at sigurado kapag atin itong sinunod dahil ito nga ang daan patungo sa Kaharian ng Ama ay tiyak na makakapasok tayo sa kaniyang Kaharian.
Amen
Ang Nobyembre 02, ay itinalaqa ng ating Simbahan bilang Araw ng Paggunita sa lahat na Pumanaw na Kristyano o Paggunita sa mga Yumao o Paggunita sa mga Kaluluwa. Anuman ang itawag natin sa petsa ng Nobyembre 02, ito ay ang paggunita natin sa lahat ng ating mga mahal sa buhay na nauna na sa atin patungo sa kabilang buhay. Pag sinabing paggunita, ito ay ang patuloy natin pakikipag-ugnayan sa mga yumao na hindi nagtapos sa araw ng kanilang kamatayan. Kaya napakahalaga na dito palang sa lupa ay may itinanim na tayong magandang relasyon sa ating kapwa na magbubuklod sa atin ng magandang ugnayan sa isa’t isa na kawangis ng pakikipag-ugnayan sa atin ng Diyos- ang ugnayang ito ay ang mga Dakilang Utos ng Pag-ibig, una, ang pag-ibig sa Diyos at ikalawa, ang pag-ibig sa kapwa na siya naman ang tema ng ipagdidiriwang ng ating Simbahan bukas Nobyembre 03.
Sa ating araw araw na paglalakbay dito sa lupa, maaring pwedeng hindi madali ang bumuo ng isang magandang ugnayan sa isa’t isa dahil sa ating unique na mga personalidad na maaring naman nating gamitin ang pagkaka- iba-ibang ito bilang kalakasan at hindi upang maging hadlang sa ating paglago ng ating pananampalataya. Sa pamamagitan nito makakamit natin ang ugnayan na may pag-ibig tulad ng ipinangaral at ipinadama sa atin ni Hesus, na bagamat may mauuna sa atin sama-sama pa din tayong magkikita sa kabilang buhay. Sapagkat sinabi ni Hesus “Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayun, sinabi ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.”