Biyernes, Nobyembre 1, 2024

November 1, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal
Patnubay sa Misa

Sa pagpupugay natin sa lahat ng santo sa langit, pati na rin sa mga di-gasinong kilala, ialay natin ang pakumbaba nating dasal para lalo pang marami ang makabahagi sa kaligayahang walang hanggan. Maging tugon natin ay:

Diyos ng kabanalan, dinggin ang aming panalangin!

Para sa Simbahang tahanan sa lupa ng lahat ng mga santo: Nawa siya’y maging masuyong inang nagtuturo sa kanyang mga anak na maging banal sa pagsasabuhay ng mga pagpapahalagang itinatampok sa “Mapapalad.” Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at lahat ng iba pang pinunong espirituwal: Nawa sila’y maging maningning na halimbawa ng kabanalang alinsunod sa halimbawa ng Mahal na Puso ni Hesus, Kalinis-linisang Puso ni Maria, at lahat ng mga santo. Manalangin tayo!

Para sa ating mga pinuno: Nawa sikapin nilang bigyan ng hustisya ang mga naaapi, magkaroon ng tunay na kapayapaan, at gamitin ng tama ang yaman ng bayan upang walang sinuman ay nagugutom o nauuhaw. Manalangin tayo!

Para sa mga Kristiyanong inuusig dahil sa kanilang pananampalataya: Nawa sila’y maging matatag sa harap ng pagpapakasakit at kamatayan, buong-tiwala sa maluwalhating gantimpalang naghihintay sa kanila sa langit. Manalangin tayo!

Para sa lahat nating kapatid na yumao: Tanggapin nawa sila sa kaligayahan ng buhay na walang hanggan sa langit, sa awa ng Diyos at pamamagitan ng lahat ng santo. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat: Nawa muli nating dinggin ang panawagan sa ating maging mga santo at pagsumikapan natin ito sa pagtupad ng mga tungkulin tulad ng mga banal na nauna sa atin. Manalangin tayo!

Panginoon ng lahat ng kabanalan, Diyos ng kapayapaan, dinggin ang aming mga kahilingan at ipagkaloob ang kaligayahang walang hanggan sa langit sa lahat ng tinubos ng dugo ni Hesus, na nabubuhay at naghahari magpakailanman.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 30, 2018 at 4:48 pm

Pagninilay: Ang Unang Araw ng Nobyembre ay isang espesyal na okasyon sapagkat ating ipinagdiriwang ang Lahat ng mga Banal, kapwang mga kilala at ‘di kilalang santo. Ang titulo na “santo” ay may katumbas na kahulugang “banal”. Ito’y sapagkat habang sila’y nabubuhay sa daigdig, namuhay sila sa kabanalan ng Diyos sa kanilang kababang-loob na pagkatao. At matapos ang kanilang mga pinagdaanan sa sangkalupaan, natagumpayan nila ang korona ng buhay na walang hanggan sa kalangitan. Ito yung nakikitang pangitain ni San Juan sa Unang Pagbasa nang makaranas siya ng mga kaiba-ibang pangitain habang isinusulat ang Aklat ng Pahayag. At nakita rin niya ang napakadaming taong natagumpayan ang mismong korona ng kaluwalhatian matapos ang kanilang mabubuting pamumuhay sa daigdig, at sila’y sumasamba sa paanan ng trono ng Kordero ng Diyos, na si Hesukristo. Kaya nga nararapat na tawagin ang mga Banal na “mapapalad”. At si Hesus sa Ebanghelyo ay ipinangaral niya sa kabundukan ang Walong Pagpapala/Eight Beatitudes. Ang mga 8 kasabihang ito ay nagsasabi na kahit sa mga oras ng kapighatian at pagdurusa, mapalad pa rin ang taong may lakas na loob na patatagin ang pananampalataya sa Diyos at ang paraan ng kabutihan. At ang gantimpala ay buhay na walang hanggan at iba pang mga kaganapang binibigyan ng Diyos na nararapat sa bawat isa. Siguro mahirap maging dukha o kaya gutom/uhaw, pati rin ang pagiging malungkot, dahil marami tayong mga ari-arian at mga bagay na nagpapasaya at nagpapaginhawa ng ating buhay. Ngunit ang pinupunto lamang ni Kristo sa Walong Pagpapala na sa kabila ng mga makamundong bagay na nagiging solusyon sa mga problema natin, hindi dapat mawalan sa atin ang mga espirituwal na pagpapahalaga na nagpapatibay sa ating relasyon sa Diyos at sa kapwa. Kaya nga si San Juan sa Ikalawang Pagbasa ay nag-aanyaya sa atin na makilala natin ang pagmamahal ng Diyos para sa lahat, at itong pagmamahal ng Diyos ay ating inangkin upang karapat-dapat tayo’y tawaging mga anak niya. Kaya tayo’y inaanyayahan na maging malinis ang kalooban na may kadalisayan ng puso sa muling pagpaparito ni Hesus sa katapusan ng panahon. At ganyan nga ang ginawa ng lahat ng mga santo na tunay na sila’y naging matapat sa kalooban ng Diyos hanggang sa nakamtan nila ang kaligayahan at kaluwalhatian sa kabilang buhay. Maraming mga Santo ay hinirang ng Simbahan at ipinagdiriwang sa hiwa-hiwalay na mga araw, ngunit may mga santo rin naman na kahit walang pagdiriwang ay ginagawang “saint of the day” kung ninanais nating basahin ang kanilang talambuhay. Mahalaga rin bilang mga Katoliko na hindi kailanman sinasamba natin ang mga banal katulad nina Birheng Maria, San Jose, atbp., dahil ang pagsamba/latria ay nakatuon lamang sa Diyos, ang Banal na Santatlo. Ang debosyon mga Santo ay itinuturing natin na paggalang/dulia (hyperdulia para kay Maria) sapagkat sila’y nagsisilbing inspirasyon natin upang mamuhay nang nararapat sa mundong ito. Nawa’y tularan natin ang mga Banal sa pagiging tunay na mapalad ayon sa pamantayan ng Panginoon.

Reply

Ellen Puso Soriano November 1, 2022 at 2:34 am

Nov 1 ay ang tinatawag na All Saint Day. Ang pagpaparangal o ang pagdiriwang sa mga taong naging tapat sa pagsunod sa kaluoban ng DIOS. Anu mang hirap at kadustahan sa kanilang pagpahayag sa mabuting balita ng kaligtasan, Pinahalagahan nila ang pagkahirang sakanila higit sa lahat ang tinuring silang mga anak ng DIOS anyone sa
1 Juan 3:2 mga minamahal anak na tayo ng DIOS ngayon ngunit Hindi pa nahahayag ang maging kalagayan ,ngunit alam nating sa pagparitu muli ni Kristo Taco’y matutulad sa kanya. Kaya’t ang sinumang may ganitong pag-asa ay nagsisikap na maging malinis ang pamumuhay tulad ni Cristo Amen.

Kaya ang nanatiling tapat sa DIOS sa likod ng mga kahirapan, kadustahan, at pag-alumina ay may nakalaang gantimpalang buhay na walang hanggan. At silay tinatawag na mga banal..

Sa ating buhay din ay maging tulad din tayo sa mga banal sa sinauna Kung manatili tayong tapat sa DIOS at sumunod sa kaluoban ng DIOS.

Isa na namang paalala sa atin na kailanman Hindi nasasayang ang ating pagpapagal, Sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng kaligtasan. Sikaping mamuhay na May malinis na adhikain tapat at mapagtiis sa kadutahan. Iwasang mamuhay sa makamundong layunin. Mahirap Man ngunit may DIOS tayong kasama hanggang sa wakas ng panahon.

Kaya itakwil na natin ang mga bagay na nakapagpabigat sa ating pamumuhay dito sa mundong ito.. Pagsisihan at talikdan ang mga kasalanang nagawa lihim o lantad Man ito lantad sa paningin ng DIOS.. AMEN

MANALANGIN TAYO..

AMA NAMIN MARAMING SALAMAT SA MGA BANAL MONG SALITA. NAWA MANATILI KAMING MAKA-UGNAY NITO AT MAISABUHAY ANG LAHAT. TULONGAN MO KAMING MAMUHAY AYON SA KALOOBAN MO.UPANG KAMI ma’y tawaging mapalad tulad sa mga lingkod mo noong kapanahunan. Matularan nawa namin ang mabuting halimbawang iminumungkahi mo sa mabuting balitang ipinahayag MO araw2 Amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: