Huwebes, Oktubre 31, 2024

October 31, 2024

Huwebes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Efeso 6, 10-20
Salmo 143, 1. 2. 9-10

Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.

Lucas 13, 31-35


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Thursday of the Thirtieth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Efeso 6, 10-20

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Sa wakas, magpakatibay kayo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa Panginoon at sa tulong ng dakilang kapangyarihan niya. Isuot ninyo ang baluting kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga lalang ng diyablo. Sapagkat ang kalaban nati’y hindi mga tao, kundi mga pinuno, mga maykapangyarihan, at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa sanlibutang ito – ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid. Kaya’t isuot ninyo ang baluting mula sa Diyos. Sa gayun, makatatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng masamang araw na iyon, at pagkatapos ng inyong pakikipaglaban ay matatag pa rin kayong nakatayo.

Kaya’t maging handa kayo: gawin ninyong bigkis ang katotohanan, itakip sa dibdib ang baluti ng pagkamatuwid, at isuot ang panyapak ng pagiging handa sa pangangaral ng Mabuting Balita ng pakikipagkasundo sa Diyos. Taglayin ninyong lagi ang kalasag ng pananalig kay Kristo, bilang panangga’t pamatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng Masama. Isuot ninyo ang helmet ng kaligtasan, at kunin ninyo ang tabak na kaloob ng Espiritu, samakatwid, ang Salita ng Diyos. Ang lahat ng ito’y gawin ninyo sa pamamagitan ng mga panalangin at pagsamo. Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, sa patnubay ng Espiritu. Kaya’t lagi kayong maging handa, at patuloy na manalangin para sa lahat ng hinirang ng Diyos. Ipanalangin din ninyong ako’y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Mabuting Balita. Dahil sa Mabuting Balitang ito, ako’y sinugo, at ngayo’y natatanikalaan. Kaya’t ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang, gaya ng nararapat.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 143, 1. 2. 9-10

Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.

Purihin ang Poon, na aking sanggalang,
sa pakikibaka, ako ay sinanay;
inihanda ako, upang makilaban.

Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.

Matibay kong muog at Tagapagligtas,
at aking tahanang hindi matitinag;
tagapagligtas kong pinagtitiwalaan,
nilulupig niya ang sakop kong bayan.

Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.

O Diyos, may awitin akong bagung-bago,
alpa’y tutugtugin at aawit ako.
Tagumpay ng hari ay iyong kaloob,
at iniligtas mo si David mong lingkod.

Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.

ALELUYA
Lucas 19, 38; 2, 14

Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Hari natin
na ngayon ay dumarating;
kapayapaan ay kamtin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 13, 31-35

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Dumating noon ang ilang Pariseo. Sinabi nila kay Hesus, “Umalis ka rito, sapagkat ibig kang ipapatay ni Herodes.” At sumagot siya, “Sabihin ninyo sa alamid na iyon na nagpapalayas ako ngayon ng mga demonyo at nagpapagaling, bukas ay gayun din; sa ikatlong araw, tatapusin ko ang aking gawain. Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas at sa makalawa; sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta!

“Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga sinugo ko sa iyo! Makailan kong sinikap na kupkupin ang iyong mga mamamayan, gaya ng paglukob ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo. Kaya’t lubos kang pababayaan. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, ‘Pagpalain nawa ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 29, 2020 at 12:12 am

Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ay ang huling pamamaalam ni San Pablo sa mga taga-Efeso. Ipinaalala ng Apostol sa kanila ang pagiging matibay at matatag sa pananampalataya at kabutihang-loob ng Panginoon. Subalit binabala sila na iwasan at labanan ang bawat hakbang ng kasamaan sa pamamagitan ng pagsuot ng baluting kaloob ng Diyos. Kaya sa ating buhay, dapat tayong maging handa sa anumang sitwasyon sa pamamagitan ng pananalig, kabutihang-loob, katarungan, at kapayapaan. Hayaan natin ang Panginoon na maging gabay natin upang tuparin natin ang misyong iniaatas niya sa atin.

Ang Ebanghelyo ay isang pananakit ni Hesus sa mga taong hindi tumatanggap sa kanya. May mga Pariseong lumapit sa kanya na nagsasabing ipapatay siya ni Haring Herodes Antipas. Matatandaan sa kamay ng haring pinugutan ng ulo ang pinsan ng Panginoon na si San Juan Bautista. Subalit hindi natatakot si Hesus kay Herodes, kaya ipinasabi niya sa kanila na sabihin sa hari na patuloy na nangyayari ang mabuting gawain niya hanggang sa matupad ang plano ng Diyos sa katuparan. At si Hesus ay naglabas ng sama ng loob sa banal na lungsod sa pagpapatay ng mga tao sa mga propeta ng Diyos. Makikita natin na hindi tinanggap ng mga tao ang kanilang mga mensahe, kaya ito rin ang dinadanas ni Hesus lalung-lalo na sa mga pinuno ng bayan. Alam ni Hesus ang kanyang sasapitin sa Jerusalem nang siya’y hahagupitin, ipapako sa Krus hanggang sa kanyang huling hininga. Kaya ang Misteryong Paskwal ay magsisilbing tanda upang mas makilala ng mga tao ang Diyos Ama.

Reply

Jimboy Leyva October 29, 2020 at 7:58 pm

Sa panahon natin ngayon mas kailangan natin ipairal ang katarungan, katotohanan at pagiging malakas at matatag sa lahat ng oras, wag tayo mag patukso sa mga bagay na poposes tayo, katulad ng mga bagay na luho, lagi tandaan lahat ng ito ay instrumento lamang at lahat ng ito’y panandalian lamang, kaya’t mga kapatid ating diligan at payabungin ang ating mga puno na kung saan kailngan natin lumaki ng matatag at punong puno ng sanga para sa ating mga kapatid na kung saan dapat natin maimpluwensyahann, wag tayo tumigil na ipahayag ang mga balita at wag tayong sumuko na gawin ang kalooban ng ating panginoon, sabi nga nila the more na palapit ng palit kay god or kung ikaw ay naglilingkod sa kanya mas lumalkas ang ating mga kaaway na kung tayo’y lilinlangin na magkasala at mawalay tayo sa ating panginoon. kaya’t nananawagan ako sa mga kabataan na katulad ko na naglilingkod sa ating diyos, maging alerto tayo sa lahat ng oras, panahon at pangyayari, Amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: