Podcast: Download (Duration: 6:30 — 4.6MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Patnubay sa Misa
Mga kapatid, si Hesus ay nagpakita ng matinding awa at habag sa mga makasalanan at mahihirap. Kung kaya ating ipagdasal na tayo rin, tulad ni Bartimeo, ay gumaling sa ating pagkabulag at kawalan ng malasakit sa mga dukha, lalo na sa ating mga kapatid na nakakulong. Ang ating itutugon ay:
Panginoon ng Liwanag, Pagalingin Mo kami!
Para sa Simbahan. Gabayan po Ninyo si Papa Francisco, mga Obispo, pari, at inilaan bilang instrumento ng Iyong pag-ibig. Nawa’y tulungan nila ang aming mga kapatid na nakabilanggo at mga pinagkaitan ng kalayaan na maging imahe ng Panginoon. Manalangin tayo sa Panginoon!
Dalangin namin na ang mga wtoridad ng BJMP, BUCOR, mga gobernador, at mga tagapangasiwa ng piitan ay maging mahabagin sa mga PDL, maglingkod nang may malasakit, at gumawa ng mas mabuting hakbang para sa kanilang kapakanan. Manalangin tayo sa Panginoon!
Para sa Jail and Prison Chaplains at Volunteers in Prison Service (VIPS) sa buong bansa, hinihiling namin ang inyong patnubay at proteksyon sa kanilang paglilingkod sa PDL at kanilang pamilya, upang maging instrumento ng reporma at muling pagbabalik sa lipunan. Manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa mga PDL, nakulong, at pinatawad: Nabubuhay sila sa maraming hirap. Panginoon, ikaw ay inusig na inosente; ibuhos Mo ang iyong awa upang sila’y aliwin, magbago, at maghanda sa kalayaan. Pagpalain ang kanilang pagkakasundo. Manalangin tayo sa Panginoon!
Para sa mga nasa kulungan na namatay sa huling pandemya. Tinawag mo sila mula sa sakit ng pagkakulong. Idinadalangin namin ang mga bilanggo na ito, na bigyan mo sila ng maawaing paghatol at walang hanggang kapahingahan at gantimpala. Manalangin tayo sa Panginoon!
Ipagdasal natin ang ating pansariling hangarin. (Saglit na katahimikan.) Manalangin tayo sa Panginoon!
Amang mapagmahal, alam namin na ikaw ay nalulugod kapag kami ay bumabaling sa iyo. Hipuin mo at pagalingin ang aming mga kapatid na bilanggo at tulungan silang mamuhay ng bagong buhay, sa pamamagitan ni Kristo, aming Panginoon. Amen!
Pages: 1 2
« Sabado, Oktubre 26, 2024
Lunes, Oktubre 28, 2024 »




{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Tayo ay binibiyaan ng Panginoon ng mga pagpapala sa ating araw-araw ng Panginoon. Higit sa lahat, tayo ay binibigyan niya ng paningin hindi lang sa pisikal, kundi pati na rin sa espirituwal na aspeto, upang makita natin ang kalagayan ng ating komunidad/lipunan at ang mga pangangailangan ng ibang tao.
Sa ating Ebanghelyo (Marcos 10:46-52), binibigyang-pansin ni San Marcos ang isang pagtatagpo ni Hesus sa isang bulag na nagmamalimos sa tabi ng daan, at ang lalaking ito ay si “Bartimeo” na mula sa wikang Hebreo ay isinasalin bilang “Anak [Bar] ni Timeo”. Nang marinig niya si Hesus ay nasa tabing daan ng Jerico papuntang Jerusalem, sumigaw siya ng panawagan na kaawaan siya ng Anak ni David. Para kay Bartimeo, naniniwala siya na si Hesus na mula sa lahi ni Haring David ay ang Mesiyas na magbibigay hindi lang ng kaligtasan, kundi pati na rin ng kaganapan ng pangangailangan ng mga tao. Kahit siya’y pinapatahimik ng tao, patuloy lang siya sa pagsisigaw hanggang sa pinalapitan siya kay Hesus. At dito tinanong sa kanya ng Panginoon kung anong gusto niya, at isa lang ang ninanais ni Bartimaeo, na makakita muli. At dahil sa tindi ng kanyang pananampalataya, nabiyayaan siya ng paningin at sumunod sa mga yapak ni Hesus.
Tayo’y mga binyagan na kabilang sa pamilya ng Diyos ay nakikibahagi sa misyon ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Sa Unang Pagbasa (Jeremias 31:7-9), makikita natin ang pangako ng Diyos sa kanyang bayang binihag ng mga taga-Babilonia na sila’y ipapanumbalik niya. Kaya nga ang propesiya ni Jeremias ay hindi lang tungkol sa pagpapalaya ng mga Hudyo mula sa pagkabihag sa Babilonia, kundi ito rin ay patungo sa gawain ni Hesus na tuparin ang kaligtasan ng tao sa pamamgitan ng pag-aalay ng kanyang buhay sa Krus. Kaya sa Ikalawang Pagbasa (Hebreo 5:1-6), si Hesukristo ay ang dakilang saserdote na naghandog ng isang alay na pinakaganap, at hindi na kailanma’y kinakailangan ng pisikal na handog. Bagamat siya ay Diyos ay pinili niyang magpakumbaba at maging masunurin sa dakilang kalooban ng Diyos. At ito’y kanyang tinupad nang siya’y mamatay sa Krus upang mailigtas tayo mula sa pagkakasala at bigyan tayo ng bagong buhay at mas matatag na pananampalataya.
Kaya nga ang biyaya ng pananamapalataya ay ang ating espirituwal na paningin upang makilala natin ang tunay na kaligayahan ng ating buhay na mismong Panginoon lamang ang maibibigay. Ngunit tayo rin ay parang si Bartimeo na hindi namang pisikal na bulag, kundi hindi pa rin nakikita ang ibang realidad ng ating buhay. At minsan ang mga realidad na ito ay masakit sa punto na naroroon pa rin mga problemang hinaharap ng iba’t ibang tao. Kaya sa pagkakataon ito, tularan natin ang tamang dispisyon ni Bartimeo na tayo’y mamulat sa mga kaganapan ng ating buhay at ng buhay mayroon dito sa mundong ito. At nawa’y tularan din natin higit sa lahat si Hesus na maging maawain at mapagmalasakit sa pisikal at espirituwal na pangangailangan ng ibang tao.
Hi we serve the mass here in Port Macquarie New SouthWales Sydney Australia.I appreciate much of your website, it does help our community get resouces of the reading and other related information in regards to our service at the church.
PAGNINILAY
Kung minsan ay binubuksan natin ang ating mga mata sa umaga, at hindi natin napapansin ang sikat ng araw, ang luntiang mga puno, ang mga kulay sa ating silid, ang init o kalungkutan sa mga mukha sa ating paligid. Kung tayo ay naging bulag, tulad ni Bartimeo sa Ebanghelyo ngayon, nais nating buksan ang ating mga mata at makita ang lahat ng makikita. Hindi tayo maaaring magkaroon ng sapat sa mundong ito na puno ng liwanag sa ating paligid. Hilingin natin sa Panginoon na bigyan tayo ng pagkakagusto para sa lahat ng makukuha ng ating mga mata: hindi ang mga piling teleserye na kuha ng TV screen, ngunit ang walang katapusang pagkakaiba-iba ng tanawin at tanawin ng tao na nakapaligid sa atin. Magdasal tayo kasama ni Bartimeo na matanggap natin ang ating paningin at marinig ng Diyos ang ating mga daing at tumugon Siya sa atin .
Panginoong Hesus, buksan Mo ang aming mga mata sa Iyong presensya sa aming buhay. Amen.
***
Sa paggunita ng Prison Awareness Sunday at sa konteksto ng Ebanghelyo ni San Marcos tungkol kay Bartimeo, ang bulag na nananalig kay Hesus, nawa’y mapagnilayan natin ang mga kahulugan ng pananampalataya at pag-asa. Katulad ni Bartimeo, maraming mga kapatid nating nasa bilangguan ang nagdurusa at naghahangad ng pagbabago at kalayaan—hindi lamang sa pisikal na anyo, kundi pati sa espirituwal at emosyonal na aspeto ng kanilang buhay.
Ang sigaw ni Bartimeo ng “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” ay sumasalamin sa ating panawagan sa Diyos sa panahon ng pangangailangan. Maraming mga bilanggo ang tila nasa kadiliman—wala silang nakikitang pag-asa dahil sa mga pagsubok na pinagdadaanan nila. Subalit, sa kabila ng paghatol ng lipunan, nawa’y marinig natin ang kanilang panawagan sa awa at pagbabalik-loob, katulad ng narinig ni Hesus ang sigaw ni Bartimeo.
Ang ginawa ni Bartimeo na itapon ang kanyang balabal at paluksong lumapit kay Hesus ay nagpapakita ng kanyang pagtitiwala at determinasyon na matanggap ang biyaya ng Diyos. Sa parehong paraan, ang mga taong nasa bilangguan ay hinihikayat nating palayain ang kanilang mga sarili sa mga balakid ng nakaraan at buong-pusong lumapit sa Diyos. Sa kanilang paghahanap ng kaliwanagan, ang ating pagmamalasakit at pang-unawa ay makakapaghatid sa kanila ng inspirasyon na tumayo at magsimulang muli.
Sa pagkakaloob ni Hesus ng paningin kay Bartimeo, pinapakita niya na ang pananampalataya ay nagbibigay-buhay at nagbibigay-liwanag sa ating landas. Gaya ni Bartimeo, nawa’y tulungan natin ang mga nasa kulungan na makita ang kaliwanagan ng pag-asa at pag-ibig ng Diyos, na nagtataglay ng kakayahang magbigay ng tunay na pagbabago. Ang pagdiriwang ng Prison Awareness Sunday ay hindi lamang pagbibigay-alam sa kanilang kalagayan kundi pagyakap sa panawagan na maging tulay ng Diyos para sa kanilang pagbabalik-loob at muling pagkabuo ng kanilang buhay.
Sabi nga sa kasabihan ni Juani, na “Ang mabuting panalangin, tiyak sa Diyos ay makakarating.”
Mga kapatid, gaano ba tayo kadalas manalangin sa ating Diyos?, Kailan po tayo nagdadasal? sa tuwing tayo’y mayroong problema at sa tuwing tayo’y napapanghinaan ng loob sa ating buhay? Isang halimbawa po nung nanalasa ang bagyong Kristine nung Hwuebes sa ibat ibang lugar dito sa Luzon, at naniniwala po ako na buong bansa at buong mundo ang nagdarasal para sa kaligtasan ng lahat lalo’t higit sa mga apektado ng bagyong ito. Sa katunayan, Nakita ko sa mga balita lalo na sa facebook live post, habang bumabagyo, marami pong humihingi ng tulong panalangin, at maririnig mo yaong hinaing nila sa Diyos at umiiyak ang sabi, “Lord tama po Lord”.
Mga kapatid, itoy halimbawa po ng isang matinding pangangailangan natin lalo’t kapag tayoy nakakaranas ng matinding pagsubok gaya nitong sunod sunod na mga Bagyo na dumarating sa ating bansa. Sa buhay natin, mayroon din tayong mga Bagyong dala dala, minsan mahina at minsan din napakalakas at winawasak niya ang ating buong pagkatao dahilan na tayo ay nanghihina, sumusuko, madaling magalit, wala na sa katinuan, nakikipagaway na.. Marahil sa subrang bigat na po ng ating mga pasanin, ]at makikita natin sa mga mukha ng iba, na namumula, kaya bumibigay at sumusuko tayo….
Mga kapatid, sa linggong ito ating maririning sa ating ebanghelyo ang pagkikita nina Hesus at Bartimeo. Si Bartimeo ay may kapansanan, siya po ay isang bulag. Matagal na panahon na siyang nahihirapan at maaaring nawawalan na rin ng pag-asa na makakita pa. At ito po yung BAGYO na dala dala niya sa kanyang buhay… Pero dumating ang panahon ng marinig niya ang pangalan ni Hesus, nanumbalik ang kanyang pagasang siyay makakita muli. Kaya, dahil sa tindi ng kanyang pananampalataya, siya ay nabiyayaan at pinauli ang kanyang paningin. Sumigaw siya ng panawagan na kaawaan siya ng Anak ni David…at ang panawagang ito ay sumisimbolo sa “malalim na pagsuko at pangangailangan. Ang sigaw ng lahat na umaasa sa Diyos para sa tulong.
Mga kapatid, maaring hindi tayo bulag sa pisikal na aspeto ng ating buhay… pero bulag tayo sa paningin ng katotohanan. Maraming pagkakataon na tayo laging bulag hindi lang sa personal na pananampalataya natin kundi pati Narin sa pangangailangan ng kapwa.
Ang Diyos po ay subra kung maghal sa atin.. nagiging bulag din siya sa atin kahit tayo ay nakasalanang nilalang…. Inako niya ang lahat na dapat tayo ang mag hirap. Pero dahil sa dakilang pag ibig niya sa atin, binulag niya ang kanyang mga mata para sa ating kaligtasan . Kaya sa unang pagbasa ating naririnig ang dakilang kaloob niya sa kanyang pinilang bayan ang kaligtasan ng tanan… Ibinabalik at tinitipon Niya mula sa mga sulok ng sanlibutan, kasama ang mga bulag at mga pilay, ang mga nagpapasuso, pati yaong malapit nang manganak, at silay painararaan sa maayos na landas upang hindi sila madapa. Ganito mag mahal ang Diyos, hindi po siya nag bulag bulagan sa taong Higit na nangagailangan.
Kaya ganoon nalamang ang reksyon ni Hesus ng marinig niya ang hinaing at sigaw ni Batimeo… Bagamat pinigilan ng maraming tao, patuloy parin siyang sumisigaw ” anak ni David mahabag po kayo sa akin”. Ramdam po ni Hesus ang tindi ng kanyang pangangailangan sa buhay… Mga kapatid, tayo kaya, marami ng pagkakataon na tayo ay nagiging manhid at bulag sa katotohanan, dahil tayo din ay nabulag sa kasanan..
Kaya binigyan tayo ng isang halimbawa ng ating Panginoon, bagamat bulag man si Batimeo sa pisikal na aspeto, hindi naman bulag sa espiritual na pangangailangan at katotohanan. Tayo ay biniyayaan ng ating Diyos na kompleto ang ating pisikal na kaanyuan at may tamang pagi-isip, imulat po natin ang ating mga mata sa katotohanan.. pero kung hinahayan lang natin na magpatuloy sa maling pananaw, magiging bahagi lang tayo sa kasalanan kapag tayo ay nagbulag bulagan…..
Mga kapatid, ang Diyos ay naghihintay din sa ating mga pagtawag, sa ating mga sigaw, dahil alam niya na tayo ay puno ng paghihirap, pag uusig, pinaghihinaan ng loob, nababagod na sa buhay,. Paanyaya niya sa ating na tumawag din tayo sa kanya ng malakas gaya ni Bartimeo na sa kabila ng kanyang kapansanan, nanatili parin siyang matatag at umaasa sa biyaya mula sa Diyos dahil nagpupursigi siyang tumawag sa ngalan ng Diyos…
Tularan din natin si Hesus, na kailanaman hindi siya nag bulag bulagan sa pangangailangan ng iba, sapagkat siya ay tunay na maawain at may malasakit sa pisikal at espiritwal na pangngailan ng tao. Amen