Sabado, Oktubre 26, 2024

October 26, 2024

Sabado ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Efeso 4, 7-16
Salmo 121, 1-2. 3-4a. 4b-5

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Lucas 13, 1-9


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Saturday of the Twenty-ninth Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)

UNANG PAGBASA
Efeso 4, 7-16

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid, ang bawat isa sa ati’y binigyan ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Kristo. Ganito ang sinasabi ng Kasulatan,

“Nang umakyat siya sa kalangitan,
Nagdala siya ng maraming bihag,
At nagbigay ng mga kaloob sa tao.”

Ano ang ibig sabihin ng “umakyat siya?” Ang ibig sabihin niyan ay bumaba muna siya rito sa lupa. Ang bumaba ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan, sa kabila ng mga langit, upang malaganapan ng kanyang kapangyarihan ang kalahat-lahatan. At ang iba’y ginawang apostol, ang iba’y propeta, ang iba’y ebanghelista, ang iba’y pastor at guro. Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng hinirang, sa ikauunlad ng kanyang simbahan. Sa gayun, tayong lahat ay magkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos at magiging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Kristo. Hindi tayo matutulad sa mga batang nadadala ng bawat aral, parang sasakyang-dagat na sinisiklut-siklot ng mga alon at tinatangay ng hangin. Hindi na tayo malilinlang ng mga taong ang hangad ay ibulid tayo sa kamalian. Manapa’y sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, magiging ganap tayo kay Kristo na siyang ulo. Sa pamamagitan niya’y nabubuo ang katawan mula sa mga bahaging pinag-ugnay-ugnay ng kasukasuan; at kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, ang buong katawan ay lalaki at lalakas sa pamamagitan ng pag-ibig.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 121, 1-2. 3-4a. 4b-5

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Yaong Jerusalem, kay ganda ng anyo,
maganda ang ayos nang muling matayo.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang magsambahan.

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

ALELUYA
Ezekiel 33, 11

Aleluya! Aleluya!
Hindi nais ng Maykapal
na salari’y parusahan
kundi s’ya’y magbagong-buhay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 13, 1-9

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Dumating noon ang ilang mga tao at ibinalita kay Hesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang Galileo samantalang ang mga ito’y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, higit na makasalanan ang mga Galileong ito kaysa ibang mga taga-Galilea dahil sa gayun ang sinapit nila? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe – sa akala ba ninyo’y higit silang makasalanan kaysa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat.”

Sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito: “May isang tao na may puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ito, ngunit wala siyang nakita. Kaya’t sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na! Nakasisikip lang iyan!’ Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin!’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 27, 2018 at 1:48 am

Pagninilay: Ang Diyos ay puno ng awa at habag sa atin sa kabila ng ating mga pagkakasala at pagkukulang sa buhay. Makikita natin sa Ebanghelyo ang mga tao ay lumapit kay Hesus upang ibalita sa kanya ang mga Galileong ipinatay ni Poncio Pilato habang naghahandog sa Diyos. Kaya’t tinanong sila ni Hesus kung ang mga Galileong pinaslang ay makasalanan ba o hindi, o kaya mas higit pa ba ang kasalanan ng mga taong taga-Siloe na nabagsakan ng torre. Ang sagot niya diyan ay hindi palaging ganyan ang interpretasyon. Bagkus inanyayahan niya sa mga tao na sa totoong buhay kung hindi sila magsisisi, mapapahamak sila. Kaya’t ikinuwento ng Panginoon ang Talinghaga ng Puno ng Igos na hindi magbunga. Makikita natin sa talinhagang ito na halos hindi nang makatimpi ang may-ari ng ubasan nang ipautos niya na iputol ang puno ng igos na tila walang pag-asang magpabunga. Ngunit ang naging tugon ng hardinero sa kanyang amo na huwag po munang putulin, at hayaan pa ng iilang araw ang puno kung ito’y magpapabunga ng igos, at kung hindi ay saka na lang maaring putulin ito. Ang parabula ay may koneksyon sa kasaysayan ng kaligtasan ng tao. Ang Diyos Ama ay ang may-ari ng ubasan na ibig sabihin na hawak niya ang mundo sa kanyang mga kamay at umaasang may mabubuting bunga mula sa bawat panig ng mundo. Ang puno ng igos ay tayo mismo sapagkat inaasahan tayo ng Diyos na mamunga nang masagana upang maghari nawa ang kabutihan at katuwiran ng puso sa bawat isa. Ngunit ang bawat punong hindi mamunga o kaya magpabunga ng masasamang binhi ay mga taong nagsuway na sa kanya at pinili ang daan ng kasama. Kaya nga ang tagapag-alaga ng mga punong ito ay walang iba kundi si Hesus. Dahil sa kanyang lakas ng loob na tuparin ang dakilang kalooban ng kanyang Ama, pinatunayan niya sa pamamagitan ng kanyang buhay kasama ang naging hantungan ng pag-aalay nito sa Krus ay nagkaroon tayo ng pagkakataon na patatagin muli ang ating pananampalataya. Ito ang kaligtasang niloob sa atin ng Ama na patuloy niya tayong minamahal kahit sa mga pagkakataong hindi tayo’y naging tapat sa kanya. At mayroon tayong mga pagkakataon upang pagsisihan ang bawat kasalananang ating ginagawa at ang bawat kabutihang hindi natin/kinakalimutang gawin. At kapag tayo ay tunay na nagsisisi sa ating mga kasalanan at nagbabalik-loob sa Panginoon, tayo ay inaanyahan na patuloy na mamuhay na naayon sa kanyang mga pamantayan. Kaya’t sabi nga ni San Pablo sa Unang Pagbasa na ang grasya ng Diyos ay gumagabay sa ating panawagan/misyon sa daigdig na maging kanyang mga saksi. Nawa tayo ay makibahagi sa patuloy na pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol sa kanyang Paghahari.

Reply

Melba G. De Asis October 27, 2018 at 8:05 am

Maraming pagkakataon ang ibinibigay sa atin ng Panginoon para maglingkod at magpakabuti. Kung meron mang hindi magandang nangyayari sa ating buhay, hindi ibig sabihin nun na tayo ay pinarurusahan na. Maraming pagsubok ang dumarating ngunit minsan ito ay pamamaraan ng Diyos upang tayo ay manatiling nagtitiwala sa Kanyang kapangyarihan ng may pagmamahal at pag-asa na ang lahat ay ating malalampasan sa awa at tulong Niya.

Panginoon nawa’y mapatawad mo ako sa aking mga pagkakasala, at makagawa ako sa araw araw ng kahit na isang maliit na bagay na ikalulugod Mo. Hinihiling ko po na sana ay gumaling na ako sa aking mga karamdaman, hiling ko rin po ang paggaling ng sakit ng aking asawa, kapatid na si Jaime , mga kamag-anak at mgs kaibigan kong may karamdaman, I asked this in the name of Jesus, For this Lord I praise You and I thank You and I claimed we are healen in Jesus name, Aleluya. Jesus Maria please pray for us. Amen

Reply

Dulce Bautista October 27, 2018 at 9:10 am

Lord thank you for everything…hindi po ako mabuting tao madalas na nakkagawa ng kasalan..patawad po sa mga nagagawa kong kasalanan sa isip sa salita at sa gawa..kung may nasasaktan po akong tao na hindi ko po sinasadya patawad po..nawa po’y ma bless nyo puso’t isipan nya at mapatawad ako kung may ngawa po akong pagkakamali..bless us oh lord and keep us safe everytime…thank you oh Lord??

Reply

Fred Duaso Monares October 27, 2018 at 11:17 am

Sa pagbabasa ko rito sa Awit at Papuri, ako ay nabigyan ng abono para sa karagdagang kaalaman sa ating Panginoong Diyos.

O Panginoong Hesu Kristo, patuloy nyo po kaming gamitin bilang isang matibay mong instrumento upang patuloy din kaming mamahagi sa Inyong mga Banal Salita at maging buhay mong Saksi.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: