Martes, Oktubre 15, 2024

October 15, 2024

Paggunita kay Santa Teresa ng Avila, dalaga at pantas ng Simbahan

Galacia 5, 1-6
Salmo 118, 41. 43. 44. 45. 47. 48

Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.

Lucas 11, 37-41


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Teresa of Jesus, Virgin and Doctor of the Church (White)

Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
Galacia 5, 1-6

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia

Mga kapatid, pinalaya tayo ni Kristo upang manatiling malaya. Magpakatatag nga kayo, at huwag nang paaalipin uli!

Akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo: kapag napatuli kayo, pinawawalang-kabuluhan ninyo si Kristo. Sinasabi ko sa inyo at sa sinumang napatutuli: kailangang sundin niya ang buong Kautusan. Ang nagsisikap na maging matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan ay napahiwalay na kay Kristo at wala nang karapatan sa habag ng Diyos. Ngunit umaasa kami na sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay aariin kaming matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa mga nakipag-isa kay Kristo Hesus, wala nang halaga ang pagtutuli o di pagtutuli. Ang mahalaga’y ang pananampalatayang nakikita sa gawang udyok ng pag-ibig.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 41. 43. 44. 45. 47. 48

Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.

Ang dakilang pag-ibig mo sa akin ay ipahayag,
at ayon sa pangako mo, Poon, ako ay iligtas.

Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.

Tulungan mong ihayag ko yaong tunay na balita,
yamang sa ‘yong kahatulan lubos akong may tiwala.

Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.

Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako’y nabubuhay.

Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.

Ako nama’y mamumuhay nang payapa at malaya,
yamang ako sa utos mo’y sumusunod namang kusa.

Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.

Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
di masayod ang galak ko, pagkat aking iniibig.

Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.

Mahal ko ang iyong utos, yao’y aking igagalang.
Sa aral mo at tuntunin ako’y magbubulay-bulay.

Ipahayag mo sa akin
ang pag-ibig mong magiliw.

ALELUYA
Hebreo 4, 12

Aleluya! Aleluya!
Buhay ang salita ng D’yos,
ganap nitong natatalos
tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 11, 37-41

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, pagkatapos magsalita ni Hesus, siya’y inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain, kaya’t pumunta siya sa bahay nito. Pagdulog sa hapag, nagtaka ang Pariseo nang makita niyang kumain si Hesus nang hindi muna naghugas ng kamay. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo’y punong-puno ng kasakiman at kasamaan. Mga hangal! Hindi ba’t ang may likha ng labas ang siya ring may likha ng loob? Ngunit ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang mga laman ng mga sisidlan at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 15, 2018 at 10:58 am

Pagninilay: Ang mga Pariseo ay isa sa mga matinding kritiko ng ating Panginoong Hesukristo. Tingin nila siya’y lumalabag sa Kautusan ni Moises na kanilang dinagdagan ng 613 interpretasyon. Kaya sa maraming pagkakataon nais nilang subukin siya sa ipabitag at ipabintang, ngunit siya’y mas matalino kaysa sa kanila. Sa pagkakataong ito, ang Ebanghelyo ngayon ay isang paninuligsa ni Hesus sa mga Pariseo dahil sa kanilang pagkukunwari. Akala nila sila’y mas malapit sa Diyos, ngunit may dala silang intensyonng pagpapakilanlan ng publiko. Sila’y naghuhugas ng labas ng tasa bago ang loob nito ayon sa kanilang tradisyon, ngunit hinamon sila ni Hesus na linisin muna nila ang loob ng tasa bago ang labas. Makikita natin dito kung paanong binunyag ni Kristo ang totoong pag-uugali ng mga taong akalaing banal, ngunit may natatagong adyenda, lalung-lalo ang balak laban sa kanya. Hindi naman ninanais niya na sila’y parusahin o kaya patayin, kundi sila’y mabuksan ang mata at isipan na linisin muna ang kanilang bakuran. Siguro ganyan din ang hamon sa ilan sa atin, kahit tayo’y nasa bahay, komunidad, paaralan, Simbahan, Pamahalaan, at mga naglalakbay ng ibang bansa. Tayo ay tinatawag ni Hesus na magkaroon ng dalisay na puso at matapat na naglilingkod sa Diyos at sa kapwa-tao. Kaya sinasabi ni San Pablo sa Unang Pagbasa na sa kabila ng mga tradisyon natin sa relihiyon o kaya iba pang larangan ng mundo, dapat mayroon tayong panloob na espirituwalidad na mag-aakay sa atin sa matatag at mabuting pananampalataya sa Panginoon. At tayo’y ginagabayan ng Espiritu Santo na gawin ang inuutos ng Diyos nang may kababang-loob at para sa kanyang ikaluluwalhati, hindi upang para magyabang. Kaya nawa sa ating buhay, tayo’y tunay na mamuhay nang marangal at mabuti sa ating pananampalataya sa Diyos at pakikipagrelasyon sa kanya at kapwa-tao.

Reply

Melba G. De Asis October 16, 2018 at 10:05 am

Pwede ihalintulad ang mabuting balita sa kasabihang “Pahirin muna ang muta sa ating mga mata bago ang sa iba”. Linisin muna natin ang ating sarili bago ang sa iba, gumawa tayo ng mabuti bago natin sabihan ang iba na magpakabuti. Ang paggawa ng mabuti at ang magandang hangarin para sa ating kapwa ay dapat nanggagaling sa ating puso hindi lamang dahil may nakakakita kaya tayo gagawa ng mabuti. Hindi nawawala sa isip ko yung isang pangyayaring aking nasaksihan nung panahon na sumasama pa kami ng aking asawa at anak sa Bisita Iglesia. Nung oras na ng pananghalian humanap na kami ng lugar na makakainan dun sa paligid ng isang simbahan. Simpleng pagkain lang ang aming baon pero di mawawala ang itlog na nilaga kasi pinakamadali itong ihanda, at ng may lumapit sa amin na mag amang namamalimos ay yung itlog na nilaga ang aking ibinigay. Nagkataon may isang grupo na malapit sa amin na napakaraming baong pagkain na parang nagpunta sa piknik at isa sa kanilang baon ay ang halabos na sugpo (malalaking hipon). Lumapit dun yung mag amang pulubi na marumi at nanghingi binigyan naman nila ng ibang pagkain pero ayaw pa ring umalis ng mag ama nag antay pa at humihingi pa ng sugpo na syang ikinainis nung grupo. Napaisip ako at naitanong ko sa aking sarili bakit kaya parang kinulang ang grupo sa pang unawa sa taong kapuspalad , gayung ang sinamahan naman nilang activity ay para naman sa Diyos at indulhensya para magkamit ng kapatawaran sa mga nagawang kasalanan. Sa pagkakataong iyon, ipinakita nung grupo ang tunay nilang pag uugali, na di kayang unawain ang tulad ng mga pulubi na maaaring dahil sa kakapusan sa buhay ay talagang ayaw umalis hanggat di sila binibigyan ng sugpo na di pa nila natitikman.sa buhay nila. Ano ba namang bigyan ng tig isa man lang yung mag ama pero talagang ipinagtabuyan. Sa dami ng biyaya ng Diyos sa grupong iyon, di man lang ba nila kayang unawain ang inugali ng mga pulubi, at kadalasan talaga iniiwasan ng mga tao ang mga pulubi na pwede namang bigyan kahit maliit lang na halaga. Sa ganitong pagkakataon natin malslaman kung nanatili sa ating kalooban ang paghahari ng Diyos sa ating puso. Good day everyone, God bless us all!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: