Podcast: Download (Duration: 7:29 — 9.3MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Bilang marurupok at mahihinang tao, iniluluhog natin sa ating Amang nasa Langit ang ating mga kahilingan. Dahil sa kanyang habag at pag-ibig, hinangad niya na maligtas tayo at makarating sa karunungan ng katotohanan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Mahabaging Diyos, buhayin Mo kami sa iyong kabutihang-loob.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y laging gumawa para sa kabutihan ng mga kaluluwa lalo na ang mga mahihirap at mga hindi pinalad, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinagkatiwalaang magdala ng katarungan nawa’y maging patas sa kanilang paghuhusga, manalangin tayo sa Panginoon.
Bilang komunidad nawa’y makilala natin ang kabutihan sa bawat isa kaysa magtuligsaan dahil sa kahinaan ng ating kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y makatagpo ng kasiyahan sa katotohanan ng pag-ibig ng Diyos sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y makinabang sa ani ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, nawa ang kapangyarihan ng iyong pag-ibig ang siyang laging bumuhay sa amin. Huwag nawa kaming magambala ng mga alalahanin ng mundong ito at hindi madaig ng kasamaan sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Biyernes, Hulyo 26, 2024
Linggo, Hulyo 28, 2024 »
{ 4 comments… read them below or add one }
Ang nais ng Diyos ay mapabuti ang Kanyang mga anak na siyang mabubuting binhi subalit may mga taong kahalintulad ng damo na sumisira sa kanyang kapwa. Ayaw ng Diyos na madamay sa kasamaan ang lahat ng tao kung kayat ihihiwalay Niya sila at hahatulan ang bawat isa ayon sa bigat ng kanyang kasamaan samantalang ang mabubuti at kapakipakinabang ay mapupunta sa kanyang kaharian.
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang babala ni Propeta Jeremias sa kaharian ng Juda (timog) dahil sa kanilang pagsusuway sa utos ng Panginoong Diyos at paggawa ng mga bagay na labag sa kanyang kalooban. Hindi lang ito pagkakahanga at pagsasabi sa kagandahan ng templo ng Diyos, kundi ang pagkakaroon ng kadalisayan at kagandahang-loob ng bawat tao sa paggawa ng kabutihan sa kapwa at pagbibigay ng kalinga sa mga nangangailangan, walang maabutan, at niyuyurakan. Kaya nga ang templo ng Diyos ay hindi lang ang gusali, kundi ang sambayanang binuklod niya upang mamuhay nang nararapat habang patuloy na nagtitiwala sa kanya.
Ang Ebanghelyo ay isa sa mga talinghaga ng Panginoon: ang mga Damo sa Triguhan. At alam natin na ang Ebanghelyo sa Martes ay ang paliwanag ni Kristo ukol sa parabula. Ngunit ang nais niyang ipahiwatig dito ay hindi sumusuko ang Diyos, kahit ilang beses nagkasala ang isang tao. Totoong may mga masasamang damo sa ating bakuran, pamayanan, at pati na rin sa Simbahan at Pamahalaan. At parang tayo’y naniniwala na dapat mawala ang mga tinuturing natin na “salot” dahil sa kanilang pagdamay at pagpapahamak sa mga inosenteng mamamayan. Ngunit ipinapaalala ni Hesus sa atin na kung puputilin natin ang mga damo ay baka masira at madamay rin ang mga trigo. Kaya’t hinahayaaan ng Diyos na magsama-sama ang mga mabubuti at masasama hindi dahil mahilig siyang manloko. Ito’y dahil sa bunga ng kasamaang nagmana pa mula sa unang pagkakasala nina Adan at Eba, subalit winasto ni Hesus sa Krus ang ating pagiging mabuti, upang ang mga taong nagkasala rin ay matuwid at maiakay sa tamang landas. Kaya nga ang huling hantungan natin ay paghuhukom batay sa ating mga gawain alang-alang sa pag-ibig.
Alam natin kung gaanong kahirap magsama ang mga mabubuti sa masasama, lalung-lalo kung maraming mga inosente ay nagiging biktima na ng laganap na kasamaan. Subalit huwag nating kalimutan na matatagumpayan natin ang kasamaan sa pamamagitan ng kabutihan. Kung ang Diyos nga ay mapagbigay ng pagkakataon kung tayo man ay nagkasala, paano pa kaya tayo na may karapatang ituwid ang pagkakamali ng kapwa natin?
MAGNILAY: Kahit nahasikan tayo ng binhi ng kasamaan dahil sa diyablo hindi hinangad ng Diyos na agad tayong puksain katulad ng agad-agad natin pagbunot kapag may nakita tayong damo sa ating halamanan. Nanaig ang kanyang pasensya at habag. Orihinal tayong inosente bagamat nadungisan ng kasalanan dahil sa maraming kaganapan. Hangad niyang makaahon tayo at maging sandali pa rin ng grasya kahit ang naging karanasan natin ng pagkakamali at pagkakasala.
MANALANGIN: Panginoon, nawa mapanagutan namin ang aming mga maling desisyon at matuto’t makabangon mula sa aming mga pagkakamali.
GAWIN: Huwag humatol dahil sa galit. Laging pairalin ang katwiran kalakip ng pasensya’t habag.
PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!