Linggo, Marso 3, 2024

March 3, 2024

Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Para sa Pasko ng Pagkabuhay (B)

Exodo 20, 1-17
o kaya Exodo 20, 1-3. 7-8. 12-17
Salmo 18, 8. 9. 10. 11

Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.

1 Corinto 1, 22-25
Juan 2, 13-25


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Third Sunday of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Exodo 20, 1-17

Pagbasa mula sa aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Diyos: “Ako ang Panginoon, ang inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto at humango sa inyo sa pagkaalipin.

“Huwag kayong magkakaroon ng ibang diyos, maliban sa akin.

“Huwag kayong magkakaroon ng diyus-diyusan o kaya’y larawan o rebulto ng anumang nilalang na nasa himpapawid, nasa lupa o nasa tubig. Huwag kayong yuyukod o maglilingkod sa alinman sa mga diyus-diyusang iyan sapagkat akong Panginoon ay mapanibughuin. Parurusahan ko ang lahat ng aayaw sa akin pati ang kanilang mga anak hanggang sa ikaapat na salinlahi. Ngunit ang lahat ng umiibig sa akin ay pagpapalain ko hanggang sa kanilang kaapu-apuhan.

“Huwag ninyong babanggitin sa walang kabuluhan ang pangalang Panginoon sapagkat parurusahan ko ang sinumang bumanggit nito nang walang kabuluhan.”

“Italaga ninyo sa akin ang Araw ng Pamamahinga. Anim na araw kayong gagawa ng inyong gawain. Ang ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga, at itatalaga ninyo sa akin. Sa ikapitong araw, walang gagawa isa man sa inyo: kayo, ang inyong mga anak, mga katulong, ang inyong mga hayop o sinumang naninirahan sa inyong bayan. Anim na araw na ginawa ko ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito; namahinga ako sa ikapitong araw. Itinangi ko ito at itinalaga para sa akin.

“Igalang ninyo ang inyong ama’t ina. Sa gayo’y mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinigay ko sa inyo.

“Huwag kayong papatay.

“Huwag kayong mangangalunya.

“Huwag kayong magnanakaw.

“Huwag kayong sasaksi sa di katotohanan laban sa inyong kapwa.

“Huwag ninyong pag-iimbutan ang sambahayan ng inyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alila, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”

Ang Salita ng Diyos.

o kaya: Maikling Pagbasa
Exodo 20, 1-3. 7-8. 12-17

Pagbasa mula sa Aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Diyos: “Ako ang Panginoon, ang inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto at humango sa inyo sa pagkaalipin.

“Huwag kayong magkakaroon ng ibang diyos, maliban sa akin.

“Huwag ninyong babang- gitin sa walang kabuluhan ang pangalang Panginoon sapagkat parurusahan ko ang sinumang bumanggit nito nang walang kabuluhan.

“Italaga ninyo sa akin ang Araw ng Pamamahinga. Igalang ninyo ang inyong ama’t ina. Sa gayo’y mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinigay ko sa inyo.

“Huwag kayong papatay. Huwag kayong mangangalunya.

“Huwag kayong magnanakaw.

“Huwag kayong sasaksi sa di katotohanan laban sa inyong kapwa.

“Huwag ninyong pag-iimbutan ang sambahayan ng inyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alila, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 11

Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.

Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ng kaisipan.

Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.

Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.

Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.

Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasya ay pantay-pantay.

Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.

Ito’y higit pa sa ginto, na maraming nagnanais,
higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;
matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,
kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.

Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 1, 22-25

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:

Ang mga Judio’y humihingi ng kababalaghan bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. Ngunit ang ipinangangaral nami’y si Kristong ipinako sa krus isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan para sa mga Hentil. Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio at Griego, si Kristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit kaysa lahat ng karunungan ng tao, at ang inaakala namang kahinaan ng Diyos ay lakas na higit sa lahat ng kalakasan ng tao.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 3, 16

Pag-ibig sa sanlibutan
ng D’yos ay gayun na lamang,
kanyang Anak ibinigay,
upang mabuhay kailanman
ang nananalig na tunay.

MABUTING BALITA
Juan 2, 13-25

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, kaya’t pumunta si Hesus sa Jerusalem. Nakita niya sa templo ang mga nagbibili ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati, at ang namamalit ng salapi. Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mangangalakal, pati mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag. Sinabi niya sa mga nagbibili ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalaala ng kanyang mga alagad na sinasabi sa Kasulatan, “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.”

Dahil dito’y tinanong siya ng mga Judio, “Anong tanda ang maibibigay mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?” Tumugon si Hesus, “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Sinabi ng mga Judio, “Apat-napu’t anim na taon na ginawa ang templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”

Ngunit ang templong tinutukoy ni Hesus ay ang kanyang katawan. Kaya’t nang siya’y muling mabuhay, naalaala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito; at naniwala sila sa Kasulatan at sa mga sinabi ni Hesus.

Nang pista ng Paskuwa, nasa Jerusalem si Hesus. Marami ang sumampalataya sa kanya nang makita nila ang mga kababalaghang ginawa niya. Subalit hindi nagtiwala sa kanila si Hesus, sapagkat kilala niya silang lahat. Hindi na kailangang may magsalita pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat talastas niya ang kalooban ng lahat ng tao.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 10 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 3, 2021 at 12:04 pm

PAGNINILAY: Ang Panahon ng Kuwaresma ay panahon ng paghahanda para sa dakilang misteryo ng ating kaligtasan. Ipinapaalala sa atin ngayong panahong ito ay tayo nawa ay patuloy na kilalanin siya sa ating buhay.

Narinig natin sa ating Unang Pagbasa ang sikat na kwento tungkol sa Sampung Utos, na tinatawag din bilang Dekalogo. Ang Diyos ay tapat sa kanyang bayang Israel sa paglilikas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Egipto. Kaya makikita natin sa 40 araw ng pananatili ni Moises sa Bundok ng Sinai, gumawa ang Panginoon ng tipan bilang alaala ng kanyang katapatan sa Israel, na ito nawa’y kanilang sundin dahil siya ang Diyos nila, at sila ang bayan niya. Kaya makikita natin sa Dekalogo, tatlong utos ay inilatag bilang paggalang sa Panginoon, at ang natitirang pito naman ay inilatag bilang paggalang sa kapwa tao. At alam natin na sa panahon ni Hesus, binuod niya ang Sampung Utos sa pagtuturo ng pagmamahal sa Diyos at kapwa. At sa nagdaang taon, binigyang-diin ng ating Simbahan sa bawat utos ang mga tungkuling dapat nating ginagawa, at mga paglabag na dapat nating talikdan. Kaya bumabalik tayo sa pinakaugat na pagkakilanlan bilang mga Kristiyano: ang pag-ibig. Iyan dapat ang ating pagpapahalaga tuwing sinusundan at tinutupad natin ang mga batas sa ating buhay.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang kilalang kwento ng Pagpapalinis ni Hesus sa Templo ng Jerusalem. Itong templo ay unang ginawa ni Haring Solomon, subalit nawasak ng mga taga-Babilonia. Ngunit nang makabalik na ang mga Hudyo sa Juda, nagpasya si Zerubabel na magkaroon ng ikalawang gusali ng Templo sa Jerusalem. At makita natin sa pahayag ng mga Hudyo na 46 taong ginastos habang itinayo ni Haring Herodes ang templo. Ngunit nakita natin sa Ebanghelyo ang pagkadismaya ng Panginoong Hesus sa pagtrato sa bahay ng Diyos Ama bilang isang palengke, kaya’t pinalayas at pinaalis niya ang mga bentahan. Sinasabi ng mga eksperto sa Bibliya na matuwid ang pagkagalit niya dahil sa kanyang pagmamahal sa templo bilang bahay ng Ama. Kaya’t iniutos niya na gibain ang Templo, at ito’y itatayo niya sa loob ng tatlong araw. Ito’y isang pahayag na sumasaad sa kanyang katawan bilang Templo na ipapako sa Krus at ililibing, subalit muling mabubuhay sa ikatlong araw. Kaya isang titulo ng ating Inang Simbahan ay Katawan ni Kristo sapagkat tayo’y bahagi ng Sambayanang ng Diyos na binuklod sa pag-ibig dahil sa paghahain ni Kristo ng kanyang buhay para sa Simbahan. Bagamat iiba ang ating katangian at kaloob, tayo pa rin ay nagkakaisa dahil sa Panginoong nagmamahal sa atin.

Mga kapatid, tayo ay minarapat ng Diyos na maging mga anak niya. Makikita natin sa kasaysayan ng Kasulatan kung paano pinalawak ng Diyos ang karapatang mana hindi lang sa mga Hudyo, kundi pati na rin sa mga Hentil. Subalit kapwang lahi ang may pagkakakanya-kanyang pansariling kapakanan, kaya’t nabuo ang ating sambayanang Kristiyano mula sa dalawang grupo upang maibuklod sa pag-ibig at katapatan ng ating Panginoong Diyos. Kaya sinasabi ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang ating misyon ay totoong buhay dahil sa Krus ng ating Panginoon, na sinasabi ng Apostol na parang katitisuran sa mga Hudyo, at kahangalan naman para sa mga Hentil. Anumang pambabatong panghihina ng mga makamundong tao at sekularismo laban sa ating mga Kristiyano, ang mahalaga ay kilala natin ang Panginoon sa ating buhay dahil sa ating pag-ibig sa kanya at sa Ama, at sa ating kapwa.

Hilingin natin sa Diyos na tayo nawa ay patuloy na maging tapat sa kanya, katulad ng pagiging matapat niya sa atin, sa pagsunod sa kanyang utos, lalung-lalo ang atas ng pagmamahal. Nawa’y makita rin natin ang Templo bilang Simbahan na banal sa pagpapanatili ng kasagraduhan ng bawat parokya at ganun din sa paggalang sa buhay at dignidad ng bawat tao, lalung-lalo sa patuloy na paggawa ng kabutihan sa kanila.

Reply

Sherwin D. Yanoria March 7, 2021 at 6:42 am

Kadalasan ang sinasabi ng mga tao ay “to see is to believe.” Humihingi sila ng tanda bago sila maniwala. Pagganito ang kaisipan, nawawala ang pananampalataya. Sa mga naniniwala, hindi na kailangan pa ng anumang tanda. Ngunit sa walang pananalig, patunayan mo muna. Ang Diyos natin, ay Diyos sa likhain man tayo o hindi. Samantalang ang tao, ay hindi magiging tao kung walang Diyos. Kaya nga ipagpasalamat natin na tayo ay nilikha na kawangis ng Diyos. Tinubos tayo ng Kanyang Anak na si Hesus. Ano pa ba naman ang kailangang tanda?

Reply

Jaime March 7, 2021 at 12:54 pm

Ang esensya ng pagiging tao ay pag-ibig. Pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa.

Reply

Jess C. Gregorio March 2, 2024 at 6:14 pm

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Ang Templo ay bato at lugar nuon. Ang Presensiya ng Diyos ay naroroon. Kung ganuon na lang ang galit ni Kristo sa mga ingay at gulo, paglapastangan at kawalang galang, paano na lang kaya sa isang Templong napag alayan niya ng Kanyang Buhay sa tao? Ang bawat puso ay naging Templo ng Banal na Espiritu. Naiisip ba natin kung ito ay mabango sa kabanalan o mabaho sa kasalanan? Hindi na kailangan makita kung ano ang hitsura nito, wala ng dapat sabihin, bawat isa sa atin ay kilala ni Hesus. Akala natin puwede natin itago gulo at ingay ng kanyang templo, ariing atin sa anumang gawin at gustuhin? Nagkakamali tayo. Ang batang ipinalalaglag ay di sa atin. Ang katawang dinumihan at nilagyan ng tatoo ay di natin angkin. Ang pagbabayubay ng ating katawan sa anumang kahalayan, bagamat nakakaramdam tayo ng kasiyahan, ay Katawan ni Kristo na pinaririwaraan. Ang mga bisyo na kabila’t dulo nating tinangkilik, ay magdudulot ng mga kasakitan, ito ba ang templong pinagkakaingatan? Ang sinumang sumaling sa Banal na Espiritu ay may kasalanang walang kapatawaran, marahil ito ang nasa isip ni Kristo ng pinuno ng mga hudyo ng kalakal, pera, at makamundong bentahan mismo ang mga bagay na iaalay. Nasaan ang purong pagsamba? Hindi ba ito ay puro kaplastikan? Handa ba tayong pangatawanan ang magiging hagupit Niya? Ang mga sigaw ng Diyos na malakas na tayo ay magsilayas sa Templong kanyang tinubos sa kasalanan? Itumba at itapon mga ari-ariang ginamit para tayo ay kumita at magpayaman sa Ngalan niya? Maraming mali at tama ang galit na ipinakita. Kailan tayo magigising? Kailan natin mababatid? Kailan natin makikita? Sana may oras pa tayo bago siya mapadpad sa kaniyang Templo sa atin ay ipinagkatiwala.

Reply

Guilbert Poblite March 2, 2024 at 11:23 pm

PAGNINILAY: Ang mga kuwento at mga paglalarawan ng ating mga pagbasa ngayon ay ating mapag tanto, sa sampong utos, ito ang mga batayan ng ating mga ikinikilos sa Tamang Pag uugali sa pagsunod at pangalang sa Dios at tao na nag mamahal at minamahal.
Ang pagmamahal ng Dios ay labis hindi siya nagkulang tapat siya sa kasunduan.
Hindi ito dahil sa mga Tanda, itiniro Ni San Pablo ang Kruz ni Jesus ang hantungan ng kanyang Pagibig sa atin . Tinawag Niya lahat upang mabahaginan ng GRASYA, ganyan inilarawan ni Apostol San Pablo ang pagmamahal ni Jesus upang hindi tayo humantong sa pagiging hangal.

Sa ating Ebangelyo ipinakita ni Jesus ang kayang malasakit sa tahanan ng Dios, dito natin makikita ang Tamang Pag trato sa Isang bahay dalanginan ang paguugali at kilos na naaangkop sa Pagiging Maka Dios.

Saan natin maihalintulad ang mga tao sa ngayon, ang kabataan kapag nasa loob ng Simbahan hawak ang cellphone nag lalaro ng ibat ibang laro hindi na napakingan ang Tamang katuruan ng asal at paguugaling tama, ang mga matatanda kapag nasa loob ng Simbahan napaka ingay daming nagkukwintuhan kulang na sa alaga, nawala na ang dapat na maging gawi kapag papasok na sa bahay dalanginan.

Sana sa kuwaresmang ito, paanyaya ni Jesus magpahalaga tayo ng disciplina, ugaliin ang mag kumpisal ialay natin sa Dios ang kalapastanganan natin sa kanyang tahanan, magdasal ng Tama, mag ayuno para sa ikabubuti at magbigay ng may katuturan. Igalang ng labis ang bahay ng Panginoon, AMEN.

PANALANGIN: Panginoon, iyong taglay ang Salitang bumubuhay,
tagkayin ko nawa ang labis na Pag galang sa utos mo at iyong tahanan.

GAWAIN: Igalang at mahalin mo ang mga paguugaling naka batay sa kautusan ng Dios.

Reply

Kim March 3, 2024 at 9:07 am

PAGNINILAY

Makikita natin sa pag-basa ngayong araw ang talinhagang “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.” ganun nalang kamahal ni Hesus ang tahanan ng kanyang Ama na kahit magalit sa kanya ang mga tao ay nagawa niyang hagupitin palayasin at itaob ang mga lamesa rito, ngunit makikita din natin na kahit ganun ang ginawa ng mga tao ay inialay parin ni Hesus ang kanyang buhay upang tubusin ang ating mga kasalanan sa Panginoon tulad ng pag-mamahal ni Hesus sakanyang Ama ay ganun nalang din ang pag-mamahal niya sa atin.

Sana ganun din tayo ngayon, iilan nalang ang naglilingkod para kay Hesus sa mga naglilingkod para makilala lamang ang kanilang mga sarili upang maging tanyag. Sana masdumami padin ang mga nag-aalab na pusong handang maglingkod nghindi humihingi ng anumang kapalit.

Reply

Joshua S. Valdoz March 3, 2024 at 10:44 am

PAGNINILAY

Makikita natin sa pag-basa ngayong araw ang talinhagang “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.” ganun nalang kamahal ni Hesus ang tahanan ng kanyang Ama na kahit magalit sa kanya ang mga tao ay nagawa niyang hagupitin palayasin at itaob ang mga lamesa rito, ngunit makikita din natin na kahit ganun ang ginawa ng mga tao ay inialay parin ni Hesus ang kanyang buhay upang tubusin ang ating mga kasalanan sa Panginoon tulad ng pag-mamahal ni Hesus sakanyang Ama ay ganun nalang din ang pag-mamahal niya sa atin.

Sana ganun din tayo ngayon, iilan nalang ang naglilingkod para kay Hesus sa mga naglilingkod para makilala lamang ang kanilang mga sarili upang maging tanyag. Sana masdumami padin ang mga nag-aalab na pusong handang maglingkod nghindi humihingi ng anumang kapalit.

Reply

Joshua S. Valdoz March 3, 2024 at 10:45 am

PAGNINILAY

Makikita natin sa pag-basa ngayong araw ang talinhagang “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.” ganun nalang kamahal ni Hesus ang tahanan ng kanyang Ama na kahit magalit sa kanya ang mga tao ay nagawa niyang hagupitin palayasin at itaob ang mga lamesa rito, ngunit makikita din natin na kahit ganun ang ginawa ng mga tao ay inialay parin ni Hesus ang kanyang buhay upang tubusin ang ating mga kasalanan sa Panginoon tulad ng pag-mamahal ni Hesus sakanyang Ama ay ganun nalang din ang pag-mamahal niya sa atin.

Sana ganun din tayo ngayon, iilan nalang ang naglilingkod para kay Hesus sa mga naglilingkod para makilala lamang ang kanilang mga sarili upang maging tanyag. Sana masdumami padin ang mga nag-aalab na pusong handang maglingkod nghindi humihingi ng anumang kapalit.

Reply

Rex Barbosa March 3, 2024 at 3:20 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 2, 13-25

PAGNINILAY

Si Hesu-Kristo ay Tao at Diyos din namang totoo.
Ipinakita ni Jesus ang kanyang galit
na nagpakita ng aspeto ng kanyang pagiging tao
bukod sa pagiging Anak ng Diyos.

Higit pa rito ang tunay na Aral ng Ebangelyo.
Gusto niyang itama ang lahat ng taong naroroon sa templo
sa kanilang ginagawa.

Inaasahan sa mga tao na bigyan ang simbahan ng pagpipitagan.
Alam naman natin na kailangang tratuhin ang tahanan ng Diyos nang may lubos na paggalang
subalit pinili pa rin nilang hindi igalang ang banal na lugar.

Reply

RFL March 3, 2024 at 9:40 pm

Napagalitan na ba kayo? Or nagalit na kayo? O may nagalit sayo? Congratulations! Certified human being ka. Panalangin ko lang na sana ay hindi tayo nagkasala sa galit na ating ipinakita. At kung tayo man ay nagkasala or nagawan ng kasalanan, sana ay naihingi na natin ito ng tawad or mapatawad na natin.

Ang Panginoong Hesus man ay tao ring katulad natin. Nagalit din Siya, ngunit hindi Siya nagkasala. Nagalit Siya sapagkat ginawang palengke ng mga tao ang Templo ng Diyos at pinayagan naman ito ng mga nagmamanage ng Templo. Nagalit Siya sa paglapastangan ng nagiisang bahay ng Diyos noon sapagkat sa Jerusalem lamang maaaring magalay ng sacrifices para sa Diyos (or so we thought). Justifiable ang kanyang galit, wala rin Siyang sinabing masama. He can control anger. Ang naisip ko dito, kung hindi kinokontrol ng Diyos (ni Hesus) ang kanyang galit, malamang ay nagpaulan na lamang Siya ng apoy mula sa langit. O kaya naman ay bigla na lang bumagsak at nangamatay ang mga tao ksama ng ibang hayop na naroon. Pero salamat sa Diyos na may endless patience with us!

Ang Templo sa Jerusalem na nagsilbing tahanan ng Diyos sa mundo ay nasira na at may maliit na lamang na trace ngayon sa present-day Israel. Ngunit ang templo ng Diyos sa Panginoong Hesus ay naitayo muli malipas ang 3 araw. At simula noong ipinadala ng Diyos ang Espiritu Santo ay pinananahanan na ng Diyos ang bawat isang sumasampalataya kay Hesu-Kristo. Mahalaga na malaman natin ito.

Noong nakaraang pandemya, sana’y mas lalong naemphasize sa ating mga Kristiyano kung ano ang ibig sabihin na tayo ay pinananahanan ng Diyos sa pammaagitan ng Espiritu Santo. Yes tayo’y nakakagawa ng mabuti sa kapwa. Yes, tayo’y nagagabayan sa ating mga dapat gawin, kugn ano ang tama o mali. Ngunit higit sa lahat, tayo ay may 24/7 access sa Diyos sapagkat kasama natin Siya palagi-lagi, lalo na’t nananalig tayo kay Kristo at inaaapply natin ang Kanyang mga turo sa ating buhay.

Kung tayong mga mananampalataya ay templo ng Espiritu Santo, hindi ba’t dapat nating ingatan ang ating katawan? Hindi ba’t dapat nating sundin ang mga sinasabi Niya sapagkat kitang-kita Niya ang bawat galaw, gawa at iniisip natin? Nawa ay mamuhay tayo ayon sa mga turo ni Kristo Hesus. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: