Miyerkules, Pebrero 28, 2024

February 28, 2024

Miyerkules sa Ika-2 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Jeremias 18, 18-20
Salmo 30, 5-6. 14. 15-16

Pag-ibig mo’y walang maliw
kaya’t ako’y ‘yong sagipin.

Mateo 20, 17-28


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Wednesday of the Second Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Jeremias 18, 18-20

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Ang sabi ng mga tao: “Iligpit na natin si Jeremias! May mga saserdote namang magtuturo sa atin, mga pantas na magpapayo, at mga propetang magpapahayag ng salita ng Diyos. Isakdal natin siya, at huwag na nating pakinggan ang mga sinasabi niya.”

Kaya’t nanalangin si Jeremias, “Panginoon, pakinggan mo ang aking dalangin; batid mo ang binabalak ng mga kaaway ko. Ang kabayaran ba ng kabutihan ay kasamaan? Ano’t naghanda sila ng hukay upang ako’y mabitag? Natatandaan mo kung paano ko sila idinalangin sa iyo upang huwag mong ipalasap sa kanila ang iyong poot.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 5-6. 14. 15-16

Pag-ibig mo’y walang maliw
kaya’t ako’y ‘yong sagipin.

O aking patnubay, ako ay iligtas.
sa patibong nila at umang na bitag.
Buhay ko’y nabilin sa ‘yong mga kamay,
ang pagliligtas mo sa aki’y pakamtan;
ikaw ang aming Diyos, na tapat at tunay.

Pag-ibig mo’y walang maliw
kaya’t ako’y ‘yong sagipin.

May mga bulungan akong naririnig,
mula sa kaaway sa aking paligid;
sa kanilang balak ako’y nanginginig,
ang binabalangkas, ako ay iligpit.

Pag-ibig mo’y walang maliw
kaya’t ako’y ‘yong sagipin.

Ngunit Panginoon, ang aking tiwala
ay nasasaiyo, Diyos na dakila!
Sa iyong kalinga, umaasa ako,
laban sa kaaway ay ipagtatanggol mo;
at sa umuusig na sinumang tao.

Pag-ibig mo’y walang maliw
kaya’t ako’y ‘yong sagipin.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 8, 12

Ang sabi ng Poong mahal:
“Sa daigdig ako’y ilaw.
Kapag ako ay sinundan,
ang dilim ay mapaparam
at sa aki’y mabubuhay.”

MABUTING BALITA
Mateo 20, 17-18

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nang nasa daan na si Hesus patungong Jerusalem, ibinukod niya ang Labindalawa. Sinabi niya sa kanila, “Aakyat tayo sa Jerusalem. Doo’y ipagkakanulo sa mga punong saserdote at sa mga eskriba ang Anak ng Tao. Hahatulan siya ng kamatayan, at ibibigay sa mga Hentil. Siya’y tutuyain, hahagupitin at ipapako sa krus; ngunit muli siyang bubuhayin sa ikatlong araw.”

Lumapit kay Hesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang kanyang mga anak. May ibig siyang hilingin, kaya’t lumuhod siya sa harapan ni Hesus. “Ano ang ibig mo?” tanong ni Hesus. Sumagot siya, “Sana’y ipagkaloob ninyo sa dalawa kong anak na ito ang karapatan na makaupong katabi ninyo sa inyong kaharian – isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Hesus sa kanila. “Makakainom ba kayo sa kopa ng hirap ko?” “Opo”, tugon nila. Sinabi ni Hesus, “Ang kopa ng hirap ko ay maiinom nga ninyo. Ngunit wala sa akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga luklukang sinasabi ninyo’y para sa mga pinaghandaan ng aking Ama.”

Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya’t pinalapit sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay naghahari sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat na umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. Ang sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo, tulad ng Anak ng Tao na naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay upang matubos ang marami.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 14, 2022 at 12:37 pm

PAGNINILAY: Ang ating Ebanghelyo ay nagpapakita kung gaano ninanais nila na itugon ni Hesus ang kanilang tugon. Ang kanilang ina [Santa Salome] ay lumapit kay Hesus at hiniling na kapag iniluwalhati na diya bilang Anak ng Diyos, ipaupo sina Santiago at Juan sa kanan at kaliwa niya. Ngunit alam ni Kristo na hindi gaanong madali ang hiniling nila, sapagkat ayon sa kanya ay kailangan nilang uminom sa kalis ng pagdurusa. At sa paggalit ng iba pang Apostol dahil sa kanilang hiling, tinipon sila ng Panginoon at ipinahayag tungkol sa pagkakamit ng kadakilaan.

Nais ipahiwatig sa atin ni Hesus na ang pagkakaroon ng maraming tagumpay ay kinakailangang magdusa hindi dahil tayo’y pinaparusa ng Diyos, kundi upang maging mas matatag pa ang pananampalataya natin sa kanya. At tungkol sa pagiging una at dakila, kinakailangan nating magpakumbaba at maglingkod gaya ng ginawa ni Hesus nang ialay niya ang kanyang buhay para sa kaligtasan ng karamihan. At ito ang tinutukoy ni Jeremias sa Unang Pagbasa na pagdadaanan ng matuwid na tao ang pang-uusig na ito mula sa mga kaaway, ngunit patuloy siyang nagtitiwala sa Diyos. Kaya sa pagtitiwala ni Hesus sa Ama, naging masunurin siya sa dakilang kalooban ng Ama kahit ito’y nangahulugang siya’y kailangan magdusa at ipagpako sa Krus. Kaya ang kanyang paghahain ng buhay sa Krus ay ang pinakaganap na plano ng Diyos para sa ating kaligtasan, na ipinakita sa atin ng Hari kung paano dapat maging halimbawa ng pagmamahal at paglilingkod sa bawat tao.

Hilingin natin sa Panginoon ngayong Panahon ng Kuwaresma ay maituon natin ang ating buhay hindi lang sa pagpapasarap ng ating sarili, kundi sa pakikidamay, paglilingkod, pagtutulong, at anupamang kabutihan na maari nating gawin sa ating kapwa.

Reply

ruel arcega March 17, 2022 at 7:39 am

Ang nais maging dakila ay dapat maging lingkod ng lahat… Ito ang nais ni Hesus sa kanyang mga alagad. Dahil ito ang paraan na ipinakita ni Hesus at ito’y dinanas ni Hesus dito sa lupa. Ang Paglilingkod ay isang marangal na gawain ng isang mabuting tao. Ninais nang ina nila Juan at santiago nahiniling niya kay Jesus na umupo sa kaliawa at kananan kaya’t siya nanikluhod pa. At kahit sila mismo nang ito’y tanungin magagawa nila na inumin ang saro ng paghihirap. Meron din sila intensiyon at hangarin na makaupo sa kaliwa at kanan ni Jesus pagsiya’y naghahari na. Nais nila nang isang posisiyon at kapangyarihan. Pero pinaalalahanan sila ni Jesus na ang pagpili sa lugar na iyon ay sana Ama , at wala sa kanyang kapangyarihan, dahil nais ni Jesus na ang kanyang hangarin ay ang paglingkuran ang Ama na siya mismo paglinllingkod ang motibo nang kanyang pagparito. Upang hindi ito maging hadlan sa kanyang pagliligtas at ang pagpili ng kanyang mga alagad. Ito rin dapat ang maging motibo natin , hindi posisiyon o kapangyarihan. Sa halip ang maging lingkod, at ito pa ang magdadala sa atin upang maging dakila. Dahil sa likod ng paglilingkod ay nakapaloob ang pagsunod. kaya nagiging dakila tayo sa Ama.

Reply

Malou Castaneda February 27, 2024 at 9:33 pm

PAGNINILAY
Huwag natin isipin na gumagawa tayo ng pabor sa ating mga anak kapag ang mga kasambahay ang gumagawa ng lahat ng gawain sa bahay habang ang ating mga anak ay kumakain, natutulog at nagaaliw. Nakakapinsala tayo sa ating mga anak, inaalis ang pagkakataon para maging malikhain at umunlad ng personal. May higit na karangalan sa paglilingkod kaysa sa paglingkuran. Kung si Hesukristo, ang ating Panginoon at Diyos ay kinayang pumarito sa mundong ito upang paglingkuran ang sangkatauhan, bakit natin ikahihiya ang paglilingkod sa iba?

Ang lihim na hindi alam ng marami sa atin: ang paglilingkod ay ang pinakamaikling daan patungo sa kadakilaan. Lahat tayo ay gustong umangat sa buhay ngunit hindi natin napag isip na ang pag-angat ay hindi nangyayari sa pamamagitan ng paghatak pababa ng mga tao kundi ang ibaba ang ating sarili sarili bago ang iba. Sa paglilingkod sa iba, maaaring hindi tayo kumita ng mas maraming pera gaya ng gusto natin, ngunit gumagawa tayo ng isang bagay na mas mahalaga kaysa pera. Ang pinakadakilang mga aral sa buhay ay hindi itinuturo sa ginhawa ng mga mesa sa silid-aralan ngunit sa luha, pawis at dugo. Ang Diyos mismo na lumikha sa atin ay hindi ginawang madali ang buhay dahil alam Niya na kung hindi tayo mamomroblema, ang mga regalo at talento na Kanyang ibinigay sa atin ay hindi magniningning.

Panginoong Hesus, turuan Mo kaming sundin ang Iyong halimbawa ng mapagpakumbabang paglilingkod. Amen.
***

Reply

Jess C. Gregorio February 28, 2024 at 6:25 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Maaari nating makita ang bukas sa mga Mata ni Hesus. Kagaya ng mga Propeta ang kapangyarihang ito ay ibinibigay sa mga kinalulugdan ng Diyos. At sa kadahilanang si Hesus ay sadyang napapansin, sa mga taong maigting magdasal, maraming tao ang gusto sila ay ipanalangin, umaasa na mahawa sa grasya gayung tamad kaya nadidisgrasya. Sa halip ang kaya nating gawin ay ipinaubaya na lang sa mga santong banal sa paligid, sila ang gusto natin ay manalangin, taimtim na para sa atin, samantalang tayo ay nagtatago sa dilim. Nakalimutan natin na kaya at magagawa naman, sa isang hiling ay makakamtan natin ang puwede igawad at mababatid ang mga hindi maaaring mangyari. Sasabihin ni Hesus mismo sa atin ang lahat kung magtatanong lang sa Kanya. Sadyang walang kaso at simpleng proseso. Kung malapit kay Kristo, ang isang paninikluhod ay sapat na para mapagtanto kung ano ang totoo. Ang kumplikado ay ang inggit ng tao. Sa mga nakakita at nakarinig ng ating pagsusumamo, ang tingin ng iba ay nanlalamang tayo, sasabihing sipsip sa Ama kaya kakaiba ang dating ng grasya. Malimit lang tayo mangumpisal, umatend ng misa, at kausapin si Hesus sa Banal na Eukaristiya. Subukan nyo, andun Siya sa Adoration Chapel. Magugulat ka pa nga kung paano kalinaw at kalakas pag sagot siya. Sa mga nanampalaya, ang puso ang kanilang magiging tenga. Hanap tayo ng hanap sa Kanya eh andun lang pala siya. Ang gawi ng mundo kung saan ang mga mataas at malakas ay tinitingala, ang langit ay nakatungo sa maliliit at mababa, pinupuspos ng kapangyarihan, lakas, at talino ang nagpapakumbaba. Katulad ni Kristo na hindi naiintindihan ng punong saserdote at eskriba, ang ating ginagawa malamang ay nakalilito. Sapagkat ang kaisipan ng Diyos ay iba ng sa tao, galaw ng Espiritu sila ay maiiskandalo. Isang tila alipin ang paraan ng ating pagseserbisyo, angking buhay at pagkatao’y naisuko na kay Kristo, sa mata ng mga mapagmataas ay sinayang na oras at lakas, hindi lang nila alam at di masundan na kahit kamatayan ay atin nang napagtagumpayan. Kung makikita lang ng marami, ang kaligtasan ay pinasimple na ni Hesus para sa atin. Kung wala pa siya, buhay ay sadyang mabigat. Puno ng lungkot at walang kasiyahan. Puntahan mo siya at lumuhod sa harap niya. Saka mo lang maiintindihan ang mga kuwento ko na tila walang kuwenta. Ang Katotohanan ay makikita mo sa mga mata Niya. Nakamasid sa iyo ng may buong kalinga.

Reply

Joshua S. Valdoz February 28, 2024 at 11:00 am

PAGNINILAY: Ang nais maging dakila ay dapat maging lingkod ng lahat… Ito ang nais ni Hesus sa kanyang mga alagad. Dahil ito ang paraan na ipinakita ni Hesus at ito’y dinanas ni Hesus dito sa lupa. Ang Paglilingkod ay isang marangal na gawain ng isang mabuting tao. Ninais nang ina nila Juan at santiago nahiniling niya kay Jesus na umupo sa kaliawa at kananan kaya’t siya nanikluhod pa. At kahit sila mismo nang ito’y tanungin magagawa nila na inumin ang saro ng paghihirap. Meron din sila intensiyon at hangarin na makaupo sa kaliwa at kanan ni Jesus pagsiya’y naghahari na. Nais nila nang isang posisiyon at kapangyarihan. Pero pinaalalahanan sila ni Jesus na ang pagpili sa lugar na iyon ay sana Ama , at wala sa kanyang kapangyarihan, dahil nais ni Jesus na ang kanyang hangarin ay ang paglingkuran ang Ama na siya mismo paglinllingkod ang motibo nang kanyang pagparito. Upang hindi ito maging hadlan sa kanyang pagliligtas at ang pagpili ng kanyang mga alagad. Ito rin dapat ang maging motibo natin , hindi posisiyon o kapangyarihan. Sa halip ang maging lingkod, at ito pa ang magdadala sa atin upang maging dakila. Dahil sa likod ng paglilingkod ay nakapaloob ang pagsunod. kaya nagiging dakila tayo sa Ama.

Reply

Rex Barbosa February 28, 2024 at 2:50 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Mateo 20, 17-18

Reply

Rex Barbosa February 28, 2024 at 2:51 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Mateo 20, 17-18
PAGNINILAY

Natutunan natin sa Ebangheyo ngayon….

Pagtanggap sa plano, sa kaloob ng Diyos sa atin.
Pagsasabi ng laman ng ating puso. Kahit alam ng Diyos
kung ano ang nais natin gusto pa rin Niyang marinig mula sa atin.
Pagpapaubaya sa Amang nasa langit nang lahat sa ating buhay.
Pagpapakababa o Kababaang loob sa harap ng Diyos at kapwap.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: