Sabado, Pebrero 20, 2021

February 20, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Sabado Pagkaraan ng Miyerkules ng Abo

Dumating si Kristo upang iligtas ang mga makasalanan. Buong kababaang-loob sa pagtugon sa kanyang tawag, ilapit natin sa Ama ang ating mga panalangin.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na tagapagpagaling, gawin mo kaming buo.

Ama Simbahan nawa’y maituring bilang isang tahanan ng nagpapagaling para sa mga mahihina at makasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa tulong ng Mahal na Birheng Maria nawa’y mamayani ang kapayapaan sa bawat bansa sa buong mundo sa pamamagitan ng habag na ipinakikita nila sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa ating bansa nawa’y maghari ang pagkakaisa, bunga ng paggalang ng mga mamamayan sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa lugar ng ating hanapbuhay at maging sa ating mga pamilya nawa’y hindi tayo manguna sa pamimintas sa ating mga kasama, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa na ay makaranas nawa ng mapanligtas na kapangyarihan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, sa panahong ito ng Kuwaresma, bagamat hangad naming maging matuwid, nawa ay iadya mo kami sa pagiging labis na mapagmatuwid. Sa pagnanais naming makamit mula sa Tagapagligtas ang kanyang walang-hanggang awa, maibahagi nawa namin ang kanyang pagpapala sa pamamagitan ng aming pagpapatawad sa aming kapwa, lalo’t higit sa amin ay nagkasala. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 19, 2021 at 11:35 pm

PAGNINILAY: Ang Panahon ng Kuwaresma ay pagkakataong upang kilalanin natin ang Diyos sa kanyang dakilang habag, sa kabila ng ating mga pagkukulang at pagkakasala laban sa kanya at sa ating kapwa.

Narinig natin sa Ebanghelyo ang pagkatawag ni San Mateo sa kasamahan ni Kristo. Sa kapanahunan ni Hesus, ang mga publikano/nangongolekta ng buwis ay itinuturing ng lipunan mga mandaraya at traydor: mandaraya sapagkat mahilig silang kumuha ng pera mula sa kanilang kapwang Hudyo, at traydor naman sapagkat nagtratrabaho sila para sa mga Romano.

Ngunit nakita natin kung paanong naging malapit si Hesus sa mga makasalanang taong ito, at sa puntong pagtawag kay Mateo (o Levi) sa pagiging tagasunod niya. Kaya nagpahanda ang publikanong ito na parang despedida dahil siya’y lilisan na mula sa kanyang dating pinagsamahan ng mga kaibigan niya. At nakita natin ang eksenang nakisalo ang Panginoon sa bahay ng isang itinuturing na makasalanan. Kaya ang mga Pariseo ay nagtanim ng sama ng loob at kwinestyon ang mga Apostol sa ginagawa ng Panginoon. Subalit tugon ni Kristo ay ang larawan ng isang doktor na nag-aalaga sa mga maysakit, na ganun din ang kanyang misyon upang tawagin ang mga makasalanang tao tungo sa tunay na pagbabagong-loob.

Makikita natin ang habag at pagmamahal ng Diyos kahit anumang estado ng tao sa lipunan at ayon sa kanyang paningin. Kung ipapaabot natin ang ating kamay sa kanila, lalung-lalo na sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan, napaparamdan natin sa kanila ang kagandahang-loob ng Panginoon at ang kanyang dakilang pagmamahal para sa lahat.

Hilingin natin sa Panginoong ngayong Kuwaresma na bigyan niya tayo ng kanyang awa at habag sa kabila ng ating mga pagkakamali, upang katulad ni San Mateo ay tumugon sa kanyang tawag na maging kanyang mga alagad, lalung-lalo na sa pagpapadama sa iba ang kanyang pagmamahal na kanyang inilaan para sa lahat.

Reply

Sherwin D. Yanoria February 20, 2021 at 6:53 am

Napakagandang balita, ang LAHAT ay binigyan ng Panginoong Hesus ng pag-asa ng kaligtasan. Tayong lahat ay makasalanan, Ngunit ang Diyos ay naririyan at handang magpatawad. Ngunit, huwag nating abusuhin ang kabaitan ng Diyos. Binigyan tayo ng sapat na pagkakataon upang magsisi at magbago. Ito ay araw-araw, mula pagkagising hanggang bago matulog. Walang hinangad ang ating Diyos kundi ang makasama tayo sa kanyang paraiso balang araw. Nawa’y gamitin natin ang ating oras sa mga bagay na kalugod-lugod sa Diyos.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: