Podcast: Download (Duration: 7:25 — 6.0MB)
Huwebes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Genesis 16, 1-12. 15-16
Salmo 105, 1-2. 3-4a. 4b-5
Pasalamat tayo sa D’yos, kabutihan niya’y lubos.
Mateo 7, 21-29
UNANG PAGBASA
Genesis 16, 1-12. 15-16
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Hindi magkaanak si Sarai na asawa ni Abram. Kaya naalaala niya si Agar, ang alipin niyang babaeng taga-Egipto. Sinabi niya, “Abram, yamang pinagkaitan ako ng Panginoon ng anak, ang alipin ko ang sipingan mo. Baka sakaling magkaanak siya para sa akin!” At ipinaubaya nga ni Sarai sa kanyang asawa si Agar. Sampung taon na si Abram na naninirahan sa Canaan nang ito’y nangyari. Matapos silang magsama bilang mag-asawa, nagdalantao si Agar. Ito’y ipinagmalki niya at hinamak pa si Sarai.
Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram, “Ikaw ang dahilan ng paghamak ni Agar sa akin! Alam mong ako ang nagkaloob sa iyo ng alipin kong ito; bakit niya ako hinahamak ngayong siya’y nagdadalantao? Ang Panginoon na ang humatol kung sino sa atin ang matuwid.”
At sumagot si Abram, “Ibinabalik ko siya sa iyo at gawin mo sa kanya ang gusto mo.” Pinagmalupitan ni Sarai si Agar, kaya ito’y tumakas.
Sinalubong siya ng anghel ng Panginoon sa tabi ng isang bukal na nasa ilang. Ang bukal na ito ay malapit sa lansangang patungo sa Shur. Tinanong siya, “Agar, alipin ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?”
“Tumakas po ako sa aking panginoon,” ang sagot niya.
“Magbalik ka at pailalim sa kanyang kapangyarihan,” wika ng anghel. At idinugtong pa:
“Ang mga anak mo ay pararamihin,
at sa karamiha’y di kayang bilangin;
di magluluwat, ika’y magsusupling,
ngalang itatawag sa kanya’y Ismael;
dininig ng Panginoon, iyong mga daing.
Ngunit ang anak mo’y magiging mailap,
hayop na asno ang makakatulad;
maraming kalaban, kaaway ng lahat,
di makikisama sa mga kaanak.”
Nagsilang nga si Agar ng isang lalaki at ito’y pinangalanang Ismael. Noo’y walumpu’t anim na taon na si Abram.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 1-2. 3-4a. 4b-5
Tugon: Pasalamat tayo sa D’yos, kabutihan niya’y lubos.
Magpasalamat sa Panginoong Diyos. pagkat siya ay mabuti,
ang kanyang pag-ibig na hindi kukupas ay mananatili.
Sinong mangangahas upang magpahayag na siya’y dakila?
Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
Tugon: Pasalamat tayo sa D’yos, kabutihan niya’y lubos.
At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan
na gawang matuwid ang siyang adhika sa buo n’yang buhay.
Tugon: Pasalamat tayo sa D’yos, kabutihan niya’y lubos.
Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo’y iyong nagunita,
sa pagliligtas mo, isama mo sana ang lingkod mong aba;
upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
kasama ng iyong bansang nagagalak, ako’y magdiriwang.
Tugon: Pasalamat tayo sa D’yos, kabutihan niya’y lubos.
MABUTING BALITA
Mateo 7, 21-29
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langiit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit. Pagdating ng huling Araw, marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, nangaral po kami at nagpalayas ng mga demonyo, at gumawa ng mga kababalaghan sa inyong pangalan!’ At sasabihin ko sa kanila, ‘Kailanma’y hindi ko kayo nakilala. Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama!’
“Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. Ang bawat nakikinig ng aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Bumagsak ang bahay na iyon at lubusang nawasak.”
Nang masabi na ni Hesus ang mga pananalitang ito, ang mga tao’y namangha. Sapagkat nagturo siya na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
« Mga Pagbasa – Martes, Hunyo 25, 2019
Mga Pagbasa – Sabado, Hunyo 29, 2019 »
{ 3 comments… read them below or add one }
pinupuri at pinasasalamatan kanamin panginoon,,, In Jesus Amen,,,,,
Salamat sa Awit at Papuri, malaking tulong for us Commentators for our daily Mass. To God be the glory!
Pinupuri at pinasasalamatan ka namin Panginoong Hesukristo.Amen