Sabado, Setyembre 26, 2026

September 26, 2026

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado

Ipinahayag ni Kristong ating Panginoon ang ating kaligtasan sa kanyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan niya, ang Lingkod na Nagdurusa, dalhin natin ang ating mga panalangin sa Ama ng lahat ng awa.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, maunawaan nawa namin ang Iyong pamamaraan.

Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magpakita ng maliwanag na pangarap na may masigasig at matatag sa gitna ng magulong mundong ating ginagalawan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang kapayapaan at pagkakasunduan nawa’y mamayani sa samahan ng mga bansa at lahat ng tao sa daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang mapagtanto na ang tunay na kadakilaan ay hindi sa pamamagitan ng kapangyarihan at katayuan sa lipunan kundi matatagpuan ito sa paglilingkod natin sa ating kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y iugnay ang kanilang paghihirap sa mga pagdurusa ni Kristo sa krus, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y mapalaya sa kanilang pagkakasala at magtamo ng walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, bigyan mo kami ng tapang na tanggapin ang anumang pagdurusa na darating sa aming buhay. Akayin mo kami sa kaganapan ng kaligayahan sa iyong presensya. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 25, 2020 at 10:51 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ngayon ay paalala ng mangaral na manunulat tungkol sa pagkakaroon ng makabuluhang buhay at ng mga makabuluhang bagay dahil sa Panginoong Diyos. Lalo na karamihan sa atin ay miyembro ng kabataan, hindi dapat mawala sa atin ang Panginoon dahil kapiling siya sa atin kahit tumanda man ang ating edad. Kaya sinasabi ng mga karaniwang tao na ang kabataan ang pag-asa ng mundo. Ganun rin na ang kabataan ang pag-asa ng Simbahan upang patuloy lumago ang ating pananampalataya sa Diyos.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang ikalawang pagpapahayag ng Panginoong Hesukristo ukol sa kanyang nalalapit na Misteryong Paskwal sa pamamagitan ng kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay sa Krus, at Muling Pagkabuhay. Ang reaksyon ng mga alagad ay parang hindi nila nauunawaan, subalit ayaw din nilang kwestiyonin ang sinabi ng Panginoon. Makikita natin ang pagpapaubaya ng mga Apostol tungkol sa anumang magiging kilos o desisyon ni Kristo. Subalit itong pangyayaring magaganap sa Jerusalem ay siyang magiging tanda ng kanilang pagbibigay-saksi sa Mabuting Balita. Pagkatapos bumaba ang Espiritu Santo sa kanila, sila rin ay magpapahayag tungkol sa dinanas ni Hesukristo para tayo ay maligtas. Dumanas din sila ng mga dusa alang-alang sa pananampalataya, ngunit hindi sila bumitaw kailanman. Ganun din sana tayo bilang mga Kristiyano, na huwag tayong matakot harapin ang mga sitwasyon ng buhay dahil kaisa natin ang Krus ni Hesus na magdadala sa atin tungo sa tunay na kaligayahan: ang buhay na walang hanggan.

Reply

Group of Believer Poblite September 28, 2024 at 6:06 am

MAGNILAY: Hindi maunawaan ng mga alagad ang sinabi ni Hesus tungkol sa kanyang paghihirap dahil una sa lahat ay ayaw naman nila itong unawain talaga. Nasa rurok sila ng pagkamangha sa kanya dahil sa galing niyang mangaral at gumawa ng mga kababalaghan. Lahat ng senyales na siya na nga ang Mesiyas na kanilang pinakahihintay ay nasa kanya na. Pakiramdaman nila napakasuwerte nila na sila ang naging barkada ng Panginoon at nakikinita na nila na sila ang kaniyang magiging mga gabinete kapag nakaluklok na siya bilang politikal na lider. Bigla-bigla ay ipinahayag ni Hesus na siya’y itatakwil at ipagkakanulo. Biglang bagsak ang kanilang ekspektasyon. Kapag nangyari iyon bagsak ang kanilang mga pangarap at ambisyon. May pakiramdam na sila kung ano ang ibig sabihin niyon pero takot silang magtanong kasi sana mali ang pakiramdam nila. Sana nagbibiro lang ang Panginoon. Takot talaga silang harapin ang totoo na si Hesus ay haharap sa hamon ng krus kasama sila.

Pinipili rin natin minsan ang pakikinggan mula sa Panginoon. Ayos lang sa atin kung madali, komportable at kapaki-pakinabang. Pero kung ang kabaligtaran ang totoo takot at ayaw na natin. Ayaw natin ng krus, ng sakripisyo, ng mahihirapan tayo. Ayaw nating umalis kung saan komportable na tayo. Gusto nating sundan ang Hesus na walang krus. Ayaw natin siyang tingnan bilang nagdurusang Mesiyas. Gusto natin yung maluwalhating Mesiyas.

Madalas kung ano yung iniiwasan natin ang siyang magdadala sa atin sa tunay na paglago, pag-usad at tagumpay. Kung ano ang mas mahirap, ang may mas sakripisyo, ang may pagdurusa ang talagang mag-aangat sa atin. Pero kailangan natin ng tapang na pakinggan ang ayaw nating marinig, ang harapin ang iniiwisan natin at yakapin kung ano ang kalooban ng Diyos sa atin.

Ang ating unang santong Pilipino ay piniling sumunod sa Kristong may krus. Sinundan ang Panginoon sa daan ng pagpapakasakit. Maging inspirasyon at modelo natin si San Lorenzo Ruiz. Dumadaloy sa dugo nating mga Pilipino ang kabayanihan. At bilang mga Kristiyanong Pilipino handa tayong maging bayani ng pananampalataya.

MANALANGIN: Panginoon, tulungan mo kaming harapin ang katotohanan ng aming pagsunod sa iyo. Tulungan mo kaming tanggapin ang krus.

GAWIN: Pakinggan ang ayaw mong mapakinggan. Unawain ang ayaw mong maunawaan. Talunin ang takot mo na harapin ang katotohanan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: