Podcast: Download (Duration: 5:42 — 7.6MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Ang pangaral ni Jesus sa Ebanghelyo at ang kanyang sariling buhay ang ating panuntunan sa pagnanais nating malaman ang kalooban ng Diyos. Manalangin tayo sa Diyos Ama upang makasunod tayo sa kanyan at maisabuhay ang kanyang pangaral.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Maging ganap nawa sa aming buhay ang Iyong kalooban, O Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y isabuhay ang espiritu ng Ebanghelyo at tuwinang hanapin ang kalooban ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang mapalalim ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng ating paglilingkod sa mga dukha, may kapansanan, at yaong mga kapuspalad, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maging mga tunay na bahagi ng pamilya ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging tapat sa kalooban ng Diyos Ama sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang isabuhay sa araw-araw na pangyayari at kagapan ng ating buhay ang Salita ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magtamo ng walang hanggang liwanag at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, gawin mo kaming karapat-dapat na maging bahagi ng iyong pamilya sa pamamagitan ng aming pananampalatayang ipinahahayag sa mabubuting gawain. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Lunes, Setyembre 21, 2026
Miyerkules, Setyembre 23, 2026 »




{ 4 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Marami sa atin ay nabibilang sa isang pamilya. Ang pamilya ay binansagang pinakabasehan ng isang lipunan. Marahil ito’y iniuugnay sa relasyong dugo ng iilan o lahat ng mga miyembro nito. Ngunit ayon sa Sosyolohiya, ang pamilya ay hindi lang tungkol sa dugo o “affinal”, kundi mayroon ring tinatawag na “extended family”. Ganyang klaseng pamilya ang inilalarawan sa Ebanghelyo ngayon. Habang nagsasalita si Hesus sa loob ng isang pamamahay sa Capernaum, biglang sinabihan siya na dumating ang kanyang ina at mga kapatid (salitang Griyego ‘adelphoi’ na ang kahulugan “kamag-anak”). Ngunit sinabi ni Hesus na ang kanyang ina at mga kapatid ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at sumusunod dito. Hindi literal na pinag-iinitan ni Hesus ang kanyang kapamilya, ngunit ang nais niya ay buksan ang Pamilya ng Diyos Ama. Ito yung pinakadakila sa mga extended families. N’ung tayo’y bininyagan, tayo’y naging miyembro ng Sambayanan ng Diyos na bumubuo sa kanyang Simbahan. Bilang mga binyagan, tayo’y nakikibahagi sa misyon ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol sa kanyang paghahari. At ang pinakamahalagang gawain ay ang pagsunod sa kanyang dakilang kalooban. Anumang mangyari sa atin, hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa sapagkat siya ang gagabay sa atin na magtiis sa mga panahon ng pagdurusa at problema. At mahalaga rin bilang miyembro ng kanyang pamilya na tayo’y magmalasakit at gumawa ng kabutihan sa ibang tao. Ngunit ang ayaw ng Panginoon ay ang gumawa ng kasamaan ang isang tao sapagkat ito ang humihiwalay sa pakikipagrelasyon sa kanya. Kaya nga hinihikayat tayo ng manunulat ng Aklat ng mga Kawikaan sa Unang Pagbasa na ang Diyos ay nasisiyahan sa kabutihan at katuwiran na pamumuhay, at hindi sa masama at walang pakialam na ugali. Kaya nawa sa ating buhay-pananampalataya ay isabuhay natin ang pagiging miyembro ng Pamilya ng Diyos sa pagsunod sa kanyang dakilang kalooban s paggawa ng tama at nararapat at pagkaroon ng mabuting puso sa ibang tao.
PAGNINILAY
Bawat isa sa atin ay maaaring maging ina at mga kapatid ni Hesus, kung hahanapin nating isakatuparan ang kalooban ng Diyos, ‘nakikinig sa Salita at ginagawa ito’. Ang paghahanap sa kalooban ng Diyos ang ating susi sa langit. At ang pag-ibig, ang pinakadakila sa lahat ng utos ang pinakamahalaga. Dapat nating mahalin ang Diyos ng buong puso, isip at lakas. Ngunit ang pag-ibig sa ating kapwa ay isang pagpili, hindi lamang sa damdamin. Dapat itong manatili sa ating kalooban at diwa. Kung talagang mahal natin ang Diyos, susundin natin ang ipinag-uutos sa atin ng Diyos. Kapag alam natin kung gaano tayo kamahal, at kung gaano natin kamahal ang ating kapwa, ang ating saloobin ay nababago at ang mundo ay nagiging isang mas magandang lugar na tirahan.
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming umabot sa iba habang nagsusumikap kaming gawin ang Iyong kalooban. Amen.
***
MAGNILAY: Hindi intensyong hiyain ang pamilya ng Panginoon lalo na ang kanyang ina ng tagpong ito na sila ay nasa labas at hindi makapasok samantalang sila ang mga kadugo ng Panginoon at ang mga hindi naman kaanu-ano ng Panginoon ang siyang nasa loob. Pinagdidiinan lang ng Panginoon na kahit kadugo ka niya pero kung hindi ka nakikinig at tumutupad ng salita ng Diyos ay tagalabas ka. Kabaligtaran naman na kahit hindi ka niya kaanu-ano pero kung nakikinig ka’t tumutupad ng salita ng Diyos taga-loob ka. Kabilang ka sa bago at mas malaking pamilya ng Panginoon. Ang Mahal na Ina ay ina ng Panginoon hindi lang dahil siya’y kadugo at nagluwal pa nga sa kanya. Siya’y inang-ina ng Panginoon at orihinal na tagaloob dahil sa simula’t sapul nakikinig at tumutupad na siya ng salita ng Diyos nang buong puso. Nais ng Panginoon na lahat sana tayo maging tagaloob kabilang sa kanyang pamilya. Kaya lang naman tayo nagiging tagalabas ay dahil ginusto natin. Sa pagsasara ng puso natin sa kanyang salita tayo na ang pumipili na maging nasa labas.
MANALANGIN: Panginoon, mapabilang nawa ako sa iyong angkan sa pamamagitan ng pagtanggap at pagsasabuhay ko ng iyong salita.
GAWIN: Huwag ka dyan sa labas. Pumasok ka na. Makinig at tumupad ka na ng kanyang salita.
PAGNINILAY: Sa ating mga pagbasa makikita natin na inaanyayahan tayo ng panginoon na hindi lamang makinig kundi isabuhay ang mga turo niya. Hindi sapat ang mga hain at mga handog na ibinibigay natin sa Diyos, ang higit para sa kaniya ay ang pagiging matulungin natin sa ating kapwa, yung pag sunod natin sa kaniyang mga turo at gawa. Hingin natin sa Diyos ang kaniyang pangunguna sa lahat ng ating gawain at sa araw-araw nating pamumuhay, tandaan natin na hindi tayo magiging matagumpay sa ating mga gawain kung hindi natin kasama ang Diyos at kung hindi tayo hihingi ng gabay sakaniya.