Huwebes, Hunyo 25, 2026

June 25, 2026

Huwebes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

2 Hari 24, 8-17
Salmo 78, 1-2. 3-5. 8. 9

Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.

Mateo 7, 21-29


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Thursday of the Twelfth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
2 Hari 24, 8-17

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari

Si Joaquin ay labingwalong taon nang maghari sa Jerusalem at ito’y tumagal nang tatlong buwan. Ang kanyang ina ay si Nahustan na anak ni Elnatan ng Jerusalem. Si Joaquin ay hindi naging kalugud-lugod sa Panginoon pagkat tinularan niya ang kasamaan ng kanyang ama.

Nang panahong yaon, ang Jerusalem ay kinubkob ng mga kawal ni Haring Nabucodnosor. Samantalang ang mga kawal ng Babilonia ay nakapaligid sa lungsod, dumating ang Haring Nabucodnosor. Nang magkagayon, sumuko sa kanya si Haring Joaquin, pati ang ina nito, mga katulong, mga pinuno at lahat ng tauhan ng palasyo. Binihag sila ni Nabucodnosor noong ikawalong taon ng kanyang paghahari. Sinamsam pa niyang lahat ang kayamanan sa palasyo at sa Templo. At tulad ng ipinagpauna ng Panginoon, ipinasira niya ang mga kagamitang ginto na ipinagawa ni Solomon sa Templo. Tinangay niya ang lahat ng taga-Jerusalem: ang mga pinuno, mga kawal, mga dalubhasa at mga panday; lahat-lahat ay umabot ng sampunlibo. Wala silang itinira, liban sa pinakamahihirap. Tinangay nga niya sa Babilonia si Joaquin, ang ina nito, mga asawa, mga pinuno at lahat ng pangunahing mamamayan sa Jerusalem. Tinangay rin niya ang mga pitunlibong kawal at ang sanlibong dalubhasa, at mga panday na pawang matitipuno at angkop maging mandirigma. Si Natanias ang ipinalit ni Nabucodnosor kay Joaquin bilang hari ng Juda at pinalitan niya ng Sedequias ang pangalan nito.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 78, 1-2. 3-5. 8. 9

Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.

Panginoong Diyos,
pinasok ng Hentil ang lupang pangako, hayo’t iyong masdan!
Winasak ang lungsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
ang mga katawan
ng mga lingkod mo’y ginawang pagkain niyong mga ibon,
ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.

Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.

Dugo ng bayan mo’y
ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,
animo ay tubig; sa dami ng patay ay walang naglilibing.
Ang kalapit-bansang
doo’y nakasaksi, hindi mapigilan yaong pagtatawa,
lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.
Iyang iyong galit
sa amin, O Poon, hanggang kailan ba kaya matatapos?
Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami’y tutupok?

Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.

Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa’y pumanaw.

Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.

Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Panginoong Diyos na Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala’y patawaring ganap
at ang pagpupuri sa iyo ng madla’y hindi maglilikat.

Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.

ALELUYA
Juan 14, 23

Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 7, 21-29

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit. Pagdating ng huling Araw, marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, nangaral po kami at nagpalayas ng mga demonyo, at gumawa ng mga kababalaghan sa inyong pangalan!’ At sasabihin ko sa kanila, ‘Kailanma’y hindi ko kayo nakilala. Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama!’

“Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. Ang bawat nakikinig ng aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Bumagsak ang bahay na iyon at lubusang nawasak.”

Nang masabi na ni Hesus ang mga pananalitang ito, ang mga tao’y namangha. Sapagkat nagturo siya na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 13 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 24, 2020 at 1:45 pm

Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ngayon ay tumutungo sa pagkadakip ng mga taga-Babilonia sa Jerusalem. Dahil si Haring Joaquin ng Judah ay hindi naging tapat sa Diyos, nilusob ng mga kawal ng Babilonia ang Jerusalem. Siya’y tinangay ng mga kawal ni Haring Nabucodnosor, kasama ang kanyang ina, asawa, at iba pang mga kasamahan niya sa pamamahala noon sa Juda. Dahil siya’y sumuko sa Hari ng Babilonia, may bagong pumalit sa kanya, ang kanyang pamangkin na si Sedequias. At makikita natin na dahil si Sedequias ay hindi rin kalugud-lugod sa Panginoon, mabibihag sa wakas ang buong Juda. At ang mga Hudyo ay ginawang alipin sa Babilonia. Subalit hindi nagtatapos ang kwento diyan, sapagkat ipinangako ng Diyos na ililigtas niya ang kanyang bayan. Muli niyang papanibago ang kanyang tipan na makilala ng tao na sila ang bayan ng Diyos, at ang Panginoon ang Diyos nila.

Ang Ebanghelyo ngayon ay isang pagtatapos sa mahabang Pangangaral ni Hesukristo sa Bundok. Dito tinatapos niya ang kanyang pangangaral sa paghihikayat sa kanyang mga tagakinig tungkol sa pagiging matapat sa Diyos. Hindi lahat ng tao na tumatawag at sumasampalataya sa Panginoon ay makakasiguradong papasok sila sa langit. Ang mahalaga dito yung pakikinig sa Salita ng Diyos, pagiging matapat sa dakilang kalooban, at paggawa ng kabutihan at katuwiran ayon sa pamantayan ng Diyos. Ang mga gumagawa nito ay katulad sa isang taong nagtatayo ng isang bahay sa ibabaw ng bato. Samantala ang mga nakikinig lang sa Salita ngunit hindi ito isinasabuhay ay katulad naman sa isang taong nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng buhangin. Sa totoong buhay, ito ang pagiging masagana ng ating buhay-pananamapalataya. Tayo ay tinatawag na magtayo ng matatag na pundasyon ng pananampalataya na kasingtigas ng isang bato. Magagawa natin ito kung tayo ay makikinig sa Salita ng Diyos at isasabuhay natin ito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Reply

[email protected] June 25, 2026 at 8:22 am

Sa Dios Lahat Ang Kapurihan Sa Ngalan Ni Hesukristo…Amen!

Reply

Group of Believer Poblite June 27, 2024 at 7:40 am

MAGNILAY: Tuwing gagawa tayo ng mabuti at tumutupad ng salita ng Diyos lumalakas at tumitibay ang ating loob. Tumatatag ang pagkatao natin. Hindi tayo naitutumba agad-agad ng mga hamon at pagsubok ng buhay. Samantala, tuwing gagawa tayo ng mali at sumusuway sa kalooban ng Diyos rumurupok ang ating kalooban. Sa harap ng bagyo ng buhay agad tayong bumabagsak. Humihina ang pundasyon natin. Ang salita ng Diyos ay may kaloob na katatagan sa bawat nakikinig at tumutupad nito. Ito ay lakas at sandigan natin.

MANALANGIN: Panginoon, patibayin nawa kami ng pagtupad namin ng iyong mga salita.

GAWIN: Isalin sa gawa ang bawat salita ng Diyos na napakinggan mo.

Reply

Malou Castaneda June 27, 2024 at 5:22 pm

PAGNINILAY
Walang kapangyarihan na tila may lakas upang labanan ang tsunami at lindol. Iniiwan nila ang lahat sa kanilang landas na nawasak, nagiba at naluray. Ganito ang mangyayari sa atin kung ang ibibigay natin sa Panginoon ay serbisyo lang mula sa labi. Totoo kung minsan ay ipinapahayag natin ang ating pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga labi ngunit sa katunayan ay mayroon tayong iba pang mga bagay na tinatawag na ating mga diyos. Ang tanda ng ating tunay na pagmamahal at pangako sa Panginoon ay nasusubok sa pamamagitan ng ating kahandaang makinig sa Kanyang mga salita at kumilos at mamuhay ayon sa mga ito. Kung magkagayon, ano pa man ay mananatili tayong matatag dahil ginawa nating pundasyon ng ating buhay ang Panginoon at ang Kanyang salita. Walang sakuna ang maaaring magdulot sa atin ng anumang pinsala.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming palakasin ang mahihinang lugar sa aming espirituwal na bahay.? Amen.
***

Reply

[email protected] June 25, 2026 at 8:24 am

Salamat Sa Dios…Amen!

Reply

Mel Mendoza June 25, 2026 at 12:44 am

PAGNINILAY:
Mateo 7:21-29

Sa Ebanghelyo ngayon, malinaw ang paalala ni Hesus: hindi sapat ang pagtawag ng “Panginoon, Panginoon.” Ang tunay na alagad ay yaong nakikinig at sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ang sukatan ng pagiging Kristiyano ay hindi ang dami ng ating sinasabi tungkol sa Diyos kundi ang paraan ng ating pamumuhay ayon sa Kanyang salita. Ang tunay na pananampalataya ay hindi lamang nasa labi kundi nasa klase ng buhay na naayon sa panukala ng Diyos.

Maraming tao ang maaaring mukhang relihiyoso, aktibo sa simbahan, o may mga tungkulin sa ministeryo, ngunit ang mahalagang tanong ay: Nababago ba ng Salita ng Diyos ang ating puso at kilos?

Ang talinghaga ng bahay na itinayo sa bato at sa buhanginan ay may malalim na kahulugan.
Sa Bibliya, ang bato ay sumasagisag sa Diyos bilang matatag na pundasyon. Ang taong nagtitiwala at sumusunod kay Kristo ay nagtatayo ng kanyang buhay sa matibay na pundasyon na hindi matitinag ng anumang pagsubok.
Samantalang ang buhanginan ay sumasagisag sa mababaw at pansamantalang pundasyon—sariling kagustuhan, makamundong tagumpay, kayamanan, kapangyarihan, o pananampalatayang hanggang salita lamang.

Mapapansin na parehong nakaranas ng ulan, baha, at malakas na hangin ang dalawang bahay. Ipinapakita nito na ang pagsunod kay Kristo ay hindi garantiya na mawawala ang problema. Ngunit nagbibigay ito ng katiyakan na sa gitna ng pagsubok ay mananatiling nakatayo ang buhay na nakaugat sa Diyos.

Hindi tinatanong ni Hesus kung nakinig tayo sa Kanyang salita. Ang Kanyang tanong ay: “Isinabuhay mo ba ang iyong napakinggan?”

Kadalasan tayo’y ay nakakinig sa magandang homiliya, nagbabasa ng Bibliya, dumalo sa mga formation, at nagdadasal. Ngunit ang hamon ay kung naisasalin ba natin ang mga ito sa ating pakikitungo sa kapwa, pagpapatawad, kababaang-loob, katapatan, at pagmamahal.

Ang Kristiyanismo ay hindi lamang kaalaman tungkol kay Kristo; ito ay pakikipamuhay kay Kristo.
Sa huling araw, hindi tayo huhusgahan ayon sa dami ng ating nalalaman kundi ayon sa ating pag-ibig at pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Pagsasabuhay:
1. Maging tagapakinig at tagasagawa ng Salita.
Sa bawat Mabuting Balita na ating naririnig, tanungin ang sarili: “Ano ang ipinagagawa sa akin ng Panginoon ngayon?”
2. Suriin ang pundasyon ng iyong buhay.
Ang iyong mga desisyon ba ay nakabatay sa Salita ng Diyos o sa impluwensya ng mundo?
3. Isabuhay ang pananampalataya sa maliliit na bagay.
Ang katapatan, kabutihan, pagpapatawad, at paglilingkod ay mga konkretong paraan ng pagtatayo ng bahay sa bato.
4. Manatiling matatag sa panahon ng pagsubok.
Kapag dumating ang “ulan at baha” ng buhay, huwag mawalan ng pag-asa. Kumapit sa Panginoon na siyang ating matibay na bato.

Word of the Day:
“PUNDASYON”
Ang kalidad ng ating buhay espiritwal ay nakasalalay sa pundasyong ating pinagtatayuan.
Kung si Kristo ang ating pundasyon, mananatili tayong matatag sa gitna ng anumang unos.
“Ang matibay na pundasyon ng buhay ay hindi ang sariling lakas kundi ang pagsunod sa Salita ng Diyos.”

Panalangin:
Ama naming mapagmahal, salamat po sa Iyong Salita na nagbibigay-liwanag sa aming buhay. Tulungan Mo kaming hindi lamang makinig kundi maisabuhay ang aming pananampalataya araw-araw. Nawa’y si Hesus ang maging matibay na pundasyon ng aming isip, puso, at mga desisyon upang manatili kaming matatag sa gitna ng lahat ng pagsubok. Ito ang aming dalangin sa ngalan ni Hesus. Amen.

Reply

Anton Muya June 25, 2026 at 2:55 am

Ang Diyos ay Tapat sa Kanyang Ipinangako

Tunay na makapangyarihan ang Salita ng Diyos. Kapag sinabi Niya, ito ay magaganap at Kanyang tutupdin. Ang Salita ng Diyos ay ang tunay na karunungan na sana ay inaasam-asam ng lahat. Bawat buka ng Kanyang bibig at ipinahihiwatig sa pagkilos simula pa sa mga propeta, ito ay naglalaman ng karunungan. At ngayong naging ganap na nakipamuhay ang Diyos sa persona ng ating Panginoong Hesus, Siya ang nabubuhay na Salita ng Diyos na tumupad ng pangakong kaligtasan.

Sa unang pagbasa, isa itong pahayag na ang mga taga-Jerusalem ay hindi laging kalugud-lugod sa Diyos dahil mula sa hari hanggang sa mga miyembro nito, marami ang nagkakasala sa Diyos. Gayunpaman, ang pangako ng Diyos na ililigtas Niya ang kanyang Bayang Hinirang, ito ay hindi natatapos dahil lang sa pagkakasala ng henerasyong iyon. Nagpapatuloy ang pangako ng Diyos at ito ay kanyang gagawin.

Ang pag-ibig ng Diyos ay tunay at magpasawalang-hanggan. Kung ikukumpara ito sa isang kwento ay parang ganito. May mag-amang tatawid sa isang hanging-bridge. Malakas ang hangin at tumataas ang tubig-ilog na pupuwedeng ikasira ng tulay ngunit kailangan nilang makatawid upang mapunta sa mataas na lugar. Sinabi ng anak sa ama, “Pa, kakapit ako sa iyo upang hindi ako matangay ng bagyo.” “Anak, ako ang hahawak sa iyo, sapagkat anuman ang mangyari, hinding-hindi kita bibitawan,” sagot ng ama. Gayundin ang Amang nasa langit. Sa kabila ng maraming pagkakasala at pagkakamali natin sa buhay, hindi sumusuko at hindi bumibitaw ang Diyos sa atin. Mananatili siyang tapat sa pangako Niyang pagliligtas.

Tunay na pundasyon na parang matibay na bato ang Salita ng Diyos. Hindi ito matatapos nang hindi ito nagaganap. Para itong ulan na ipinadala sa kalupaan upang maganap ang nais na pagdilig sa mga puno at halaman. Para itong sikat ng araw na nagnanais pasiglahin ang mga mabungang puno. Matatapos ang lahat, ngunit ang Salita ng Diyos ay magpasawalang-hanggan.

Ang sa palagay kong hamon sa ating buhay ngayon: Gaano ka ka-pamilyar sa mga Salita at Gawa ng Diyos? Nakikilala mo ba Siyang lubos at kung gaano Siya katapat sa Kanyang mga pangako? Alalahanin ang mga gawa ng Diyos sa iyong buhay at kung paano siya naging tapat kahit sa malilit na pangyayari sa buhay.

Reply

Jovy Uy June 25, 2026 at 4:26 am

Salamat sa encouragement na kumapit sa salita ng Dios, ang Verbo ng pasimula na nagkatawang tao, si Jesus, ang bato panulok/pundasyon ng ating buhay.

Reply

Jovy Uy June 25, 2026 at 6:40 am

Pagninilay

Sa unang pagbasa, ang pagpapakita at pagmamalaki ng sinumang hari sa yaman ng Jerusalem sa Babilonia at ang kawalang-ingat sa pakikipag-alyansa sa Babiloniq ay nagdala ng matinding kapahamakan sa bayan ng Jerusalem Si haring Joaquin ang sumunod na hari na dinalang bihag sa Babilonya. Si Joaquin ay naghari lamang ng maikling panahon (tatlong buwan), sinalo niya ang matinding parusa at ang “bagyo” ng galit ng Diyos na inani ng mga nauna sa kaniya. Ito ay nagpapakita na ang kawalan ng malasakit at mga maling desisyon ng mga pinuno ay may direktang epekto sa mga susunod na henerasyon. Ang kasalanan ng mga nauna ay pinapasan ng mga inosente o ng mga sumunod na tagapagmana.

Nang ang Templo ay sirain ng mga taga-Babilonia at samsamin ang mga sagradong kayamanan, ito ay sumisimbolo sa pagbagsak ng nasyon at sa kaparusahan ng Diyos sa kanilang pagsuway. Malinaw na itinuro ni Jesus na ang Kanyang katawan ang tunay na templo ng Diyos. Ito ang sinabi Niya sa Juan 2:19: “Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo ko ito. Ang pisikal na templo ng Jerusalem ay gawa ng tao at maaaring gibain ng kaaway. Subalit ang tunay na templo—ang katawan ni Jesus—ay sinira at pinatay ng mga tao, ngunit Kanyang muling itinayo sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Si Jesus ang sumalo sa pinakamatinding parusa para sa kasalanan ng sanlibutan, upang ang sinumang maniwala sa Kanya ay hindi na mamatay kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

“Si Joaquin ay labingwalong taon nang maghari sa Jerusalem at ito’y tumagal nang tatlong buwan. Ang kanyang ina ay si Nahustan na anak ni Elnatan ng Jerusalem. Si Joaquin ay hindi naging kalugud-lugod sa Panginoon pagkat tinularan niya ang kasamaan ng kanyang ama.Nang panahong yaon, ang Jerusalem ay kinubkob ng mga kawal ni Haring Nabucodnosor. Samantalang ang mga kawal ng Babilonia ay nakapaligid sa lungsod, dumating ang Haring Nabucodnosor. Nang magkagayon, sumuko sa kanya si Haring Joaquin, pati ang ina nito, mga katulong, mga pinuno at lahat ng tauhan ng palasyo. Binihag sila ni Nabucodnosor noong ikawalong taon ng kanyang paghahari. Sinamsam pa niyang lahat ang kayamanan sa palasyo at sa Templo. At tulad ng ipinagpauna ng Panginoon, ipinasira niya ang mga kagamitang ginto na ipinagawa ni Solomon sa Templo. Tinangay niya ang lahat ng taga-Jerusalem: ang mga pinuno, mga kawal, mga dalubhasa at mga panday; lahat-lahat ay umabot ng sampunlibo. Wala silang itinira, liban sa pinakamahihirap. Tinangay nga niya sa Babilonia si Joaquin, ang ina nito, mga asawa, mga pinuno at lahat ng pangunahing mamamayan sa Jerusalem. Tinangay rin niya ang mga pitunlibong kawal at ang sanlibong dalubhasa, at mga panday na pawang matitipuno at angkop maging mandirigma. Si Natanias ang ipinalit ni Nabucodnosor kay Joaquin bilang hari ng Juda at pinalitan niya ng Sedequias ang pangalan nito.”

Reply

Jovy Uy June 25, 2026 at 6:41 am

Ang Salmo ay nagpapakita ng matinding sugat ng kasaysayan na may malalim na espirituwal na kahulugan. Ang pagkasira ng templo at ang pagdanak ng dugo ay literal na naganap noong sinakop ng hentil na Babilonya ang Jerusalem noong 587 B.C.. Ang bayan ng Diyos ay nagdusa dahil sa kanilang mga kasalanan, subalit sila ay patuloy na sumigaw sa awa ng Diyos. Ang propesiya sa Salmong ito ay may lubos na katuparan kay Kristo. Si Jesus mismo ang nagsabing “Gibain ninyo ang templong ito at itatayo ko sa loob ng tatlong araw” na tumutukoy sa Kanyang sariling katawan. Ang paglapa at pagdanak ng dugo noong Siya ay ipako sa krus ng mga gentil na Romano ay kabayaran para sa kasalanan ng sanlibutan. Ang templo ng Diyos ay hindi na lamang gusali kundi sumisimbolo sa katawan ni Jesus, ang Iglesia, na binubuo ng mga sumasampalataya sa paskal ni Jesus(1 Corinto 3:16). Ang panalangin na “iligtas mo kami” ay isang araw-araw na paghingi ng kapatawaran at proteksyon laban sa mga tukso at kasalanan. Sa gitna ng lahat ng ito, ang Awit 79 ay nagtatapos sa pangako ng walang katapusang pagpupuri at pasasalamat sa pagliligtas ng Diyos.

“Panginoong Diyos,
pinasok ng Hentil ang lupang pangako, hayo’t iyong masdan!
Winasak ang lungsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
ang mga katawan
ng mga lingkod mo’y ginawang pagkain niyong mga ibon,
ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.”Dugo ng bayan mo’y
ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,
animo ay tubig; sa dami ng patay ay walang naglilibing.
Ang kalapit-bansang
doo’y nakasaksi, hindi mapigilan yaong pagtatawa,
lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.
Iyang iyong galit
sa amin, O Poon, hanggang kailan ba kaya matatapos?
Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami’y tutupok.Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa’y pumanaw.
Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Panginoong Diyos na Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala’y patawaring ganap
at ang pagpupuri sa iyo ng madla’y hindi maglilikat.”

Reply

Jovy Uy June 25, 2026 at 6:41 am

“Ayon sa Ebanghelyo, ipinahayag ni Jesus na sa Araw ng Paghuhukom, ang mga ‘good works’ tulad ng panalangin, pangangaral, pagpapalayas ng demonyo, at mga kababalaghan (pagpapagaling, pagbuhay ng mga patay, atbp.) ay hindi maituturing na pasaporte upang makapasok sa langit. Maihahalintulad lamang ang mga ito sa butil ng buhangin. Tanging si Jesus lamang ang batong pundasyon ng ating kaligtasan upang kilalanin tayo ng Diyos. Ang pananalig sa gawaing pagliligtas ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang paskal (death and resurrection) ang ating pasaporte. Ang mga ‘good works’ ng mga mananampalataya, na bunga ng pananampalataya kay Jesus, ay huhukumin sa Judgment Seat of Christ upang tumanggap ng gantimpala o ‘degree of joy’ (2 Corinto 5:10, 1 Corinto 3:11-15). Samantala, ang mga hindi sumasampalataya kay Jesus ay hahatulan sa Great White Throne Judgment (Pahayag 20:11-15) para sa degree of suffering sa impiyerno. Ang mga bansa na kumalaban sa Israel ay hahatulan sa Judgment of Nations (Mateo 25:32-45).

“Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit. Pagdating ng huling Araw, marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, nangaral po kami at nagpalayas ng mga demonyo, at gumawa ng mga kababalaghan sa inyong pangalan!’ At sasabihin ko sa kanila, ‘Kailanma’y hindi ko kayo nakilala. Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama!’“Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. Ang bawat nakikinig ng aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Bumagsak ang bahay na iyon at lubusang nawasak.”Nang masabi na ni Hesus ang mga pananalitang ito, ang mga tao’y namangha. Sapagkat nagturo siya na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.”

Kumusta naman tayo? Nakasalig ba ang ating kaligtasan kay lamang Jesus (bato) sa kanyang good works na pagkamatay at muling pagkabuhay upang matubos ang ating mga kasalanan ng minsan at magpakailanman (Hebreo 9:12)? O tulad na tayo ng mga pinuno ng Israel, ang mga hari at eskriba na natisod sa batong panulok na si Jesus sa hindi pagkilala at pananampalataya sa kaniya kundi umasa sa pag-alyansa at kanilang mabubuting gawa upang maligtas?

Lucas 13:26-28

“Sasabihin naman ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo (communion), at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan (aktibo sa simbahan). Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’  Iiyak kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama’y ipinagtatabuyan!

Gawa 4:11

“Itong si Jesus, ‘ang bato na itinakuwil ninyong mga tagapagtayo ang siyang naging batong panulukan.’

Reply

Jovy Uy June 25, 2026 at 6:44 am

Sa gospel readings, ipinahayag ni Jesus na sa Araw ng Paghuhukom, ang mga ‘good works’ tulad ng panalangin, pangangaral, pagpapalayas ng demonyo, at mga kababalaghan (pagpapagaling, pagbuhay ng mga patay, atbp.) ay hindi maituturing na pasaporte upang makapasok sa langit. Maihahalintulad lamang ang mga ito sa butil ng buhangin. Tanging si Jesus lamang ang batong pundasyon ng ating kaligtasan upang kilalanin tayo ng Diyos. Ang pananalig sa gawaing pagliligtas ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang paskal (death and resurrection) ang ating pasaporte. Ang mga ‘good works’ ng mga mananampalataya, na bunga ng pananampalataya kay Jesus, ay huhukumin sa Judgment Seat of Christ upang tumanggap ng gantimpala o ‘degree of joy’ (2 Corinto 5:10, 1 Corinto 3:11-15). Samantala, ang mga hindi sumasampalataya kay Jesus ay hahatulan sa Great White Throne Judgment (Pahayag 20:11-15) para sa degree of suffering sa impiyerno. Ang mga bansa na kumalaban sa Israel ay hahatulan sa Judgment of Nations (Mateo 25:32-45).

“Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit. Pagdating ng huling Araw, marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, nangaral po kami at nagpalayas ng mga demonyo, at gumawa ng mga kababalaghan sa inyong pangalan!’ At sasabihin ko sa kanila, ‘Kailanma’y hindi ko kayo nakilala. Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama!’“Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. Ang bawat nakikinig ng aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Bumagsak ang bahay na iyon at lubusang nawasak.”Nang masabi na ni Hesus ang mga pananalitang ito, ang mga tao’y namangha. Sapagkat nagturo siya na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.”

Kumusta naman tayo? Nakasalig ba ang ating kaligtasan kay lamang Jesus (bato) sa kanyang good works na pagkamatay at muling pagkabuhay upang matubos ang ating mga kasalanan ng minsan at magpakailanman (Hebreo 9:12)? O tulad na tayo ng mga pinuno ng Israel, ang mga hari at eskriba na natisod sa batong panulok na si Jesus sa hindi pagkilala at pananampalataya sa kaniya kundi umasa sa pag-alyansa at kanilang mabubuting gawa upang maligtas?

Lucas 13:26-28

“Sasabihin naman ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo (communion), at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan (aktibo sa simbahan). Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’  Iiyak kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama’y ipinagtatabuyan!

Gawa 4:11

“Itong si Jesus, ‘ang bato na itinakuwil ninyong mga tagapagtayo ang siyang naging batong panulukan.’

Reply

dlanor321 June 28, 2026 at 2:08 pm

Mula pa sa aking pagkabata ay pangarap kong mapunta sa heaven. Katunayan, ang madalas kong sagot sa tanong na “What is your greatest desire?” sa mga slum book noon ay: “To be with God in heaven.” Pero napagtanto ko na hindi pala madali ang pangarap na iyon. Ang hirap pala! Kasi kadalasan may kaakibat na sakripisyo at pagsuko ng aking kalooban ito sa kalooban ng Diyos. Gaya ng kahit gusto kong gumanti sa nang-aaway sa akin, hindi ko magawa kasi nakaka-konsensyang manakit ng damdamin ng iba. Kaya ang malalaking achievements ng mga nais na mapunta sa heaven ay to conquer oneself, to humble oneself, and to purify one’s intentions—upang maka-align sa kalooban ng Diyos. Karaniwan sa atin ang magalit kapag nasaktan, ang naising maghiganti kapag inapi at nilamangan. Pero paano kung ang gusto ng Diyos ay magpatawad ka at magpakumbaba? Susuko ka ba sa Diyos? Susundin mo ba ang kalooban niya kahit labag ito sa iyong kalooban? Kapanalig, the greatest victory is to conquer oneself. Kaya mo bang magpigil ng iyong sarili kung alam mong hindi ito ang kalooban ng Diyos? – Sr. Lou Ranara, fsp | Daughters of St. Paul

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: