Miyerkules, Hunyo 24, 2026

June 24, 2026

Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista

Isaias 49, 1-6
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

Mga Gawa 13, 22-26
Lucas 1, 57-66. 80


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Solemnity of the Nativity of Saint John the Baptist (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 49, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Makinig kayo mga taong
naninirahan sa malalayong lugar.
Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang
at hinirang niya ako para siya’y paglingkuran.
Mga salita ko’y ginawa niyang
sintalas ng tabak,
Siya ang sa aki’y laging nag-iingat.
Ginawa niya akong parang matulis na palaso
na anumang oras ay handang itudla.
Sinabi niya sa akin,
“Israel, ikaw ay lingkod ko,
sa pamamagitan mo
ako’y dadakilain ng mga tao.”
Ngunit ang tugon ko,
“Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay
gayong ibinuhos ko ang aking lakas.”
Gayunman’y itinitiwala ko sa Panginoon
ang aking kalagayan,
na ako’y gagantimpalaan sa aking nakayanan.

Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ng Panginoon,
pinili niya ako para maging lingkod niya
upang tipunin ang nangalat na mga Israelita,
at sila’y ibalik sa bayang Israel.
Binigyan ako ng Panginoon ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat
ang aking karangalan.
Sinabi ng Panginoon sa akin:
“Israel na aking lingkod,
May mas mahalaga pa akong ipagagawa sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik
sa mga Israelitang nalabi
ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa
upang lahat sa daigdig ay maligtas.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

Ang anumang aking sangkap, ikaw o Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay.

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

Lahat ito’y nakikintal, sa puso ko at loobin.
Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo’y iyong napapansin’;
lumalaki ako roong sa iyo’y di nalilihim.

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

IKALAWANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 22-26

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, sinabi ni Pablo, “Nang si Saulo’y alisin ng Diyos, inihalili si David upang maghari sa ating mga ninuno. At ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanya, ‘Natagpuan ko kay David na anak ni Jesse ang lalaking nakalulugod sa akin, isang lalaking handang tumupad sa lahat ng inuutos ko.’ Mula sa angkan ng lalaking ito ipinagkaloob sa Israel si Hesus, ang kanyang ipinangakong Tagapagligtas. Bago siya dumating, ipinangaral ni Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisiha’t talikdan ang kanilang mga kasalanan, at pabinyag. Nang matapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Kristo. Ngunit siya’y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit tagaalis ng panyapak.”

“Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos: tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan.”

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Lucas 1, 76

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Juan, ay propeta,
sinugo upang manguna
sa Manunubos ng sala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 1, 57-66. 80

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet, at nagluwal siya ng isang sanggol na lalaki. Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya’y pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.

Nang ikawalong araw, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang ipangangalan sa kanya — gaya ng kanyang ama — ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” “Subalit wala isa man sa iyong mga kamag-anak ang may ganyang pangalan,” wika nila. Kaya’t hinudyatan nila ang kanyang ama at itinanong kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: “Juan ang kanyang pangalan.” At namangha silang lahat. Pagdaka’y nakapagsalita siya, at nagpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng kanilang kapitbahay, anupat naging usap-usapan sa buong kaburulan ng Judea ang mga bagay na ito. Pinakaisip-isip ito ng lahat ng nakaalam at ang kanilang tanong: “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang Panginoon.

Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya’y tumira sa ilang hanggang sa araw na magpakilala siya sa Israel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 12 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 22, 2020 at 9:40 pm

Pagninilay: Sa buong liturhikong Kalendaryo ng Simbahan, tatlong kaarawan ng tatlong tauhan ang ipinagdiriwang ng Simbahan. Una na diyan ang ating Panginoong Hesukristo, na ating ipinagdiriwang sa araw ng Kapaskuhan (Disyembre 25). Ikalawa ang ating Mahal na Ina, ang Birheng Maria, na ating ipinagdiriwang tuwing ika-8 ng Setyembre. At ang huli ay ang ating pagdiriwang ngayon ng kaarawan ni San Juan Bautista (Hunyo 24). Mahalaga ang mga kaarawan nina Kristo at Maria sapagkat si Mariang ipinaglihing walang kasalanan ang nagsilang kay Hesus na Tagapagligtas ng mundo. Ganun din kahalaga ang Pagsilang ni San Juan Bautista sapagkat siya ang Tagapaguna ng daan para sa pagdating ng Mesiyas, na kanyang pinsan at Anak ng Diyos na si Hesukristo. Alam natin na si San Juan Bautista ay anak nina San Zacarias at Santa Isabel (Elisabet). Habang si Zacarias ay nag-aalay ng insenso sa altar ng kabanalan sa Templo, nagpakita ang Arkanghel na si San Gabriel sa kanya at ipinahayag ang kapanganakan at misyon ni San Juan Bautista, na siyang iluluwal ni Elisabet sa kanyang sinapupunan. Dahil 2 sila ay matanda na at matagal nang baog si Elisabet, nagduda si Zacarias, kaya naging pipi at bingi siya hanggang hindi natutupad ang nakatakdang pangyayari ayon sa plano ng Diyos. At narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ang pagsilang ni San Juan Bautista mula sa sinapupunan ni Elisabet. Sinasabi rin dito na ang Birheng Maria na bumista sa bahay ng kanyang pinsan ay nanatili riyan ng tatlong buwan hanggang sa pangyayaring iyon. Ang mga kamag-anak ng sanggol ay nag-iisip kung anong ipapangalan sa kanya. At ayon nga sa kanilang tradisyon, dapat magmula sa pangalan ng kanilang pamilya at kamag-anak ang ibibigay sa bagong isinilang. Kaya nais nilang tawagin ang sanggol na Zacarias, katulad ng ama nito, subalit sinabi ng kanyang ina na ang pangalan ng sanggol ay Juan. At hindi sila sumang-ayon sa desisyon ni Elisabet, kaya ipinasulat nila kay Zacarias kung ano ang magiging pangalan ng bata. At isinulat ng ama nito ang Juan ang kanyang pangalan. Ito ang pangalang ibinigay ng Diyos nang magpakita si San Gabriel kay Zacarias. At nagtaka ang kanilang mga kamag-anak at mahal sa buhay kung ano ang magiging kapalaran ng sanggol na si Juan, sapagkat alam nila na siya ay kinalulugdan ng Diyos. Ang pangalang ‘Juan’ ay nangangahulugang “Ang Diyos ay mapagpala.” Binigyan ng Diyos ng pagpapala sina San Zacarias at Sta. Isabel ng isang anak kahit ang dalawa ay nasa katandaan ng edad. Higit na riyan, biniyayaan ng Panginoon ang tinig ng isang propeta’y nagpapahayag ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagsisisi mula sa mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Ang kanyang pagbibinyag sa Ilog Jordan ay tanda na nais ng Panginoong Diyos makamtan ng lahat ang kanyang pagtubos. Mahalaga rin sa buhay ni San Juan Bautista ang kanyang kababang-loob na ang kanyang pinsan, na ating Panginoong Hesukristo, ang dapat ipadakila, habang siya ay ipagpapakumbaba. Sa huli ng kanyang buhay, si Juan ay naging saksi sa katotohanan nang ipahayag niya na mali ang pakikiapid ni Haring Herodes Antipas kay Reyna Herodias, na dating asawa ng kapatid ng hari na si Felipe. Si San Juan Bautista ay tunay nga saksi sa Panginoon sa pagpapatawad ng Diyos, pagpapanumbalik ng relasyon ng tao sa Panginoon, at paninindigan sa katotohanan.

Reply

Malou Castaneda June 23, 2024 at 10:15 pm

PAGNINILAY
Pamilyar tayong lahat sa remote control ng isang telebisyon, kung saan naroon ang button na pinangalanang ‘MUTE’ na ginagamit upang ihinto ang tunog, saglit. Minsan, sa ating espirituwal na buhay, tayo rin, ay dumaranas ng karanasan ng pagiging ‘MUTE’ mode sa Diyos. Minsan nararamdaman natin na “wala” ang Diyos sa ating buhay. Ang mga magulang ni John, sina Zacarias at Elizabeth ay sumailalim sa ‘mute’ na karanasang ito sa Diyos. Pagkatapos ang mahabang paghihirap ay sa wakas ay ginantimpalaan ng Kagandahang-loob ng Diyos– ang Sandali na ‘Ang Kanyang Pangalan ay Juan’! Ang ‘mute’ na mga sandali sa ating buhay ay masakit at mahirap kapag ang lahat ay tila tuyo, walang sagot, tahimik, minsan kahit na walang pag-asa sa hinaharap. Kung minsan, sa kawalan ng pananampalataya, maaari tayong magsimulang magtanong sa Diyos tulad ni Zacarias. Ngunit wala sa ating kawalan ng pananampalataya ang makakasira sa plano ng Diyos para sa atin. Ang mga pagkaantala ng Diyos ay tiyak na hindi Kanyang mga pagtanggi! Siya ay may mas magandang plano–palagi, walang kabiguan! Ang ating ‘mute’ moments ay gagawing, ‘His name is John’ moments!

Panginoong Hesus, nawa’y maging matiyaga kami sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa aming mga sandali ng Mute upang maranasan namin ang mapagbiyaya at kaloob na ‘HIS NAME IS JOHN’ na mga sandali sa aming buhay! Amen.
***

Reply

[email protected] June 24, 2026 at 8:21 am

To God Be All The Glory…Amen!

Reply

Group of Believer Poblite June 24, 2024 at 11:01 pm

MAGNILAY: Mapagpala ang Diyos! Ito ang kahulugan ng pangalang JUAN. Si Juan Bautista ay naging daluyan ng pagpapala at grasya ng Diyos sa pagtugon niya sa misyong maging propeta na itinakda ng Diyos noon pa mang nasa sinapupunan siya ng kanyang ina. Bilang propeta naging tinig siya ng Diyos sa marami na inakit niya tungo sa pagsisisi at pagbabagong-buhay. Siya ang nagturo sa lahat kung sino ang Mesiyas – si Hesus na Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng mundo.

Tinatawag din tayong maging mga JUAN! Sa pagtuklas natin sa misyong itinakda sa atin ng Diyos noon pa man at kusang-loob nating pagtugon dito magiging grasya tayo sa buong sambayanan. Ang buhay ay pagsisilbi at pagbibigay ng sarili para sa iba. Natutupad ito kapag nakilala na natin ang misyon natin sa buhay na Diyos ang may-akda. Hangga’t hindi natin ito natutugunan mananatiling may kulang sa puso natin. Kahit matagumpay tayo sa karera at propesyon natin hindi tayo magiging tunay na maligaya hangga’t hindi natin nabibigay ang ating sarili sa misyong itinakda sa atin.

MANALANGIN: Panginoon, ipadama mo sa akin kung ano ang misyon ko sa buhay at gawin mo akong daluyan ng iyong grasya.

GAWIN: Maging misyon mo ang maging bagong JUAN sa sambayanan.

Reply

Mel Mendoza June 24, 2026 at 12:03 am

PAGNINILAY:
Lucas 1:57-66, 80
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista

Ang pagsilang ni San Juan Bautista ay tanda na ang Diyos ay kumikilos upang ihanda ang pagdating ng Mesiyas. Ang kanyang buhay ay hindi isang nagkataon lamang kundi nakalaan sa natatanging misyon mula sa Diyos: Ihanda ang daan ng Panginoon.

Nang ipahayag nina Elisabet at Zacarias na “Juan” ang pangalan ng bata, sinunod nila ang kalooban ng Diyos kaysa sa nakasanayang tradisyon. Ang pangalang Juan ay nangangahulugang “Ang Diyos ay mapagpala.” Ipinapaalala nito na ang ating tunay na pagkakakilanlan at misyon ay nagmumula sa Diyos, hindi sa inaasahan ng mundo.

Nang sumunod si Zacarias sa utos ng Diyos, nabuksan muli ang kanyang bibig at siya’y nagpuri sa Panginoon. Ganito rin tayo: kapag tinanggap natin ang plano ng Diyos, nagkakaroon tayo ng lakas at walang takot na magpahayag at magpatotoo tungkol sa Panginoong Hesus.

Tulad ni San Juan Bautista, tinatawag tayong maging tagapaghanda ng daan para kay Kristo sa ating pamilya, komunidad, at parokya. Hindi upang ituro ang ating sarili, kundi upang akayin ang iba kay Hesus.
“He must increase, but I must decrease.”
(John 3:30, RSVCE)

Sa Liturgical Calendar ng Simbahan, karaniwang ipinagdiriwang ang araw ng kamatayan ng mga santo dahil ito ang kanilang “kapanganakan sa langit.”
Ngunit may tatlong natatanging kaarawan na ipinagdiriwang bilang dakilang kapistahan:
1. Ang pagsilang ng ating Panginoong Hesukristo — Disyembre 25.
2. Ang kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria — Setyembre 8.
3. Ang pagsilang ni San Juan Bautista — Hunyo 24.

Bakit sila lamang?
Si Hesus
Sapagkat Siya ang Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan.
Ang Mahal na Birheng Maria
Dahil siya ang Ina ng Diyos (Theotokos) at mula sa unang sandali ng kanyang paglilihi ay napuspos na ng biyaya ng Diyos.
Si San Juan Bautista
Ayon sa tradisyon ng Simbahan at batay sa Lucas 1:15 at 1:41-44, si Juan ay pinabanal na ng Espiritu Santo habang nasa sinapupunan pa lamang ni Elisabet nang dalawin siya ni Maria.

Kaya’t ang kanyang pagsilang ay natatanging bahagi ng kasaysayan ng kaligtasan. Siya ang tulay sa pagitan ng Lumang Tipan at Bagong Tipan, ang huling propeta at tagapaghanda ng pagdating ni Kristo.
Kung si Maria ang “bukang-liwayway,” si Juan naman ang “bituing pang-umaga” na nagbabadya na malapit nang sumikat ang Araw ng Katarungan — si Hesus.

Word of the Day: PAGHAHANDA
Tanong: Ako ba ay naghahanda ng daan para kay Hesus sa puso ng mga tao, o nagiging hadlang sa kanilang paglapit sa Kanya?

Panalangin:
Ama naming mapagmahal, salamat sa halimbawa ni San Juan Bautista. Tulungan Mo kaming matuklasan at matupad ang misyong ipinagkatiwala Mo sa amin. Gawin Mo kaming tapat na tagapaghanda ng daan para kay Hesus sa aming pamilya, komunidad, at parokya. Nawa’y maging matapang kaming magpatotoo sa Iyong pag-ibig at katotohanan. Ito ang aming dalangin sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Reply

Anton Muya June 24, 2026 at 5:01 am

Bago pa man tayo mag-exist sa mundo, una na tayong inisip, dinisenyo at itinakda ng Diyos partikular sa kanyang ibig. Sabi nga sa Salmo 138, sa sinapupunan, ang Diyos ang nagbigay ng sangkat at naghugis sa bawat taong kanyang nilikha, at nalalaman niya ang bawat kilos o hindi pagkilos natin. Kilalang-kilala niya tayo sa simula pa. Kumbaga tayong mga tao na lumikha, for example, ng smartphone: alam natin kung ano ang magaganap sa bawat interaksyon natin sa gadget na ito, sapagkat tayo ang dumisenyo.

Ang mga kinikilalang magagandang likha ng Diyos ay ang mga santo, lalung-lalo na si Juan Bautista. Siya ay nilikha sa isang espesyal na misyon: ang paghahanda ng daan para sa Panginoong Hesus at ituro ang mga nagbalik-loob na sumunod sa Kanya. Sa tulong ng Espiritu Santo, nakapag-propesiya si Zacharias sa natatanging disensyo na ibinigay kay Juan. At ang pagtupad sa kalooban ng Diyos ang pinaka-nakalulugod sa Kanya.

Ang hamon sa atin ngayong kapistahan ni Juan Bautista: ano ang kahulugan ng iyong buhay ayon sa Espiritu Santo? Bilang mga Kristiyano, kalooban ng Diyos na tayo ay sumunod kay Kristo gaya ng sinasabi ni Juan: Kayo ay magbagong-buhay… Siya ang magbibinyag sa inyo ng Espiritu Santo. Siya ang Kordero ng Diyos. Magbigay-daan sa Diyos.”

Reply

Jovy Uy June 24, 2026 at 8:46 am

Pagninilay

Sa unang pagbasa, isang napakalinaw na propesiya tungkol kay Jesukristo bilang tunay na “Lingkod ng Panginoon” at ang kaganapan ng “Israel ng Diyos”.

Ipinangako ng Diyos na hindi lamang ibabalik ni Jesus ang bayang Israel, kundi gagawin din siyang “tanglaw ng mga bansa” upang ang kaligtasan ay umabot sa buong daigdig.

Bago umakyat sa langit, iniutos ni Jesus sa kanyang mga alagad na ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha (Mateo 28:19).

Ito ay pormal na tinanggap ng mga Hentil (mga hindi Judio). Tinawag ng Diyos ang Lingkod sa pangalang “Israel”.

Ang bansang Israel ay nabigong maging perpektong saksi at lingkod ng Diyos dahil sa kanilang mga kasalanan.

Si Jesus ang kumakatawan sa tunay at perpektong Israel—siya ang sumunod nang lubusan sa kalooban ng Ama at naging daan ng kaligtasan para sa kapwa Judio at Hentil (mga bansa) na bubuo sa katawan ni Jesus of Iglesia. Kaya ang tunay na Israel ay si Jesus. Nakikita natin na nagbabalikan na ang mga Israelita sa kanilang bayan bilang hudyat na malapit na ang pagbabalik ni Jesus upang kunin ang Iglesia at pagkatapos ay iligtas naman ang bansang Israel na pinagkakaisahan ngayon ng mga bansa.

Ang mga salita ng Lingkod ay gagawing “sintalas ng tabak” at matulis na palaso. Sa Bagong Tipan, ang mga turo at salita ni Hesus ay inilarawan bilang mas matalas kaysa sa alinmang tabak na may dalawang talim (Hebreo 4:12), na humihiwa sa puso at naghihiwalay sa katotohanan at kasinungalingan.

Nagsalita ang Lingkod tungkol sa pakiramdam na siya ay “nabigo sa pagsisikap” at “nagbuhos ng lakas nang walang saysay”. Ito ang mukha ng paghihirap ni Hesus sa krus. Sa paningin ng tao at sa gitna ng matinding pagtanggi ng kanyang sariling bayan (Juan 1:11), tila siya ay natalo. Ngunit ibinuhos niya ang kanyang tiwala sa Ama hanggang sa muling pagkabuhay, kung saan siya ay ginantimpalaan at itinaas (Filipos 2:9-11).

“Makinig kayo mga taong
naninirahan sa malalayong lugar.
Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang
at hinirang niya ako para siya’y paglingkuran.
Mga salita ko’y ginawa niyang
sintalas ng tabak,
Siya ang sa aki’y laging nag-iingat.
Ginawa niya akong parang matulis na palaso
na anumang oras ay handang itudla.
Sinabi niya sa akin,
“Israel, ikaw ay lingkod ko,
sa pamamagitan mo
ako’y dadakilain ng mga tao.”
Ngunit ang tugon ko,
“Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay
gayong ibinuhos ko ang aking lakas.”
Gayunman’y itinitiwala ko sa Panginoon
ang aking kalagayan,
na ako’y gagantimpalaan sa aking nakayanan.

Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ng Panginoon,
pinili niya ako para maging lingkod niya
upang tipunin ang nangalat na mga Israelita,
at sila’y ibalik sa bayang Israel.
Binigyan ako ng Panginoon ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat
ang aking karangalan.
Sinabi ng Panginoon sa akin:
“Israel na aking lingkod,
May mas mahalaga pa akong ipagagawa sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik
sa mga Israelitang nalabi
ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa
upang lahat sa daigdig ay maligtas.”

Reply

Jovy Uy June 24, 2026 at 8:49 am

Sa Salmo, lubos na pagkakakilala at Pagka-Diyos ni Jesus. Ang talatang “Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay…” Bilang katuparan , si Jesus ang “Diyos na nakakakilala sa lahat” (Omniscient). Sa Bagong Tipan, madalas mabasa na alam ni Jesus ang iniisip at nilalaman ng puso ng mga tao bago pa sila magsalita (hal., Juan 2:24-25). Ipinapakita nito na kilala ka ni Jesus ng lubusan—ang iyong mga gawain, takot, at lihim.

Ang talata, “Ang anumang aking sangkap, ikaw o Diyos ang lumikha, sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.” Si Jesus, bagamat Diyos, ay nagkatawang-tao. Ang talatang ito ay tumutukoy sa Kanyang pagiging tao na hinugis sa sinapupunan ng Kanyang ina na si Maria sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Si Jesus ay dumaan sa proseso ng pagiging isang sanggol at paglaki.

Ang talata, “Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin, sa loob ng bahay-bata doo’y iyong napapansin.” Bago pa man isilang si Jesus sa sabsaban sa Bethlehem, ang Kanyang plano ng pagtubos sa sangkatauhan ay nakatakda na. Ang Kanyang katawan ay sadyang inihanda ng Diyos upang maging sakripisyo sa krus para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan (Hebreo 10:5).

“Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman. Ang anumang aking sangkap, ikaw o Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay.Lahat ito’y nakikintal, sa puso ko at loobin.
Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo’y iyong napapansin’;
lumalaki ako roong sa iyo’y di nalilihim.”

Reply

Jovy Uy June 24, 2026 at 8:50 am

Sa ikalawang pagbasa, ipinapaliwanag ni Apostol Pablo na si Jesus ang katuparan ng mga propesiya. Si Jesus ay literal na nagmula sa lahi ni Haring David (tulad ng binanggit sa Mateo 1), na nagpapatunay na Siya ang matagal nang ipinangakong Mesiyas na maghahari magpakailanman.
Ang “balita ng kaligtasan” ay ang pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay.

Ang bautismo at pangangaral ni Juan Bautista ay patunay na si Jesus ang kasunod na darating. Si Jesus ang pinakadakila, kung kaya’t itinuring ni Juan ang kanyang sarili na hindi karapat-dapat maging alipin ni Jesus (na nag-aalis ng panyapak).

“Noong mga araw na iyon, sinabi ni Pablo, “Nang si Saulo’y alisin ng Diyos, inihalili si David upang maghari sa ating mga ninuno. At ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanya, ‘Natagpuan ko kay David na anak ni Jesse ang lalaking nakalulugod sa akin, isang lalaking handang tumupad sa lahat ng inuutos ko.’ Mula sa angkan ng lalaking ito ipinagkaloob sa Israel si Jesus, ang kanyang ipinangakong Tagapagligtas. Bago siya dumating, ipinangaral ni Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisiha’t talikdan ang kanilang mga kasalanan, at pabinyag. Nang matapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Kristo. Ngunit siya’y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit tagaalis ng panyapak.”“Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos: tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan.”

Reply

Jovy Uy June 24, 2026 at 8:50 am

Sa gospel reading, ang pagpapanganak kay Juan ay katuparan ng propesiya ni Isaias na magkakaroon ng tinig sa ilang na maghahanda ng daan para sa Panginoon (Isaias 40:3). Si Juan ang tinukoy na propeta na hahayo na may espiritu at kapangyarihan tulad ni Elias (Malakias 4:5; Lucas 1:17).

Sa pamamagitan ng paghahanda ni Juan sa ilang, tuwirang napatunayan na si Jesus ang Mesiyas na darating upang iligtas ang bayan ng Diyos.

Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet, at nagluwal siya ng isang sanggol na lalaki. Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya’y pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.

“Nang ikawalong araw, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang ipangangalan sa kanya — gaya ng kanyang ama — ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” “Subalit wala isa man sa iyong mga kamag-anak ang may ganyang pangalan,” wika nila. Kaya’t hinudyatan nila ang kanyang ama at itinanong kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: “Juan ang kanyang pangalan.” At namangha silang lahat. Pagdaka’y nakapagsalita siya, at nagpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng kanilang kapitbahay, anupat naging usap-usapan sa buong kaburulan ng Judea ang mga bagay na ito. Pinakaisip-isip ito ng lahat ng nakaalam at ang kanilang tanong: “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang Panginoon.Lumaki ang bata (Jesus) at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya’y tumira sa ilang hanggang sa araw na magpakilala siya sa Israel.”

Kumusta naman tayo? Kilala na ba natin si Jesus bilang Dios na alam ang lahat ng bagay (Omniscient), makapangyarihang hari gaya ni David, tunay na Israel na sumaksi sa Dios, hinirang upang iligtas ang Israel kasama ang mga bansa na tinawag na mga “hentil” upang mabuo ang katawan niya o Iglesia, at pinakadakilang propeta higit kay Juan Bautista?

Reply

Celine loveko June 24, 2026 at 2:08 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!

Reply

dlanor321 June 28, 2026 at 2:04 pm

Isa po sa mga sine-celebrate nating kapistahan ng kapanganakan sa liturhiya ng simbahan ay si San Juan Bautista.
Ang kanyang pangalan na Juan o Yohanan ay nangangahulugang — God is gracious — mapagpala at mapagbiyaya ang Diyos. Alam natin ang istorya ng kanyang mga magulang, na sa kabila ng kanilang hustong gulang, biniyayaan pa rin sila ng Diyos ng anak — si Juan. Kaya nga’t hindi makapaniwala ang Amang si Zacarias, pero ang kanyang pagdududa ay napalitan ng lubos na ligaya dahil hindi lamang niya nadama ang pagpapala—totoong kapiling niya ang kanyang anak na si Juan.
Sa buhay natin, madalas hindi tayo kumpiyansang mapagpala ang Diyos. Kaya madali tayong ma-sway sa mga paniniwalang magbibigay ng instant pagpapala —sugal, mga new-age practices, mga paniniwala sa swerte-swerte, anting-anting at iba pa. Hindi ho eh. Ang pagpapala ng Diyos ay parang gripong nakabukas, tuloy-tuloy, tayo ang tabo, baka mamaya wala tayo sa ilalim ng gripo sa pag-aakalang may hihigit pa.
Ito ang paalala sa atin ng kapistahang ito. Si Juan, ipinanganak, sa kabila ng lahat ng kawalang kasiguraduhan. Na sa kabila ng ating pag aalinlangan, pag-aalangan, paghihintay, nagpapala, magpapala, pagpapalain pa rin tayo ng Diyos. Kasi anumang hirap at unos sa ating buhay, maniwala lang tayo sa awit ni Zacarias — Ang Diyos hindi kailanman nakalilimot sa kanyang mga pangako. Amen. – Fr. Vinz Aurellano, ssp | Society of St. Paul

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: