Huwebes, Hunyo 18, 2026

June 18, 2026

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Itinuro ni Jesus na maaari nating tawagin ang Diyos na ating Ama. May matatag na pag-asa nating dalhin sa kanya ang ating mga hinaing.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Abba Ama, dinggin Mo ang aming panalangin.

Ang Simbahan nawa’y laging ipahayag sa buong sanlibutan ang malalim na pananalig sa pagdating ng paghahari ng pag-ibig, katarungan, at kapayapaan ng Ama, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa gitna ng mga kahirapan sa buhay nawa’y huwag nating isuko ang pagdarasal at huwag tayong magpadaig sa mga tukso, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y magkaroon ng sapat na pagkain sa ating pang-araw-araw na pangangailangan at kadakilaan ng puso na patawarin ang ating mga kaaway, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at yaong mga nag-aaruga sa kanila, nawa’y maranasan ang Diyos sa kanilang araw-araw na pagsasakripisyo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makita nang harapan ang Diyos sa kanyang walang hanggang tahanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, pinasasalamatan ka namin sa iyong pakikinig sa aming hinaing. Tulungan mo kaming laging manalig sa iyong mapagmahal na pamamaraan at tanggapin ang iyong kalooban sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 11 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 16, 2022 at 4:48 am

PAGNINILAY: Ang panalangin ay ang ating personal na pakikipag-ugnayan sa Diyos. Maraming paraan tayong nagdadasal, kahit mula sa mga “prayer book” o kaya personal. Minsan nagdadasal tayong nag-iisa lamang o kasama ang grupo ng mga tao/buong komunidad. Subalit ang nais ipaalala sa atin ngayong Kuwaresma at sa lahat ng mga pagkakataon ang isang epektibong paraan ng panalangin.

At makikita natin dito sa Ebanghelyo nang ituro sa atin ng ating Panginoong Hesukristo ang Pater Noster, o mas kilala bilang “Ama Namin”. Dati sa kultura ng mga Hudyo, dapat igalang ang pangalan ng Panginoong Diyos ayon sa nasasaad sa Ika-2 Utos. Ngayon nang dumating si Hesus, itinuro niya sa atin na tawagin natin ang Diyos bilang “Ama” sapagkat katulad ng isang tatay na nagsisikap sa isang pamilya, ang ating Panginoon ay tunay na nagbibigay sa atin ng ating mga kahilingan ayon sa kanyang kagustuhan at kalooban. Ang Ama Namin ay isang magandang panalangin upang gawin natin sa ating personal na dasal ang ACTS: Adoration, Contrition, Thanksgiving, and Supplication. Pinupuri natin ang Diyos dahil sa kanyang dakilang presensiya sa atin, at nagpapasalamat din tayo sa mga biyayang ipinagkalooob niya sa atin at sa ibang tao. Kahit tayo ay nagkasala, tayo ay patuloy na humihingi ng kapatawaran sa kanya at ang grasyang matutong patawarin ang pagkakasala ng ibang tao laban sa atin. At sa huli ay humihiling tayo sa Panginoon ng patuloy na patnubay sa atin at ang ibang tao rin.

Ganito ang isang epektibong paraan ng panalangin sa Diyos. Kaya matindi ng babala ni Hesus na huwag nating tularan ang mga pagano na kapag nagdadasal, marami tayong sinasabi at paulit-ulit. Ang tunay na panalangin ay dapat magmula sa ating mga puso. Nawa’y manahan ang kanyang salita sa ating buhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño June 16, 2022 at 9:24 am

Ano ang aral ng ebanghelyo ngayon?

Ang pagdarasal ay hindi pahabaan upang maging epektibo. Ang kailangan ay taimtim ang iyong pakikipag-usap sa Diyos. Ang lahat lahat ay nalalaman ng Diyos maging ang hindi pa nangyayari at kung ano ang iyong kahilingan. Kaya’t itinuro ni Hesus ang “Ama Namin”. Ang kumpleto at pinakmabisang dasal. Subalit dapat mong unawain ang mga nakapaloob dito. Sinasambit natin na “sundin ang loob mo”, baka nman ikaw ay hiling ng hiling pero hindi mo naman sinusunod nag kalooban ng Diyos. “Mapasaamin ang kaharian mo”. Dito ay hinihiling mo na Diyos amg maghari sa iyo pero baka nman sa mga iniisip, sinasalita at ginagawa mo ay ang demonyo ang naghahari. “Patawarin mo kami sa aming mga sala gaya ng pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin”. Dito ay humihingi tayo ng kapatawaran mula sa Diyos pero baka nman ang nakasakit sa iyong kapatid o kapwa ay hindi pa rin maalis ang iyong galit, may poot ka pa din sa dibdib at minsay gusto mo pang maghiganti.

Ang dasal na “Ama Namin” ay epektibo kung ang nilalaman ay isinasapuso mo.

Reply

Malou Castaneda June 20, 2024 at 6:22 am

PAGNINILAY
Ang pinakamalaking sagabal sa panalangin ay ang pusong hindi nagpapatawad. Ang ating tunay na hamon! Kung sasabihin natin na hinding-hindi natin mapapatawad ang iba sa kanilang ginawa, huwag ipanalangin ang Ama Namin. Naririnig natin ang Panginoon. Hindi natin kailangan ng maraming salita – alam ng Panginoon kung ano ang kailangan natin. Ngunit kung magsasalita tayo sa Panginoon, kailangan natin ng kapayapaan sa ating puso, ng pagnanais na magkaroon ng kapayapaan sa lahat ng kilala natin, at magpatawad. Idinadalangin natin ang Panalangin ng Panginoon hindi lamang para sa ating sarili kundi para sa iba rin ng may pananampalataya at pagtitiwala sa mapagmahal na pangangalaga ng Diyos.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming sumunod sa Iyo araw-araw. Amen.
***

Reply

Mel Mendoza June 18, 2026 at 1:15 am

PAGNINILAY:
Mateo 6, 7-15

Sa Mabuting Balita ngayon, itinuturo ni Hesus ang panalanging pinakamahalaga sa lahat—ang Ama Namin. Hindi lamang ito isang dasal na dapat bigkasin, kundi isang buod ng buong buhay-Kristiyano at ng ating relasyon sa Diyos bilang Ama.

Kapansin-pansin na bago ituro ni Hesus ang Ama Namin, sinabi Niya: “Alam na ng inyong Ama ang inyong kinakailangan bago pa ninyo hingin sa Kanya.” Ipinapakita nito na ang panalangin ay hindi para ipaalam sa Diyos ang ating pangangailangan sapagkat alam na Niya ito. Ang tunay na layunin ng panalangin ay upang ihanay ang ating puso sa kalooban ng Diyos. Hindi natin binabago ang isip ng Diyos; binabago ng Diyos ang ating puso.

Ang Ama Namin ay may dalawang mahalagang bahagi:
Una, nakatuon sa Diyos:
-Sambahin ang Kanyang pangalan.
-Maghari ang Kanyang kaharian.
-Masunod ang Kanyang kalooban.
Ikalawa, nakatuon sa ating pangangailangan:
-Tinapay para sa araw-araw.
-Kapatawaran ng kasalanan.
-Proteksiyon laban sa tukso at kasamaan.

Ang panalanging Ama Namin ay may mahalagang kaayusan: Bago ang ating kagustuhan, inuuna muna ang Diyos. Ito ang tamang espirituwalidad. Kapag ang Diyos ang sentro ng ating buhay, ang lahat ng iba pang pangangailangan ay nailalagay sa tamang perspektibo.
Higit pa rito, tinatawag nating “Ama” ang Diyos. Ito ay isang napakalaking biyaya. Sa pamamagitan ni Kristo, hindi na tayo mga alipin lamang kundi mga anak ng Diyos. Ang panalangin ng Ama Namin ay panalangin ng mga taong may tiwala sa pagmamahal ng Ama.

Ang puso ng Ebanghelyo ngayon ay,
ang tunay na panalangin ay bunga ng pagtitiwala sa Diyos bilang Ama at ng pusong marunong magpatawad.
Kaya pagkatapos ituro ni Hesus ang Ama Namin, agad Niyang binigyang-diin ang pagpapatawad. Para bang sinasabi Niya: Hindi sapat na tawagin mong Ama ang Diyos kung ayaw mong tratuhin bilang kapatid ang iyong kapwa.
Ang taong humihingi ng awa ngunit hindi marunong magbigay ng awa ay sumasalungat sa mismong mensahe ng panalangin.

Word of the Day: “AMA” “Hindi tayo lumalapit sa Diyos bilang mga estranghero kundi bilang mga anak na minamahal ng kanilang Ama.”

Hinahamon tayo ngayon ng Salita ng Diyos na huwag lamang dasalin ang Ama Namin kundi isabuhay ito.

Pagsasabuhay:
Dasalin nang dahan-dahan ang Ama Namin ngayon at pagnilayan ang bawat linya.
Magtiwala sa Diyos Ama sa anumang alalahanin o suliraning dinadala.
Patawarin sa puso ang isang taong nakasakit sa atin, kahit mahirap pa itong ganap na gawin.
Bago humiling sa Diyos, ugaliing unahin ang pagpupuri at pasasalamat sa Kanya.

Panalangin:
Ama naming nasa langit, tulungan Mo akong mamuhay bilang Iyong tunay na anak. Turuan Mo akong magtiwala sa Iyong pag-ibig, sumunod sa Iyong kalooban, at magpatawad tulad ng Iyong pagpapatawad sa akin. Amen.

Reply

Aldo June 18, 2026 at 6:43 am

Ang ebanghelio tungkol sa panalangin. Ganito raw tayo manalangin. Sa panalangin na ito ay ipinahahayag Ang paraan Paano tayo lalapit sa ating Ama . Napagtulad natin sa Ama . Na Ang ating Ama nasa langit ay tunay na ibinigay ang nararapat para sa ating . Kaya’t kung ibinigay sa Ito ay tunay na pa Ito kailangan mo at tunay na pag kilala sa Ama , kung Ang ama mo ay mapagpatawag dapat na magpatawad ka rin dahil Hindi mo siya sinusunod Ang kanyang kalooban.kaya’t Ang ebanghelio Ito ay nagpapaalala sa ating Ibibigay sa iyo ng ama kung Ito makakatulong sa kabanalan mo at pagiging anak ng Diyos.

Reply

dlanor321 June 18, 2026 at 1:11 pm

Ang tunay na panalangin ay hindi nasusukat sa haba o sa mabulaklak na salita, kundi sa katapatan ng puso. Hindi natin kailangang “bolahin” o piliting kumbinsihin ang Diyos dahil nakikinig Siya sa ating totoong hinaing.
May kapayapaan sa pananalangin dahil alam nating ang Diyos ay isang mapagmahal na Ama. Hindi Siya bingi o manhid; bago pa man tayo lumapit, batid na Niya ang ating mga pangangailangan at handa Siyang magkaloob sa tamang panahon.
Bago natin hingin ang ating mga pansariling kahilingan, paalala ito na ihanay muna ang ating puso sa kalooban ng Diyos. Ang panalangin ay hindi para baguhin ang isip ng Diyos, kundi para ihanda ang ating sarili na tanggapin ang Kanyang mas mabuting plano.
Tinuturuan tayong mamuhay nang may pagpapakumbaba at pasasalamat sa mga biyaya ng kasalukuyang araw, nang walang labis na pag-aalala para sa bukas.
Ang pagpapatawad ay hindi opsyonal; ito ay utos. Kung paano tayo kinaawaan at pinatawad ng Diyos sa ating mga pagkukulang, inaasahan din Niya na magpapakita tayo ng parehong habag sa mga nagkasala sa amin. Ang pusong nagtatanim ng galit ay hindi lubos na makatatanggap ng kapayapaan ng Diyos. Ang pinakapuso ng Mabuting Balitang ito ay ang pagpapanumbalik ng ating relasyon. Relasyong puno ng pagtitiwala sa Diyos bilang Ama, at relasyong puno ng pagpapatawad at pagmamahal sa ating kapwa..

Reply

Jovy Uy June 18, 2026 at 2:43 pm

Pagninilay
1. Sa unang pagbasa, ipinapahayag dito ang buhay at mga himala ng Propeta Elias at ng kanyang kahaliling si Eliseo. Ayon sa Bagong Tipan, ang propesiya na si Elias ay “babalik” upang ituwid ang mga landas at tipunin ang bayan ay natupad sa katauhan ni Juan Bautista (na naparating sa “diwa at kapangyarihan ni Elias”) upang ihanda ang mga tao para sa unang pagdating ni Jesus. Noong si Jesus ay nagbagong-anyo sa Bundok ng Tabor, sina Elias at Moises ay nagpakita at nakipag-usap sa Kanya patungkol sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Ang paglalarawan sa kapangyarihan ni Elias na parang apoy ay sumisimbolo sa kadakilaan ng Diyos. Bagaman patungkol kay Elias sa Lumang Tipan, ginagamit ito ng Iglesia upang ipaalala ang dakilang kapangyarihan ni Jesus bilang Hari at Hukom sa Kanyang muling pagbabalik .

Sa huling tatlo at kalahating taon ng kapighatian ay darating muli si Elias na gumagawa ng himala at nagpapahayag ng walang hanggang ebanghelyo (pananalig kay Jesus, pagsunod sa kautusan at pagtitiis hanggang wakas) upang ipaghanda ang ikalawang pagdating ni Jesus (Pahayag 11:3-4, 14:6,12).

“Sumunod na lumitaw si Elias na parang apoy,
parang sulong nagliliyab ang kanyang mga salita.
Dahil sa alab ng kanyang galit sa kanilang kasamaan,
pinadalhan niya sila ng taggutom, at marami sa kanila ang nangamatay.
Sa ngalan ng Diyos, pinigil niya ang ulan,
at tatlong ulit siyang nagpaulan ng apoy.
Kagila-gilalas ang iyong mga kababalaghan, Elias!
Sino ang makatutulad sa mga ginawa mo?
Binuhay mong muli ang isang patay;
inagaw mo siya sa kamatayan sa ngalan ng Kataas-taasan.
Ibinagsak mo ang mga hari at pinukaw sa pagtulog ang mga maharlika,
at pinapunta mo sila sa kanilang kamatayan.
Ikaw ang nakarinig ng mga babala ng Diyos doon sa Sinai
at ng mga parusang inihayag niya sa bundok ng Horeb.
Ikaw din ang nagtalaga sa mga haring pinili para maghiganti,
at sa propetang hahalili sa iyo.
Sa wakas, iniakyat ka sa langit ng isang ipu-ipo,
lulan ng isang karwaheng hila ng mga kabayong nag-aapoy.
Nasusulat na ikaw ay babalik sa takdang panahon,
upang paglubagin ang galit ng Diyos bago sumapit ang takdang araw;
para pagsunduin ang mga magulang at mga anak,
at muling tipunin ang mga lipi ng Israel.
Mapapalad ang mga makakakita sa iyo
at yaong mga namatay na umiibig sa Diyos,
sapagkat kami rin ay mabubuhay.
Nang si Elias ay madala ng ipu-ipo,
ang diwa niya’y minana ni Eliseo.
Hindi siya natakot kailanman sa sinumang hari,
at walang sinumang nakapagpasuko sa kanya.
Walang gawaing hindi niya makayang gawin,
at nang mamatay, pati bangkay niya’y nagpakita ng himala.
Nang nabubuhay, gumawa siya ng maraming himala;
ngunit nang mamatay, kapangyarihan niya’y kahanga-hanga.”

2. Sa gospel reading , bago ang kamatayan ni Jesus, tinuruan niya ang kanyang mga alagad na manalangin nang direkta sa Ama (The Lord’s Prayer) sapagkat hindi pa lubos na nagsisimula ang Kanyang papel bilang Tagapamagitan ng Diyos at ng tao. Nang mamatay at muli Siyang mabuhay, saka pa lamang pormal na nagsimula ang Kanyang papel bilang Tagapamagitan, kaya sinabi Niya: “Hanggang ngayo’y wala pa kayong hiningi sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo’y tatanggap…” (Juan 16:24).

Sa sinabi ni Jesus na alam na ng Ama ang ating pangangailangan bago pa man ito hingin, ipinapahiwatig nito na mga espirituwal na bagay ang dapat ipanalangin sa Ama, tulad ng espirituwal na pagkain mula sa salita ng Diyos. Sa pagtawag nating “Ama” sa Diyos, ipinahihiwatig nitong kailangan muna tayong maging mga anak ng Dios (born again/maligtas muna) bago natin Siya matawag na Ama.

Sa utos ni Jesus na, “Ganito kayo manalangin,” hindi Niya ipinag-utos na bigkasin ito nang verbatim o pabalangkas.

Noong hindi pa naipapako si Jesus, itinuro Niya sa mga alagad na humingi ng tawad nang direkta sa Ama. Ngunit sa ating panahon ngayon, kung saan namatay at muling nabuhay na si Jesus, at lubos na nating nabatid na ang lahat ng ating kasalanan ay natubos na, hindi na natin kailangan pang humingi ng kapatawaran. Sa halip, pasasalamat ang dapat nating ialay sa tuwing tayo ay nagkakasala sapagkat tinapos na ni Jesus ang walang hanggang katubusan (Hebreo 9:12).

“Sa araw na iyon ay aawitin ng mga tao ang ganito:
“Yahweh, ikaw ay aking pasasalamatan,
sapagkat kung nagalit ka man sa akin noon,
nawala na ang galit mo ngayon, at ako’y iyong inaliw. Tunay na ang Diyos ang aking kaligtasan,
sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
siya ang aking tagapagligtas” (Isaias 12:1-2).

3. Kumusta naman tayo. Paano natin iniintindi, ikinakapit at ipinatutungkol ang salita ng Dios ? Naiaangkop ba natin ang aplikasyon ng mga salita ng Dios (tightly dividing the word of God) sa panahon “bago” namatay si Jesus at sa panahon “pagkatapos” namatay at muling nabuhay si Jesus? Sa panahon ng “biyaya” at sa panahon ng “matinding kapighatian” bago ang ikalawang pagdating ni Jesus (2 Timoteo 2:15)?

Reply

Jovy Uy June 18, 2026 at 3:00 pm

Hindi ba ang 1 Juan 1:9 ay patungkol sa mga anak ng Dios na dapat humingi ng kapatawaran tuwing makagawa ng “flesh sins”? Kinukumpirma ng 1 Juan 2:1 na patungkol ito sa mga bagong naging anak ng Dios (little children) na dipa lumago at matibay ang espiritung maisilang muli kung kaya’t nakakagawa pa ng kasalanan. Sinasabihan sila na huwag mag-alala sapagkat May Tagapamagitan (advocate/lawyer) na si Jesus sa kanan ng Ama na walang hanggang humihingi ng tawad sa Ama para sa atin kung kaya’t hinihingi lamang sa isang bagong ligtas na ipahayag o aminin (assent, acknowledge) ang nagawang kasalanan hindi humingi ng tawad sapagkat si Jesus na ang may gawain nito. Si Jesus na ang humihingi ng tawad sa Ama . Inaamin lamang natin kay Jesus ang mga nagagawang kasalanan ng ating laman. Tapat at banal ang Dios na papatawarin sapagkat may naialay na dito na pantubos dalawang libo na ang nakakaraan na dugo ni Jesus.

Reply

Jovy Uy June 18, 2026 at 3:16 pm

1 Juan 1:9: “Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at banal upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kalikuan.”

1 Juan 2:1: “Mga anak ko, isinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo magkasala. Subalit kung ang sinuman ay magkasala, mayroon tayong Tagapamagitan sa Ama, si Jesu-Cristo na matuwid.”

Ang punto sa 1 Juan 1:9 at 2:1 ay hindi tungkol sa paulit-ulit na pagmamakaawa para sa kaligtasan, kundi tungkol sa pagpapanumbalik ng fellowship sa Ama at ligaya ng kaligtasan natin . Ang salitang “ipahayag” (homologeo) ay literal na nangangahulugang “sumang-ayon sa Diyos.” Ibig sabihin, inaamin natin sa Diyos na ang ating nagawa ay kasalanan (sinasang-ayunan natin ang Kanyang hatol dito), at kinikilala natin ang ginawa ni Jesus bilang kabayaran. Si Jesus na ang nagbayad, ngunit inaamin natin ito sa Kanya nang may pagpapakumbaba.

Ang salitang Griyegong “teknion”, na tumutukoy sa mga espirituwal na “maliliit na anak.” Ito ay isang termino ng pagmamahal na ginamit ni Apostol Juan para sa buong simbahan, ngunit lalo na sa mga bagong mananampalataya na nangangailangan ng gabay, proteksyon, at pag-unawa.

Ang ibig sabihin ng “Tagapamagitan” (sa Griyego ay parakletos) ay isang tagapagtanggol o abogado. Ayon sa Bibliya, ang Kanyang dugo ay naialay na isang beses at para sa lahat. Kapag tayo ay nagkakasala, si Jesus ang tumatayo sa harapan ng Ama hindi upang pagtakpan ang kasalanan, kundi upang ipagtanggol tayo gamit ang Kanyang sakripisyo sa krus bilang kabayaran.

Reply

Jovy Uy June 18, 2026 at 3:47 pm

Ano ang kaibahan ng pagsisisi (repentance)at paghingi ng tawad (asking forgiveness)?

Ang pagsisisi o repentance (“metanoia” sa Griego) ay hindi simpleng paghingi ng tawad tuwing nagkakasala tayo, kundi isang lubos na pagbabalik-loob sa Diyos. Ang isang tao ay masasabing nakapagsisi na kapag siya ay tuluyan nang nakabalik sa Kanya. Nangyayari lamang ito kapag malinis o wala na siyang kasalanan.

Kung ang tao ay mayroon pang kasalanan na hindi pa natutubos ng dugo ni Jesus at patuloy na nag-aalala sa kanyang mga pagkakasala sa hinaharap, hindi pa siya tunay na nakapanumbalik. Isang beses lamang nagaganap ang pagsisisi o pagbabalik-loob, habang ang paghingi ng tawad ay maaaring paulit-ulit. Ang paghingi ng tawad ay pagpapakita lamang ng hangad na makapanumbalik sa Panginoon. Ginagawa ito nang paulit-ulit sapagkat hindi pa lubos na nakapanumbalik ang tao, at hihinto lamang ito kapag naabot na ang kaganapan ng panunumbalik. Kaya naman, ang paghingi ng tawad ay maituturing lamang na isa hanggang sampung porsiyento ng kabuuang pagsisisi.

Hindi pa lubos na nakapagsisi o nakapanumbalik sa Diyos ang isang tao kung patuloy pa rin siyang humihingi ng tawad. Ang paghingi ng tawad oras-oras ay tulad ng taun-taong pag-aalay ng dugo ng mga hayop (tulad ng baka, tupa, kambing, o kalapati) sa loob ng templo noon, na ginagawa upang mapatawad ang mga naipong kasalanan ng Israel sa loob ng isang taon. Sa minsanang paghahandog ng dugo ni Jesus, nakapagsisi o nakapanumbalik na ang mga nananalig sa Kanya (Isaias 44:22) . Ang mga patuloy na humihingi ng tawad ay ang mga taong hindi pa lubos na nananampalataya sa walang hanggang katubusang dulot ng dugo ni Jesus (Hebreo 9:12, Isaias 46:4).

Isaias 44:22

“Ang pagkakasala mo’y pinawi ko na, naglahong ulap ang katulad;
    Ika’y manumbalik dahil tinubos na kita at pinalaya.”

Nakapagsisi na ang tao kapag nakabalik na sa Dios. Nakakabalik lamang ang tao sa Dios kapag malinis o wala na siyang kasalanan hanggang sa mamatay. Kapag may kasalanan pa ang tao na hindi pa natutubos ng dugo ni Jesus at nagaalala pa siya sa kanyang mga kasalanan na magagawa niya sa hinaharap ay hindi pa siya nakapanumbalik (repented) sa Dios . Isang beses lamang ang pagsisisi o panunumbalik habang ang paghingi ng tawad ay maraming beses. Ang paghingi ng tawad ay pagpapakita lamang ng hangad na nakapanumbalik sa Panginoon. Kaya paulit-ulit ang paghingi ng tawad sapagkat hindi pa nakapanumbalik (repented) sa Dios. Kapag nakapanumbalik na ay doon palang hihinto ang paghingi ng tawad . Kaya ang paghingi ng tawad ay isa o sampung porsiyento lamang ng pagsisisi. Hindi pa nakapagsisi o nakapanumbalik sa Dios ang isang tao kung patuloy parin siyang humihingi ng tawad. Ang paghingi ng tawad oras oras ay tulad ng taon taong pag-aalay ng dugo ng mga makikinis na hayop (baka, tupa, kambing o kalapati)sa loob ng templo sa kapatawaran ng naipong isang taong kasalanan ng Israel. Sa minsanang paghahandog ng dugo ni Jesus ay nakapagsisi o nakapanumbalik ang mga nananalig dito. Ang mga patuloy paring humihingi ng tawad ay mga taong hindi pa nanampalataya sa walang hanggang katubusang dulot ng dugo ni Jesus (Hebreo 9:12, Isaias 46:4).

Reply

Celine loveko June 19, 2026 at 4:17 am

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA ALLELUIA ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: