Martes, Hunyo 9, 2026

June 9, 2026

Martes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Hari 17, 7-16
Salmo 4, 2-3. 4-5. 7-8

Poon, sa ‘mi’y pasikatin,
liwanag sa iyong piling.

Mateo 5, 13-16


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Tenth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Hari 17, 7-16

Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, natuyo ang batis. Kaya sinabi ng Panginoon kay Elias: “Umalis ka rito. Pumunta ka sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. May inutusan akong isang balo na magpapakain sa iyo roon.” Pumunta nga siya roon, at nang papasok na siya ng pintuan ng lungsod, nakita niya ang balo na namumulot ng panggatong. Sinabi niya sa babae: “Maaari po bang makiinom?” Aalis na ang babae upang ikuha siya ng tubig nang pahabol niyang sabihin: “Kung maaari, bigyan mo na rin ako ng kaunting pagkain.”

Sumagot ang babae: “Alam po ng Panginoon na iyong Diyos na wala na kaming tinapay. Mayroon pa kaming kaunting harina at kapatak na langis. Namumulot nga ako ng mai-gagatong upang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay.”

Sinabi sa kanya ni Elias: “Huwag kang mag-alala. Humayo ka at gawin mo ang iyong sinabi. Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang munting tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo. Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, Diyos ng Israel:

“Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan
at hindi rin matutuyo yaong langis sa tapayan
hanggang hindi sumasapit ang talagang takdang araw
na ang ula’y marapating papatakin ng Maykapal.”

Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at sila’y kumain – si Elias at silang mag-ina. At hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng pangako ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 4, 2-3. 4-5. 7-8

Poon, sa ‘mi’y pasikatin,
liwanag sa iyong piling.

Sagutin mo ako sa aking pagtawag,
Panginoong Diyos na aking kalasag,
ikaw na humango sa dusa ko’t hirap,
ngayo’y pakinggan mo, sa aki’y mahabag.
Hanggang kailan pa kaya lilibakin
niyong mga tao ang iyong alipin?
Hanggang kailan pa nila iibigin
ang walang halaga’t pagsisinungaling?

Poon, sa ‘mi’y pasikatin,
liwanag sa iyong piling.

Dapat mapagkuro ninyo at malaman
na mahal ng Poon akong kanyang hirang,
dinirinig niya sa pananawagan.
Nagagalit ka man, sala ay iwasan,
sa loob ng silid ikaw ay magnilay.

Poon, sa ‘mi’y pasikatin,
liwanag sa iyong piling.

Poon, liwanag mo’y sa ‘mi’y pasikatin.
O Diyos, ang ligayang bigay mo sa akin,
higit na di hamak sa galak na angkin,
nilang may maraming imbak na pagkain
at iniingatang alak na inumin.

Poon, sa ‘mi’y pasikatin,
liwanag sa iyong piling.

ALELUYA
Mateo 5, 16

Aleluya! Aleluya!
Dapat kayong magliwanag
nang kabutiha’y mahayag
at D’yos ang s’yang matanyag.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 5, 13-16

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kayo’y asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alat ang asin, paano pang mapananauli ang alat nito? Wala na itong kabuluhan kaya’t itinatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao.

“Kayo’y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayun din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez June 7, 2022 at 3:04 am

PAGNINILAY: Sa Ebanghelyo (Mateo 5:13-16), hinihikayat tayo ng Panginoong Hesus na maging asin ng mundo at ilaw ng salibutan. Ang dalawang imahen ng asin at ilaw ay mahalaga sa buhay pangKristiyano sapagkat ang asin ay sumisimbolo sa pagbibigay-lasa sa mga pagkain, at ang ilaw naman ay sumisimbolo sa pagliliwanag nito. Ang asin na nagpapalasa ng pagkain ay tanda sa atin na kailangan magbigay kulay ang tamis nito sa paggawa ng makabuluhang bagay tungo sa ating kapwa at pati na rin sa Diyos. Ang ilaw na lumiliwanag sa kadiliman ay hudyat sa atin na kailangang magningning si Kristo sa atin upang siyang maging dahilan ng ating mga mabubuting gawain sa ikaluluwalhati ng Ama, at hindi lang pagpapakitang-tao. Kaya nga sa Unang Pagbasa (1 Hari 17:7-16), narinig natin kung paanong tinanggap ng biyuda ng taga-Zarepat sa kanyang bahay si Propetang Elias. Bagamat siya ay isang balo na hindi inaasan daw ng mga tao na matulungan, siya pa mismo ang nagpakain kay Elias nang may katapatan sa Panginoong Diyos. Kaya nga hindi mauubos ang harina sa loob ng lalagyan gaya ng ipinangako ng propeta na galing mula sa Diyos. Ang hamon sa atin sa pagsasadiwa ng kalayaan ay galing mismo kay Hesus, na maging asin ng mundo at ilaw ng sanlibutan.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño June 7, 2022 at 9:35 am

“Huwag kang mag alala, humayo ka at sundin ang ipang uutos ng Panginoon at hindi mauubos qng harina sa lagayan at hindi matutuyo ang langis sa tapayan”.

Napakagand ng mensahe ng Unang Pagbasa. Huwag tayong mangamba sa maraming bagay na hindi pa nangyayari, ang suliranin, kagutuman, karamdaman, pagtanda at kamatayan . Sundin lamang natin ang kalooban ng Diyos at hindi mawawalan, ang Panginoon ang gagawa ng paraan basta’t maging tapat lamang tayo sa kanya at pag-ibig ang ating pairalin sa buhay na ito.

Sa atin namang ebanghelyo ay inaanyayahan tayong maging asin at liwanag, ano ang ibig sabihin nito? Ang gawain ng asin ay magbigay lasa, samantalang ang silbi ng ilaw ay kalinawagan. Ikaw kapatid, ano ang purpose mo in life? Ang lahat ay may kadahilanan, sinabi nga na everything happens for a purpose. Tayo ay hinayaan mg Diyos na mabuhay sa mundong ito, bakit kaya? Ano kaya ang gusto ni Hesus na gawin mo? Ngayon suriin natin ang ating mga sarili, tayo ba ay katulad ng asin na nagbibigay lasa sa ating mga nakaksalamuha, tayo kaya ay katulad ng isang ilaw na nakakapagbigay liwanag sa kapwa nating nasa kadiliman? O puro pansarili lamang natin ang ating iniisip, may pakialam ka ba sa iba? Nagmamalasakit ka ba sa kapwa? Naiparamdam mo na ba nag pag ibig sa isang taong walang wala at nangangailanagan ng tulong. Kapag tayo ay lumisan na sa mundong ito, ano ang iniwan mong legasiya sa lupa?

Reply

Mel Mendoza June 9, 2026 at 11:05 am

ALELUYA Mateo 5, 16
Aleluya! Aleluya! Dapat kayong magliwanag nang kabutiha’y mahayagat D’yos ang s’yang matanyag. Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA Mateo 5, 13-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kayo’y asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alat ang asin, paano pang mapananauli ang alat nito? Wala na itong kabuluhan kaya’t itinatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao.
“Kayo’y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayun din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PAGNINILAY:
Mateo 5, 13–16

Ang Mabuting Balita ngayon ay isang paalala sa lahat ng lingkod ng Panginoon na hindi natin kailangang maging dakila sa paningin ng mundo upang magkaroon ng malaking epekto sa buhay ng iba.

Sa panahon ni Hesus, ang asin ay hindi lamang pampalasa—ito ang pangunahing sangkap upang hindi mabulok o masira ang pagkain. Bilang “asin ng sanlibutan,” tinatawag tayong maging taga-preserba at tagapangalaga ng kabutihan, katotohanan, at moralidad sa mundong madalas mapailalim sa kasakiman, inggit, at kawalan ng katuwiran. Kapag ang asin ay nawalan ng alat, wala na itong silbi—ganito rin kung ang ating pamumuhay ay hindi naiiba sa diwa ng sanlibutan: hindi na natin natutupad ang ating layunin bilang mga alagad.

Ang ilaw, sa kabilang banda, ay likas na naghahayag ng katotohanan at nagbibigay ng ningning na gagabay at kapanatagan. Hindi ito inilalagay sa ilalim upang maitago. Bilang “ilaw ng sanlibutan,” hindi tayo tinatawag na magpasikat o purihin, kundi maging salamin ng kabutihan ng Diyos. Ang liwanag ay hindi galing sa atin—ito ay kaloob ng Diyos; tayo lamang ang daluyan nito, upang sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa, ang makita ng iba ay hindi tayo, kundi ang pag-ibig ng Ama.

Ang mensahe ay malinaw: Ang pagiging alagad ay hindi pribilehiyo lamang, kundi isang pananagutan na maging kasangkapan ng pagbabago at pag-asa.

Pagsasabuhay
– Bilang Asin: Maging taong nagdadala ng kapayapaan sa halip na gulo, katapatan sa halip na panlilinlang, at awa sa halip na paghuhusga. Kahit sa maliliit na bagay—sa pamilya, trabaho, paaralan—maaari nating “timplahin” ang paligid sa pamamagitan ng magandang asal at matibay na paninindigan. Tulad ng balo sa Unang Pagbasa, kahit kaunti lang ang ating kakayahan, ito ay magiging makabuluhan kung ibibigay nang may tapat na puso.

– Bilang Ilaw: Huwag ikahiya ang ating pananampalataya. Gawin ang mabuti hindi upang mapuri ng tao, kundi dahil ito ang kalooban ng Diyos. Ang simpleng paggalang, pagtulong sa nangangailangan, o paninindigan sa tama ay nagsisilbing gabay para sa mga naliligaw ng landas. Huwag nating takpan ang ating liwanag dahil sa takot o kahihiyan.

Word of the Day:”Kasangkapan ng Kaningningan”
Ang pagpapahintulot na makita ng iba ang kabutihan at katotohanan ng Diyos sa pamamagitan ng ating sariling pamumuhay. Ito ay hindi pagyayabang, kundi mapagpakumbabang pagbabahagi ng pag-asa upang makita at maluwalhati at mapapurihan ang Diyos ng sambayanan.

 Panalangin:
Panginoong Hesus, salamat sa pagtawag Mo sa akin na maging asin at ilaw ng sanlibutan. Tulungan Mo akong panatilihin ang katapatan ng aking puso upang magdala ako ng kabutihan sa aking kapwa. Huwag Mo akong hayaang mawalan ng “alat” o magtago ng aking pananampalataya. Nawa ang lahat ng aking ginagawa ay magdulot ng luwalhati at papuri sa Amang nasa langit. Amen.

Reply

Ruel June 9, 2026 at 3:55 pm

Ang ebanghelio bahagi ng sermon ni Hesus sa bundok ayon kay San Mateo . At ito”y tungkol sa asin at ilaw . Sinabi ni Hesus sa mga Tao ikaw ay asin at ilaw ng sanlibutan. Mga elemento napakahalaga na nais ibahayag sa atin ni Hesus na tumulad tayo sa pagiging asin ati ilaw na nakakatulong sa ating kapwa . Sinasabi sa atin ni Hesus at Ang ating silbi sa mundo ay maging asin , magbibigay pampasarap ng pagkain at pag papreserva ng pagkain at gamot sa tao kung gagamitin ito ng tama at tulad ng pagiging ilaw na maging gabay sa kapwa kung sila ay nasa kadiliman. Ito ang ating silbi at halaga natin at tulong natin sa kapwa . Kung tayo ay ihahalo sa ibang tao matulungan natin sila gumaan o gumanda Ang buhay Nila at maging gabay Nila sa Ora’s ng kadiliman . May silbi at halaga tayo sa buhay nila kung tayo ay magiging asin at ilaw ng buhay ng Tao.

Reply

Jovy Uy June 10, 2026 at 1:26 pm

Sa unang pagbasa, ipinapahayag dito ang kahalagahan ng pakikinig sa mensahe ng Dios bilang gabay sa pamumuhay. Ang kakulangan ng kaalaman sa mga sinulat ni Moses at mga propeta ang humahadlang sa pananalig sa mga pangako ng Dios na biyaya lalo na ang nag-uumapaw na buhay na walang hanggan na ibibigay ni Cristo sa kanyang paskal. Ang babaeng balo ay nasa abang o mapagkumbabang kalagayan kaya nagawa niyang manalig sa mensahe ng Dios na ipinarating ni propeta Elias sa kanya kaya nabiyayaan . Ito ay anino ng ibibigay ni Jesus na biyaya upang makapanatili sa gawaing pagliligtas hanggang sa dumating muli si Jesus.

“Noong mga araw na iyon, natuyo ang batis. Kaya sinabi ng Panginoon kay Elias: “Umalis ka rito. Pumunta ka sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. May inutusan akong isang balo na magpapakain sa iyo roon.” Pumunta nga siya roon, at nang papasok na siya ng pintuan ng lungsod, nakita niya ang balo na namumulot ng panggatong. Sinabi niya sa babae: “Maaari po bang makiinom?” Aalis na ang babae upang ikuha siya ng tubig nang pahabol niyang sabihin: “Kung maaari, bigyan mo na rin ako ng kaunting pagkain.”Sumagot ang babae: “Alam po ng Panginoon na iyong Diyos na wala na kaming tinapay. Mayroon pa kaming kaunting harina at kapatak na langis. Namumulot nga ako ng mai-gagatong upang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay.”Sinabi sa kanya ni Elias: “Huwag kang mag-alala. Humayo ka at gawin mo ang iyong sinabi. Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang munting tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo. Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, Diyos ng Israel:“Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan
at hindi rin matutuyo yaong langis sa tapayan
hanggang hindi sumasapit ang talagang takdang araw
na ang ula’y marapating papatakin ng Maykapal.”Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at sila’y kumain – si Elias at silang mag-ina. At hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng pangako ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.”

Sa gospel reading, ang pangunahing ilaw at asin ng sanlibutan ay si Jesus sapagkat kung wala siya ay hindi magkakailaw o malilinisan ng dugo ni Jesus ang nadidilimang o makasalanang puso ng mga tao. Naging asin si Jesus na nagprepreserba sa mga ibinigay Dios sa kanya na naligtas upang wala kahit isa sa kanila ay maiwala .

Sa katulad na paraan, ang mga ligtas ay may gawaing magligtas din ng iba (great commission). Nagiging ilaw sila sa mga hindi pa naliliwanagan o naliligtas. Kung magpagamit tayo sa great commission at magpraktis ng love one another sa loob ng fellowship ng mga banal o ligtas na sa dugo ni Jesus ay magiging asin tayo at hindi itatapon o ititiwalag sa labas ng Iglesia .

“Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kayo’y asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alat ang asin, paano pang mapananauli ang alat nito? Wala na itong kabuluhan kaya’t itinatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao.“Kayo’y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayun din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit.”

Kumusta naman tayo. Tulad ba tayo ng balo na nasa mapagpakumbabang kalagayan at ni Jesus na hinubad ang kanyang pagkaDios at naging tao/alipin upang makasunod sa mensahe ng Dios ? Tayo ba ay ilaw at asin sa sanlibutan?

Reply

dlanor321 June 12, 2026 at 6:48 am

Kailan ka huling gumawa ng mabuti nang hindi mo planado? Napansin mo lang na may kailangan, at kumilos ka. Walang fanfare. Walang post. Ginawa mo lang. Kamakailan, nag-alburutong muli ang Bulkang Mayon. At sa gitna ng ashfall, may isang mama na tumayo sa tabi ng daan, may hawak na simpleng hose. Habang nagdadaan ang mga sasakyan na puno ng abo ang windshield, lumapit siya sa bawat isa at hinugasan ‘yon para makapag patuloy sila ng biyahe nang ligtas. Hindi siya humingi ng kapalit. Hindi siya nag-post para sa likes. Kumilos siya dahil nakita niyang may kailangan. Sabi ng banyagang nag kwento nito: sa Pilipinas, hindi pinaplano ang kabutihan. Nagpapakita lang kapag kinakailangan. Iyan ang bayanihan: ang tahimik, walang salitang pag-unawa na nag-aalaga tayo sa isa’t isa, kahit hindi mo kakilala. Sa mundong laging nahahati, minsan ang kailangan lang ay isang tao, isang hose, isang simpleng kilos ng malasakit, para mapaalaala sa atin kung sino tayo.
Naunawaan ni San Efren ang ganitong uri ng paglilingkod. Hindi siya pari, hindi obispo, kundi isang simpleng lingkod ng Simbahan at ng kanyang kapwa. Sumulat si Efren ng daan-daang awit at tula upang turuan at palakasin ang pananampalataya ng mga tao, gamit ang sining, hindi kapangyarihan. Ngunit higit pa sa mga salita, buhay ang kanyang sinasabi. Nang magutom ang mga tao sa kanyang paligid, nag-organisa siya ng pagkain at tirahan para sa mga nangangailangan. At nang sumiklab ang salot, nag-alaga siya ng mga maysakit, hanggang sa siya mismo ay nahawa at namatay. Hindi siya naghihintay na tanungin kung responsibilidad niya. Nakita niya ang pangangailangan, at kumilos siya. Tulad ng mama sa tabi ng daan.
Sinasabi sa atin ni Jesus ngayon: “Kayo ang ilaw ng mundo… Dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit.”
Hindi sinasabi ni Jesus na magsiga kayo nang magliwanag at mapansin. Sinasabi niya na huwag itago ang ilaw na nasa inyo. Dahil ang ilaw na iyon ay hindi gawa ng inyong kamay. Galing iyon sa Diyos, at nais niyang lumabas ito sa pamamagitan ng inyong mga kamay, mga salita, at mga simpleng kilos ng pagmamahal.
Bago matapos ang araw na ito, tanungin mo ang iyong sarili: Ano’ng simpleng pagmamalasakit ang magagawa ko ngayon? Hindi kailangang malaki. Hindi kailangang may nakakaalam. Baka isang mensahe sa isang kaibigan na mukhang nahihirapan. Baka isang ngiti sa kasama mong pagod na pagod. Baka isang simpleng “kumain ka na ba?” sa isang taong nandoon palagi para sayo. Ilaw ka. Hayaan mo itong lumabas. At sa bawat kilos ng malasakit mo, naliliwanagan ang mundo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: