Martes, Abril 28, 2026

April 28, 2026

Martes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

o kaya Paggunita kay San Pedro Chanel, pari at martir
o kaya Paggunita kay San Luis Maria ng Montfort

Mga Gawa 11, 19-26
Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7

Purihin ng tanang bansa
ang Panginoong Dakila.

Juan 10, 22-30


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Fourth Week of Easter (White)

or Optional Memorial of St. Peter Chanel, Priest and Martyr (Red)
or Optional Memorial of St. Louis Mary de Montfort, Priest (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 11, 19-26

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, ang mga mananampalataya ay nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula nang patayin si Esteban. May nakarating sa Fenicia, sa Chipre at sa Antioquia. Saan man sila makarating, ipinangangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang. Subalit may kasama silang ilang taga-Chipre at taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay nangaral naman sa mga Griego ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesus. Sumakanila ang kapangyarihan ng Panginoon at maraming naniwala at nanalig sa Panginoon.

Nabalitaan ito ng simbahan sa Jerusalem, kaya’t sinugo nila sa Antioquia si Bernabe. Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya’y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon. Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at matibay ang pananampalataya, kaya marami siyang nadala sa Panginoon.

Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, at nang kanyang matagpuan ay isinama sa Antioquia. Isang taong singkad silang nanatili roong kasa-kasama ng simbahan, at nagturo sa maraming tao. At doon sa Antioquia unang tinawag na Kristiyano ang mga alagad.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7

Purihin ng tanang bansa
ang Panginoong Dakila.

Sa Bundok ng Sion,
itinayo ng Diyos ang banal na lungsod,
ang lungsod na ito’y
higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
Kaya’t iyong dinggin
ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lungsod ng Diyos.

Purihin ng tanang bansa
ang Panginoong Dakila.

“Pag itinala ko
yaong mga bansang sa iyo’y sasama,
aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin yaong Filistia, Tiro at Etiopia.
“At tungkol sa Sion,
yaong sasabihi’y, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya’y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”

Purihin ng tanang bansa
ang Panginoong Dakila.

Ang Poon ay gagawa,
ng isang talaan ng lahat ng taong doo’y mamamayan,
ang lahat ng ito ay magsisiawit at pawang sasayaw.

Purihin ng tanang bansa
ang Panginoong Dakila.

ALELUYA
Juan 10, 27

Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 10, 22-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Taglamig na noon. Kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng templo. Naglalakad si Hesus sa templo, sa Portiko ni Solomon. Pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami pag-aalinlanganin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo na nang tiyakan.” Sumagot si Hesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa ngalan ng aking Ama ay nagpapatotoo tungkol sa akin. Ngunit ayaw ninyong maniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama, na nagbigay sa kanila sa akin, ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 9 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 10, 2022 at 5:31 am

PAGNINILAY: Patuloy natin pinagninilayan ang pagdeklara ni Hesus sa kanyang sarili bilang Mabuting Pastol. Narinig natin kung paanong inilarawan ang kanyang sarili bilang pintuan para pangalagaan ang mga tupa sa loob ng kulungan. Siya ang Mabuting Pastol na iniaalay rin ang kanyang buhay upang ang mga kawan ay mabigyan ng buhay, at siya ang may karapatang bawiin ito sa hantungan ng buhay ng tao.

Ngayon sa ating Ebanghelyo (Juan 10:22-30), pumunta si Hesus sa Templo para sa Pista ng pagkakatalaga nito. Umupo siya sa may Portiko ni Solomon, at maraming Hudyong lumapit sa kanya upang itanong kung siya nga ba ang Kristo, o dapat silang maghintay umaasa sa ibang tao. Kaya sinagot ni Hesus ang tanong nila na matagal na niyang pinanindigan ito, subalit ayaw nilang maniwala. Maraming beses nang sinabi niya na ang kanyang mga gawain ay galing sa Ama, na siya namang sumusunod sa dakilang kalooban. Kaya ang tugon sa mga magandang ginawa ni Hesus ay pakikinig at pagsunod. Ito ang larawan ng mga tupang kilala ang tinig ng Mabuting Pastol, at sila’y susunod sa kanya upang ipagkaloob niya sa kanila ang buhay na walang hanggan. At ang patotoo ni Hesus na siya at ang Ama ay iisa.

Ang pistang ito ng mga Hudyo ay katumbas sa ating pagdiriwang ng Kapaskuhan ng Pagsilang tuwing ika-25 araw ng Disyembre. Kaya pala ang ating masayang pagdiriwang ng Pasko ay isang pagdiriwang ng pagdating ng Diyos sa ating abang kalagayan sa pamamagitan ng katauhan ni Hesus. At ngayong Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, patuloy nating sinasariwa ang diwa ng Muling Pagkabuhay ni Kristo, na tunay na Diyos na nagtagumpay laban sa kasalanan at kamatayan. Kaya ang ating pananampalataya sa Panginoong Diyos ay may kaakibat na makabuluhang gawain.

At ang paggawa ng kabutihan at katuwiran sa buhay, lalung-lalo na tungo sa kapwa, ay ang ating paraan upang pakinggan natin ang tinig ng Mabuting Pastol at sumunod sa landas niya. Kahit tayo ay nagdurusa at naghaharap sa maraming pagsubok, sikapin pa rin natin na maging mabuti at matatag upang sa bandang huli ng ating buhay, makakamtan natin ang kaligayan ng buhay na walang hanggan.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 10, 2022 at 9:25 am

Ano ang aral at hamon sa atin ng ebanghelyo ngayon?

Makinig tayo sa tinig ng Mabuting Pastol at kailanma’y hindi tayo mapapahamak.

Dalawa lamang nman ang tinig na bumubulong sa atin. Tinig ni Hesus at tinig ng demonyo. Kaya’t tularan natin ang mga tupa, Sa lahat ng ating iisipin, sa lahat ng ating sasabihin at sa lahat ng ating gagawin ay ang tinig ni Hesus ang ating pakinggan.

Reply

[email protected] April 28, 2026 at 8:02 am

Father God I Trust You And I Surrender To You In Jesus Name…AMEN!

Reply

Malou Castaneda April 23, 2024 at 7:09 am

PAGNINILAY
Ang paghahangad na sundin ang Panginoong Hesus ng mas lubusan sa ating buhay ay hindi madali. Ito ay maaaring tumawag sa atin na manindigan para sa kung ano ang alam nating tamang gawin, kahit na ito ay hindi komportable para sa mga mahal natin. Maaaring kailanganin nating gumawa ng mga desisyon na mahirap, tunay na mapagmahal na mga desisyon, kahit na hindi ito nagdadala ng magandang damdamin. Maaaring makatagpo tayo ng mga taong nagpapahina sa atin dahil hinahamon natin ang maling pag-uugali at nagdudulot ng alitan sa pagitan ng pamilya at mga kaibigan. Ang mga desisyong iyon ay ang mabuting bagay na dapat gawin, ang mapagmahal na bagay na dapat gawin, ang Kristiyanong bagay na dapat gawin. Kailangan nating maging handa na hatulan ang makasalanan, maling mga aksyon ng iba, habang minamahal ang taong gumagawa ng mali. Mas madaling balewalain ang maling aksyon at subukang mamuhay ng mapayapa kasama ang iba. Mas madali ding hatulan ang makasalanan kasama ang kanilang mga makasalanang aksyon, ngunit hindi iyon ang laging hinihiling ng Diyos sa atin. Ang puwersang nagtutulak sa ating mga aksyon ay ang maging tapat sa mga pinahahalagahan ng Ebanghelyo, kahit na ang ating mga kilos ay nagdudulot ng hindi komportable at nakakasakit na damdamin sa ating sarili at sa iba. Nawa’y patuloy nating pakinggan ang tinig ng Mabuting Pastol habang tinatawag Niya tayong sumunod sa Kanya at nawa’y gumawa tayo para sa ikabubuti ng lahat.

Panginoon muling nabuhay, tulungan Mo kaming makilala ang Iyong tinig mula sa mga tinig ng mga taong umaakay sa amin. Amen.
***

Reply

Mel Mendoza April 28, 2026 at 12:59 am

PAGNINILAY:
Juan 10:24-25

Ang mensahe ng Mabuting Balita sa araw na ito ay malinaw na inihahayag ang ugnayan ng pananampalataya at pagiging Mabuting Pastol ni Hesus.
“Hanggang kailan mo kami pag-aalinlanganin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo na nang tiyakan.”
Sumagot si Hesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala.”

May lalim at tensyon ang tanong ng mga Hudyo kay Hesus. Sa unang tingin, tila si Hesus ang dahilan ng kanilang pag-aalinlangan—parang kulang ang Kanyang paglilinaw. Ngunit sa sagot ni Hesus, ibinabalik Niya ang katotohanan:
“Sinabi ko na… ngunit ayaw ninyong maniwala.”
Ipinapakita nito na ang problema ay hindi kakulangan sa paghahayag ng Diyos, kundi kakulangan sa pagtanggap ng tao.

Sa mas malawak na konteksto ng Gospel of John 10, ipinakikilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang Mabuting Pastol—ang Pastol na nagsasalita, gumagabay, at nag-aalay ng sarili para sa Kanyang mga tupa.
Ngunit narito ang mahalagang katotohanan:
•Hindi lahat ng nakakarinig ay tunay na nakikinig;
•Hindi lahat ng nakakakita ay tunay na nakakakilala.
Sinabi ni Hesus sa parehong kabanata:
“Nakikinig sa aking tinig ang aking mga tupa; kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.” (Juan 10:27)
Kaya ang tunay na isyu ay hindi kung malinaw ba na si Hesus na Siya ang Kristo—kundi kung tayo ba ay kabilang sa Kanyang kawan.

Makikita dito ang dalawang mahalagang dimensyon:
1. Divine Revelation (Paghahayag ng Diyos)
Si Hesus mismo ang ganap na paghahayag ng Ama.
Hindi Siya kulang magsalita—ang Kanyang mga salita at gawa ay sapat na patunay.
2. Human Response (Tugon ng Tao)
Ang pananampalataya ay hindi napipilit.
“Grace invites, but does not force.”
Ang pagiging “tupa” ay hindi automatic—ito ay isang malayang pagtugon:
•pakikinig sa tinig ng Pastol;
•pagkilala sa Kanyang presensya; at
•pagsunod sa Kanyang daan.
Kaya ang mga Hudyo ay nananatiling nag-aalinlangan hindi dahil kulang ang pagpapakilala ni Hesus, kundi dahil hindi nila Siya kinikilalang kanilang Pastol.

Pagsasabuhay:
Ang hamon ng Ebanghelyo sa atin ay napaka-personal:
•Ilang beses na bang nagsalita ang Diyos sa akin, ngunit hindi ko pinansin?
•Humihingi pa ba ako ng “tiyak na sagot” kahit malinaw na ang Kanyang tinig?
•Ako ba ay nakikinig bilang isang tupa—o nagtatanong bilang isang nagdududa?
Ang tunay na pananampalataya ay hindi lamang paghahanap ng sagot—ito ay pagkilala sa tinig ng Pastol at pagsunod sa Kanya.

Word of the Day: PAGKILALA
Hindi sapat na marinig si Hesus—
kailangan Siyang makilala bilang ating Pastol at sundin bilang Panginoon.

Panalangin:
Panginoong Hesus, Mabuting Pastol,
maraming beses Mo na akong tinawag,
ngunit madalas ako’y nag-aalinlangan.
Patawarin Mo ako sa mga sandaling
pinipili kong hindi makinig sa Iyong tinig.
Buksan Mo ang aking puso,
upang makilala Kita nang tunay,
at sumunod sa Iyo nang buong pagtitiwala. Gawin Mo akong tapat na tupa sa Iyong kawan, na nakikinig, kumikilala, at sumusunod sa Iyo. Amen.

Reply

Ruel April 28, 2026 at 5:23 pm

Patuloy natin pinagninilayan Ang mabuting Pastol at mga tiupa . Nakilala ng mga tupa Ang kanilang Pastol at gayun din Ang Pastol . Ngunit ngayon Ang mga judio pilit na tinutuliigsa si Hesus na ihayag kung sino siya . Ngunit matagal nang pinakilala kung sino siya at siya nakilala ng mga discipulo samantala Ang mga judio hindi siya nakilala dahil iba Ang kanilang Pastol hindi si Hesus iyon Ang dahilan bakit di Nila kilala si Hesus iba Ang kanilang Pastol. Ikaw Pastol mo b si Hesus dapat kilala
Mo Ang tinig niya at sumusunod ka.

Reply

BdKz April 28, 2026 at 5:36 pm

Pagpapakabuti indi para sa ibang tao kundi para sa Diyos. Magpakatotoo tayo sa pagawa sa kagustuhan ng Diyos.
Be good & allow people to judge you.
Be good & allow God to love you.
Be good & wait we will become more bless.
Mas mahalaga kung ano ang tingin ng Diyos sa atin indi ng ibang tao.
Ipagatuloy ang kabutihan para sa pagpapala at bendisyon.
Amen
-Father Jowel Gatus
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good.
Blessed2026
Thank You, Lord for a new day. Praying for a healing heart, peace, and strength. Amen #PeaceInMiddleEast #GvTuesday

Reply

Jovy Uy April 29, 2026 at 6:03 am

Sa unang pagbasa, ang rurok ng pagtanggi kay Jesus bilang Tagapagligtas at Hari ng Israel ay nang patayin ng mga Hudyo si Esteban na alagad ni Jesus na kinatigan ni Danilo (Pablo) kung kaya’t ang biyayang kaligtasan ay nailipat sa mga Gentil (Griyego) . Isinugo si Bernabe sa mga naligtas na Gentil sa Antioca upang palakasin ang kalooban nila na “manatiling” tapat sa Panginoon. At sa Antioquia unang tinawag ng mga di mananampalataya na Cristiano sila sapagkat wala silang ibang ipinangangaral kundi ang tungkol kay CristoJesus at ang kanyang paskal na naging daan sa kapatawaran ng lahat ng kasalanan, kaligtasan at buhay na walang hanggan para sa sangkatauhan .

“Subalit may kasama silang ilang taga-Chipre at taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay nangaral naman sa mga Griego ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesus. Sumakanila ang kapangyarihan ng Panginoon at maraming naniwala at nanalig sa Panginoon.Nabalitaan ito ng simbahan sa Jerusalem, kaya’t sinugo nila sa Antioquia si Bernabe. Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya’y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon. Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at matibay ang pananampalataya, kaya marami siyang nadala sa Panginoon. Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, at nang kanyang matagpuan ay isinama sa Antioquia. Isang taong singkad silang nanatili roong kasa-kasama ng simbahan, at nagturo sa maraming tao. At doon sa Antioquia unang tinawag na Kristiyano ang mga alagad.”

Sa Salmo, ipinahayag ni haring David na ang biyaya ng Dios ay nakarating din sa ibang mga bansa maliban sa Israel.

“Pag itinala ko
yaong mga bansang sa iyo’y sasama,
aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin yaong Filistia, Tiro at Etiopia.
“At tungkol sa Sion,
yaong sasabihi’y, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya’y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”

Sa gospel reading, ipinahayag na ang lahat ng inilapit ng Ama sa Anak at naligtas sa pamamagitan ng pakikinig ng mga banal na kasulatan ay hindi kailanman maaagaw ninuman sapagkat desisyon ng Dios at hindi tao ang pagkaligtas niya (Juan 1:12-13). Ang kasiguruhan ng kaligtasan ang nagbibigay lakas sa tao na manatiling tapat sa Dios.

“Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama, na nagbigay sa kanila sa akin, ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.”

Kumusta naman tayo. May duda parin ba tayo na puwedeng mawala ang kaligtasang natanggap natin na “kalooban” ng Dios? May kasiguruhan naba tayo sa ating kaligtasan upang makapanatili tayong tapat sa Dios? Natanggap ba natin ang ating kaligtasan sa “pakikinig” sa salita ng ating dakilang pastol na si Jesus na siya mismo ang nagbigay kasiguruhan na hindi nawawala ito?

“Sila ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao, kundi ayon sa kalooban ng Diyos (Juan 1:13).

Reply

Dlanor321 May 15, 2026 at 7:06 am

Kapag pinili nating makinig kay Jesus, matatagpuan natin ang landas tungo sa buhay na totoo at ganap.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: