Lunes, Abril 27, 2026

April 27, 2026

Lunes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay (II)

Mga Gawa 11, 1-18
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4.

Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.

Juan 10, 11-18


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Fourth Week of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 11, 1-18

Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol

Noong mga araw na iyon, nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos. Kaya’t nang umahon si Pedro sa Jerusalem, siya’y pinuna ng mga kapatid na Judio. “Nakituloy ka sa mga Hentil, at nakisalo sa kanila!” sabi nila. Kaya’t isinaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari, buhat sa pasimula:

“Nasa lungsod ako ng Jope at nananalangin nang magkaroon ako ng pangitain. Mula sa langit ay inihugos sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na panulukan. Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop: lumalakad at gumagapang sa lupa, pati maiilap, at mga lumilipad sa himpapawid. At narinig ko ang isang tinig na nagsabi, ‘Tumindig ka, Pedro. Magpatay ka’t kumain!’ Subalit sinabi ko, ‘Hinding-hindi ko po magagawa iyon, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang bagay na itinuturing na marumi o di karapat-dapat.’ Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang mga nilinis ng Diyos!’ Tatlong ulit na nangyari ito at pagkatapos ay binatak na pataas sa langit ang bagay na iyon. Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. Sinabi sa akin ng Espiritu na huwag akong mag-atubiling sumama sa kanila. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay, at sinabi sa kanya, ‘Magpasugo ka sa Jope at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. Sasabihin niya sa iyo ang tungkol sa ikaliligtas mo at ng iyong sambahayan.’ Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumaba na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng pagkababa nito sa atin noong una. At naalaala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbibinyag sa tubig, ngunit bibinyagan kayo sa Espiritu Santo.’ Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin nang manalig tayo sa Panginoong Hesukristo, sino akong hahadlang sa Diyos?” Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagpuna, at sa halip ay nagpuri sa Diyos. “Kung gayon,” sabi nila, “ang mga Hentil ma’y binigyan din ng pagkakataong magsisi’t magbagong-buhay upang maligtas!”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4

Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.

Kung paanong yaong batis ang hanap ng isang usa;
Gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.

Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.

Nananabik ako sa Diyos, Diyos na buhay, walang iba;
Kailan kaya maaaring sa harap mo ay sumamba?

Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.

Ang totoo’t ang liwanag, buhat sa ‘yo ay pakamtan,
upang sa Sion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.

Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.

Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki’y iyong dulot;
Sa saliw ng aking alpa’y magpupuri akong lubos
buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!

Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.

ALELUYA
Juan 10, 14

Aleluya! Aleluya!
Ako’y pastol na butihin
kilala ko’ng tupang akin;
ako’y kilala nila rin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 10, 11-18

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus: “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. Ang upahan ay tumatakas, kapag nakikitang dumarating ang asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa’y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga tupa. Kaya’t sinisila ng asong-gubat ang mga ito, at pinangangalat. Tumatakas siya palibhasa’y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. Ako ang mabuting pastol. Kung paanong nakikilala ako ng Ama at siya’y nakikilala ko, gayon din naman, nakikilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y nakikilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. Mayroon akong ibang tupa na wala sa kulungang ito. Kinakailangang sila’y alagaan ko rin; pakikinggan nila ang aking tinig. Sa gayo’y magiging isa ang kawan at isa ang pastol.

“Dahil dito’y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay, upang ito’y kunin kong muli. Walang makakukuha nito sa akin; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at kunin uli. Ito ang utos na tinanggap ko sa aking Ama.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Bro Guibz April 26, 2026 at 10:12 pm

Sa Araw na ito, tatlong mahahalagang pagninilay ang ating makikita:
Juan 10:11-18

1. Si Hesus ang Pastol na kilala ka nang personal
Sabi Niya: “Nakikilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y nakikilala nila.”

Hindi tayo basta “isa sa marami” kay Hesus. Alam Niya ang pangalan mo, ang pinagdadaanan mo, ang takot mo, at ang pangarap mo. Ang “upahan” tumatakas kasi walang malasakit. Pero si Hesus, nananatili kahit magulo ang buhay mo.

2. Ang pagmamahal Niya ay handang mag-alay
“Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa… kusa ko itong ibinibigay.”

Hindi napilitan si Hesus. Pinili Niya tayo. Pinili Niyang masaktan, mamatay, para iligtas tayo. Yung “asong-gubat” sa buhay natin — problema, kasalanan, panghihina, sakit — hindi Niya tayo iniiwan para lamunin nun. Humaharap Siya para sa atin.

3. Gusto Niya ng isang kawan — walang naiiwan
“Mayroon akong ibang tupa na wala sa kulungang ito… magiging isa ang kawan at isa ang pastol.”

Malawak ang puso ni Hesus. Hindi lang para sa “mabubuti” o “nasa simbahan na.” May iba pa Siyang hinahanap at inaabot. At tayo rin, bilang kawan Niya, tinatawag na maging tulay para maramdaman din ng iba yung pag-aalaga Niya.

Mga katarungan sa PAGNINILAY:
1, Ramdam mo ba na kilala ka ni Hesus? Sa gitna ng ingay ng mundo, pinakikinggan mo rin ba ang tinig Niya?

2, Saan sa buhay mo ngayon kailangan mong maalala na hindi ka iniiwan? Ano yung “asong-gubat” na kinakatakutan mo na pwedeng ipagkatiwala sa Pastol?

3, Sino yung “ibang tupa” sa buhay mo na pwede mong ipakilala kay Hesus? Paano ka pwedeng maging “mabuting pastol” sa pamilya, kaibigan, o katrabaho mo — yung hindi nang-iiwan at may malasakit?

GAWAIN: Makinig, sumunod, at maging pastol ka sa iba.

Panalangin:
Hesus, Mabuting Pastol, salamat kasi kilala Mo ako at hindi Mo ako iniiwan. Turuan Mo akong makinig sa tinig Mo araw-araw at magtiwala na ipaglalaban Mo ako. Gamitin Mo rin ako para maramdaman ng iba ang pag-aalaga Mo. Amen.

Reply

Mel Mendoza April 27, 2026 at 12:43 am

PAGNINILAY:
Juan 10, 11-18

Sa pagpapatuloy ng ating pagninilay mula kahapon, mas lalo pang ipinakikilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang:
“Ako ang Mabuting Pastol. Iniaalay ng Mabuting Pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.”
Hindi ito simpleng paglalarawan—ito ay pagpapahayag ng Kanyang misyon at pagkatao.

Sa kaibahan ng upahan na tumatakas sa oras ng panganib, si Hesus ay nananatili, lumalaban, at nag-aalay ng buhay para sa Kanyang kawan. Kaya sa gitna ng “asong-gubat”—mga pagsubok, tukso, at panganib sa ating buhay— ang Mabuting Pastol ay hindi tayo iniiwan.

Magmula kahapon “Good Shepherd Sunday” sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, unti-unti tayong inaakay ng Simbahan:
mula sa pakikinig sa tinig ng Pastol
patungo sa pagkilala sa Kanya
hanggang sa pag-unawa sa Kanyang pag-aalay ng buhay. Hindi ito basta kwento—ito ay paanyaya sa mas malalim na ugnayan kay Kristo.

Sa talatang sinabi ni Hesus na
“Kung paanong nakikilala ako ng Ama at siya’y nakikilala ko… nakikilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y nakikilala nila.” Ang ugnayan natin kay Hesus ay hindi mababaw—ito ay nakaugat sa mismong ugnayan ng Ama at ng Anak.
Na ang ibig sabihin:
-tayo ay personal na kilala;
-tayo ay malalim na minamahal;
-tayo ay inaanyayahang makibahagi sa buhay ng Diyos.
At higit sa lahat sinabi ni Hesus,
“Dahil dito’y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay, upang ito’y kunin kong muli.”
Ang pag-aalay ni Hesus ay:
-kusang-loob (hindi sapilitan);
-mapagmahal (para sa kaligtasan natin);
-mapagtagumpay (humahantong sa muling pagkabuhay)

Ang Kanyang kamatayan ay hindi wakas—ito ay daan tungo sa buhay na walang hanggan.

Pagsasabuhay:
•Manatili sa gitna ng pagsubok;
•Huwag maging “upahan na pastol” na tumatakas;
•Maging tapat sa pamilya, ministry, at bokasyon;
•Palalimin ang pagkakilala kay Hesus,
sa panalangin, salita ng Diyos, at Eukaristiya.
Hindi lang “alam Siya,” kundi nakikilala Siya. Matutong mag-alay ng sarili
sa paglilingkod, sakripisyo, at pagmamahal sa kapwa. Sapagkat dito nakikita ang tunay na pag-ibig.

Word of the Day: “Pag-aalay”
Ang tunay na pagmamahal ay hindi tumatakas—ito ay nananatili at handang magbigay ng sarili.

Panalangin:
Panginoong Hesus, Mabuting Pastol,
salamat sa Iyong pag-aalay ng buhay para sa amin.
Tulungan Mo kaming makilala Ka nang mas malalim at matutong magmahal tulad Mo— handa, tapat, at mapag-alay. Nawa’y manatili kami sa Iyong piling at maging pastol din para sa iba. Amen.

Reply

[email protected] April 27, 2026 at 8:15 am

Sa Dios Lahat Ang Kapurihan, Sa Ngalan Ni Hesukristo…AMEN?

Reply

BdKz April 27, 2026 at 5:27 pm

Ang hindi binibitawan ng isip ay indi makokontrol ng puso.
Kung ang hawak ay negativity hindi talaga tayo magiging masaya.
Kung ang binigay ng Diyos tanggapin.
Ang binasbasan ng Diyos huwag husgahan.
Tumingin palagi sa biyaya ng Diyos.
The greatest we can give to our children is not a comfortable life but a strong life.
Bagong pananaw, bagong buhay na punong-puno ng pagapapala at grasya sa Diyos.
Umpisahang baguhin ang paningin sa gitna ng mga problema.
Mas marami ang buo at biyaya kesa sa mga problema.
Mas malaki ang awa ng Diyos kesa s aga kabiguan at kasalanan.
Ang Panginoong Hesus ang mabuting pastol na mag aalay ng buhay para sa atin para iligtas tayo. Huwag matakot at mag alala. Manatiling payapa sa kanya at magpasalamat ngayon at magpa kailanman.
Amen
-Father Jowel Gatus
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good.
Blessed2026
Thank You, Lord for a new day. Praying for a healing heart, peace, and strength. Amen #PeaceInMiddleEast #GvMonday

Reply

Jovy Uy April 27, 2026 at 8:35 pm

Sa unang pagbasa, ipinapahayag ni Pedro na matapos tanggihan ng mga Israelita ang kanilang Tagapagligtas at Hari na si Jesus ay inilipat sa mga gentil na tulad natin ang biyayang pagliligtas kung kaya’t inutusan si Pedro na buksan (susian) ang pagliligtas sa mga gentil sa pagpunta niya bahay ni Cornelio na isang gentil (Romano) upang ipangaral sa kanya at mga kasambahay niya ang tungkol sa nangyari kay Jesus at isinagawang kapatarawan sa lahat ng kasalanan ng tao. Habang nakikinig sila at nakapaniwala sa paskal ni Jesus ay bumababa sa kanila ang Espiritu Santo at nabuhay muli ang kanilang mga espiritu at naligtas. Itinuturing sa kautusan ni Moses na ang mga gentil ay tulad ng maruruming hayop pero sa oras na ipinadala si Pedro kay Cornelio ay idineklara ng Dios na ang mga gentil ay malinis na rin sa kanilang mga kasalanan gaya ng sa Israel at kailangan lamang na ipaalam o iparinig sa kanila ang pagkakaugpong (grafted-in) nila sa biyayang kapatawaran ng kasalanan sa dugo ni Jesus (Roma 11:11-25, Efeso 2:11-13).

“Nasa lungsod ako ng Jope at nananalangin nang magkaroon ako ng pangitain. Mula sa langit ay inihugos sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na panulukan. Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop: lumalakad at gumagapang sa lupa, pati maiilap, at mga lumilipad sa himpapawid. At narinig ko ang isang tinig na nagsabi, ‘Tumindig ka, Pedro. Magpatay ka’t kumain!’ Subalit sinabi ko, ‘Hinding-hindi ko po magagawa iyon, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang bagay na itinuturing na marumi o di karapat-dapat.’ Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang mga nilinis ng Diyos!’ Tatlong ulit na nangyari ito at pagkatapos ay binatak na pataas sa langit ang bagay na iyon. Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. Sinabi sa akin ng Espiritu na huwag akong mag-atubiling sumama sa kanila. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay, at sinabi sa kanya, ‘Magpasugo ka sa Jope at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. Sasabihin niya sa iyo ang tungkol sa ikaliligtas mo at ng iyong sambahayan.’ Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumaba na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng pagkababa nito sa atin noong una. At naalaala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbibinyag sa tubig, ngunit bibinyagan kayo sa Espiritu Santo.’ Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin nang manalig tayo sa Panginoong Hesukristo, sino akong hahadlang sa Diyos?” Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagpuna, at sa halip ay nagpuri sa Diyos. “Kung gayon,” sabi nila, “ang mga Hentil ma’y binigyan din ng pagkakataong magsisi’t magbagong-buhay upang maligtas!”

Sa gospel reading, ipinapahayag ni Jesus na mayroon siyang ibang tupa maliban sa Israel na kanyang pag-aalayan din ng kanyang buhay upang sila rin ay maligtas at sila ay ang mga gentil.

“Ako ang mabuting pastol. Kung paanong nakikilala ako ng Ama at siya’y nakikilala ko, gayon din naman, nakikilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y nakikilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. Mayroon akong ibang tupa na wala sa kulungang ito. Kinakailangang sila’y alagaan ko rin; pakikinggan nila ang aking tinig. Sa gayo’y magiging isa ang kawan at isa ang pastol.“Dahil dito’y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay, upang ito’y kunin kong muli. Walang makakukuha nito sa akin; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at kunin uli. Ito ang utos na tinanggap ko sa aking Ama.”

Kumusta naman tayo. Naniniwala ba tayo na tayong mga gentil ay ibang tupa ni Jesus na isinanib o inilapit lamang sa dugo ni Jesus na tumubos sa lahat ng kasalan ng sangkatauhan?

“Kaya’t alalahanin ninyo ang dati ninyong kalagayan. Kayo’y ipinanganak na mga Hentil, at “di-tuli” ang tawag sa inyo ng mga Judio. Ang mga Judio naman ay tinatawag na mga “tuli” dahil sa ginagawa sa kanilang katawan.  Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo’y nabubuhay kayo sa mundo nang walang pag-asa at walang Diyos.  Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati’y malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo (Efeso 2:11-13).

Reply

Mel April 28, 2026 at 1:00 am

Thank You so much and Praise to You, Father God and to our Lord Jesus Christ, Hallelujah!!! Hallelujah!!! We love You, Lord Amen!

Reply

Celine loveko April 28, 2026 at 3:17 am

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: