Podcast: Download (Duration: 8:01 — 5.7MB)
Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus
na Panginoon sa Templo
Malakias 3, 1-4
Salmo 23, 7. 8. 9. 10.
D’yos na makapangyariha’y
dakilang hari kailanman.
Hebreo 2, 14-18
Lucas 2, 22-40
o kaya Lucas 2, 22-32
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Feast of the Presentation of the Lord (White)
World Day for Consecrated and Religious Life
UNANG PAGBASA
Malakias 3, 1-4
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias
Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipapahayag ang aking tipan.”
Ngunit sino ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makakaharap pag siya’y napakita na? Siya’y parang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang matapang na sabon. Darating siya para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Sa gayun, magiging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon, at ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa kanya, tulad ng dati.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 7. 8. 9. 10.
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
Ang pintuang luma ay buksan nang lubos,
ang dakilang hari ay doon papasok.
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
Ang dakilang haring ito ay sino ba?
Siya ang Poon, dakilang talaga;
Saanmang labanan tagumpay ay kanya.
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
Ang pintuang luma ay buksan nang lubos,
ang dakilang hari ay doon papasok.
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
Ang dakilang hari’y sino bang talaga?
Makapangyarihang Diyos at hari siya!
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 2, 14-18
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Yamang ang mga anak na tinuturing ng Diyos ay tao, naging tao rin si Hesus, tulad nila – may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay maigupo niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. Sa gayun, pinalaya niya ang lahat ng naging alipin habang panahon dahil sa kanilang takot sa kamatayan. Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan kundi “Ang lahi ni Abraham.” Kaya’t kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayun, siya’y naging isang dakilang saserdote, mahabagin at tapat, naglilingkod sa Diyos at naghahandog ng hain sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng tao. Sapagkat siya ma’y tinukso at nagbata, kaya ngayo’y matutulungan niya ang mga tinutukso.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Lucas 2, 32
Aleluya! Aleluya!
Para sa lahat ng bansa
liwanag na nagmumula
sa bayan mong dinakila!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 2, 22-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila ayon sa Kautusan ni Moises, si Hesus ay dinala ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,
“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong tagapagligtas,
na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Namangha ang ama’t ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula sa Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.”
Naroon din sa templo ang isang propetang babae na ang pangala’y Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya’y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, nang siya’y mabalo. At ngayon, walumpu’t apat na taon na siya. Lagi siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Hesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
Nang maisagawa nila ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret, Galilea. Ang bata’y lumaking malakas, marunong at kalugod-lugod sa paningin ng Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Lucas 2, 22-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila ayon sa kautusan ni Moises, si Hesus ay dinala ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,
“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako, yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong tagapagligtas, na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Pebrero 1, 2026
Martes, Pebrero 3, 2026 »




{ 12 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang ating Kapistahan ngayon ng Pagdadala kay Hesus sa Templo ng Jerusalem ay tumatapat sa 40 araw pagkatapos ng pagdiriwang ng Pagsilang niya noong Kapaskuhan. Ito’y naaayon sa tradisyon ng mga Israelita na ang bawat batang lalaki ay itatalaga sa Panginoon sa Templo, at magdadala ng mga magulang ng 2 kalapati para sa pagpapalinis ng ina. Kahit alam nina San Jose at Birheng Maria na ang sanggol na kanilang inaalagaan ay ang Anak ng Diyos at Tagapagligtas, sila’y sumailalim sa Kautusang inilaan ni Moises.
Higit pa diyan ay ang pagkilala nina Simeon at Anna kay Hesus bilang Mesiyas hindi lang para sa mga Hudyo, kundi pati na rin sa mga Hentil. Bagamat sila’y matanda na sa edad, ipinangako ng Diyos sa kanila sa pamamagitan ng Espiritu na makikita nila ang kanyang Anak sa Templo habang buhay pa sila. Kaya nga ang pagturing ni Simeon kay Kristo na “liwanag para sa lahat” ay isinasagawa sa ating liturhiya sa pamamagitan ng pagbabasbas at pagprupruasisyon ng mga kandila.
Ang liwanag na hinangad ng dalawang matatanda ay mismong liwanag dala ng Panginoon sa ating mga buhay. Nais niya tayong sumunod sa kanya bilang Ilaw ng Sanlibutan upang hindi tayong palibutan ng mga kadiliman dulot ng kasamaan. Kung tayo’y magiging mababa ang kaloobam katulad ng ginawa ng Banal na Mag-anak at nina Simeon at Anna sa Templo, tunay na mayroon tayong makakamtan na sorpresa mula sa Diyos na di lingid sa ating kaalaman.
Ang kapistahan ng Candelaria. Ito’y pagtupad ng tradition ng mga Hudio , 40 araw na nang si Hesus ay isinilang. Ngayon ay gaganapin ang padala nia Maria at Jose kay Hesus sa templo , at ito rin ay ang paglilinis din kay Maria bilang ina at nagluwal kay Hesus. Nakatuon sa tradisiyun na ito ang paglilinis. Ngunit higit na ipinakilala ng tagpong ito na kung sino si Hesus. Siya liwanag dumating sa ating mundo. At ito ay nakita at pinahayag ng dalawang propeta na si Simeon at Ana, na naghihitay sa taga pagligtas, sila’y lagi sa templo. At nakita nila nga nila ang liwanag.at ito’yy nagdala ng kasiyahan sa kanila. Ito ang ang dulot ng kapistahan ito magbigay liwaga tayo sa ating kapwa upang makapagdulot ng kasiyahan sa iba. Dallin natin sila kay Hesus.
Ano ang hamon at aral ng ebenghelyo ngayon?
Natagpuan na ni Simeon at Ana si Hesus. Si Hesus na liwanag ng ating buhay. Kamusta ka na kapatid? Masasabi mo ba sa sarili mo na natagpuan mo ang liwanag? O ikaw ay nasa kadiliman pa din?
Tayo ay nasa kadiliman pa din kung tayo ay patuloy na:
Nakiki-apid, nangangalunya, matakaw sa pita ng laman, ganid sa pera, madamot at hindi tumutulong o nagbabahagi ng biyaya, naninirang puri, hindi mapatawad ang kaaway o kapatid, makasarili at higit sa lahat ay walang takot sa Diyos.
Suriin mo ang iyong sarili at magnilay, habang may panahon ay magango at magabalik loob sa Diyos, Paano?
Pagsisihan ang mga nagawang kasalanan, humingi ng kapatawaran sa mga ito at sikapin ng matalikuran ang paggawa ng masama.
Kapag natagpuan mo na si Hesus o ang liwanag, makakamtam mo ang kapayapaan ng isip, ang lubos na kaligayan at mawawala ang anumang pangamba. Dahil kinalulugdan ni Hesus ang makasalanang nagsisi at nagsusumikap magpakabuti.
PAGNINILAY
Sa iba’t ibang panahon sa ating kasaysayan, lahat tayo ay nakarinig ng “mga hula” na magaganap sa malapit na hinaharap. Kadalasan, hintay tayo ng hintay, at ang propesiya ay hindi kailanman natutupad. Gayunpaman, darating ang panahon na matutupad ang hula. Paano magiging iba ang buhay para sa atin kung nabubuhay tayo sa bawat araw na parang ang araw na ito ang ating huling araw? Paano natin gugugulin ang ating araw kung alam nating ngayon na ang huling araw natin sa mundo? Kanino natin gugulin ang ating oras? Magsisimba ba tayo o hahanap tayo ng ibang paraan para magsaya o maglaan ng oras kasama ang Diyos? Maaaring ngayon ang ating huling araw; hindi natin alam kung kailan tayo mamamatay. Nawa’y mabuhay tayo sa araw na ito at araw-araw ng lubusan. Nawa’y magpasalamat tayo sa maraming biyayang natatanggap natin!
Banal na Espiritu, tulungan Mo kaming makilala ang presensya ng Panginoon sa aming buhay. Amen.
***
Malakias 3, 1-4
Salmo 23, 7. 8. 9. 10
Hebreo 2, 14-18
Lucas 2, 22-32
Napakahiwaga ng Panginoon! Kung ating pag-aaralan, nagkaroon ng katumbas sa New Testament ang mga binilin ng Diyos na mga pistang dapat ipagdiwang noon kila Moses sa Old Testament. Halimbawa, sa pagdiriwang ng araw ng Passover kung saan nagpassthru ang Panginoon para patayin ang mga firstborn male ng Egypt. Ang tanging maliligtas ay yung mga anak ni Abraham na naniwala at sumunod sa tagubilin ng Panginoon na maghandog ng “blameless lamb” ang bawat pamilya at ipahid sa doorpost ang dugo nito upang malaman ng anghel na ang mga tao sa loob ng bahay na iyon ay dapat na maligtas mula sa kamatayan. Nang dumating si Hesus, inialay Niya ang Kanyang sarili na katulad ng isang blameless lamb upang ang lahat ng maniwala ay mailigtas. Si Hesus, ang Lamb of God na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!
Sa mismong araw ng Purification ng Israel, ay nireveal ang sinugo ng Diyos na magpupurify sa mga anak ni Abraham—na noong mga panahon na iyon ay ang bata pang si Hesu-Kristo. Si Hesus ang maghahatol, maglilinis at magrerefine sa atin, sa mga naniniwala sa Kanya. At ito ay Kanyang nafulfill noong Siya’y ipinako sa Krus.
Mula noon hanggang ngayon na modern age, hindi lahat ay nakakakilala kay Kristo. Tanging ang mga pinagsabihan lang ng Espiritu ang nakakaalam nito katulad ni Simeon at ni Ana. Ngunit hindi sila bigla lang sinabihan. Nakasulat sa Ebanghelyo na si Simeon ay matapat at malapit sa Diyos, samantalang si Ana ay araw at gabing sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at panananalangin. Ang mga ito marahil ang formula upang mapakinggan natin ang sinasabi ng Espiritu Santo sa atin—faithfulness to God, prayers and fasting. Para sa ating lahat na kailangang magdecision ukol sa malaking bagay, nagagawa pa ba nating maging tapat sa Diyos, manalangin araw araw at magfasting upang malaman ang Kanyang kalooban? O ating binabase lahat ng ating gagawin sa ating sarili o sa udyok ng mundo?
Marahil ay marami tayong maling desisyon sa buhay, some have caused major damage in our lives and some have caused seemingly irreversible damage in our lives. Most of these decisions have sprung up from the root cause na takot tayo sa kamatayan, physical death and also death to self. Nakapagnakaw dahil takot na magutom ang pamilya. Gumanti sa kaaaway kase hindi pwedeng ikaw lang ang naagrabyado, dapat siya rin. Takot umamin sa kasalanan kase mapapahiya o baka mawalan ng trabaho. Nagsisinungaling para magkapera. Ayaw magpatawad kase ikaw naman ang nasa tama. And the list goes on…. see, takot ang tao sa kamatayan, at walang gustong mamatay sa sarili.
Pero iniligtas na tayo ni Kristo mula sa kamatayan. Kaya maaari na natin gawin ang tama sa mata ng Diyos. Kakampi natin ang Diyos. Habang nabubuhay tayo ay unti-unti Niya tayong pinupurify at nirerefine sa pamamagitan ng Kanyang Salita at ng udyok ng Espiritu Santo. Nawa ay lagi nating pakinggan natin ang Kanyang tinig at makipagkaisa tayo kay Kristo, na nagrerefine sa atin upang maging purong ginto tayo sa paningin ng Diyos. Salamat sa Diyos na inireveal ang Kanyang pagliligtas sa atin sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Amen.
PAGNINILAY
Sa ating Ebangelyo ngayon…
Sinabi ni SIMEON na
“Kunin mo na, Panginoon,
ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako
yamang nakita na ng aking mga mata
ang iyong tagapagligtas,
na inihanda mo para sa lahat ng bansa”.
“Naruon din si ANA, isang walumpu’t apat na taon at balo
Lagi siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos
sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin.
Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos.
Nagsalita rin siya tungkol kay Hesus, sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem”.
Sina SIMEON AT ANA
dalawang taong nakasumpong sa Panginoon at ng matagpua’y
nagpahayag na nakita ng na ang tagapagligtas
na inihanda para sa lahat, ang magpapalaya sa Jerusalem.
Tayo bay katulad nina Simeon at Ana
na ng matagpuan si Hesus
ay handa ng maligtas at lumaya sa kasalanan?
Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
Lucas 2, 22-40
Tayong lahat ay nakatalaga sa Panginoon. Lahat ng sangkatauhan. Ang tanging rason bakit tayo nabuhay sa mundong ibabaw ay upang magpuri, ibalik ang kabutihan at glorya ng Poong Maykapal. Hanggang di natin nagagawa iyan ay nawawala tayo sa tamang landas at mamamatay na walang naging kabuluhan ang ating buhay. Kaya ang magserbisyo sa kanya ay isang pribilehiyo at hindi karapatan. Ibinibigay. Iginagawad. Hindi tinatawaran. Ganito ang naging karanasan ni Simeon at Ana. Masusing naghintay ng matagal na panahon, gumamit ng matinding pasensiya, abot-kamay ang templong pakiwari nila ay may taglay na pangako sa buhay. Hanggang makita, marinig, at mahawakan nila ang buhay ng magbibigay Buhay sa kanilang katauhan. Ang serbisyong ginagawa natin sa Diyos ang nagbibigay buhay sa ating lahat. Hindi natin maintindihan pero ito ang totoong ating maaaring ipresenta at ialay. Sisirain ng kalaban ang pakay, guguluhin ang nasimulan, babaguhin ang ating isipan, kakapusin ng pag-ibig, pupunuan ng di pagkakaintindihan, at tayo’y mawawalay.
Sa mga pagkakataong ito sana ay maintindihan natin na ang ating pinag aalayan ay ang Diyos at hindi ang sangkatauhan. Nawa’y mawala ang galit at hinanakit nang sa gayon maibalik natin ang mga biyayang naibigay para sa kabutihan na pangkalahatan.
Gaya ni Maria, tanggapin natin ng may pagsuko na tayo rin ay masasaktan. Ang kapalit ay langit magpakailanman.
PAGNINILAY: Ang ating Kapistahan bukas ay ang Pagdadala kay Hesus sa Templo ng Jerusalem ay tumatapat sa 40 araw pagkatapos ng pagdiriwang ng Pagsilang niya noong Kapaskuhan. Ito’y naaayon sa tradisyon ng mga Israelita na ang bawat batang lalaki ay itatalaga sa Panginoon sa Templo, at magdadala ng mga magulang ng 2 kalapati para sa pagpapalinis ng ina. Kahit alam nina San Jose at Birheng Maria na ang sanggol na kanilang inaalagaan ay ang Anak ng Diyos at Tagapagligtas, sila’y sumailalim sa Kautusang inilaan ni Moises.
Higit pa diyan ay ang pagkilala nina Simeon at Anna kay Hesus bilang Mesiyas hindi lang para sa mga Hudyo, kundi pati na rin sa mga Hentil. Bagamat sila’y matanda na sa edad, ipinangako ng Diyos sa kanila sa pamamagitan ng Espiritu na makikita nila ang kanyang Anak sa Templo habang buhay pa sila. Kaya nga ang pagturing ni Simeon kay Kristo na “liwanag para sa lahat” ay isinasagawa sa ating liturhiya sa pamamagitan ng pagbabasbas at pagprupruasisyon ng mga kandila.
Ang liwanag na hinangad ng dalawang matatanda ay mismong liwanag dala ng Panginoon sa ating mga buhay. Nais niya tayong sumunod sa kanya bilang Ilaw ng Sanlibutan upang hindi tayong palibutan ng mga kadiliman dulot ng kasamaan. Kung tayo’y magiging mababa ang kaloobam katulad ng ginawa ng Banal na Mag-anak at nina Simeon at Anna sa Templo, tunay na mayroon tayong makakamtan na sorpresa mula sa Diyos na di lingid sa ating kaalaman.
PAGNINILAY:
Lucas 2, 22–40
Ang Mabuting Balita ngayong araw ay hindi tungkol sa mga himala o dakilang pangyayari sa panlabas na anyo, kundi sa tahimik ngunit malalim na paghahayag ng Diyos. Isang sanggol sa templo. Dalawang matatanda—si Simeon at Ana—na buong buhay na naghintay. Isang pamilya na tumutupad sa Kautusan.
Ngunit sa payak na tagpong ito, nagkatagpo ang pangako at katuparan, ang pag-asa at kaligtasan, ang langit at lupa.
Ipinapakita sa atin ng Ebanghelyo na ang Diyos ay hindi laging dumarating sa paraang engrande, kundi madalas sa katahimikan ng pagsunod, pagtitiyaga, at pananalig.
Si Hesus bilang Handog at Liwanag
Ang paghahandog kay Hesus sa templo ay hindi lamang pagsunod sa Kautusan ni Moises. Ito ay prophetic act—isang paunang pahayag na si Hesus ay hindi lamang pag-aari ng isang pamilya, kundi handog ng Diyos para sa buong sangkatauhan.
Ang sinabi ni Simeon—“Liwanag na tatanglaw sa mga Hentil”—ay malinaw na patunay na ang kaligtasan ay unibersal, hindi lamang para sa Israel kundi para sa lahat ng bayan.
Ang Espiritu Santo bilang Gabay ng Pananampalataya
Tatlong ulit binanggit ang Espiritu Santo kay Simeon. Ipinapakita nito na ang tunay na pagkilala kay Kristo ay bunga ng pamumuhay sa Espiritu, hindi lamang ng talino o kaalaman.
Ang nakakakita kay Hesus kung sino Siya ay yaong marunong makinig at maghintay sa Diyos.
Ang Krus ay Kasama na sa Simula
Ang propesiya kay Maria—“ang puso mo’y para na ring tinarakan ng balaraw”—ay nagpapaalala na ang misyon ni Kristo ay hindi hiwalay sa pagdurusa.
Mula pa lamang sa pagsilang, malinaw na ang kaligtasan ay daraan sa sakit, pagtanggi, at sakripisyo. Ito ang teolohiya ng Krus na nakatanim na sa duyan ni Hesus.
Si Ana: Simbahan ng Panalangin at Patotoo
Si Ana ay larawan ng Simbahang hindi napapagod manalangin at magpatotoo. Ang kanyang katandaan ay hindi hadlang kundi patunay na ang pananampalataya ay lumalalim habang tumatagal.
Ang tunay na pananampalataya ay hindi tahimik lamang—ito’y ibinabahagi.
PAGSASABUHAY (Hamon sa Ating Buhay)
Marunong ba tayong maghintay tulad ni Simeon, o gusto natin ng agarang sagot ng Diyos?
Inihahandog ba natin sa Diyos ang ating mga anak, gawain, ministeryo, at buhay—o kinikilala lamang Siya kapag may kailangan tayo?
Tinatanggap ba natin si Kristo hindi lamang bilang aliw, kundi bilang tanda na minsan ay hahamakin at magpapabago sa ating buhay?
Tulad ni Ana, ginagamit ba natin ang ating mga sugat, edad, at karanasan upang magpatotoo sa pag-asa?
Ang tunay na pananampalataya ay hindi nagtatapos sa templo—ito’y isinisilang sa araw-araw na pamumuhay.
WORD OF THE DAY
“LIWANAG”
Si Kristo ang liwanag na hindi lamang nagpapakita ng daan, kundi nagbibigay-kahulugan sa ating paghihintay, paghihirap, at pag-asa.
PANALANGIN
Panginoon naming Diyos,
Turuan Mo kaming maghintay nang may pananampalataya tulad ni Simeon, manalangin nang may pagtitiyaga tulad ni Ana, at maghandog ng aming buhay nang may kababaang-loob tulad nina Maria at Jose. Buksan Mo ang aming mga mata upang makita si Hesus bilang Liwanag ng aming landas, kahit ito’y may kasamang krus at pagdurusa. At kapag dumating ang sandaling Ikaw ay aming makatagpo, nawa’y masabi rin namin: “Ngayon ay payapa na ang aming puso, sapagkat nakita na namin ang Iyong kaligtasan.”
Amen
Sa Lucas 2:22–40, makikita natin ang isang tahimik ngunit makapangyarihang tagpo ng pananampalataya at pagtupad ng pangako ng Diyos. Dinala nina Maria at Jose ang sanggol na si Jesus sa templo bilang pagsunod sa Kautusan ng Panginoon. Sa simpleng pagsunod na ito, nahayag ang dakilang plano ng Diyos.
Nakilala ni Simeon si Jesus hindi dahil sa anyo, kundi dahil sa patnubay ng Espiritu Santo. Matagal siyang naghintay, ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa. Ipinapaalala nito sa atin na ang mga pangako ng Diyos ay maaaring matagalan, ngunit tiyak na darating sa tamang panahon.
Si Ana, ang propetisa, ay larawan ng tapat na pananalangin. Sa kabila ng kanyang edad at mga pinagdaanan sa buhay, hindi siya umalis sa templo. Sa kanyang debosyon, agad niyang nakilala ang Mesiyas at ibinahagi ang kagalakan sa iba. Ipinapakita niya na ang pusong laging nananalangin ay laging handang tumanggap ng gawa ng Diyos.
Sa araw na ito, tinatawag tayo ng Salita ng Diyos na maghintay nang may pananampalataya, manatiling tapat sa panalangin, at kilalanin ang pagkilos ng Diyos sa mga simpleng paraan. Si Jesus ay dumating sa kababaang-loob, ngunit Siya ang liwanag at kaligtasan ng sanlibutan.
Pagninilay:
Habang tayo’y naghihintay sa Diyos, nawa’y matuto tayong magtiwala. Habang tayo’y naglilingkod, nawa’y manatili tayong tapat. At sa bawat araw, nawa’y makita natin si Jesus sa ating mga buhay.
Panalangin:
Panginoon, turuan Mo kaming maghintay nang may pagtitiwala at mamuhay nang may debosyon. Buksan Mo ang aming mga mata at puso upang makilala Ka sa aming araw-araw na buhay. Amen.
Be a light giver.
Umasa sa Diyos na pupuno ng pagpapala at biyaya.
Ang ngiti ang sisindi muli ang sigla at saya sa ating puso.
Spread the happiness in various ways – smile.
Kung hindi ka makangiti bumalik sa Diyos at tingnan ang mukha Diyos naway ang liwanag ng mukha ng Diyos ang muling mag pangiti sa atin.
-Father Jowel Gatus
Amen
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good
Thank You, Lord
#GvMonday
Blessed2026
Sa unang pagbasa, inihula ni propeta Malakias kung paano darating si Jesus upang makilala siya ng kanyang mga kababayang Israelita.
“At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipapahayag ang aking tipan.”
Sa ikalawang pagbasa, pinatunayan ni apostol Pablo na ang hula ni propeta Malakias ay naganap sa katauhan ni Jesus at pinatunayan niya na siya ay galing sa lahi ng Israel (binhi ng babae, binhi ni Abraham o binhi ni David) bilang alay o kordero ng Dios na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan at siya rin ang naging dakilang Saserdote (Mataas na Pari) na nag-alay mismo ng kanyang dugo sa templo sa langit para mapatawad ang mga kasalanan ng tao ng walang hanggang (Hebreo 9:11-12).
“Kaya’t kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayun, siya’y naging isang dakilang saserdote, mahabagin at tapat, naglilingkod sa Dios at naghahandog ng hain sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng tao.”
Sa gospel reading, natupad kay Jesus ang hula ni propeta Malakias nang dalhin siya ng kanyang magulang sa loob ng templo sa Jerusalem at bilang Israelita na tumutupad sa mga kautusan ni Moises.
“Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako, yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong tagapagligtas, na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Kumusta tayo. Nakilala ba natin na si Jesus ang pinapatungkulan ng mga hula ng mga propeta sa lumang tipan o katulad tayo ng mga Israelita na hindi nakilala si Jesus bilang Tagapagligtas at dakilang Saserdote para sa mga kasalanan din nating mga Hentil?