Podcast: Download (Duration: 7:40 — 9.4MB)
Huwebes ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Vicente, diyakono at martir
1 Samuel 18, 6-9; 19, 1-7
Salmo 55, 2-3. 9-10ab. 10k-11. 12-13
May tiwala ako sa D’yos,
hindi ako matatakot.
Marcos 3, 7-12
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Thursday of the Second Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Vincent, Deacon and Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
1 Samuel 18, 6-9; 19, 1-7
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, matapos mapatay ni David si Goliat, nagbalik na si Haring Saul at ang kanyang mga tauhan. Sa bawat bayang madaanan nila, sinasalubong sila ng mga kababaihan na umaawit at sumasayaw sa saliw ng mga pandereta at alpa. Ganito ang kanilang awit:
“Libu-libo ang pinatay ni Saul,
Ang kay David naman ay sampu-sampung libo.”
Nagalit si Saul at naisaloob niya, “Kung sinasabi nilang sampu-sampung libo ang pinatay ni David at ako’y libu-libo lang, kulang na lamang ay siya ang kilalanin nilang hari.” At mula noon naging mainit na ang mata niya kay David.
Minsan, nasabi ni Saul kay Jonatan at sa kanyang mga tauhan ang balak niyang pagpatay kay David. Mahal ni Jonatan si David, kaya sinabi niya rito ang balak ng kanyang ama. Ang sabi niya, “Binabalak kang patayin ng aking ama. Bukas ng umaga, magtago ka sa isang lugar. Yayayain ko naman ang aking ama sa may pinagtataguan mo at kakausapin ko tungkol sa iyo. Pagkatapos naming mag-usap sasabihin ko agad sa iyo ang anumang sasabihin niya.”
Kinausap nga ni Jonatan ang kanyang ama tungkol kay David. “Ama, bakit ibig ninyong patayin si David gayong wala namang ginagawang masama sa inyo? Hindi ba’t pinakikinabangan ninyo siyang mabuti? Ipinain niya ang kanyang buhay nang harapin niya si Goliat at niloob naman ng Panginoon na magtagumpay siya para sa Israel. Alam ninyo ito at inyo pang ipinagdiwang. Bakit ninyo siya papatayin gayong wala siyang kasalanan?”
Dahil dito, nagbago ng isip si Saul. Sinabi niya, “Naririnig ng Panginoon, hindi ko na siya papatayin.” Ang sagot na ito ng hari ay sinabi naman ni Jonatan kay David. Isinama pa siya ni Jonatan sa hari, at tulad ng dati, pinaglingkuran niya ito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 55, 2-3. 9-10ab. 10k-11. 12-13
May tiwala ako sa D’yos,
hindi ako matatakot.
Maawa ka, Panginoon ako’y iyong kahabagan,
lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway;
nilulusob nila ako, walang likat, maghapunan,
O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban.
May tiwala ako sa D’yos,
hindi ako matatakot.
Ang taglay kong sulirani’y nababatid mo nang lahat,
pati mga pagluha ko’y may talaan ka nang ingat.
Kung sumapit ang sandaling ako sa iyo ay humibik,
ang lahat ng kaaway ko ay tiyak na malulupig;
pagkat aking nalalamang, “Diyos ang nasa aking panig.”
May tiwala ako sa D’yos,
hindi ako matatakot.
May tiwala ako sa Diyos, pangako niya’y iingatan,
pupurihin ko ang Poon sa pangakong binitiwan.
Lubos akong umaasa’t may tiwala ako sa Diyos
kung tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
May tiwala ako sa D’yos,
hindi ako matatakot.
Ang anumang pangako ko’y dadalhin ko sa ‘yo, O Diyos,
ang hain ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
Pagkat ako ay iniligtas sa bingit ng kamatayan,
iniligtas mo rin ako sa ganap na katalunan;
ako ngayon ay lalakad sa harapan mo, O Diyos,
na taglay ko ang liwanag na ikaw ang nagdulot!
May tiwala ako sa D’yos,
hindi ako matatakot.
ALELUYA
2 Timoteo 1, 10
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 3, 7-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, umalis si Hesus at ang kanyang mga alagad at nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya ng maraming taong buhat sa Galilea. Nagdatingan din naman ang napakaraming tao mula sa Judea, sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon nang mabalitaan nila ang lahat ng ginawa ni Hesus. Nagpahanda si Hesus sa kanyang mga alagad ng isang bangkang magagamit niya, upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. Marami na siyang pinagaling, kaya’t pinagdumugan siya ng lahat ng maysakit upang mahipo man lamang nila. Bawat inaalihan ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” At mahigpit silang pinagbawalan ni Hesus; ayaw niyang ipasabi kung sino siya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Enero 21, 2026
Biyernes, Enero 23, 2026 »




{ 12 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang pagdiriwang ng mga Israelita sa tagumpay na ipinamalas ng Diyos sa kanila laban sa mga Filisteo. Umawit ang mga kababaihan ang pagpaslang ni Saul ng libu-libong kaaway, samantala si David naman ng sampung libong kaaway. At dahil dito’y nainggit si Saul at tinangkang patayin si David. Ngunit nagmakaawa ang anak nito na huwag patayin ang nakababatang tao. Siya ay si Jonathan, na isang malapit na kaibigan ni David. Kaya hindi itinuloy ni Saul ang kanyang plano, at si David ay naglingkod sa hari.
Ipinakilala ni San Marcos si Hesus bilang Mesiyas na maawaain at mapagmalasakit. Karaniwan sa ministeryo ni Kristo ay lumalakbay at nililibot ang bawat nayon at bayan, at doon siya’y nangangaral ng Mabuting Balita at gumawa ng kababalaghan para sa mga maysakit at nangangailangan. At maraming mga tao kahit hindi taga Judea o Jerusalem ang lumalapit sa kanya upang pakinggan siya at makaranas ng lunas mula sa mga sakit sa buhay.
Makikita natin sa Panginoong Hesukristo ang kanyang pagka-Diyos na umuugnay sa ating katauhan patungo sa Diyos Ama, at ito’y napamalas niya sa kanyang pagkatao upang iako ang ating abang kalagayan patungo sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang awa at habag. Tayo’y tumugon sa tawag na ipamalas ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging maawain at mapagmalasakit sa ibang tao, katulad ng ginagawa ni Hesus upang patuloy na ipalaganap ang Kaharian ng Diyos.
Sa Unang Pagbasa ipinaalala sa atin na ano man ang masamang balak sa iyo ng tao ay hindi nila maisasakatuparan sapagkat panig sa iyo ang Diyos. Paano nman natin masisiguro na panig sa atin ang Diyos? Kung tayo ay sumusunod sa kalooban nya tiyak na panig sa atin ang Diyos. Kung tayo ay walang takot sa Diyos sa paulit ulit nating paggawa ng kasalanan, kahit gaano ka pa kaingat o planado ang lahat ng galaw ay maaari tayong bigyan ng leksyon ng Diyos, kung loloobin ay kaya nyang bawiin kung ano man ang meron tayo ngayon sa isang iglap lamang. Kaya’t para panatag ang kalooban natin na panig sa atin ang Diyos ay nararapat na kinalulugdan ng Diyos ang lahat ng ating iisipin, sasabihin at gagawin sa mundong ito.
Sa ating ebanghelyo nman ngayon na mensahe ay pagagalingin tayo sa ating mga sakit at suliranin kung hahanapin natin si Hesus sa ating buhay. Ang nagpagaling sa mga tao sa ebanghelyo ay ang kanilang pananalig kay Hesus.
Hindi natin kaya ang mundong ito ng tayo lamang. Magkaroon tayo ng magandang relasyon kay Hesus. Huwag mong sabihing wala ka ng pangangailangan sapagkat na saiyo na ang lahat. O dahil malakas ka ngayon. Komportable ang buhay. Kumpleto ang pamilya. Magandang trabaho. Malago ang negosyo. Hindi kinakapos sa pera. Sikat. May kapangyarihan o posisyon. Lubos ka bang masaya? Hanggang kailan ang kasiyahang iyan?
Hindi masama ang maging maunlad kung marunong kang magbahagi ng iyong mga biyaya. Kung marunong kang magpatawad sa iyong kaaway o kapatid. Kung hindi ka nangmamaliit ng ibang tao. At kung hindi hambog at mapagmataas. Pakatandaan na ang lahat ng iyan ay kaloob ng Diyos, kaya’t dapat na magpuri at magpsalamat at suklian ang Panginoon sa pagmamahal din sa iyong kapwa. At tularan si Hesus na mahabagin at matulungin.
Papuri sa Diyos!
Sa Unang Pagbasa ay pinababatid sa atin ang mabuting pagkakaibigan nina Jonathan at David. Ipinakita sa pagbasa na ito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang mabuting kaibigan na parang isang tunay na kapatid. Dahil sa pagmamahal ni Jonathan kay David ay nagawa nyang kausapin ang ama na si Saul at liwanagan ang isipan nito. Sa ganitong paraan ay naligtas din sa kapahamakan si David na walang anumang ginawang masama kay Saul.
Gospel for Today: Mark 3:7-12
Gaano ka-epektibo ang pangalan mo?
Pag ba may inutos ka sa isang pulutong ng sundalo ay susundin ka nito? O kaya nama’y mapapasunod mo ba ang presidente ng isang bansa? O sa bahay, lahat ba ng inuutos mo ay susundin ng mga taong nakapaligid sa iyo?
Sa Mabuting Balita na ating napakinggan, ipinakikita dito kung gaano ka-epektibo ang pangalan ni Hesus. Ang mga maysakit ay napapagaling, at ang mga masasamang espiritu ay nagpapatirapa sa kanyang harapan. At kung bibigyan nating kahulugan ang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Jonathan, pati na ang masamang balak ni Haring Saul kay David ay hindi naisakatuparan, sapagkat ang plano ng Panginoon ang magpprevail. Sa madaling salita, ipinapakita ng dalawang tagpong ito na ang Salita ng Diyos at ang pangalan Niya ay tunay nga namang napakadakila! He can turn hearts of stone into hearts of flesh, He heals the sick and He casts out demons sa pamamagitan lamang ng Kanyang presensya at Salita. Napakamakapangyarihan ng Diyos. Lumuhod ang lahat sa Kanyang presensya, at sumusuko ang lahat ng masasama sa Kanyang Pangalan.
Kaya naman mga kapatid, kung tayo ay may mga problema sa buhay natin ngayon, mga pagsubok na gusto natin malampasan, mga pusong bato na gusto nating palambutin, mga sakit na kahit sa modern medicine ay imposible na mapagaling, mga kinatatakutan na mangyari, mga kaimposiblehan sa ating buhay na gusto nating magkatotoo, ilapit natin ito sa paanan ni Hesus at lahat ng ito’y luluhod at susuko sa Kanyang harapan.
Ngunit hindi lamang po iyan ang dapat na manikluhod sa Panginoon, dapat tayo rin. Tanggapin natin si Hesus at hayaan natin Siyang maghari sa ating buhay, at magalak tayo na Siya ang ating Panginoon at Tagapagligtas. Ngayon pa lamang po, simulan na natin ang lumuhod at magbigay ng papuri sa Kanyang Pangalan at presensya. Hanapin natin ang Panginoon saan man tayo magpunta. Sapagkat darating po ang panahon na “…sa pangalan ni Jesus ay luluhod at magpupuri ang lahat ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa. At ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.” (Heb. 2:10-11)
Purihin natin ang Diyos na makapangyarihan! Amen.
PAGNINILAY
Ano ang gagawin sa taong nagseselos sa atin? Mayroon bang anumang solusyon sa sinaunang kasalanang ito na nagdulot sa sangkatauhan mula pa noong panahon ni Cain at Abel, at marahil ay mas maaga pa? O, ang kasalanan ng selos! Sa halip na kunin ang bisyong ito sa pamamagitan ng mga sungay at gawing “kabutihan” (upang pagbutihin o udyukan ang ating mga sarili), mas gusto nating magmaktol at magkasala dahil dito. Tinukoy ni St. Thomas Aquinas ang selos bilang kalungkutan para sa tagumpay ng ibang tao. Napakagandang kahulugan. Marahil siya mismo ang nakaranas ng ganoon. Lahat tayo ay nakikipaglaban sa selos. Lahat tayo! Nawa’y kumita tayo mula sa ating Panginoon na nakaranas ng galit ng mga naninibugho na hari at tao, ngunit mas piniling hindi sila hatulan kundi iligtas sila. Ang paninibugho ay nasa loob ng maraming siglo, mula nang bumagsak ang tao. Ngunit matagal ng nandiyan ang Diyos at tiyak na makakapagtiwala tayo sa Kanya. Naranasan na ba natin ang kapangyarihan ng Pangalan ni Hesus sa ating buhay?
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming abutin ang Iyong nakapagpapagaling na hawak. Tulungan kaming gawing sarili naming personal na plano ang pagpapahusay ng aming mga naiinggit na pagiisip. Amen.
***
MAGANDANG BALITA NGAYON – HUWEBES NG IKALAWANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON
MARCOS 3:7-12 Noong panahong iyon, umalis si Hesus at ang kanyang mga alagad at nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya ng maraming taong buhat sa Galilea. Nagdatingan din naman ang napakaraming tao mula sa Judea, sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon nang mabalitaan nila ang lahat ng ginawa ni Hesus. Nagpahanda si Hesus sa kanyang mga alagad ng isang bangkang magagamit niya, upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. Marami na siyang pinagaling, kaya’t pinagdumugan siya ng lahat ng maysakit upang mahipo man lamang nila. Bawat inaalihan ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” At mahigpit silang pinagbawalan ni Hesus; ayaw niyang ipasabi kung sino siya.
MAGNILAY: Ordinaryong tao lang si Hesus. Hindi siya politiko na naka-brodkast ang bawa’t ginagawa. Wala siyang ganung makinarya. Tahimik lang niyang ginagampanan ang kanyang misyon pero ang mga tao na nahipo niya ang buhay at kalooban ang nagkakalat ng balita. Iba siya kumpara sa mga politiko at ibang guro noon. Lumaganap nang kusa ang kanyang reputasyon. Hindi niya kailangang magpapogi. Kung mabuti ka sa iyong ginagawa maraming tao ang maapektuhan mo at sila na mismo ang mapapalaganap ng kabutihang sinimulan mo.
MANALANGIN: Panginoon, mahipo ko nawa ang puso ng marami sa pamamagitan ng mabuting ginagawa ko.
GAWIN: Tahimik mong gampanan ang iyong misyon nang hindi nagpapasikat lang.
Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
Wala tayong alam. Salat tayo sa karunungan. Mahina. Walang lakas. Puno ng takot at pangamba. Parati natin samahan sa Banal na Misa at tanggapin si Hesus sa Komunyon. Makipag usap sa Kanya ng personal at may pagsamba sa Adoration Chapel na kung saan siya ay naghihintay sa atin. Ito lang ang tanging paraan para maging matagumpay ang lahat ng ating gagawin sa buhay.
Kakaiba ang panghalina ni Hesus. Nararamdaman ang lahat ang kanyang bawat salita. Pinaniniwalaan. May hugot at katotohanan. Hindi mapapabulaanan. Hindi ba ganun rin ang gusto nating mangyari sa ating katauhan? Magagawa natin kung ang namumutawi sa ating bibig at pagpapahayag ay pawang makaka galing at magsasalba sa ating kapwa. Ito ang mga bagay na kinauuhawan ng mga tao. Ang mga bagay na sa Diyos at hindi ang mga sariling tagumpay na ating ginagawang pamaypay. Tulad ni David, maigugupo natin ang sampung libong kalaban. Ikumpara kay Saul na isang libo lamang. Nagpapatunay na sadyang nagpapalakas ang kinakasihan ng itaas. Ang ating lakas at tagumpay ay naghihintay sa atin sa Adoration Chapel. Hindi siya humihinto sa pagtawag. Ibibigay niya ang lahat ng mabuti at tama nating kahilingan.
PAGNINILAY sa MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Marcos 3, 7-12
Si Jesus ay nagpapagaling at nangangaral sa mga tao. Marami ang lumapit at naniwala kay Jesus dahil gusto nilang gumaling. Ngayo’y kinikilala ng maraming tao si Jesus bilang Anak ng Diyos sa mga pagkakataong kailangan natin ng kaliwanagan at kagalingan, espirituwal man o pang katawan.
Nuong panahong yun kahit na ang mga maruming espiritu ay sumigaw sa kanya na siya ay Anak ng Diyos. Ang salita ay naipasa sa ibang mga bansa sa pamamagitan ng kanyang mga alagad at Banal na Aklat.
Maraming tao ang pumupuri at sumasamba sa Diyos ngunit ang masakit kakaunti lamang ang nagpapalalim ng kanilang kaugnayan sa Kanya. Malinaw ang ebanhelyo, KAHIT NA KAILANGAN NI HESUS NG PAHINGA AY PATULOY PA RIN SIYANG NAGBIBIGAY NG ORAS PARA SA ATIN. KAYA, DAPAT NATING LAGING HANGARIN NA PALALIMIN ANG ATING KAUGNAYAN SA DIYOS.
PAGNINILAY:
Sa ating mga Pagbasa ngayon, inilalantad ang dalawang magkasalungat na tugon sa presensya at gawain ng Diyos.
Sa Unang Pagbasa, si David pinili at kinalugdan ng Diyos ang Kanyang katapangan ay naging banta sa paningin ni Saul, hindi dahil sa kasalanan kundi dahil sa inggit at takot na mawalan ng kapangyarihan.
Sa Mabuting Balita naman, si Hesus ay dinudumog ng napakaraming tao dahil sa pagpapagaling at kapangyarihang nagmumula sa Diyos, subalit Siya’y sadyang nananatiling tahimik tungkol sa Kanyang tunay na identidad.
Iisang mensahe ang namamayani:
Kapag ang Diyos ay kumikilos, may mga pusong nagbubukas at may mga pusong nagsasara.
Sa teolohikal na pananaw ito ay bunga ng mga sumusunod:
Una na ang Inggit bilang espiritwal na pagkabulag.
Si Saul ay hindi natakot sa kaaway, kundi sa biyaya ng Diyos sa kapwa.
Sa teolohiya, ang inggit ay hindi lamang damdamin—ito ay pagtanggi sa kalayaan ng Diyos na pumili at magpala.
Kaya kapag ang kapangyarihan ang inuuna, ang biyaya ng iba ay nagiging banta.
At ang ikalawa, si Jonatan na anak ni Saul naglalarawan bilang larawan ng tunay na kabanalan. Si Jonatan ay pumili ng katotohanan kaysa dugo, ng kalooban ng Diyos kaysa pansariling interes.
Ito ang larawan ng discerning faith—pananampalatayang marunong kumilala kung saan tunay na kumikilos ang Diyos.
Ang panghuli, ay ang “Messianic Silence” ni Hesus.
Sa Marcos 3, kahit kinikilala Siya ng masasamang espiritu bilang Anak ng Diyos, pinatahimik sila ni Hesus.
Sapagkat ang tunay na pagkilala kay Hesus ay hindi nagmumula sa sigaw dala ng takot, kundi sa pananampalatayang handang sumunod sa Krus.
Hindi pa panahon ng luwalhati, panahon muna ng misyon.
Pagsasabuhay:
•Kapag may taong pinagpala ang Diyos, ako ba’y natutuwa o naiinggit?
•Marunong ba akong maging tulad ni Jonatan tagapagtanggol ng katotohanan kahit may kapalit?
•Hinahanap ko ba si Hesus dahil sa himala lamang, o dahil Siya ang Panginoon ng aking buhay?
Ang tunay na pananampalataya ay hindi naiinggit, hindi nag-aagawan ng karangalan, at hindi naghahanap ng papuri.
Word of the Day
TIWALA
“May tiwala ako sa Diyos, hindi ako matatakot.”
Kapag may tiwala sa Diyos, hindi ka matitinag ng inggit, tsismis, o banta.
Ang tiwala ang nagliligtas kay David, ang gumabay kay Jonatan, at ang humila at nagdala sa mga tao patungo kay Hesus.
Panalangin:
Panginoon, linisin Mo ang aming mga puso sa inggit at takot na nagmumula sa pagkapit sa kapangyarihan.
Turuan Mo kaming magalak sa biyaya ng iba at magtiwala sa Iyong plano para sa aming buhay. Tulutan Mo kaming hanapin si Hesus hindi lamang dahil sa Kanyang mga gawa, kundi dahil Siya ang aming Panginoon at Tagapagligtas.
Bigyan Mo kami ng pusong tulad ni Jonatan tapat sa katotohanan at handang ipagtanggol ang kalooban ng Diyos. Amen.
Kasalanan na indi nakikita – Inggit.
A peaceful heart leads to a healthy body, but jealousy is like cancer in the bones.
Comparison is the source of envy.
Sumandal sa Diyos indi tayo pababayaan ng Diyos.
Mas piliin maging si Jonathan may diwa ng pakumbababa, masaya sa tagumpay ng kapwa at may paninindigan sa tamang gawa at mabuti.
Tayo ay pinagpala at mahal ng Diyos indi tayo pababyaan ng Diyos.
Wag pansinin at lumayo sa inggit, araw araw magpasalamat at manatili sa Diyos pinagmumulan ng buhay at buhay na walang hanggan.
-Father Jowel Gatus
Amen.
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good
Thank You, Lord.
GvThursday
Blessed 2026
At mahigpit silang pinagbawalan ni Hesus; ayaw niyang ipasabi kung sino siya.
Iba talaga si Hesus hano? Isa siyang matalinong guro, magaling na taga pangaral, tagapag pagaling pero madalas nating mabasa na pagkatapos niyang gumawa ng himala. sinasabihan niya ang mga tao na huwag itong ipakalat o ipagsabi.
para kay Hesus ang Misyon ay kababaang loob. Ang paggawa ng himala ay hindi dapat naririnig lang. dapat itong personal na nararamdaman. Marahil nais ni Hesus na sumampalataya ang sinuman sa kaniya hindi dahil sa naririnig nila o nababalitaan kundi sumapalataya sila dahil sa kanilang sariling kagustuhan
ang misyon ay isang banal na gawain. hindi ito para lang parangalan, palakpakan o kasikatan
ang pagsunod kay Hesus ay misyon hindi intermisyon.
sa paglilingkod sa simbahan bakit kaya mas marami ang may gusto na humawak sa mikropono kaysa humawak ng walis tambo o walis tingting o basahan?
sa pananaw kasi ng iba mas sisikat, mas makikilala, mas masasabing alagad sila ng simbahan kung palagi silang naririnig at nakikita pero di ba mas marangal at mas kalulugdan ni Hesus kung tahimik at buong kababaang loob tayong nagwawalis at naglilinis. wala kasing palakpak sa naglilinis, walang medalya sa naglilinis, walang dating kung ang hawak ay basahan
sa paglilingkod sana gayahin natin si Hesus. walang propaganda, walang advertisment, walang makinang na ilaw o maingay na tugtog, ang gusto lang ni Hesus isang tahimik na pagpapakita ng mabuting gawa at bukal sa pusong paglilingkod.
Hayaang kusang makita ang kaniyang kabutihan. Hindi lang naririnig ng tenga o nakikita ng mata kundi dapat nararamdaman ng puso.
madalas sa misyon hinihingi sa atin ang ating oras, talino at yaman. pero bakit karamihan sa atin hindi makapagbigay kahit isa lang sa mga ito.
madali lang naman sana. hindi naman sana problema ang oras, hindi naman sana problema ang talento, hindi naman sana problema ang yaman. pero bakit hindi tayo makapag bigay ng kahit isa lang sa mga ito.
Dahil ito sa isang malaking problema sa ating mga tao na siyang pumipigil sa atin para maglingkod…….. PRIDE!
PAGNINILAY
Sa unang pagbasa, ipinakilala si David na mas higit kay haring Saul pero ang pagbunyag nito ay nagpahamak sa kanyang buhay .
“Noong mga araw na iyon, matapos mapatay ni David si Goliat, nagbalik na si Haring Saul at ang kanyang mga tauhan. Sa bawat bayang madaanan nila, sinasalubong sila ng mga kababaihan na umaawit at sumasayaw sa saliw ng mga pandereta at alpa. Ganito ang kanilang awit: “Libu-libo ang pinatay ni Saul,
Ang kay David naman ay sampu-sampung libo.”Nagalit si Saul at naisaloob niya, “Kung sinasabi nilang sampu-sampung libo ang pinatay ni David at ako’y libu-libo lang, kulang na lamang ay siya ang kilalanin nilang hari.” At mula noon naging mainit na ang mata niya kay David.”
Sa Salmo, ipinapahiwatig ni haring David na kapag dumating si Jesus, tulad ni David ay itatakwil at ipapatay siya ng mismong ring kababayan niya (Juan 1:11) kaya ganito rin ang isisigaw ni Jesus:
“Maawa ka, Panginoon ako’y iyong kahabagan,
lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway;
nilulusob nila ako, walang likat, maghapunan,
O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban.”
Sa gospel reading, ipinakilala si Jesus na ang nangyari kay David ay mangyayari rin sa kanya dahil si David ay anino niya kung kaya’t pinagbawalan niya ang mga kasamang espiritu na ibunyag kung sino siya upang hindi mapahamak din ang buhay niya sapagkat hindi pa niya oras na mamatay sa krus.
“Nagpahanda si Hesus sa kanyang mga alagad ng isang bangkang magagamit niya, upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. Marami na siyang pinagaling, kaya’t pinagdumugan siya ng lahat ng maysakit upang mahipo man lamang nila. Bawat inaalihan ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” At mahigpit silang pinagbawalan ni Hesus; ayaw niyang ipasabi kung sino siya.”
Ang paraan upang makilala si Jesus ng lubusan ay makilala ang mga anino niya sa lumang tipan tulad nina haring David, Solomon, Joseph at Job. Kadalasan ay kilala lamang natin siya sa bagong tipan na isang hamak na tao na isinilang sa sabsaban, anak ng karpintero, at nakasakay sa asno.
Makikilala natin si Jesus bilang makapangyarihang hari o ministro sa katauhan nina David, Solomon at Joseph. Kaya napakahalaga na aralin ang lumang tipan upang hindi tayo manatili sa kaalaman na si Jesus ay isang mahina at inapi sa krus kundi higit na makapangyarihan Hari natin.