Lunes, Enero 19, 2026

January 19, 2026

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Manalangin tayo sa Diyos Ama upang mailapit niya tayo sa pinahahalagahan ng Ebanghelyo upang mapanibago ang Simbahan at ang sandaigdigan:

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng banal na piging, panibaguhin Mo kami.

Ang Simbahan, ang Bayan ng Diyos at ang mga pinunong lingkod nito nawa’y sundin ang udyok ng Espiritu Santo na ipahayag sa mga tao sa ngayon ang laging napapanahong mensahe ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa mga pinagkalooban ng tungkuling pangangasiwa, paggawa ng batas, at panghuhukom sa lipunan nawa’y lagi nilang ilagay ang pangkalahatang kabutihan ng tao higit pa sa ipinatutupad ng batas, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y maging bukas ang mga puso sa mapagligtas na kapangyarihan ng Diyos kay Kristo sapagkat higit na mahalaga ito sa alinmang sinaunang relihiyosong kaugalian, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y maging mga daan ng mapagmahal na pag-aaruga ng Panginoon sa mga may karamdaman sa pamamagitan ng ating pagbibigay ng kalinga at malasakit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pumanaw nawa’y makatagpo ng walang hanggang kapayapaan sa piling ng Panginoong Muling Nabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, pakinggan mo ang aming mga panalangin at turuan mo kaming mamuhay bilang bagong sambayanang pinalaya sa pamamagitan ng pag-ibig ni Jesu-kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 13 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 13, 2022 at 10:12 am

PAGNINILAY: Lubos na ipinapagalala ni Hesus sa Ebanghelyo tungkol sa mga bagay na lilipas at mga bagay na mabubuhay kailanman. Tinanong ng mga Pariseo at mga alagad ni San Juan Bautista kung bakit hindi nag-aayuno sina Hesus at ang mga Apostol. Kaya ang naging tugon ng Panginoon ay isang parabula tungkol sa piging ng isang kasalan, na kung saan ang mga panauhin ay hindi nag-aayuno hanggang nakapiling nila ang lalaking ikinasal. At kapag nakaalis na ang lalaking iyon ay saka sila maaring mag-ayuno.

Ang talinghagang ito ay patungkol sa presensiya ni Hesus bilang Mesiyas ng Diyos na siyang isinugo upang tipunin ang tao sa iisang Simbahan, ang Sambayanan ng Diyos. At ito’y nagpapaalala sa atin na ang tanging disposiyon natin para maging matatag ang komunidad ay ang pagiging masunurin. Ito ang paalala ni Samuel kay Haring Saul sa Unang Pagbasa dahil sa pagsuway ng hari sa utos ng Diyos. Higit pa sa inaalay na mga hayop ng kalaban [Filisteo] ay ang pagsunod sa utos ng Panginoon, na dapat ang gawin ni Saul para sa tagumpay ng Israel. At ang pagiging masunurin sa Diyos ay ipinamalas ni Hesus nang akuin niya ang kanyang Krus, na nagdulot ng kaligtasan para sa sangkatauhan. At ang kanyang Muling Pagkabuhay ay ang tagumpay ng ating pagkatao na tayo ay balang araw makakapiling ang ating Diyos sa kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan. At ito ang Tipan ng Diyos Ama na katulad ng pagtatahi ng bagong kayo mula sa lumang tela at ng pagsisilid ng bagong alak sa bagong sisidlan.

Kaya ipinapaalala sa atin na sa Panginoo’y nagmumula ng mga bagong bagay, mga bagay na kinakailangan natin talaga sa buhay at hindi kailanma’y lilipas. Kaya nawa’y mapanibago ang ating puso’t isipan na maging matapat sa Diyos at sa kanyang dakilang kalooban.

Reply

Marlon Nebres January 16, 2022 at 5:31 pm

Salamat sa Diyos sa pagbibigay niya sa atin ng pag-ibig tungo sa buhay na walang – hanggan sa pamamagitan ng kanyang bugtong na Anak na si Hesukristo.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño January 17, 2022 at 9:14 am

Sa Unang Pagbasa ay ipina aalala na hindi mahalaga ang handog, at higit na mas mahalaga ay ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Malaki ka nga magbigay sa simbahan pero hindi mo minamahal ang kapwa mo ay wala din. Tumtulong ka nga sa mahihirap pero ang layon ay magpasikat lamang. Malaki ka magbigay sa mga donasyon pero ikaw nman ay nagnanasa sa hindi mo asawa o sa hindi mo pag-aari ay hindi ka rin kalulugdan ng Diyos. At maraming pang mga gawaing mapg imbabaw dahil sa kabila ng pagiging galante mo ay hindi nakikita sa pag uugali mo ang pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Sa ating ebanghelyo ngayon ay hinahamon tayo na piliin ang Diyos sa lahat ng ating iisipin, sasabihin at gagawin. Hindi mo maitatama ang isang pagkakamali kung pagtatakpan mo lamang ito ng isa pang pagkakamali. Hindi tayo magkakamali kung lang laging pipiliin natin ay ang naayon sa kalooban mg Diyos, Dito ay wala tayong pagsisihan at siguradong hindi tayo mapapahamak, hindi puputok ang balat na sisidlan ng alak. Tamang alak sa tamang sisidlan. Tamang desisyon, tamang pag uugali, tamang kilos, tamang gawa, tamang salita at tamang pag-iisip. At ang lahat ng tamang ito ay nakapaloob sa mga kautusan ng Diyos at gawin nating gabay ang mensaheng dala ng Mabuting Balita.

Reply

RFL January 14, 2024 at 10:28 pm

Ibigay natin sa Diyos ang lahat ng pasasalamat at mga papuri! Pasalamatan natin Siya sa pamamagitan ng pagtupad sa Kanyang mga utos at hindi paggawa ng kasalanan.

Mga kapatid, noong unang panahon na namumuhay ang mga Hudyo sa ilalim ng Lumang Tipan nila sa Diyos, binigyan ng Diyos ang mga tao ng mga batas para magalay ng sakripisyo para sa digmaan, sakripisyo kapag nakakagawa ng kasalanan, at iba pa. Ngunit nakita natin sa Unang Pagbasa ang totoong nilalaman ng puso ng Diyos: ang kagustuhan Niyang tayo’y sumunod sa Kanya, at ang pagpupuri at pasasalamat sa Kanya. Ang mga bagay na ito ay nagsusum-up sa thought na: Magtiwala tayo sa Diyos. Paano tayo makakasunod kung hindi tayo magtitiwala? Paano tayo makakapagpuri sa gitna ng problema kung hindi tayo nagtitiwala? Paano tayo makakapagpasalamat sa gitna ng karukhaan kung hindi tayo nananalig?

All throughout the Bible, ang winiwika ng Diyos ay ang Kanyang walang katumbas na pag-ibig sa atin at ito’y patuloy Niyang pinakita sa mga tao hanggang sa ipakita Niya ang sukdulan ng Kanyang pag-ibig noong ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak para tayo ay mailigtas mula sa kasalanan, mula sa kamatayan. Kaya naman, noong naparito si Hesus ay Kanyang ipinahayag ang pag-ibig ng Diyos, pinakita Niya ito sa pagkamatay sa Krus, at pinagtibay Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay muli. Binayaran Niya ang ating mga kasalanan at inangkin Niya tayong mga anak. Ang sakripisyo na ating dapat gagawin ay Kanyang ginawa. Tayong mga tao ang dapat na ipinako sa Krus at binuhusan ng galit ng Amang Makapangyarihan, ngunit ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay tunay nga namang napakadakila. At wala tayong maisusukli sa Diyos kundi ang pananalig sa Kanyang Anak at ating Panginoong Hesu-Kristo, ang buong buhay nating pasasalamat at pagpupuri sa Kanya, at ang pagsunod sa Kanyang mga utos na ibinigay ng Panginoong HesuKristo.

Kaya naman noong nagtuturo ang Panginoong Hesus, hindi Niya tinuro kung ano ang dapat gawin pag nagkasala sa Diyos at sa kapwa. Ang itinuro Niya ay ang pag-iwas sa kasalanan. Katulad ng magpatawad tayo, magtiwala sa Panginoon, dumepende sa Diyos na Ama natin. Huwag magalala. Huwag magtanim ng galit. Ang pag-iwas sa kasalanan ay nangangahulugang pagsunod sa utos ng Diyos na nakasentro naman sa pag-ibig natin sa Diyos at sa kapwa. Ang sakripisyo na nais ng Panginoon ay ang sakripisyo ng papuri at pasasalamat sa Kanya, at ito ay sukdulan nating napapractice sa Banal na Misa. Ito rin ay dapat na nappractice natin sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Paano ba tayo makakapagpuri at pasalamat sa Diyos? Isigaw mo ang isang “Thank you Lord!”. Ikwento mo sa mga kakilala mo kung gaano ka biniyayaan ni Lord. Ikwento mo sa mga kaibigan mo kung paano ka iniligtas ni Lord sa mga sakuna at pagsubok. Kung anuman ang edad mo ngayon, hindi ka aabot sa edad na ito kung hindi dahil sa Kanya. Napakasarap mabuhay under the mercy and grace of God! Kaya halina at magsakripisyo ng papuri at pasasalamat, at gawin ang mga utos ng ating Panginoong Hesus na nagligtas sa atin mula sa kamatayan. Amen.

Reply

Jovy Uy January 19, 2026 at 8:18 am

nice

Reply

Rey Anthony Imanil Yatco January 15, 2024 at 5:58 am

MAGANDANG BALITA NGAYON – LUNES NG IKALAWANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

MARCOS 2:18-22 Noong panahong iyon, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga Pariseo. May lumapit kay Hesus at nagtanong, “Bakit po nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga alagad ng mga Pariseo, ngunit ang mga alagad ninyo’y hindi?” Sumagot si Hesus, “Makapag-aayuno ba ang panauhin sa kasalan samantalang kasama nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Kapag wala na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno.”

“Walang nagtatagpi ng bagong kayo sa lumang kasuutan; pag urong ng bagong kayo, mababatak ang luma at lalong lalaki ang punit. Wala rin naman nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, sapagkat papuputukin ng alak ang balat. Kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. Bagong alak, bagong sisidlang-balat!”

MAGNILAY: May mga patuloy nating ginagawa kahit lipas na ang dahilan. Kailangan nang iakma sa bago nating panahon at sitwasyon. Nag-aayuno pa ang mga alagad ni Juan at mga Pariseo samantalang lipas na ang dahilan. Ang pag-aayuno noon ay dahil hinihintay nila ang Mesiyas. Pero dumating na siya – si Hesus! Kaya hindi na nag-aayuno ang kanyang mga alagad kundi nagdiriwang na. Mag-aayuno uli sila pag wala na siya uli. May bago na itong dahilan. Huwag lang nating gawin ang isang bagay dahil nakasanayan. Hindi dahil lagi na natin itong ginagawa ay uulit- ulitin lang. Kailangang tanungin kung bakit ito ginagawa noon at bakit kailangang gawin pa din o hindi na gawin ngayon. Dapat malinaw at napapanahon ang dahilan.

MANALANGIN: Panginoon, makatugon nawa kami sa hamon ng makabagong panahon.

GAWIN: Suriin ang mga diskarte sa pananampalataya kung epektibo pa o lipas na.

Reply

Rex G. Barbosa January 15, 2024 at 11:46 am

Rex G. Barbosa January 16, 2024
ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay Marcos 2, 18-22

……… “Wala rin naman nagsisilid ng bagong alak
sa lumang sisidlang-balat, sapagkat papuputukin ng alak ang balat.
Kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan.
Bagong alak, bagong sisidlang-balat!”

PAGNINILAY

BUOD:
“Bagong alak, bagong sisidlang-balat!”

ARAL: Hinihingi Niya ang…
Bagong pakikipagKASUNDO,
bagong pakikipagTIPAN sa Diyos.
Pagbabagong BUHAY, pagiging bagong TAO
sa pamamagitan ni Kristo-Hesus.
Paano natin gagawin?
Sundin ang Kalooban ng Diyos. Gawin natin ang mga tagubilin ni Hesus. Iwasan ang magkasala. Huwag pagtakpan ang pagkakasala ng isa pang mali. Huwag nating sayangin ang pagbabagong buhay sa paulit-ulit na paggawa ng pagkakasala at hingin natin ang kanyang Banal na Awa. Ngunit tandaan din natin na hindi masama ang mag-ayuno o mag-tika kung tayo’y muling magkamali.

Reply

Jess C. Gregorio January 15, 2024 at 4:08 pm

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Ang lahat ng maaaring mangyari ay may sariling mga panahon. Ang lahat ng bagay ay may sariling kinalalagyan. Iyan ang Batas ng Buhay. The Will of God ika nga. Kung tayo ang magsasabi ng hindi puwede o puwede ayon sa ating kadahilanan na sumusuway sa maliwanag na pinag-uutos ng Diyos, babawiin lahat ang grasya at biyayang ibinigay. Mawawala ang Kapangyarihan ng Espiritu at ibabalik tayo sa kahinaan at kamangmangan. Ang pagsunod sa Kanya ay mas higit sa anumang handog. At ang pakikinig sa kanyang Salita ay higit pa sa mga sakripisyong dala. Ang pagsuway ay kasing sama ng kulam. At ang katigasan ng ulo ay tulad ng pagsamba sa diyos-diyosan. Minsan ang ating pagsamba ay napapasama dahil na rin sa mga plano at gawaing tila banal pero sablay. Karaniwang dahilan ay di pagsunod o kaya ay pagsuway sa mga iniuutos ng Diyos. Mga bulag na pag sang ayon sa mga naisip ng mga haring naturingan na magiging katulad ni Saul ang maaaring kahihinatnan. Binago na tayo. Bakit pa babalik sa lumang katayuan?

Reply

Malou Castaneda January 15, 2024 at 5:09 pm

PAGNINILAY
Inaanyayahan tayo ni Hesus na “gumawa ng bago” sa halip na ipagpatuloy lamang ang pamumuhay ng ating mga luma (hindi malusog) na mga tularan. Lahat tayo ay may kahit isang disenyo sa ating buhay na gusto nating baguhin. Ano ang isang maliit na pagbabago na gusto nating gawin sa ating buhay at gaano tayo kaseryoso? Ang pagbabago ay hindi kasing dali. Madaling gumawa ng Bagong Taon na resolusyon. Gayunpaman, mas mahirap na panatilihin ang resolusyong iyon. Ano ang pagbabago na nais nating gawin, ang minimithi natin? May isang simpleng hakbang na maaari nating gawin upang pumunta sa direksyong iyon. Nawa’y ipagdasal natin ang isa’t isa na gawin natin ang unang hakbang na iyon!

Panginoong Hesus, nananabik kaming ipagdiwang ang walang hanggang piging sa kasalan kasama Mo. Amen.
***

Reply

Jovy Uy January 19, 2026 at 12:44 am

PAGNINILAY

Sa unang pagbasa ay ipinakita na ang pinili na taong hari ng Israel na si Saul ay walang kakayanang sumunod sa utos ng Dios na lipulin ang buong angkan ni haring Amalec at lahat ng ari-arian nila:

“Lusubin mo ang Amalek at lipulin silang lahat. Wasakin mo ang lahat nilang ari-arian at huwag magtitira kahit isa. Patayin mo silang lahat, babae’t lalaki, mula sa pinakamatanda hanggang sa sanggol. Patayin mo rin ang kanilang mga baka, tupa, kamelyo at asno.”

Subalit iniwang buhay si haring Amalec at ibang hayop nila.

Sinabi ni Samuel, “Akala mo ba’y higit na magugustuhan ng Panginoon ang handog at hain kaysa pagsunod sa kanya? Ang pagsunod sa kanya ay higit sa handog, at ang pakikinig ay higit sa haing taba ng tupa. Ang pagsuway sa kanya ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo’y tulad ng pagsamba sa diyus-diyusan. Pagkat sinuway mo ang Panginoon, aalisin ka sa pagiging hari ng kanyang bayan.”

Ang pagwasak (o hindi pagtira kahit isa) sa lahat ng angkan ni haring Amalec at lahat ng mga ari-arjan ay anino ng lahat ng kasalanan ng sangkatauhan na dapat mawasak at walang ititira kahit isang kasalanan.

Dito, ipinapahiwatig na ang pag-aalay nila ng mga hayop taon taon para maging malinis ang naipong kasalanan nila nang nakaraan ay pinahinto na dahil minsanan na lamang ang paglilinis ng kasalanan .

Salmo:

“Kahit ito ay ginawa hindi kayo alumana,
kaya naman ang akala, kayo’t ako’y magkaisa;
ngunit ngayon, panahon nang kayo’y aking pagwikaan
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
Ang parangal na nais ko na sa aki’y ihahain,
ay handog ng pagsalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

Sa gospel reading, ipinakita na si Jesus lamang ang Hari na makakasunod lamang sa kautusan na linisin ng minsan magpakailanman ang lahat ng kasalanan ng sangkatauhan (Hebreo 9:12) sapagkat siya ay Dios na nagkatawang tao lamang.

Dumating si Jesus upang ganapin lahat ng mga kautusan sa lumang tipan sapagkat siya ang bagong tipan na nag-alay ng kanyang dugo para nawasak lahat ng kasalanan ng sangkatauhan forever. Walang itinira kahit isang kasalanan ng sangkatauhan.

Kaya hindi na kailangan ang lumang tipan na pag-aalay ng dugo ng hayop, pag-aayuno at iba pang pag-aalay.

Si Jesus ang bagong tipan, ang ikakasal (groom), ang bagong kayo na walang patse, ang bagong alak at bagong sisidlan .

“May lumapit kay Hesus at nagtanong, “Bakit po nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga alagad ng mga Pariseo, ngunit ang mga alagad ninyo’y hindi?” Sumagot si Hesus, “Makapag-aayuno ba ang panauhin sa kasalan samantalang kasama nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Kapag wala na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno. “Walang nagtatagpi ng bagong kayo sa lumang kasuutan; pag urong ng bagong kayo, mababatak ang luma at lalong lalaki ang punit. Wala rin naman nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, sapagkat papuputukin ng alak ang balat. Kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. Bagong alak, bagong sisidlang-balat!”

Kumusta naman tayo. Katulad ba tayo ng mga Israelita na umaasa rin sa kakayanan o mabubuting gawa ng tao imbes na umasa lamang sa kakayanan o mabuting ginawa ng Dios na si Jesus sa krus upang mawasak o linisin lahat ng mga kasalanan ng sangkatauhan ng minsan magpakailanman (Hebreo 9:12)?

Reply

Mabel Racal Macandog January 19, 2026 at 4:38 am

maraming maraming salamat po panginoon pinupuri at pinapasalamatan ka namin.. Amen

Reply

Mel Mendoza January 19, 2026 at 12:22 pm

PAGNINILAY:

Sa mga Pagbasa ngayong araw, malinaw na inilalatag sa atin ng Salita ng Diyos ang ugat ng tunay na pananampalataya: masunuring puso na bukás sa patuloy na pagbabago. Sa Unang Pagbasa, si Saul ay hindi bumagsak dahil sa kakulangan ng handog, kundi dahil sa kakulangan ng pakikinig. Sa Salmo, inuulit ng Diyos na hindi Niya hinahanap ang panlabas na ritwal kundi ang pusong tumatalima. At sa Mabuting Balita, ipinakikilala ni Hesus ang isang bagong yugto ng ugnayan sa Diyos—isang pananampalatayang hindi nakakulong sa lumang hulma, kundi handang tumanggap ng “bagong alak” ng Kanyang presensya.

Ang mensahe ay iisa: hindi sapat ang panlabas na pagsunod kung ang puso ay sarado; at hindi tatagal ang pananampalataya kung ayaw nitong magbago.

Sa 1 Samuel 15, makikita natin ang trahedya ni Saul: sinunod niya ang Diyos ayon sa sariling paliwanag. Iningatan niya ang pinakamabuti, hindi upang ipagmalaki ang sarili, kundi upang “ihandog” daw sa Panginoon. Ngunit dito nahayag ang panganib ng selective obedience ang pagsunod na may kondisyon, pagsunod na pinipili lamang ang maginhawa. Kaya’t mariing sinabi ni Samuel:
“Ang pagsunod ay higit sa handog.”
Hindi dahil masama ang handog, kundi dahil walang saysay ang handog kung salungat ang puso.

Sa Salmo 49, tinatanggal ng Diyos ang maling akala na Siya’y nasisiyahan sa ritwal lamang. Ang nais Niya ay handog ng pasasalamat at pusong masunurin. Ang Diyos ay hindi nabibili ng alay; Siya ay pinupuri sa pamamagitan ng buhay na ayon sa Kanyang kalooban.

Sa Mabuting Balita (Marcos 2, 18–22), dinadala tayo ni Hesus sa mas malalim na antas. Ang tanong tungkol sa pag-aayuno ay hindi lang tungkol sa praktis, kundi tungkol sa pagkilala sa presensya ng Diyos. Habang naroon ang Kasintahang-Lalaki—si Hesus—ang tamang tugon ay kagalakan. Ngunit higit pa rito, itinuturo Niya na ang Kanyang paghahari ay hindi maaaring ipasok sa lumang sisidlan ng saradong pag-iisip at matigas na tradisyon.
Ang bagong buhay kay Kristo ay nangangailangan ng bagong puso.

Ang sentro ng mga Pagbasa ay ang primacy of obedience rooted in relationship. Sa teolohiya, ang pagsunod ay hindi bulag na pagsunod sa utos, kundi pakikinig (shema)—isang pakikinig na nagmumula sa ugnayan ng tipan. Ang kasalanan ni Saul ay hindi simpleng pagsuway, kundi pagpapalit ng sariling lohika sa kalooban ng Diyos. Samantala, si Hesus ang ganap na larawan ng Anak na lubos na masunurin Siya mismo ang Bagong Alak na nagdadala ng Bagong Tipan, na humihiling ng pusong handang baguhin ng biyaya.

Pagsasabuhay:
Tanong sa sarili: May bahagi ba ng aking buhay-panampalataya na “selective” ang aking pagsunod?
Ako ba’y kontento sa mga gawaing panrelihiyon ngunit ayaw magbago ng ugali, asal, o pananaw?
Handa ba akong maging “bagong sisidlan” para sa patuloy na gawain ng Diyos sa aking buhay?
Ang tunay na pananampalataya ay hindi lang nag-aalay ito’y tumatalima.

Word of the Day
OBEDIENCE (Pagsunod) – hindi simpleng pagtupad sa utos, kundi pakikinig at pagsasaayos ng buhay ayon sa kalooban ng Diyos.

Panalangin:
Panginoon, linisin Mo ang aming puso mula sa huwad na pagsunod.
Turuan Mo kaming makinig, hindi lamang magsalita; sumunod, hindi lamang maghandog; at magbago, hindi lamang magpakabanal sa panlabas. Gawin Mo kaming bagong sisidlan ng Iyong biyaya, upang ang bagong alak ng Iyong pag-ibig ay magbunga ng buhay na kalugud-lugod sa Iyo. Amen.

Reply

Kuya Dyun S. January 19, 2026 at 3:19 pm

Walang nagtatagpi ng bagong kayo sa lumang kasuutan; pag urong ng bagong kayo, mababatak ang luma at lalong lalaki ang punit. Wala rin naman nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, sapagkat papuputukin ng alak ang balat. Kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. Bagong alak, bagong sisidlang-balat!

2026 na. Ano ba ang ating New Years Resolution? Aminin man natin o hindi kadalasan ng New Years Resolution natin hanggang Dec 31 lang. Kapag nagpalit na ang taon, wala na din ang new years resolution. Sa bawat pagpasok ng taon, marami sa atin humihiling, umaasa sa bagong pag asa. Pero may paggalaw ba sa ating buhay, may ginagawa ba tayo?

Kung gusto nating may mabago sa ating buhay, sana ang pagbabago sa atin mismo magsimula. Bagong taon dapat bagong tayo na. New Year na dapat New you!

Sa pagpasok ng bagong taon sa atin, same pa din ang mga nakapaligid sa atin. same family members, same circle of friends, same co workers, maging sa simbahan kayo kayo pa din ang magkakasama at huwag tayong umasa na mababago ang ating buhay kung ipagdarasal nating magbago na sila, at huwag din nating isipin at asahan na dapat sa kanila magsisimula ang pagbabago dahil hindi naman natin hawak ang ugali at asal nila. pero may kaya tayo baguhin, at ito ay ang ating sarili. Kung gusto nating mabago ang taong 2026 natin, dapat itong magsimula sa atin mismo. Dahil kahit magbago ang taon at magbago ang lahat ng tao sa paligid natin kung tayo pa rin ang dating tayo wala tayong aasahang pagbabago. Wala tayong aasahang paglago

kung maayos tayo last year, magiging mas maayos tayo this year kung may pagbabago.
kung masaya tayo last year magiging mas masaya tayo this year kung may pagbabago. Bagong taon na kaya dapat bagong pananaw din at bagong pag uugali. yun sanang mas maayos, yun sanang mas mabuti. kung madasalin dati, maging mas madasalin pa. kung mapagbigay dati, mas maging mapagbigay pa.

sabi nga ng isa sa paborito kong pari, “Ugaliin nating palagi na maging mas mabuting tao tayo ngayon, kaysa kahapon”

Kahit ilang ulit pa magpalit ang taon, kahit ilang presidente pa ang umalis at pumalit kung walang pagbabago sa ating sarili, parang nakasakay lang tayo sa ferris wheel. ang buhay same same lang. iisang ikot, iisang galaw, iisang direksiyon.

Bagong taon na kaya dapat Bagong Tayo na din! Kumilos at magbago kung gusto nating may mabago at may pagbabago!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: