Podcast: Download (Duration: 5:28 — 5.4MB)
Ika-16 ng Disyembre
(Simbang Gabi)
Isaias 56, 1-3a. 6-8
Salmo 66, 2-3. 5. 7-8.
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
Juan 5, 33-36
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
16th of December (Aguinaldo Mass) (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 56, 1-3a. 6-8
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang sabi ng Panginoon sa kanyang bayan:
“Ayon sa katarungan
at laging matuwid ang inyong gagawin.
Ang pagliligtas ko’y
di na magluluwat, ito ay darating,
ito’y mahahayag sa inyong paningin.
Mapalad ang taong gumagawa nito,
ang anak ng taong ang tuntuni’y ito.
Ginaganap niya ang marapat gawin sa Araw ng Pamamahinga,
sa gawang masama, ang kanyang sarili’y iniiwas.”
Di dapat sabihin ng isang dayuhang nakipagkaisa sa bayan ng Diyos,
na siya’y hindi papayagan ng Panginoon
na makisama sa pagsamba ng kanyang bayan.”
Ito naman ang sabi ng Panginoon
sa mga dating dayuhan na ngayo’y
kabilang sa kanyang bayan,
buong pusong naglilingkod sa kanya,
nangingilin sa Araw ng Pamamahinga;
at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan:
“Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok.
Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo.
Tatanggapin ko ang inyong mga handog,
at ang Templo ko’y tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”
Ipinangako pa ng Panginoon,
sa mga Israelitang ibinalik niya mula sa pagkatapon,
na marami pa siyang isasama sa kanila
para mapabilang sa kanyang bayan.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 66, 2-3. 5. 7-8
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan,
kami Panginoo’y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
Nawa’y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
Nag-aning mabuti ang mga lupain,
pinagpala kami ng Poon, Diyos namin!
Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala,
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa.
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Halina’t kami’y dalawin.
Kapayapaan mo’y dalhin
upang umiral sa amin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 5, 33-36
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio, “Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo’y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit sa patotoo ni Juan: ang mga gawang ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap – iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Martes, Disyembre 16, 2025
Miyerkules, Disyembre 17, 2025 »




{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang ika-16 ng Disyembre ay ang pasimula ng isang mahahalagang tradisyon bilang mga Pilipino kapag malapit nang sumapit ang Kapaskuhan. Ito yung tinatawag na Ordo bilang “Aguinaldo Masses” o mga Misang Pasiyam na Araw na Nobena patungo sa pagdiriwang ng Pagsilang ng Panginoon. Mas popular ang tawag nitong mga Misa bilang “Misa de Gallo” at “Simbang Gabi”. Kadalasan ang Simbang Gabi ay ginaganap mula ika-15 hanggang 23 ng Disyembre na kadalasa’y magdamagang din ang liturhiya sa pagsapit ng alas ocho ng gabi. Samantala ang Misa de Gallo naman ay ginaganap mula ika-16 hanggang 24 ng Diysmbre sa pagsapit ng alas quatro o alas cinco ng umaga. Ang “Gallo” ay isang salitang Kastila na nangangahulugang “tandang”.
Anupamang tawaging natin itong tradisyon, ang mga Misang ito ay isang nobena na ginaganap siyam na araw bago ang pagdiriwang ng Pagsilang ni Hesus sa araw ng Pasko. Katulad ng Mahal na Birheng Maria na naghintay sa loob ng siyam na buwan bago ipanganak si Kristo, tayo rin ay nanabik sa loob ng siyam na araw para sa masayang pagdiriwang ng Kapaskuhan bilang pag-aalala sa Diyos na naging Tao.
At sa Unang Araw ng ating Nobena para sa Pasko, narinig natin ang patotoo ni Hesus sa mga Hudyo tungkol sa kanyang sarili. Bilang Anak ng Diyos, nababatid niya ang dakilang kalooban ng kanyang Ama. Kaya ito yung kanyang pakay kung bakit siya’y dumating sa daigdig. At bilang tanda ng kanyang pagdating, itinukoy ni Hesus ang kanyang pinsan na si San Juan Bautista bilang isang maningas na ilaw na nagningning sa kadiliman ng kasalanan. Sapagkat alam natin na si San Juan Bautista ay nagpahayag ng isang binayag ng pagsisisi at pagbabalik-loob bilang paghahanda sa daraanan ng Panginoon.
Kaya ang mensahe ngayong pasimula ng ating “Christmas novena” ay ang pagiging mabuting saksi para kay Kristo. Alam po natin ang kwento ng Unang Pasko na narinig natin at palagi nating maririnig nitong mga darating na banal na araw ng Kapaskuhan. Subalit patuloy na umiiral ang pag-ibig ng Diyos kahit sa mga taong hindi pa siyang lubos na nakikilala at pinapaniwalaan.
Nawa’y maging katulad tayo ni San Juan Bautista na hayaang magningning ang ilaw ng liwanag ng Diyos sa ating buhay upang ipasa natin ang ilaw na iyan sa ibang tao.
PAGNINILAY:
Sa simula ng tadisyonal na Simbang Gabi na ipinagdiriwang sa buong mundo ng mga Katoliko, ang ebanghelyo ay nag-aanyaya sa atin na tingnan ang mas malalim na layunin ng ating pagdiriwang—ang pagsilang ng ating Tagapagligtas. Sa pahayag na ito ni Hesus, ipinaalala Niya sa atin ang papel ni San Juan Bautista bilang tagapagpatotoo sa Kanya. Si Juan ay nagbigay-liwanag, ngunit ang tunay na ilaw ay si Hesus. Ang kanyang mga gawa—ang pagpapagaling, pagpapatawad, at pagbibigay ng buhay—ay malinaw na tanda na Siya ang isinugo ng Diyos Ama.
Ang mensaheng ito ay nagbibigay diin na ang Simbang Gabi ay hindi lamang tradisyon, kundi isang panawagan sa mas malalim na pananampalataya. Ang mga gawang ginawa ni Hesus ay nagpapakita ng Kanyang pagmamalasakit sa atin, kaya’t tinatawag din tayo na gumawa ng kabutihan bilang patotoo sa ating pananampalataya.
Habang naghahanda tayo para sa Kapaskuhan, nawa’y maging maliwanag ang ating pananampalataya, tulad ni Juan Bautista, na nagbigay-liwanag patungo kay Hesus. Huwag tayong magtapos sa pagdiriwang lamang, kundi sikapin nating makita ang tunay na kahulugan ng Pasko—ang pagdating ng Diyos sa ating kalagitnaan upang tayo’y iligtas.
Binhi ng Hamon:
1. Paano ako nagiging “ilaw” sa ibang tao, tulad ni San Juan Bautista?
2. Ano ang maari kong gawing patotoo upang maipakita na si Hesus ang sentro ng aking paghahanda para sa Pasko?
Habang hinihintay natin ang araw ng Pagsilang ng Panginoong Hesus sa araw ng Pasko, nawa’y magningning ang liwanag ni Kristo sa ating buhay, sa bawat salita at gawa, at maging patotoo tayo sa Kanyang pagmamahal. Amen.
Simbang gabi na talaga! At di na mapipigilan. Siyam na araw na lamang, darating na ang ating pinakakahihintay nating lahat. Ang pagsilang ng ating Mesiyas, ang bugtong na anak ng Diyos na si Hesus. Tayo, y mananabik, magagalak at inaasam ang kanyang pagparito sa dito sa mundo. At sa kanyang pagparito, dala niya ang hiwaga ng pag-ibig, Pagasa, at kapayapaan at kagalakan para sa lahat.
Alam kong bawat isa sa inyo ay handang handa na sa darating na kapaskuhan? Kaya marami tayong pinagkakaabalahan ngayong buwang ito, ang iba ay naghahanda ng mga awiting pamasko, ang iba namay naghahanda ng mga regalo para sa kanilang mga inaanak, at kapamilya, ang iba, naglalagay ng mga palamuti at mga ilaw upang salubungin ang Liwanag ni Hesus. ang iba ay naghahanda ng kani-kanilang schedules, habang ang iba naman ay nagnanais matapos at makumpleto ang Simbang gabi. At marami pang paghahanda para sa ikaliligaya ng ating mga damdamin….
Pero, mga kapatid, ang ating espiritwal ng pangangalangan ay dapat ding napaghandaan. Ang ating mga buhay ay nangangailangan din paghandaan na malinis at maayos ang pagdating ni Hesus. Hindi bat pag-mayroon tayong mga bisita, tayo ay naglilinis, binibigyan natin sila ng magagarang kagamitan… para Maganda at maayos ang kanilang tutuluyan, at ganoon po ang dapat sa pagdating ni Hesus sa ating buhay…. nililinisan natin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa kanya upang maging karapatdapat tayong kanyang mga hinirang. At kung natatandaan natin last Sunday of advent, si Juan Bautista ay nanawagan sa atin na ipaghanda ng daraanan ang ating Panginoon, linisin ang mga sarili, Tatalikdan ang mga kasalanan at magbalikloob sa kanya. Dahil dito tayong lahat ay para mailigtas at maibalik ang ating dignidad na naayon sa pag-ibig ng Diyos.
Kaya ito yung sinabi ni propeta Isaias sa unang pagbasa na “ayon sa katarungan at laging matuwid ang inyong gagawin…ito ay panawagan para sa ating lahat para tayo’y maging kanyang bayan at maligtas mula sa mga baku- baku at liko-likong daan na siyang humahadlang sa atin sa pakikipagugnayan sa Diyos….
At kapag nagawa natin ang tungkuling ito, tiyak tayo rin ay susuguin ng ating Panginoong Hesus na magpatutuo sa kadakilaan ng Diyos na siyang misyon ni Juan Bautista. Ito ang misyon ni Juan ang magpatotoo tungkol sa katotohanan. At ano ang katotuhanan? Na darating si Hesus at maghahari sa ating Buhay.
Mga kapatid, unang Simbang gabi o Misa de Gallo, naway hilingin natin sa Diyos na bigyan tayo ng lakas para harapin lahat ng mga pagsubok sa buhay…. ipidagsal din po natin lahat ng ating mga kapatid na ngayon nakakaranas ng matinding mga pagsubok lalo yaong nakaranas ng mga kalamidad dulot ng mga sunod sunod na mga bagyo at kung anu pang mga kalamidad at sakuna na sana hindi sila mapanghinaan ng loob at mawalan ng pagasa na bumagon muli… patulo’y nawa tayong magbigay ng inspirasyon para sa kanila sa pamamagitan ng ating pagmamalasakitan at pagdadamayan…
Maipakita nawa nating ang kahulugan at diwa ng pasko kahit sa kabila man ng hamon ng buhay, manatili nawa tayong nakayo at masayang naghihintay sa pagdating ng ating manunubos. Ito ang dakilang regalo na dapat nating matanggap ngayong pasko at wala ng iba…. Ang Manahan si Kristo sa ating mga buhay at maipalaganap ang mabuting balita sa ating mga kapwa. Para ng saganoon, maisakatuparan natin ang misyong ipinagkatiwala ni Hesus sa atin. Ang pasko ay para sa lahat, kaya dapat tayong magdiwang at ipakita sa mundo ang walang humpay na kasiyahan dulot ng pagdating sa inaasam nating Hari na siyang maghahari sa ating mga buhay. ang Emmanuel. Si Hesus ay palagi sa atin. Amen.