Biyernes, Disyembre 12, 2025

December 12, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Biyernes

May pananampalatayang ilapit natin ang ating mga kahilingan sa Amang nagnanais na ang lahat ng tao ay magpaunlak sa kanyang paanyaya sa piging ng buhay na walang hanggan sa Langit.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ilapit mo kami sa iyo.

Ang Simbahan dito sa lupa nawa’y magpatuloy sa paglago at manghikayat ng higit na maraming mga tao sa piging ng Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mayayaman at gayundin ang mahihirap nawa’y hindi humanap ng mga dahilan upang maiwasan ang tawag ng Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y tumugon nang tapat sa panawagan na magsisi sa kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y magtalaga ng ating mga sarili sa pagtataguyod ng layunin ng Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y mamuhay sa tahanan ng Panginoon at magdiwang sa piging ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, inaanyayahan mo kami upang makasama mo sa iyong Kaharian. Sa aming pananalangin para sa aming kapwa, tulungan mo kaming maisama sila sa piging na inihanda ng iyong Anak na si Jesu-Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 4, 2020 at 9:51 pm

Pagninilay: Ipinagdiriwang ngayon ang isa sa mga kilalang aparisyong ukol sa Mahal na Birheng Maria, at iyan ay ang Mahal na Birhen ng Guadalupe. Makikita po natin sa kwentong ito kung paanong nagpakilala ang ating Inang Maria sa isang Indiyanong Aztec na si San Juan Diego Cuauhtlatoatzin sa Burol ng Tepeyac sa Mexico kahit sa oras na inuusig ng mga Kastila ang tribo ng lalaking ito. Maganda ang naging pahayag ni Maria kay Juan Diego na sinabi niya sa kanya, “Hindi ba ako ito na iyong Ina?”

Makikita natin dito ang pagtalima at pagmamahal ni Juan Diego sa Birhen, at gagawin niya ang iniuutos nito. Kaya nang sinabi niya sa Obispo ng Saragosa na magtayo ng isang kapilya sa mismong pinangyarihan ang aparisyon, hindi agad naniwala ang Obispo. Ngunit nangako si Maria na tutulungan niya si Juan Diego, kaya’t ang kanyang imahen sa tilma ng lalaki ay siyang nagpapatunay na nagpakita ang Mahal na Ina sa Burol ng Tepayac. Kaya pinasya ng Obispo na itayo ang kapilyang sinasabi ni Juan Diego, at makalipas ang halos 470 na taon, naging basilika mismo ang lugar na iyon at dinadayo ito ng maraming manlalakbay at deboto.

Makikita natin sa kwento ng Mahal na Birhen ng Guadalupe ang kahalagahan ng pagsunod at pagtalima sa kalooban ng Ama. Kaya pala ang imahen nito ay buntis si Maria sapagkat ipinapakita dito ang pagtalima ng Mahal na Ina sa dakilang kalooban na maging Ina ni Hesus na ating Tagapagligtas. Kaya nga ang titulong ito ay itinuturing din bilang Patrona ng mga ‘Di-ipinapanganak dahil sa kahalagahan ng buhay na galing mismo sa Diyos.

Kung ginagalang at nirerespeto natin ang buhay, nawa’y tularan natin ang Mahal na Birheng Maria na kilalanin ang Panginoon sa ating buhay at sumunod sa kanyang dakilang kalooban.

Reply

Alfred B. Sugayan December 12, 2022 at 5:44 am

Ating purihin at sambahin ang Panginoong Diyos Hesus. Siya ay dapat na purihin at sambahin dahil sa Kanyang kabutihan at kadakilaan, amen.

Reply

Mel Mendoza December 10, 2023 at 11:37 pm

Ang Ebanghelyo sa araw na ito ay kaparehas sa pagbasa ng Mabuting Balita sa Kapistahan ng Kalinis-linisan Paglilihi kay Birheng Maria. At sa araw ding ito ay ginugunita ng ating simbahan ang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Guadalupe. Sa dalawang kapistahan makikita na patungkol ito sa mga sanggol na hindi pa isinisilang. Ang una ay ang Imaculada Concepcion at ang pangalawa ay ang aparisyon ng Mahal na Birhen ng Guadalupe sa imaheng buntis. Masasabi din na kapwa nagsisimbolo ng walang hindi nakapangyayari sa kalooban ng Diyos.

Sa kwento sa Aklat ng Genesis napakinggan natin na pumasok ang kasalanan sa mundo dahilan sa isang babae sa katauhan ni Eva, at sa Ebanghelyo naman ni San Lucas ay isinilang ng isang birhen sa katauhan ni Santa Maria ang Mesiyas upang tubusin ang tao sa kasalanan. Kung ang kasalanan ay pumasok sa mundo dala ng paglabag nina Adan at Eva, sa isang pakikinig, pakikiniig, at pagtalima naman ni Birheng Maria nagkaroon ng kaligtasan ang sangkinapal.

Magandang pagnilayan habang tinatahak natin ang Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng ating Panginoong Hesukristo ang salitang pagtalima. Ang pagtalimang may isang paninindigan sa napakinggang Salita ng Diyos. Ibig sabihin hindi lang basta nakinig kundi inunawa at isinapuso ang napakinggan at pinanindigan ito. Ganun din sa mga buhay natin ang mahalaga sa lahat na meron tayong paninindigan. Malaki kasi ang pagkakaiba sa nakinig lamang sa pinanindigan ang napakinggan. Magiging walang saysay ang narinig kung hindi naman naging committed. Ang pagsasabuhay ng salita na ating napakinggan sa mga aral sa Banal na kasulatan ay ang ninanais sa atin ng Dyos.

Gawin nating huwaran ang Birheng Maria, na sa kabila ng lahat ng katanungan niya sa simula kay Arkanghel Gabriel na paano mangyayari sa kanya ang kagustuhan na Diyos ay hindi siya nagdudang tumalima sa ibinalita sa kanya ng anghel nandoon na agad ang pagtalima sa kanyang napakinggan at nanindigan na maganap sa kanya ang kalooban ng Diyos. Nakiisa ang Mahal na Ina at tinindigan niya ang ninanais ng Diyos. Ipanalangin natin na lagi tayo magkaroon ng tiwala sa Diyos sa mga ninanais Niyang ipaganap sa atin na maging daluyan ng mga pagpapala at biyaya ng Diyos para sa iba.

Pag-asa ang tema sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento nawa’y magsilbi tayong pag-asa sa ating kapwa na harapin ang paghihintay ng may kagalakan sa kabila ng mga pagsubok na ating kinakaharap. Sabay sabay natin lakbayin ang buong panahon ng paghihintay na may paghahandang espirituwal hanggang sa araw ng Pasko ng Pagsilang ng ating Manunubos at Panginoong Hesukristo.

Reply

Jess C. Gregorio December 11, 2023 at 7:31 pm

Pagninilay ni Jess C. Gregorio:

“Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Katulad ng ating Inang Maria, ang bawa’t isa sa atin ay kalugod-lugod sa Diyos sa bisa ng kanyang pagtutubos sa atin. Pero sa kabila ng lahat ng ito, may mga sandaling hindi tayo natutuwa at ang pag sunod sa sinasabi ng Diyos ay napakahirap gawin. Kahit na sumasa atin na ang Panginoon ay tila bagang natatakot tayong magbigay ng ating “Fiat” katulad ng ginawa ni Maria. Bakit? Kasi hindi pa talaga natin natututuhan ang magtiwala ng husto sa mga nais ng Diyos para sa atin na katulad ng kay Maria. Mensaherong anghel lang ang kailangan ni Maria at ibinigay na niya ng buo ang buhay niya sa Panginoon. Kahit wala pa ang pagluklob ng Banal na Espiritu sa kanya. Samantalang tayo, na ginawang Templo ng Banal na Espiritu ni Hesus, ay mayroon pang pagdududa. Kaya itinalaga ni Hesus si Maria na Ina ng Sangkatauhan dahil marami pa tayong dapat malaman sa isang nilalang na katulad natin. Kung nagawa ni Maria, magagawa rin natin. Ang ating modelo para maging katulad ni Hesukristo ay walang iba kundi ang ating Ina sa Langit.

Reply

Malou Castaneda December 12, 2023 at 2:51 pm

PAGNINILAY
Madalas nating unang nakikilala ang Diyos sa pamamagitan ng mapagmahal na pangangalaga ng iba. Nararanasan natin ang habag ng Diyos kapag may ibang tao na lumalapit sa atin kapag tayo ay nasasaktan o nangangailangan ng tulong. Ginagamit ng Panginoong Hesus ang pagpapatawad na ibinigay sa atin ng isang indibiduwal na nasaktan natin upang ituro sa atin kung gaano mapagpatawad ang Diyos. Nalalaman natin ang pag-ibig ng Diyos kapag mahal tayo ng iba, hindi dahil sa nagawa natin o kung sino tayo, kundi dahil alam nilang mahal tayo ng Diyos ng walang pasubali at samakatuwid ay karapat-dapat sa walang kundisyong pagmamahal. Ang plano ng Diyos ay para sa atin na maging huwaran ng mga banal na katangian kapag nakikipag-ugnayan tayo sa mga taong inilagay ng Panginoong Hesus sa ating buhay. Nagiging pinagmumulan tayo ng paghipo ng Diyos sa kanilang buhay kapag sinabi nating “Oo” o “Mangyari nawa sa akin.”

Ngayon ay pinararangalan natin ang ating Mahal na Ina bilang Mahal na Birhen ng Guadalupe. Nawa’y patuloy tayong tumugon ng may pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos at nawa’y akayin tayo nito sa pag-abot sa iba sa mapagmahal na paglilingkod upang maranasan nila ang presensya ng Diyos sa kanilang buhay.

Mahal na Birhen ng Guadalupe, ipanalangin na maging bukas ang aming puso sa plano ng Diyos sa aming buhay. Amen.
***

Reply

ESTABILLO, FRANCIS CHARLES P. December 11, 2024 at 8:45 pm

Nais kong bigyang pansin ngayon ang ginawa ni Maria at Jose sa kalooban ng Diyos para sa kanila. Hinayaan nilang gawin ng Diyos ang mga kagustuhan ng Diyos na iparanas sa kanila. Tinanggap nila ng buong puso ang mga pangyayari sa kanilang buhay na hindi nila inaasahang ibibigay sa kanila ng Diyos. Sana tayo rin bilang mga taong sumusunod sa Diyos hindi lang sana natin sinasabi na tayo ay sumusunod sa Diyos kundi patunayan natin ito sa ating gawa. Hindi natin masasabi na iniibig natin at sinusunod ang Diyos kung hindi natin ginagawa ang mga turo at aral niya. Isa sa mga utos sa atin ng DIyos ay ang mag mahal, sana maging kagaya tayo ng Diyos na kung mag mahal buo, hindi nanunumbat at hindi nagsisisi sa pag-aalay ng pagmamahal. Sana tayo kapag nagmamahal maging kagaya tayo ng Diyos na buong-buo iniaalay ang sarili, ipinakikita at ipinaparamdam ang pagmamahal sa kapwa o sa taong ating minamahal. Sa mga may problema ngayon na akala natin minsan hindi na tayo tutulungan ng Diyos, pinababayaan na tayo ng Diyos, lagi lang nating isa isip at isa puso na mayroong Diyos na siyang buong loob na nag alay ng sarili para sa atin sapagkat mahal niya tayo. Mahal niya tayo hindi dahil sa may kailangan siya sa atin kung hindi bukal sa kaniyang loob na sumunod sa utos ng kaniyang Ama na mahalin tayo. May nagmamahal sayo, may nananatili sayo, may kasama ka sa araw araw mo na palaging minamahal ka. Oras oras, minu-minuto at tuwing segundo mahal ka at mahal tayo ng Diyos.

Reply

Mel Mendoza December 12, 2024 at 2:13 am

PAGNINILAY:
Ang Ebanghelyo ay nagpapahayag ng pagdating ng ating Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Mahal na Birhen Maria. Sa mga salitang ng anghel Gabriel, makikita natin ang katuparan ng plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Si Maria, sa kabila ng kanyang kababaang-loob, ay tinawag upang maging Ina ng Tagapagligtas. Sa kanyang “Oo,” nagbukas siya ng pintuan para sa pagdating ng kaharian ng Diyos na walang katapusan.

Bilang bahagi ng paggunita sa araw na ito sa Birhen ng Guadalupe ang kwento ng aparisyon ng Mahal na Ina ay nagpapakita ng patuloy na misyon ni Maria bilang Ina ng Diyos at Ina ng buong sangkatauhan. Nang magpakita siya kay San Juan Diego noong December 1531 ng apat na sunod sunod na araw (December 9-12), ipinahayag niya ang pagmamalasakit ng Diyos sa mahihirap at inaapi. Ang kanyang mensahe ay nagdala ng pag-asa at nagpatibay ng pananampalataya sa milyong milyon na nagbalik-loob sa Diyos na mga tao ng Mexico, na noon ay dumaranas ng matinding paghihirap at pangaapi sa ilalim na kolonyal na pamahalaan ng mga Kastila.

Sa parehong paraan, ang pahayag ng anghel kay Maria sa Lucas 1:31-33 ay nagbibigay ng pag-asa sa lahat: na ang Diyos ay laging gumagawa ng paraan upang iligtas ang Kanyang bayan, gamit ang mga mapagpakumbaba at pagkamasunurin tulad ni Maria at ni Juan Diego.

Sa ating panahon, madalas tayong mabalot ng takot at kawalang-pag-asa, lalo na sa gitna ng mga pagsubok. Subalit, tulad ng sinabi ng Mahal na Birhen sa Guadalupe kay Juan Diego: “Huwag kang matakot. Hindi ba narito ako na iyong ina?”

Ang parehong pagmamahal at pangangalaga ang ipinapahayag ng Diyos sa atin ngayon sa pamamagitan ni Maria. Tinatawagan din tayong magtiwala, maglingkod, at maging bukas sa plano ng Diyos, tulad ni Maria sa Ebanghelyo at ni Juan Diego ng Tepeyac.

Ang hamon sa atin: Kaya ba nating tumugon sa tawag ng Diyos ng may tiwala at pagsunod, tulad ni Maria?

Mahal na Birhen ng Guadalupe, Ina ng Awa, ipanalangin mo kami, at gabayan sa aming araw araw na paglalakbay ng may pananampalataya! Amen.

Reply

Marz December 12, 2024 at 1:45 pm

Mga himala na tanda na ang Diyos ay lakas,pagbabalik loob at paniniwala ng iba.Nais din ng Diyos ang pagbabago ng tao.
Mahal na Ina ng Guadalupe. Pray for us now and forever.
God is good all the time.
All the time God is good.
Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: