Podcast: Download (Duration: 4:14 — 3.1MB)
Miyerkules sa Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
o kaya Paggunita sa Mahal na Birhen ng Loreto
Isaias 40, 25-31
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8 at 10
Panginoo’y papurihan,
aba kong sariling buhay.
Mateo 11, 28-30
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Wednesday of the Second Week of Advent (Violet)
or Optional Memorial of Our Lady of Loreto (White)
UNANG PAGBASA
Isaias 40, 25-31
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Saan ninyo ngayon ipaparis ang Diyos?
Siya’y kanino itutulad?
Tumingin kayo sa sangkalangitan.
Sino ba ang lumikha ng mga bituin?
Sino ba ang sa kanila’y nagpapakilos
at isa-isang tumatawag sa kanilang pangalan?
Dahil sa kanyang kapangyarihan,
isa ma’y wala siyang nakaligtaan.
Israel, bakit ikaw ay nagrereklamo
na tila di alintana ng Panginoon
ang kabalisahan mo,
at tila di pansin ang iyong kaapihan?
Di ba ninyo alam, di ba ninyo talos,
na itong Panginoon ang walang hanggang Diyos?
Siya ang lumikha ng buong daigdig,
hindi siya napapagod;
sa isipan niya’y walang makatatarok.
Ang mga mahina’t napapagal ay pinalalakas.
Kahit kabataan
ay napapagod at nanlulupaypay.
Ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon
ay magpapanibagong sigla.
Ang lakas nila’y matutulad
sa walang pagod na pakpak ng agila.
Sila’y tatakbo nang tatakbo
ngunit di manghihina,
lalakad nang lalakad
ngunit hindi mapapagod.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8 at 10
Panginoo’y papurihan,
aba kong sariling buhay.
Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Panginoo’y papurihan,
aba kong sariling buhay.
Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.
Panginoo’y papurihan,
aba kong sariling buhay.
Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.
Panginoo’y papurihan,
aba kong sariling buhay.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Panginoon nagliligtas
sa ati’y darating tiyak
mapalad s’yang makaharap.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 11, 28-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Martes, Disyembre 9, 2025
Huwebes, Disyembre 11, 2025 »




{ 6 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Adbiyento ay panahon ng pag-asa dahil sa Diyos na nagdadala sa atin ng pag-asa sa pamamagitan ng kanyang Bugtong na Anak na si Hesus.
Ang Unang Pagbasa ay isang propesiya ni Isaias tungkol sa pag-asa. Sinasabi ng propeta na ang mga taong umaasa sa Panginoon ay magpapanibago ng lakas mula sa kanya, at ang lakas ng mga taong ito ay katulad ng walang hinto na paglipad ng agila. Kaya ang maihahambing ni Isaias sa Diyos ay bilang tagapaglikha ng lahat ng nilalang sa buong sangkatauhan. Hindi pa rin magbabago ang Panginoon kahit marami na tayong dumadanas na paghihirap, upang sa kanya tayo magkaroon ng pag-asa.
Ang Ebanghelyo ngayon ay isa sa mga nakakaaliw na pahayag ng ating Panginoong Hesukristo. Matapos magpasalamat siya sa Ama sa pagpapahayag ng mga misteryo ng Paghahari ng Diyos sa mga mapagkumbaba, siya ngayon ay nagsasalita sa kanyang alagad na halina at lumapit sa kanya ang lahat na napapagal at nahihirapan. Binibigay ni Hesus ang kanyang pamatok upang pasanin, at matuto sa kanya na maamo ang kalooban. Sa Lumang Tipan, ang pamatok ay sumasagisag sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya ang binibigay sa atin ni Hesus ay hindi paraan ng pagtakas mula sa mga pasan ng buhay, kundi isang gabay sa atin na sa kabila ng ating pinagdaraanan, siya ang magsisilbing tanda na kasama niya tayo. Sapagkat ang kanyang pamatok ay maginhawa at magaan.
Ang Adbiyento ay isang panahon upang ihanda natin ang ating sarili para sa pagdating ni Kristo hindi lang sa pagdiriwang ng Kapaskuhan at sa pag-aasam sa kanyang muling pagpaparito, kundi ang araw-araw na pananabik sa kanyang pamalaging presensiya sa ating buhay. Kahit tayo ngayon ay dumadanas ng mga kapighatian, kalungkutan, at kabigatan, ang Diyos ay ang ating pag-asa sa pamamagitan ni Hesus, ang pamatok ng buhay. Si Kristo ang magsisilbing daan upang tumalima tayo sa kalooban ng Ama.
Pagninilay ni Jess C. Gregorio:
Napapagod tayo. Nanghihina. Maraming sumasagi at naglalaro sa mga isipan natin. Mga pananalita at kaisipang walang kasiguraduhan. Dagdagan pa ng takot, inggit, at pangamba ng mga bagay na di natin alam. Mga kaisipang gaya ng mga ito: Paano na kaya… Baka naman… Siguro… Sana naman…Naway… Di ko na kaya… Buti pa sila… at marami pa na kung ating pagmumuni munian ay pawang mga karanasang puwede naman mapagtagumpayan. Kaya paulit ulit tayong sinasabihan ni Hesus na umasa sa Kanya. Na sa ating dasal ay hilingin lang natin ang grasyang sapat na sa araw na ito. Hindi para bukas, sa makalawa, susunod ng linggo, buwan o mga taon ng ating buhay. Magaan Siya kasi alam niya na sapat lang ang grasya sa pang araw-araw, makulit lang tayo dahil sa ating takot, gusto natin mag hoard ng biyaya. Eh napapanis mga iyun at hindi angkop para sa bukas kaya hindi rin natin nagagamit. Nagbibigay bigat lang sa ating paglalakbay. Kaya kung tayo ay na kay Hesus, matutunan natin mag travel light. Wala rin tayong pagmamataas kasi malalaman natin na ang lahat ng kakayahan at galing ay di naman talaga sa atin. Anong maipagmamalaki natin? Lahat ng iuutos niya gawin ay pupunuan niya ng kapangyarihan ng Kanyang Banal na Espiritu, hindi na natin kailangan mag hirap pa at magkanda ugaga sa kakaisip ng paliwanag paano mangyayari ang imposible. At kung may mirakulo, hindi na tayo mamamangha, natunganga, at nakanganga na tila hindi makapaniwala. Magiging natural lahat mga bagay na ginagawa ng Diyos sa ating buhay. Hindi na tayo mabibigla parati na nakakapagsabi ng OMG! Grabe! Eh di Wow! Sana All!, Ganern! Wish ko lang! Ang resulta Peace of Mind. Panatag ang ating kaluluwa sa kanyang nakagisnang uri sa langit. Ang ating katawang mundo at isipan lang naman ang nakaka stress eh. At dahil sumasablay tayo sa sariling bigat at sari-saring takot natin, patuloy tayong nagkakasala. Balisa. Tuliro. Tingnan mo si Hesus, kahit nakabitin sa krus, cool lang siya. Kahit ano pa ang pinagdadaanan nating hirap sa mundo, kung nasa atin siya, masusumpungan nating magpahinga at maging maligaya. Kaya nating maging cool. Ayaw lang natin. Madali lang naman. Lumapit lang tayo kay Hesus.
PAGNINILAY
Minsan ang Diyos ay gumagamit ng mga pagsubok upang hilahin tayo pabalik sa kung saan kailangan natin sa ating Kristiyanong paglakad kasama Niya. Ang napakalakas na kapangyarihan ng Diyos ay magagamit natin, kung ilalagay lamang natin ang ating pag-asa sa Kanya. Hinihiling sa atin ni Hesus na pasanin ang Kanyang pamatok sa ating mga balikat, isang tanda ng pagsuko at isang kahandaang mapabilang sa Kanya, upang matuto ng may pagpapakumbaba sa mga daan ng Diyos at umasa sa Kanya para sa lahat ng ating mga pangangailangan. Sa kabila ng mga pagsubok at mahirap na panahon, magtiwala tayo sa Diyos. Alam Niya kung ano ang pinakamabuti at gagawin niya ang pinakamabuti – kahit na hindi ang Kanyang pinakamabuti ang pipiliin natin. Ang pamatok na dinadala natin ay maaaring mabigat kung minsan, ngunit ang ating kalooban na pasanin ito ay lumalakas habang tayo ay nagtitiwala sa Kanya.
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming makahanap ng kapahingahan sa Iyo kapag naging kumplikado ang buhay. Amen.
***
PAGNINILAY:
Ang paanyaya ni Hesus na “Lumapit kayo sa akin” ay nagpapakita ng Kanyang malalim na malasakit at pagmamahal para sa lahat ng napapagal at labis na nahihirapan sa buhay. Sa ating kasalukuyang mundo kung saan napakaraming alalahanin tulad ng emosyonal, pisikal, at espirituwal—ang lahat ng solusyon sa mga ito ay tanging kay Hesus lamang masusumpungan ang tunay na kapahingahan na hindi matatagpuan sa materyal na bagay o makamundong aliw na kung saan ang kayang ibigay na kaginhawahan ay pansamantala lamang.
Ang “pamatok” ni Hesus ay hindi pabigat, kundi isang paanyaya na makiisa sa Kanyang misyon. Ang ibig sabihin nito ay hindi tayo mag-iisa sa pagdadala ng ating mga problema at pagsubok. Pinangako ni Hesus na Siya mismo ang magiging katuwang natin sa anumang hamon ng buhay na ating susuungin. Siya ay ating laging kasa-kasama.
Mga mahalagang aral sa Ebanghelyo na dapat isapuso. Una, ang Paglapit kay Hesus. Ito ay ang unang hakbang sa pagharap sa mga pasanin ang may kababaang loob na paglapit sa Kanya. Sa pamamagitan ng palagiang panalangin at pananampalataya, makakamtan natin ang Kanyang kapayapaan.
Pangalawa, ay ang Pagkatuto sa Kanyang Kababaang-Loob. Ang puso ni Hesus ay puno ng kabutihan at kababaang-loob. Sa pagtulad sa Kanya, makakamtan natin ang kapahingahan sa ating kaluluwa. Sa tuwing tayo gumagawa ng kabutihan sa ating kapwa ito ay nagpapagaan sa sarili nating kalooban at tatamasahin natin ang kapayapaan.
At ang panghuli, sa piling ni Hesus ay Gagaan ang ating mga Pamatok. Ang pamatok na iniaalok ni Hesus ay hindi magbibigay ng bigat, kundi magdadala ito ng lakas at pag-asa upang harapin ang mga pagsubok. Ang ating pananampalataya sa Kanya ay nagbibigay ng direksyon sa gitna ng kaguluhan sa panahon ng walang kasiguraduhan.
Sa gitna ng ating mga pasanin, nawa’y maipagkatiwala natin ang lahat kay Hesus. Siya ang nag-aalok ng kapahingahan na walang kapantay, at sa Kanyang piling, matatagpuan natin ang lakas upang magpatuloy sa ating araw araw na paglalakbay. “Sa piling Niya, ang bawat pasanin ay nagiging daan tungo sa tunay na kapahingahan.”
Manalangin tayo. Panginoon, turuan Mo akong magtiwala at magpahinga sa Iyong piling at pagmamahal. Tulungan Mo akong tanggapin ang mga hamon sa buhay nang may pananampalataya, pag-asa at may kababaang-loob. Amen.
Lumapit sa Diyos para sa ating kapahingahan ng isip, kalooban at puso.
Magpahinga para sa ikakabuti ng relasyon sa tao at Diyos.
God is good all the time.
All the time God is good.
Amen.
sa unang pagbasa ipinapakita sa atin na wala tayong magagawa kung hindi mo kasama ang Diyos sa iyong buhay.
ang inaalok ng mundong ito ay temporal lang. hanggang dito lang sa lupa.
in fact kung ibubuhos natin ang ating lakas at buong isip sa makamundong bagay tayo ay manghihina at iiksi ang buhay.
dapat sa puso at isipan natin ang makamundong buhay ay hindi makapagliligtas ng ating kaluluwa.
doon natin ilagak sa All-Powerful, All-Knowing,at Omnipresent nating Diyos.
subukan mong gawin ito sa puso at isipan mo,Diyos ang pakilusin mo, tiyak masasabi mo sa puso mo… HE IS MY ONLY RICHES IN THIS WORLD!
Mga kapatid hindi mo malalaman na ang Panginoon ay naghahari na sa puso mo hanggat hindi mo ilagak ang Pananalig at Pagtitiwala mo sa Diyos.
Bago maging huli ang lahat kumilos ka na ngayon. Ngayon na kapatid.
And you will experience the Peace of the Lord that others could not find it.
Unless you have the courage to stand firm on His Words you will not Feel the Love that God is asking from us.
sundin mo lang ang nilolob ng Diyos sa atin ,tiyak ang Kanyang Kapangyarihan ay kikilos sa atin na ipinagkaloob na nung tayoy bininyagan mula sa mga itinilaga ni Jesus bago Siya umakyat sa langit.
remember, the secret is,work on you faith. and you will experience all the thing that you could not imagine of, is happening to your life.
brother and sister , i am 65yo now, and i have a lot of beautiful experiences with the Lord.
to mention one, the latest, how can you say God is not with you, when you are not in your country, you badly needing help, hindi mo pa inisip Siya for help from Him nagpadala na agad agad.
with this, hindi mo ba Siya gagawing personal Holy Companion mo?
Believe and you shall receive..
God bless.