Biyernes, Disyembre 5, 2025

December 5, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Adbiyento
Biyernes

Hilingin natin sa Diyos Ama na buksan ang ating mga mata upang makita natin ang kanyang daan at makasunod tayo nang buong puso sa kanya.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pagkalooban mo kami ng liwanag.

Ang Simbahan nawa’y maging isang kapani-paniwalang saksi ng Ebanghelyo at maging matatag na gabay ng kapayapaan at pagkakaisa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nanunungkulan sa pamahalaan nawa’y maging mga lalaki at babaeng may prinsipyo at dangal, manalangin tayo sa Panginoon.

Tulad ng dalawang lalaking bulag, nawa’y magkaroon tayo ng matatag na paniniwala kay Jesus at sumunod sa kanya sa daan ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinanlalabuan ng paningin nawa’y makapagtiis sa kanilang paghihirap at makatagpo ng lunas, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa nating kamag-anak at kaibigan nawa’y pagkalooban ng liwanag na walang katapusan at walang hanggang kapahingahan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, puspusin mo kami ng iyong pag-ibig at iwaksi mo ang kadiliman sa aming buhay upang makapagsikap kami sa ningning ng liwanag ni Kristo na iyong Anak, na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Melba G. De Asis December 7, 2018 at 7:43 am

Panginoon nawa’y pagalingin Mong lahat ang karamdaman kong taglay sa ispritual, pisikal at emosyonal. Patawad po sa mga pagkakataong nagiging bulag ako at nagkakait ng tulong sa aking kapwa, alam kong hindi dahilan ang aking kasalatan sa buhay para maging manhid sa kanilang hinaing, patawad Panginoon sa aking nagawang kasalanan, ang lahat ng ito ay hinihiling ko sa pangalan ng Panginoong Hesukristo. Amen

Reply

Reynald Perez November 28, 2021 at 3:14 pm

PAGNINILAY: Ang Adbiyento ay panahon upang ipaghanda ang darating na pag-asa ng mundo: si Hesus na ating Mesiyas.

Ang Unang Pagbasa ay isang magandang propesiya ni Isaias tungkol sa pagdating ng Tagapagligtas katulad ng isang halamanan sa Lebanon, at ang halamanang ito ay magiging katulad ng isang gubat. Sinasabi rin ng propeta na ang mga nangangailangan ay makakamit ng kanilang kagalingan mula sa Diyos, at ang Israel ay hindi kailanma’y lulupigin ng mga mababagsik na banyaga. At ang Israel ay magiging tapat sa Panginoon, kaya ang mga nagkakamali ay itutuwid, at ang mga naghahanap ng butas sa isang tao ay tatanggap ng pangaral. Ito ang tumutukoy sa Pampublikong Ministeryo ni Hesus nang siya’y nagpahayag ng Mabuting Balita at gumawa ng mga kababalaghan.

Ang Ebanghelyo ay ang pagtatagpo ni Hesus sa dalawang bulag na lalaki. Noong panahong iyon, ang pagkabulag ay itinuturing sumpa ayon sa mga Hudyo. Ngunit para kay Kristo, ang pagkabulag ay isang tanda upang ang kanilang pagkakita muli ay maibigay-dangal ang Diyos na gumawa ng kabutihan sa kanila sa pamamagitan ng Bugtong na Anak [Hesus]. Ang dalawang bulag na lalaking ito ay sumunod kay Hesus, at sila’y sumigaw ng tulong sa pagsamo sa kanya bilang “Anak ni David”. Ang titulong ito ay nagpapatotoo na si Kristo ay mula sa angkan ni David, na siya ay hindi lang isang dakilang pinuno, kundi ang Mesiyas na magiging pag-asa ng mga tao. Kaya tinanong sila ni Hesus kung ano ang nais niyang gawin sa kanila, at tugon nila ang iisang hiling na makita muli. At sinabi niya na matupad nawa ito ayon sa kanilang pananampalataya, at nakakita sila. Kahit sila’y ipinagbilin na huwag ibalita ito sa mga tao, ngunit ibinalita nila ito dahil sa buong kagalakan nila sa ginawa ni Hesus.

Ang Adbiyento ay panahon upang ipaghanda natin ang ating mga puso para sa pagdating ng ating pag-asa. Dahil sa pananabik sa kanyang pagdating, tayo rin ay inaasahang maging tagapagdala ng pag-asa sa ibang tao. Mula sa Ebanghelyo, kailangan natin maging mulat sa mga nangyayari sa ating paligid. Huwag tayong maging bulag sa mga kamalian o kawalang-bahala ng iilang tao. Maging bukas nawa tayo sa mga pagpapala ng Diyos, at dalhin natin ang mga pagpapalang ito sa ibang tao, lalung-lalo na sa mga nangangailangan.

Reply

Ferdy Baetionh Pariño December 3, 2021 at 9:33 am

Ito ang dapat malaman ng lahat ng tao…. Na ang magpapagaling sayo ay ang paniniwala mo. Na ang tutugon sa iyong mga dasal ay ang pananalig mo. Na ang magkakaloob sa iyo ng pinakmimithi mong kahilingan ay ang pananampalataya mo… kay Hesus.

Kapatid, kapag tayo ay dumadalangin sa Panginoon, ay tanggalin mo na ang pangamba, sapagkat kapag ikaw ay nagdasal sa Diyos at nag aalinlangan pa ay hindi lubos ang iyong tiwala sa kanya. Pagkatapos nating manalangin ay ibigay na natin ang buong tiwala sa kanya na sya lamang ang pag asa natin sa mundong ito. Claim it! Ika nga nila. Habang hinihintay mo ang kasagutan sa iyong dasal ay nararapat na sinusunod mo din ang kalooban nya, Huwag kang lumabag sa sampung utos nya. At siguradong darating ang iyong hinihiling, hindi man sa oras na gusto natin pero siguradong darating.. in HIS time…. in HIS sweet time…. If only you believe. Amen

Reply

Mel Mendoza December 5, 2024 at 8:48 pm

PAGNINILAY:

Ang Mabuting Balita para sa araw na ito sa Unang Linggo ng Adbiyento ayon kay San Mateo ay naglalaman ng kuwento ng pagpapagaling ni Hesus sa dalawang bulag na may malalim na kahulugan. Narito ang isang pagninilay sa metapora ng dalawang bulag at ang kanilang koneksyon sa temang Adbiyento:

Ang dalawang bulag ay sumisimbolo sa mga taong nasa espirituwal na pagkabulag—hindi nila nakikita ang liwanag ng Diyos dahil sa kasalanan, kawalan ng pananampalataya, o kawalang-pag-asa. Pinapakita ng kwento hindi lang ang pisikal kundi ang espirituwal na kadiliman sa mga taong namumuhay na hindi naayon sa panukala ng Diyos. Ang Adbiyento ay isang panahon ng pagninilay at paghahanda para sa pagdating ng liwanag- si Kristo, na magpapawi sa espirituwal na kadilimang ito.

Bagamat sila’y bulag, ang dalawang lalaki ay nagpakita ng malalim na pananampalataya nang sumigaw sila ng “Maawa ka sa amin, Anak ni David.” Ang panawagan nilang ito ay pagkilala kay Hesus bilang Mesiyas. Sa Adbiyento, hinihikayat tayo ng Simbahan na manampalataya kahit hindi natin “nakikita” ang katuparan ng ating mga inaasam. Ito ay panahon ng pag-asa sa kabila ng mga hamon ng buhay.

Sa paghipo ni Hesus ang kanilang mga mata at sinabi, “Mangyayari ang ayon sa inyong pananalig.” Ipinapakita nito na ang kagalingan ay nagmumula sa pananampalatayang na walang hindi nakapangyayari sa Diyos. Sa ating paghahanda sa Pasko ng Pagsilang, hinihikayat tayo ni Hesus na manalig na kaya Niyang baguhin ang ating mga buhay at pawiin ang anumang espirituwal na pagkabulag.

Ang Adbiyento ay panahon ng paghihintay at pag-asa para sa pagdating ng liwanag ni Kristo katulad na liwanag na binaybay ng mga mago. Ang kuwento ng dalawang bulag ay nagpapaalala na si Kristo ang liwanag na nagpapagaling sa mga taong nasa kadiliman dala ng kasalanan. Tulad ng dalawang bulag na lumapit kay Hesus, inaanyayahan tayo ngayong panahon ng Adbiyento na buksan ang ating puso upang tanggapin ang Kanyang kagalingan. Ang kanilang sigaw na “Maawa ka sa amin” ay dapat maging panalangin din natin—isang pag-amin na kailangan natin ang habag at liwanag ng Diyos. Ang paggaling ng mga bulag ay nakasalalay sa kanilang pananampalataya. Tayo din ay tinatawagan na magtiwala sa Diyos sa kabila ng ating mga pinagdadaanan, sapagkat Siya ang magdadala ng liwanag sa dilim na binabagtas natin sa atin mga buhay.

Ang metapora ng dalawang bulag ay sumasalamin sa ating lahat—madalas tayong nagbubulag-bulagan sa pangangailangan ng ating kapwa, nabubulagan dahil sa mga tagumpay, at nabubulag ng mga kasalanan, takot, at kawalan ng pananampalataya. Ngunit ang Adbiyento ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong magbalik-loob at magtiwala sa liwanag na dala ni Kristo. Sa pamamagitan ng pananampalataya, tayo rin ay makakakita at mararanasan ang kagandahang-loob ng Diyos.

Manalangin tayo. Panginoon, buksan Mo ang aming mga mata upang makita ang Iyong liwanag. Nawa’y maging matatag ang aming pananampalataya, lalo na sa panahon ng paghihintay. Tulungan Mo kaming maging handa sa Iyong pagdating. Amen.

Reply

ESTABILLO, FRANCIS CHARLES P. December 5, 2024 at 10:16 pm

Ang pagbasa at ebanghelyo natin ay nag-aanyaya sa atin na mag tiwala at sumunod palagi sa Panginoon. Kapag siya ang ating sinusundan tiyak na ang ating landas ay magiging tama. Huwag sanang maging matigas ang ulo natin na hindi sumunod sa kautusan ng DIyos, kung gusto natin na ipagkaloob ng Diyos ang ating mga pangangailangan at kahilingan ang tamang sagot para dito ay ang pag sunod sakaniya. Pagsunod na may pagtitiwala na ang ating sinusundan ay si Hesus na palaging na sa tamang landas na hindi ka ililigaw. Papalapit na ang pasko ang araw ng pag silang ng ating manunubos, sana tularan natin si Maria sa kaniyang pag tanggap sa kalooban ng Diyos, sana tayo rin masabi natin “Maganap nawa sa akin ayon sa wika mo” Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: