Miyerkules, Marso 19, 2025

March 19, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
San Jose, Kabiyak ng Mahal na Birhen

Kasama ni San Jose na isang lalaking marangal at may dakilang pananampalataya, ilapit natin sa Ama, bilang isang pamilya, ang lahat ng ating kahilingan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos na tagapagbigay ng lahat ng aming pangangailangan, nagtitiwala kami sa Iyo.

Ang Simbahang naglalakbay nawa’y humikayat sa mga tao sa ganap na pagpapanibago ng kanilang buhay kay Kristo sa pamamagitan ng kanilang tapat na pagpapatotoo sa salita at gawa, manalangin tayo sa Panginoon.

Tulad ni San Jose, ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y hindi mabigo sa kanilang tungkuling pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mag-asawa nawa’y magsama nang may pagkakasundo sa pamamagitan ng tiwala at pag-unawa sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nangangalaga sa mga maysakit, mga matatanda, mga may kapansanan, mga nangungulila o namimighati nawa’y palakasin sa kanilang mga pagsisikap, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa pamamagitan ni San Jose, ang mga namayapa ay magtamasa ng walang katapusang kapayapaan ng Diyos sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, sa iyong kagandahang-loob at sa pamamagitan ni San Jose, ipagkaloob mo ang aming mga hinihingi dala ng aming pananampalataya. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 19, 2020 at 12:13 am

Pagninilay: Ipinagdiriwang ng Simbahan tuwing ika-19 ng Marso ang tagapagbantay niya na si San Jose, ang mahal na Esposo ng Mahal na Birheng Maria at ang ama ng ating Panginoong Hesukristo dito sa lupa. Alam natin na si San Jose ay nagsimula bilang isang simple at matiyagang karpintero sa Galilea. Nakasalaysay sa Ebanghelyo ngayon ang naging buhay ni San Jose nang ipinahayag ng Diyos ang katuparan ng kanyang kaligtasan. Siya ay nakatakdang ikasal kay Maria, subalit nalaman niya na buntis ang dalaga. Makikita dito na parang hindi pa handa si Jose sa ganyang tungkulin na maging ama. At siya rin ay isang matuwid na lalaki na bagamat may batas ng mga Hudyo na batuhan ang di kasal na babaeng buntis, plano niyang iwanan si Maria nang tahimik. Kaya makikita dito sa pagtulog ni San Jose ang kakayahan ng panaginip. Isinalalay niya ang kanyang desisyon sa kanyang tulog hanggang dumating ang anghel ng Diyos na nagpaalala sa kanya na huwag siyang matakot sa pagpapakasal kay Maria. Dito nabatid ni Jose na ang anak na dinadala ni Maria ay ang Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin na Tagapagligtas ng mga tao mula sa kanilang mga kasalanan. Kaya ipinasya ni San Jose na sundin ang kalooban ng Diyos Ama na mag-isang dibdib sila ng Mahal na Ina at maging legal na ama ni Hesukristo dito sa lupa. At si San Jose ay nagsilbi rin bilang tagapagtanggol ng Banal na Pamilya. Siya’y pumanaw mga 30 nakalipas bago magsimula ang Publikong Ministeryo ni Hesus. At kilala si San Jose bilang tapag-alaga ng ating Inang Simbahan. Makikita natin sa mga Ebanghelyo na ni isang salitang binanggit niya. Ito ay tinatawag na “golden silence” sapagkat ang mahalaga sa lalaking ito ay ang pagtalima sa dakilang kalooban at ang pagtanaw ng utang na loob sa grasyang ipinagkaloob ng Panginoon para sa kanyang sambayanan. Nawa’y tularan natin si San Jose sa pagiging masunurin at matapat sa dakilang kalooban ng Ama upang tuparin ang tungkuling ibinigay sa atin.

Reply

Barbara Silvia L. Manalo March 19, 2020 at 6:12 am

Panginoon at Diyos ko,Pinasasalamatan ka namin sa lahat ng iyong tulong at palagi mo po kaming gabayan sa lahat ng aming iniisip at ginagawa ayon sa iyong kalooban. Amen.

Reply

Mel Mendoza March 18, 2025 at 11:16 pm

PAGNINILAY:
Sa araw na ito ipinagdiriwang ng ating Simbahan ang Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen, ang kanyang mahalagang papel sa kasaysayan ng kaligtasan. Ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo ay nagpapakita ng katapatan at kababaang-loob ni San Jose bilang katuwang ng Mahal na Birheng Maria sa plano ng Diyos.

Sa kabila ng hindi niya ganap na maunawaan ang nangyayari, bilang matuwid na tao, pinili ni San Jose na sundin ang kalooban ng Diyos. Nang matuklasan niyang nagdadalang-tao si Maria, nais niyang hiwalayan ito nang palihim upang hindi siya mapahiya. Ngunit sa pamamagitan ng isang anghel, ipinaalam ng Diyos sa kanya na ang ipinagbubuntis ni Maria ay mula sa Espiritu Santo. Hindi nag-atubili si San Jose; sa halip, buong pananampalataya niyang tinanggap ang misyon na ibinigay sa kanya—ang maging tagapangalaga ng Anak ng Diyos at tagapagtanggol ng Banal na Mag- anak.

Maaaring tawaging “golden silence” ang katahimikan ni San Jose, sa buong Ebanghelyo, wala tayong nabasang anumang salita mula sa kanya, ngunit ang kanyang buhay ay naging isang makapangyarihang patotoo ng pananampalataya, pagsunod, at kababaang-loob. Ang katahimikan ni San Jose ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng aksyon, kundi isang mas malalim na pagtanggap at pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos. Sa kanyang katahimikan, ipinakita niya ang kanyang matibay na pananampalataya at walang pasubaling pagtitiwala sa Diyos.

Sa panahon ngayon, kung saan maraming ingay at distractions, napakahalaga na tularan ang “golden silence” ni San Jose bilang paalala na ang tunay na kabanalan ay hindi laging nakikita sa mga salita, kundi sa pagiging bukas sa Diyos sa pamamagitan ng tahimik na pananalangin at pagsunod sa Kanya.

Bagamat walang eksaktong tala sa Bibliya tungkol sa edad ni Hesus nang pumanaw si San Jose, may ilang palatandaan sa Ebanghelyo na maaaring magbigay ng ideya. Una, ang huling pagkakataong nabanggit si San Jose ay noong si Hesus ay 12 taong gulang, sa eksena ng Paghahanap kay Hesus sa Templo (Lucas 2:41-50). Pagkatapos nito, wala nang binanggit tungkol sa kanya sa ministeryo ni Hesus.

Pangalawa, bago pa man ang pampublikong ministeryo ni Hesus wala ng nabanggit kay San Jose kundi si Mama Mary nalang ang kasa-kasama ni Hesus. Sa mga Ebanghelyo, madalas na si Maria lamang ang binabanggit bilang kasama ni Hesus. Kung buhay pa si San Jose sa panahong ito, malamang na siya rin ay binanggit, lalo na sa mga mahahalagang tagpo ng buhay ni Hesus.

Panghuli, mula sa tradisyon – Ayon sa ilang tradisyon ng Simbahan, pinaniniwalaang si San Jose ay pumanaw bago pa man nagsimula si Hesus sa kanyang pampublikong ministeryo, kaya’t posibleng nasa pagitan ng 12 hanggang 30 taong gulang si Hesus noon. Sa ganitong tantiya, maaaring si San Jose ay namatay nang si Hesus ay nasa late teens o early 20s. Kaya rin siya kilala bilang patron ng isang mabuting kamatayan, sapagkat pumanaw siya sa presensya ni Hesus at Maria.

Ngayong ipinagdiriwang natin ang kanyang kapistahan, nawa’y tularan natin si San Jose sa kanyang pagiging matuwid na tao, pagiging huwaran ng pananampalataya, pagtitiwala, pagsunod sa kalooban ng Diyos, kababaang-loob, at kabanalan sa katahimikan. Hingin natin ang kanyang pamamagitan upang matutunan nating ipagkatiwala ang ating buhay sa Diyos, lalo na sa mga sandaling hindi natin ganap na nauunawaan ang Kanyang mga plano.

Itinuturo sa atin ni San Jose na sa kabila ng ating mga alinlangan at takot, dapat tayong magtiwala sa Diyos. Hindi hinayaan ni San Jose na ang kanyang sariling plano ang manaig, kundi isinuko niya ang kanyang sarili sa mas mataas na layunin ng Diyos. Sa ating buhay, gaano tayo kadalas magtiwala sa Diyos sa gitna ng kawalan ng katiyakan?

San Jose, ipanalangin mo kami!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: