Podcast: Download (Duration: 4:52 — 3.5MB)
Lunes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Daniel 9, 4b-10
Salmo 78, 8. 9. 11 at 13
Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.
Lucas 6, 36-38
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Monday of the Second Week in Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Daniel 9, 4b-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Panginoon, dakila at makapangyarihang Diyos na laging tapat sa umiibig sa iyo at sumusunod sa iyong mga utos, nagkasala po kami. Nagpakasama kami at sumuway sa iyong mga tuntunin at kautusan. Hindi kami nakinig sa iyong mga propeta na nagpahayag sa aming mga hari, tagapamuno, magulang at sa buong bayan. Panginoon, ikaw ay laging nasa matuwid at kami ay laging nasa kasamaan tulad ngayon: ang buong Juda at Jerusalem, ang buong Israel, ang lahat pati mga itinapon mo sa iba’t ibang dako dahil sa kataksilan sa iyo. Kami po, ang aming mga hari, pinuno at ang aming mga magulang ay laging nagkakasala sa iyo. Ikaw, Panginoon, ay mahabagin at mapagpatawad sa kabila ng lagi naming pagsalansang at pagsuway sa mga utos na ibinigay mo sa amin na iyong mga alipin sa pamamagitan ng iyong mga propeta.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 78, 8. 9. 11 at 13
Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.
Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa’y pumanaw.
Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.
Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Panginoong Diyos na Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala’y patawaring ganap
at ang pagpupuri sa iyo ng madla’y hindi maglilikat.
Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.
Iyong kahabagan
ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,
sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
Kaming iyong lingkod,
lingkod mo kaming parang mga tupa sa iyong pastulan,
magpupuring lagi’t magpapasalamat sa iyong pangalan!
Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA:
Juan 6, 63k. 68k
Salita mo, Kristong mahal,
Espiritung bumubuhay,
nagtuturo’t umaakay
sa nagnanais makamtan
ang langit na walang hanggan.
MABUTING BALITA
Lucas 6, 36-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama. Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin ng Diyos sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Marso 16, 2025
Martes, Marso 18, 2025 »




{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Tuwing Kuwaresma, ipinagdiriwang natin ang Diyos na dakila sa kanyang habag at pagmamahal sa kabila ng pagkakamali, pagkakasala, at pagkukulang ng tao.
Ang Unang Pagbasa ay ang panalangin ni Propeta Daniel sa ating Panginoong Diyos na dakila at puno ng habag. Siya ay nanalangin bilang kumakatawan sa bayang Israel na tinapon sa pagkakaalipin sa Babilonia. At alam ni Daniel na nangyari ito dahil sa hindi matapat na pamumuhay ng mga tao, lalung-lalo na ng mga prinsipe, saserdote, at hari ng Juda. Humuling siya sa Diyos ng awa at pagpapatawad dahil alam niya na ang kapwa niyang kababayan ay nagsisi rin. Ngunit alam din niya ang mabuti ang hari sa kanya, na hindi nitong hahayaang masaktan ang kanyang kababayan, ni hindi pilitin sila na tumalikod sa pananalangin sa Diyos. Kaya alam natin sa kasaysayan kung paanong ipinanumbalik ng Panginoong Diyos ang kanyang bayan. At ganun din ang pag-ukit ng isang tipan bilang pakikipagkasundo na tayo ang bayan niya, at siya ang ating Diyos.
Ang Ebanghelyo ngayon ay bahagi ng pangangaral ni Hesus sa kapatagan. Sa konteksto, itinuturo ni Hesus sa mga tao ang tungkol sa pagmamahal kahit sa mga itinuturing natin na mga kaaway. Ang dapat nating tugon sa mga taong nagkasala at gumawa ng masama sa atin ay palaging kabutihan. Ang hamon niya sa atin ngayon ay maging maawaain katulad ng pagiging maawain ng Diyos Ama sa lahat. Ito ang naging tema ng Di-pangkaraniwang Hubileyo ng Awa (2016), na ang ating pagkakaroon ng habag ay katulad dapat ng Diyos na palaging dakila sa kanyang pagkahabag. Kaya wala tayong mapapala sa paghihiganti o pagpapatol laban sa mga taong gumawa ng mga napakalaking kasalanan sa atin. Bilang mga Kristiyano, itinuturo sa atin ni Hesus ang pagpapanaig ng kabutihan at kagandahang-loob bilang ating sandata laban sa kasalanan. Mahirap nga sabihin natin na parang pinapahina tayo, ngunit hindi kailanma’y gawain ito ng mga mahihina o duwag na tao. Ito’y tungkulin natin bilang mga anak ng Diyos Ama upang maging mabuting halimbawa kung paano natin nilalabanan ang patuloy na umiiral na kasamaan sa iilan nating kapwa at paligid.
Mga kapatid, ang Kuwaresma ay panahon upang mas malalim pa nating kilalanin ang Diyos sa kanyang buong pagmamahal sa kabila ng lahat ng ating mga pagkakasala at pagkukulang sa buhay. Kaya ang panahong ito ay ginagawa nating makabuluhan sa pagtanggap sa kanyang pagpapatawad sa Sakramento ng Kumpisal. Ngunit kung nais nating mamunga pa ang ating debosyon ngayong Kuwaresma, matuto nawa tayong gumawa ng kabutihan kahit sa mga pagkakataong tayo ay pinag-iinitan, pinag-iinsultuhin, pinagtatawanan, pinapahanak, at pinaggawa ng anupamang mga pang-aalipusta. Ang pinakaehemplo ng dakilang awa ng Diyos ay ang ating Panginoong Hesukristo. Nawa sumunod tayo sa kanyang halimbawa na maging mahabagin, lalung-lalo na sa mga nagkasala sa atin.
Kung ano ang gusto mong gawin sa yo, gawin mo rin as iba. Alam ng Diyos ang mga bagay na ginagawa natin sa ating kapwa, mabuti man ito o masama. Walang lihim na hindi mabubunyag. Kaya nga magugulat ka na lamang sa mga biyayang ipagkakaloob sa iyo ng Diyos dahil sa iyong angking kabutihan. Sa bawat pagtulong natin sa ating kapwa ay may katumbas ito na kabutihan, ganun din sa kasamaan. Kaya nga huwag palipasin ang maghapong walang nagagawang kabutihan sa kapwa. Mag-impok ng kabutihan yan ang kayamanan natin sa langit.
Ang panahon ng kuwaresma ay panahon ng pagbabago- ng ating buhay ispirituwal . patuloy tayong humingi ng kapatawaran sa Diyos sa araw araw na mga kasalanan na ating nagagawa. Awa at biyaya ng Diyos ay patuloy na pinagkakaloob sa atin kaya karapt dapat lng na Siya ay papurihan, kilalaning ganap, at sundin ang kanyang utos- Magbalik loob sa Panginoon,laging bukas ang kanyang palad sa atin sa ka nyang walang hanggang pagmamahal.
PLEASE SHARE AND SUBSCRIBE
“SAINTSPOT” on Youtube
https://youtube.com/watch?v=mmAV8XGYF-s&si=EnSIkaIECMiOmarE
GOSPEL REFLECTION:
Kung ang hanap mo ay awa at kapatawaran sayong mga kasalanan, dapat kang mag-alok ng awa at pagpapatawad din. Kung tayo ay mapanghusga at mapaghatol, tayo rin ay hahatulan.
Itinuturo ni Hesus sa mga tao ang tungkol sa pagmamahal kahit sa mga itinuturing natin na mga kaaway. Ang dapat nating tugon sa mga taong nagkasala at gumawa ng masama sa atin ay palaging kabutihan. Ang hamon niya sa atin ngayon ay maging maawaain katulad ng pagiging maawain ng Diyos Ama sa lahat. Kayat hingin sa Diyos ang kanyang awa at kailangang maibahagi din ito sa iba.
Pagnilayan, ngayon, ang ating mga sariling kasalanan. Bigyan ng panahon na maunawaan kung gaano kalubha ang mga ito at kailangang talikuran ito.
Aking maawaing Hesus, maraming salamat at hindi nagmamaliw ang iyong awa. Tulungan mo akong makita ang aking mga kasalanan upang ito’y maihingi ko ng iyong awa. Nawa kaawaan mo ako at akin ding maibahagi sa iba. Handa akong maging instrumento mo ng iyong biyaya para sa iba.
Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
SEE YOU IN HEAVEN!
PAGNINILAY:
“Maging maawain kayo, gaya ng inyong Ama.”
Habang patuloy natin binabagtas ang apatnapung araw ng paghahanda sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus, ang Ebanghelyong sa araw na ito, tinatawagan tayo ni Hesus na tularan ang Diyos sa pagiging maawain, mapagpatawad, at mapagbigay. Ang awa ng Diyos ay hindi nasusukat sa lohika ng tao; ito ay masaganang ibinibigay sa lahat, anuman ang ating pagkukulang. Tayo ay hinahamon na huwag humusga, huwag magparusa, kundi magpatawad at magbigay—dahil kung ano ang ating ipinamamahagi, iyon din ang ating matatanggap.
Si San Ignacio de Loyola, tagapagtatag ng Society of Jesus (Jesuits), ay nagsulong ng malalim na espirituwal na buhay na nakasentro sa awa, pagbibigay, at paglilingkod nang walang hinihintay na kapalit—mga katangian na makikita sa Ebanghelyo ngayon.
1. “Maging Bukas-Palad” (Magis – Higit sa Lahat para sa Diyos)
Isa sa pinakamahalagang panalangin ni San Ignacio ay ang Panalangin ng Bukas-Palad, na nagpapakita ng diwa ng pagbibigay nang walang hinihintay na kapalit:
“Panginoon, turuan Mo akong maging bukas-palad. Turuan Mo akong maglingkod sa Iyo nang walang iniisip na gantimpala. Ibuhos ang sarili nang hindi naghahanap ng pahinga, Magsakripisyo nang hindi naghihintay ng gantimpala, Maliban sa kasiguraduhan na ginagawa ko ang Iyong kalooban.”
Ito ay may direktang koneksyon sa sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo: “Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan ng Diyos; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw ang ibibigay sa inyo.” (Lucas 6:38)
Tinuturuan tayo ni San Ignacio na ibigay ang ating sarili sa Diyos at sa kapwa nang walang hinihintay na kapalit, sapagkat sa paggawa nito, natutularan natin ang Diyos Ama na saganang nagbibigay ng Kanyang awa at biyaya.
2. Itinuro ni San Ignacio ang prinsipyo ng “Cura Personalis”, o ang personal na malasakit at pagmamahal sa kapwa. Ito ay sumasalamin sa paanyaya ni Hesus na huwag maging mapanghusga at mapanumbat, kundi maging maawain at mapagpatawad. “Ang pagpapakita ng awa ay hindi kahinaan, kundi lakas na nagpapakita ng tunay na pagmamahal sa Diyos at kapwa.”
Tulad ng itinuro ni Hesus, ang tunay na kabanalan ay hindi lamang sa pananalita kundi sa gawa—sa ating malasakit sa iba, sa pagpapatawad, at sa pagiging bukas-palad.
Pagninilay at Hamon sa Ating Buhay
1. Paano ko maisasabuhay ang pagiging bukas-palad sa aking pamilya, trabaho, at komunidad na aking pinaglilingkuran?
2. Mayroon ba akong mga hinanakit o paghusga sa iba na kailangang palitan ng awa at pagpapatawad?
3. Paano ko mas mapapalalim ang aking relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamalasakit at paglilingkod sa kapwa?
Manalangin tayo. Panginoon, turuan Mo akong maging bukas-palad tulad ng Iyong dakilang awa. Tulungan Mo akong magpatawad nang taos-puso, magmahal nang walang kondisyon, at maglingkod nang may kababaang-loob. Tulad ni San Ignacio, nawa’y makita Kita sa lahat ng bagay at sa lahat ng tao. Amen.