Lunes, Marso 10, 2025

March 10, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Kuwaresma
Lunes

Inihahayag ng Panginoon ang misteryo ng Kaharian ng Diyos sa mga taong buong pagmamahal na kumakalinga sa mga dukha at nagugutom. Idalangin natin na ang Kaharian ng Diyos ay maging tunay sa ating buhay.

Panginoon, dinggin Mo kami.
o kaya
Panginoon, loobin Mong mahalin
at paglingkuran ka namin sa aming kapwa.

Ang Simbahan nawa’y maging isang tahanan para sa mga naliligaw ng landas, ulila, mahihina, at bigo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mayayamang bansa nawa’y taimtim na magsagawa ng mga hakbang upang makatulong sa pag-unlad ng mahihirap na bansa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga napariwara at mga itinakwil ng lipunan nawa’y maakit sa Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng ating pagkakawanggawa, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa ating mga tahanan, lugar ng hanapbuhay, at sa pamayanang ating kinabibilangan nawa’y maipalaganap natin ang paghahari ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makapasok sa Kahariang inihanda para sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, nababatid namin ang iyong walang hanggang pag-ibig para sa lahat ng tao, kaya may pagtitiwalang inilalapit namin sa iyo ang aming mga kahilingan sa ngalan ni Jesu-Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez February 25, 2023 at 12:01 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang isa sa mga pinakamahalagang alintuntunin ng Kautusan ng Diyos: ang pagmamahal sa kapwa gaya ng pagmamahal sa sarili. Unang ipinasabi ng Diyos kay Moises na ipahayag sa mga Israelita na hindi dapat sila gumawa ng masama sa kapwang tao. Pangalawa niyang ipinagsabi na ipahayag sa kanila na sila dapat ay magmahal, at hindi maglabas ng sama ng loob sa bawat isa. Ang pagmamahal sa kapwa ay kaakibat sa pagmamahal sa Diyos nang binuod ni Hesus ang Sampung Utos. Magkasabay ang dalawang ito sa iisang dakilang utos, na hindi natin masasabing mahal natin ang Diyos kundi hindi natin mahal ang kapwa. Gayundin na hindi natin masasabi na mahal natin ang kapwa, kung hindi natin mahal ang Diyos at ang ating sarili. Pag-ibig ang siyang pagkakikilanlan natin bilang mga Kristiyano.

Ang Ebanghelyo ay isa sa mga napakalakas na talinghaga ni Hesus patungkol sa wakas ng panahon. Narinig natin ang basehan ng ating hantungan pagkatapos ng ating buhay sa daigdig. Sa Eskatolohiya, dalawa ang hukom na darating: (1) ang Partikular na mangyayari matapos ang pagpanaw ng bawat isa; at (2) ang Pangkalatahan na mangyayari sa katapusan ng mundo. Anumang kamatayan at paghuhukom na ating daraanan, iisa lang ang magiging basehan ni Kristo sa kanyang paghahatol sa atin: kung anong pag-ibig ang ipinadama natin dito sa lupa. Mahalaga ang mga panalangin, debosyon, at buhay na pagsamba sa Diyos bilang mga Kristiyanong Katoliko upang mapalapit tayo sa ating pananalig at pananampalataya sa kanya. Subalit ang hahanapin ng Panginoon sa atin ay kung paano natin ginawa sa kanya ang ginawa natin sa ating kapwa. Kaya nga sa ating katesismo, alam nating mayroong 14 Gawain ng Awa: 7 na Korporal (na iilang halimbawa ay binanggit sa Ebanghelyo) & 7 na Espirituwal. Anumang gawin natin sa kapwa at bawat isa, ito rin ang siyang ginagawa natin sa Diyos. Kahit tayo ay gumawa ng kasalanan, pagkukulang man o pagkakasala, nararamdaman din niya ang sakit ng ating dinala sa kanya. Kaya nga habang tayo ay namumuhay, gawin nating makabuluhan ang ating pananampalataya sa Panginoong Diyos at sa kanyang Anak na si Hesukristo, ang Dakilang Hukom, sa pamamagitan ng pagpapadama ng pag-ibig, lalung-lalo na sa pagiging maawain at mapagmalasakit sa mga pisikal at espirituwal na pangangailangan ng ibang tao. Maraming mga Santo ang nakilala ang mukha ng Diyos sa mga abang tao na nakikita nila sa kanilang mga paligid, at sa pamamagitan ng kanilang paglilingkod at pagkakawang-gawa, nakita rito ang kanilang kabanalan sa pamumuhay.

Ngayong Kuwaresma, hilingan natin sa Diyos na ipadama natin ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagiging instrumento ng habag at malasakit sa kapwa, hindi lang sa mga taong kilala natin, kundi sa mga taong nakakasalamuha natin sa ating araw-araw na pamumuhay.

Reply

SAINSPOT February 26, 2023 at 8:07 pm

Please SHARE & SUBSCRIBE
“SAINTSPOT” on Youtube

GOSPEL REFLECTION:
Kung minsan, habang naglalakbay tayo sa buhay, nalilimutan natin ang maluwalhating araw ng pagbabalik ni Hesus. Kapag iniisip natin ang Diyos at Langit, madaling mahulog sa pagpapalagay na ang Langit ay garantisado at swak na swak na tayo doon.

Ngunit hindi ganito ang paglalarawan ni Hesus sa Araw ng Paghuhukom. Ipinaliwanag ni Jesus na sa panahon ng paghuhukom, ang mga matuwid ay yung mga nagpahalaga sa mga nagugutom, nauuhaw, estranghero, hubad, may sakit at o nakakulong dahil ito isang pagpapadama ng pag-ibig sa Diyos. Ito’y salita mismo ni Hesus, malaman, malinaw at tiyak.

Sa iyong buhay, sino itong “mga pinakamababa” na tinutukoy ni Jesus? Ang mga nagugutom at nauuhaw ay hindi lamang ang mga may pisikal na pangangailangan kundi pati na rin ang mga may espirituwal na pangangailangan. Sila ang mga nawawala o nalilito sa buhay na kailangang bigyan ng direksyon. Ang estranghero ay maaaring sinumang malungkot at madaling hindi pinapansin. Ang mga hubad ay maaaring yaong hindi kayang pangalagaan ang kanilang mga pangangailangan. Ang may sakit ay maaaring ang mga matatanda na o nagdurusa sa iba’t ibang paraan. At maaaring kabilang sa mga nakakulong ang mga nakagapos ng kasalanan na nangangailangan ng tulong upang mapalaya.

Eto ang hamon ng Diyos sa atin, huwag magkulang na hanapin ang ating Panginoon dahil Siya ay nasa paligid mo lamang.

Pagnilayan, ngayon, meron bang mga taong tila naliligaw at higit na nangangailangan ng iyong habag. Ang mga hindi natin gustong abutin ay yaong kadalasang nangangailangan ng ating habag at awa. Ang mga “pinakamaliit” ay kadalasan ang ating hinuhusgahan, hinahatulan o binabalewala. Alalahanin ang taong tila hindi karapat-dapat sa iyong pagmamahal ay doon sa kalooban nila nabubuhay si Hesus, naghihintay na mahalin mo Siya sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanila.

Maawaing Hesus, dakila ang Iyong habag at totoo ang Iyong paghatol. Tulungan Mo akong laging panatilihin ang aking isipan sa huli at maluwalhating araw ng iyong pagbabalik. Ikaw ay babalik sa lahat ng Iyong karilagan at kaluwalhatian upang hatulan ang mga buhay at ang mga patay. Nawa’y tunay kong pakinggan ang Iyong mga salita at makapaghanda para sa araw na iyon sa pamamagitan ng pagmamahal sa Iyo sa lahat ng tao, lalo na sa mga higit na nangangailangan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Mikesendon February 27, 2023 at 3:11 pm

Panawagan sa Kabanalan

Please like, follow and share my website mikesendon.com and fb page sparksofwisdom

Gospel Reflection:
Marami tayong napapanood at naririnig ngayon lalo na social media tungol sa tema ng pananagumpay sa buhay. Mga pagtalakay paano magiging sucessful sa ating career, sa negosyo, sa pamilya sa relationship.

Pero ang panawagan ba sa atin ng Diyos ay maging successful?

Ang sabi ni Saint Mother Theresa, “we are not called to be successful but to be faithful”

Our success is God’s business. Ang ating pananagumpay ay ating matatamo basta sundin natin ang kalooban at ipinagagawa ng Diyos.

Ang buhay na nakabatay sa kalooban ng Diyos ay mananagumpay ng lubos. Ang pag-unlad ay kasama sa pangako ng Diyos sa mga taong gumagawa ng tapat sa kanya. Hindi man sa panahon na ito subalit hindi nakakalimot ang Diyos

Ang itinuturo ng mundo ay paano iaangat ang sarili mula sa karamihan. Ang magtagumpay, umasenso at umangat kesa sa iba. Mabuti lahat yan.

Pero ang itinuturo ng Panginoon sa atin ay iba. Sa unang pagbasa sa Levitico, ipinagutos ni Yahweh na sabihin sa bayan ng Israel na sila ay magpakabanal sapagkat siyang si Yahweh ay banal. Huwag magnanakaw, huwag kayong hahatol sa kapwa, huwag mandadaya sa iba pa…

Hindi naman sinabi ni Yahweh sa kanila na kayo ay magsikap na maging mananagumpay sa buhay bagkus paanyaya na maging sensitibo at unahin ang pagmamahal at pangangailangan ng iba. Pagmamahal sa Diyos at sa kapawa.

Makikita natin na may kalakip na pangakong pananagumpay ang utos ni Yahweh sa bawat katapatan ng pagsunod sa kanyang kalooban.

Sa Gospel ngayon, nakatuon pa din ang parabola patungkol sa pagmamahal sa kapwa. Anuman ang gawin natin sa pinakaaba nating kapatid o kapwa ay ginagawa natin sa Kanya.

Pagdating ng panahon, di naman tatanungin kung gaano kadami pera mo sa bangko, gaano kalaki investment mo, o kadami ang sasakyan mo o negosyo mo. Gaano ka ba kasikat o gaano kadami followers mo.

Kahit gaano ka kagaling magturo, umawit, magpatakbo ng negosyo hindi naman yun ang batayan sapagkat sa bandang huli ay ihihiwalay ang kambing at tupa at sasalain ayun sa ating mga ginawa.

Hindi masama na tayo ay magtagumpay at umunlad sa buhay na ito. Ang tanong, ano ang ginawa natin sa mga pinakaaba nating mga kapatid?

Gamitin nating kasangkapan ang ating pag-unlad at biyayang tinatamasa malaki man o maliit upang mas lalo pa nating maiangat at matulungan ang mga nangangailangan.

We cannot give what we don’t have but I believe that there is always something we can give because everyone of us are blessed. It will not be gauge on the quantity but on the quality of service we offer.

Aanhin mo naman laki ng sahod mo kung puro travel lang inaatupag natin. Baka kapusin tayo ng pamasahe papuntang langit.

Si Hesus ay abot kamay natin at nasa paligid sa katauhan ng mga taong aba, may-sakit, nakakulong, nauuhaw, nagugutom, biktima ng karahasan, mga nasalanta…

Ngayong kuwaresma, katagpuin natin si Hesus sa katauhan ng ating kapwa na higit na nangangailangan.

Ang gawaing kabanalan ay di kumplikado kung hahanapin natin lagi si Kristo sa ating kapwa.

Reply

Mel Mendoza March 9, 2025 at 11:42 pm

PAGNINILAY:

Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa huling paghuhukom, kung saan ilalagay ni Kristo ang mabubuti sa Kanyang kanan at ang masasama sa Kanyang kaliwa. Dito ipinapakita ang malinaw na pamantayan ng Diyos sa Kanyang paghuhusga: ang pagmamalasakit at habag natin sa ating kapwa. Binibigyan diin ng Ebanghelyo ang katangian ng pagiging Kristiyano at ang kahalagahan 7 Gawa ng Awa (7 Corporal Acts of Mercy) at 7 Gawang Espirituwal ng Awa(7 Spiritual Works of Mercy) bilang panukat sa huling paghuhukom.

“Ano man ang ginawa ninyo sa pinakahamak sa aking mga kapatid, ito ay ginawa ninyo sa akin.” Ang linyang ito ay ang panuntunan sa “Five Fingers Gospel of St. Mother Theresa of Calcutta” – isang matinding paalala na ang ating pananampalataya ay hindi lang tungkol sa pananalita kundi sa gawa. Ang tunay na Kristiyanismo ay nasusukat sa ating konkretong pagmamahal sa nangangailangan: ang nagugutom, nauuhaw, walang matirhan, may sakit, bilanggo, at dayuhan.

Sa ating pang-araw-araw na buhay, tinatawag tayong maging mapagmalasakit sa ating kapwa. Hindi kailangang malalaking bagay ang ating gawin. Minsan, isang simpleng ngiti, pakikinig, o maliit na tulong ang maaaring maging instrumento ng Diyos upang ipadama ang Kanyang pag-ibig sa iba.

Ngayong panahon ng Kuwaresma, ito ay isang paanyaya sa atin na suriin ang ating sarili: Tumutugon ba tayo sa pangangailangan ng ating kapwa? Naipapakita ba natin ang awa at habag ng Diyos sa iba?

Nawa’y hindi lamang tayo maging tagapakinig ng Mabuting Balita kundi tunay na maging tagasunod ni Kristo sa pamamagitan ng ating gawa ng pagmamahal.

Manalangin tayo. Panginoon, bigyan Mo kami ng pusong mahabagin at mapagmalasakit. Turuan Mo kaming makita Ka sa mukha ng aming kapwa, lalo na sa mga nangangailangan. Nawa’y maging tapat kaming lingkod mo na magpatuloy ng Iyong misyon sa pamamagitan ng aming mga gawa ng may malaking pag-ibig sa aming kapwa. Amen.

Reply

Byahe ni Juan March 10, 2025 at 7:49 pm

Nagpapasalamat sa Panginoon sa Kanyang walang hanggang habag.
Sa panahon ngayon ng pagtitika heto ako at nagpapatukso sa tawag na mundo.
Hiling ko na ako’y inyong isama sa inyong mga dasal na ako ay bigyan ng kalakasan na labanan ang mga tawag na ito ng kamunduhan.
Hindi dahilan ang kahirapan ng buhay upang magpalinlang sa makamundong nasa.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: