Miyerkules, Marso 5, 2025

March 5, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Miyerkules ng Abo
Patnubay sa Misa

Sa pagsisimula natin ng Panahon ng Kuwaresma, alalahanin natin ang ating mga kapintasa’t pagkukulang, ang karahasan ng tukso, at ang pangangailangan natin sa tulong ng Diyos. Manalangin tayong:

Baguhin Mo ang aming puso, O Panginoon!

Upang ang Simbahan ay walang takot na manawagan sa lahat para sa pagbabalik-loob at mag-akay sa kanila sa pamamagitan ng kanyang halimbawa, manalangin tayo sa Panginoon!

Upang lahat ng ating mga pinunong pang simbahan at pambayan ay magdulot ng inspirasyon sa pamamagitan ng kanilang kababaang-loob, kalinisan, at katapatan, malangin tayo sa Panginoon!

Upang lahat ng mga magulang, guro, at katekista ay makapagpunla sa kabataan ng katapatan sa tungkulin na hatid ng layuning matuwid at marangal, manalangin tayo sa Panginoon!

Upang lahat ng nang-aapi sa kapwa sa pamamagitan ng kanilang kapusukan, kasakiman, at kalupitan ay magtigil na sa kanilang masasamang gawi at matutong gumalang at magmahal sa kanilang kapwa, manalangin tayo sa Panginoon!

Upang lahat tayo’y magsimula sa Kuwaresmang ito nang buong kababaang-loob, nagsisisi sa ating mga kasalanan, at may kapasiyahang magbagong- buhay, manalangin tayo sa Panginoon!

Upang ang lahat ng pamilyang hindi nagkakasundo ay makatagpo ng lunas sa kanilang mga sugat sa
pamamagitan ng kapatawaran, pagtuklas sa yamang panloob na taglay ng bawa’t isa, sa kabila ng kanilang nagkakaibang pananaw, manalangin tayo!

Panginoong Diyos, sa Iyo’y dumudulog kaming nagsisisi sa aming mga kasalanan at tapat na naghahangad ng pagbabago sa puso at isipan. Nawa ang aming buhay ay tuwinang maging pagbibigay-puri sa Iyo. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 22, 2020 at 6:22 pm

Pagninilay: Ngayon ay sinisimulan natin ang 40-araw ng paghahanda para sa paggunita ng Misteryong Paskwal ng ating Panginoong Hesukristo, at ito’y tinatawag na Kuwaresma. At ang Panahon ng Kuwaresma ay palaging nagsisimula sa Miyerkules ng Abo. Ngayong araw na ito, tila nga ba’y ito ang pinakamaraming taong nagsisimba sa kani-kanilang parokya’t kapilya. Ang mga abo’y ipapahid sa ating mga noo ay nagmula sa mga sinunog na palaspas at binasbasan ng banal na tubig. Sinisimbolo ng mga abong ito ang ating pagiging tao na may hangganan ang ating buhay sa mundong ito. Kaya sinasabi sa Genesis 3:19 ay tayo ay nagmula sa alikabok at diyan din tayong babalik. Parang sa unang tingin ay nakakatakot ito, ngunit ang mangyayari sa atin matapos ang ating kamatayan ay bagong buhay sa kaluwalhatian kasama ang ating Paninoon. Kaya kapag tayo’y papahiran ng abo sa ating mga noo ngayon, alalahanin natin ang paanyaya ni Hesus sa Marcos 1:15 na tayo’y magsisi at magbalik-loob sa Diyos, at sumampalataya sa Mabuting Balita. At ngayong Panahon ng Kuwaresma, 3 gawain ang ipinapaalala sa atin: (1) Ang Pag-aayuno (kasama ang Pangingilin), (2) Ang Panalangin, at (3) Ang Paglilimos. At si Hesus ay nagbigay ng isang matuwid na paalala na gawin natin ang mga ito hindi upang magyabang na tingin natin sa ibang tao na mas matuwid pa tayo, kundi kusang loob nang may kababaan ng kalooban na tayo’y nag-aayuno/nangingilan, nananalangin, at naglilimos upang mas maging matatag ang ating relasyon sa Diyos at kapwa tao. Kaya nawa sa pagsisimula ng Panahon ng Kuwaresma, gawin nating makabuluhan ang 40 araw na ito sa tunay na pagsisisi, pagbabalik-loob, pagsasakripisyo, at paggawa ng kabutihan.

Reply

SAINTSPOT February 22, 2023 at 5:26 am

Please SHARE & SUBSCRIBE
https://youtube.com/watch?v=PnOpATQFfpA&si=EnSIkaIECMiOmarE

Gospel Reflection:
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit” Mateo 6:1

Ang isang bagay na nagbibigay sa atin ng makamundong kasiyahan ay ang papuri ng publiko. Madalas gusto nating mapansin tayo ng iba sa mga nagawa natin at sumasaya tayo kapag marami tayong likes at good comments sa social media.

Binabalaan tayo ng Ebanghelyo ngayon na ang paghahanap ng papuri ng tao ay magreresulta sa pagkawala ng kabayaran mula sa Ama sa Langit. Ang pagbibigay ng limos, pag-aayuno at pagdarasal ay pinakamabuting gawin nang lihim upang “ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ay gagantihan ka.”

Pagnilayan, ngayon, ang simpleng katotohanan na ninanais ng Diyos na lumapit sa iyo ngayong panahon ng kuwaresma sa isang patago at palihim na paraan. Nais Niyang ihayag ang Kanyang pagmamahal sa iyo, nang personal. Hindi para ipagyabang mo sa lahat kung gaano ka kabanal. Ngunit upang malaman sa ikaibuturan ng iyong puso kung gaano ka kamahal ng Diyos. Kung sa gayo’y, magagawa rin ng Diyos na hawakan ang iba sa pamamagitan mo sa mga paraan na hindi mo naiintindihan.

Aking Panginoong Hesus, nais Mong lumapit sa akin ng palihim at ihayag sa akin ang iyong pag-ibig. Nawa’y makilala kita araw-araw at lumago nang higit pa sa isang malalim na relasyon sa Iyo. Sa paglapit Mo sa akin ngayong Kuwaresma, gamitin mo rin ako ng palihim sa iyong pamamaraan upang maging instrumento ng Iyong pagmamahal sa kapwa. Lahat ng papuri at luwalhati sa Iyo, O Panginoon.
Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Josephine C Hawkins February 23, 2023 at 2:26 am

Salamat sa napakagandang gospel reflection, Naway isa puso at isa isip nating lahat ito. Panginoon kami po ay tulungan mong maisakatuparan ang mga ito. I bless po Ninyo ang mga authors and writers upang ipagpatuloy nila ang kanilang mga gawain sa tulong ng Inyong gabay.

Reply

Mel Mendoza March 2, 2025 at 11:41 pm

PAGNINILAY:

Sa araw na ito ay ipinagdiriwang ng ating Simbahan ang Miyerkules ng Abo.
Ang abo na ipinapahid sa ating noo ay tanda ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Ipinapaalala nito sa atin ang ating pagiging alabok at ang pangangailangang magsisi at manumbalik sa Diyos. Ang mga salitang binibigkas ng pari sa pagpapahid ng abo ay isang hamon para sa ating lahat: “Magsisi kayo at maniwala sa Mabuting Balita” o “Alalahanin mong ikaw ay alabok, at sa alabok ka babalik.”

Sa araw ding ito ay ang simula ng Panahon ng Kuwaresma, ang panahon hindi lamang ng pagsasakripisyo kundi isang pagkakataon ng paghahanda upang ayusin ang ating buhay espirituwal- paghahanda para sa Misteryo ng Paskuwal, ang pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Kristo—ang pinakasentro ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Ang Kuwaresma ay isang panawagan sa pagsisisi, pagkakawanggawa, pananalangin, pag-aayuno, upang ihanda ang ating puso at espiritu sa Mahal na mga Araw hanggang sa pagdiriwang ng Linggo Pasko ng Pagkabuhay.

Ito ay panahon ng tahimik na pakikipagtagpo sa Diyos sa panalangin, ng pagbibigay sa nangangailangan, at ng pagsasakripisyo hindi para sa pansariling kapurihan kundi upang maluwalhati at mas mapalapit tayo sa Diyos.

Sa pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma tayo ay inaanyayahan ng Ebanghelyo na lumalim sa tatlong pangunahing haligi ng ating espirituwal na buhay: pagkakawanggawa, pananalangin, at pag-aayuno. Ang Ebanghelyo ngayon mula sa Mateo (Mat.6, 1-6. 16-18) ay malinaw na nagtuturo sa atin kung paano dapat isagawa ng tamang pamamaraan ang mga ito—hindi para sa papuri ng tao kundi para sa ikaluluwalhati lamang ng Diyos.

Ang bukal sa loob ng pagkakawanggawa. Ang pagbibigay at pagtulong sa kapwa ay dapat gawin nang may pusong bukal sa loob, hindi upang mapansin at purihin ng iba. Ito ay hindi nalimitahan sa pera kundi ang mag-abot ng awa’t habag sa iba. Ang simpleng pagpapakita ng habag at gawa ng pagpapatawad ay Isang pamamaraan ng pagkakawangga. Sinabi ni Hesus: “Kaya’t kapag nagbibigay ka sa mga dukha, huwag mo nang ipahayag ito tulad ng ginagawa ng mga mapagkunwari—ginagawa nila ito sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang purihin ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.” (Mateo 6:2)

Sinasabi din sa Ebanghelyo ang wastong mapamaraan ng pananalangin. Hindi natin kailangang ipakita sa publiko ang ating kabanalan sa pamamagitan ng mahabang panalangin na may layuning mapansin ng iba. Sa halip, sinabi ni Hesus na manalangin tayo sa lihim, sa isang tahimik na lugar, at ang ating Ama sa langit ang gagantimpala sa atin. Ang pananalangin nang may katapatan lalo na sa nakagawa sa atin ng masama at sa mga nangangailangan ng paghilom, ito ay nagbubunga ng mas malalim na ugnayan sa Diyos.

Ang panghuli ay tunay na diwa ng pag-aayuno. Ang pag-aayuno ay hindi lamang tungkol sa hindi pagkain o pagliban ng ilang uri ng pagkain kundi isang paraan upang itanggi ang ating sarili at ituon ang ating puso sa Diyos. Hindi ito dapat gawin upang ipakita sa iba na tayo ay banal o nagsa-sakripisyo. Sinabi ni Hesus: “Kapag kayo’y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi nila hinuhugasan ang kanilang mukha upang makita ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.” (Mateo 6:16)

Ngayong Miyerkules ng Abo, nawa’y tunay tayong magsisi, magbago ng puso, at isabuhay ang tatlong haliging itinuro ni Hesus—pagkakawanggawa, pananalangin, pag-aayuno—nang may katapatan at kababaang-loob.

Manalangin tayo. Ama, sa simula ng Kuwaresma, linisin mo ang aming puso. Turuan mo kaming magdasal nang may katapatan, mag-ayuno nang may kagalakan, at magbahagi nang may pagmamahal, pakundangan sa pagpapakasakit at kamatayan mo sa Krus upang kami ay maging tunay na marapat na makinabang sa muli mong pagkabuhay. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: