Huwebes, Pebrero 27, 2025

February 27, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Manalangin tayo ngayon sa Diyos Ama para sa kaliwanagan ng ating isip at diwa habang ating inilalahad sa kanya ang mga pangangailangan ng hindi buo at hiwa-hiwalay na daigdig.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, umaasa kami sa Iyo.

Ang banal na sambayanan ng Diyos nawa’y manatiling matatag sa pakikibaka laban sa iba’t ibang kasamaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang lahat ng mga tao nawa’y patuloy na magsumikap sa pagharap sa mga pagsubok at pagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga ari-arian nawa’y huwag nating hayaang umakay sa atin sa kawalan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng lahat at kasiyahan mula sa mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga mahal na yumao nawa’y makatagpo ng walang hanggang kapahingahan, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Ama, humihingi ng katapangan sa pananampalataya ang bayang iyong tinawag na sumunod sa iyong Anak na inilalahad ang kanilang pangangailangan sa iyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 25, 2019 at 11:57 pm

Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ngayon ay isang matuwid na paalala ni Sirac tungkol sa mga bagay na lilipas sa ating mundo at mga bagay na kailangan nating gawin na hindi lang basta ginagamit ang Diyos bilang palusot na hindi tayo’y magsisikap kuno. Alam po natin na maraming kayamanan at ari-arian ay naging bahagi na ng ating pamumuhay dahil na rin sa ating kasipagan na makamit ang mga bagay na ito. Subalit ang pinupunto dito ay sa kabila ng ating mga pangangailangan at kagustuhan sa materyal na bagay, dapat tayo ay patuloy na magtiwala at sumampalataya sa Panginoong Diyos. Ngunit hindi dapat umabot sa punto na palagi na lang “bahala ang Diyos” na ating ilulusutan. Ito’y isang maling pag-iisip kung inaasta natin ang lahat ng pangyayari sa kanya na hindi tayo mismo’y gumagawa, hindi makabuluhan ang ating pananalig sa kanya. Kaya ang tunay na mananampalataya ay umaasa sa Panginoon at ganun rin ay namumuhay nang matuwid at gumagawa ng kabutihan sa kapwa. Kaya ang Ebanghelyo ngayon ay isang babala ni Hesus tungkol sa mga iskandalo na maaring tayo’y mahulog sa pagkakasala. Ang isang iskandalo ay hindi kanais-nais na pangyayari kung ang taong malapit sa iyo o kaya ay bahagi ng iyong grupo ay nakagawa ng isang nakakahiyang kasalanan. At madalas ang bunga ng mga iskandalo ay pagsisira ng reputasyon ng indibidwal o kaya ng isang samahan. Kaya si Hesus ay nagbabala sa mga manunukso sa ibang tao na gumawa ng masama, mas mabuti pa raw kung tatanggalin natin ang ating mga mata, kamay, at paa. Ngunit hindi literal ang pagpuputol ng mga bahagi ng katawan, bagkus ang punto ni Hesus ay ang pag-iiwas sa mga tuksong maaring ilagay tayo sa paggawa ng kasalanan. Marahil maraming Katoliko ngayon ay nakarinig ng mga balita tungkol sa sekswal na pang-aabuso ng iilang Pari. Kaya nitong mga nakaraang araw, idinaos ang isang pulong sa Vatikano upang pag-usapan ang pagproprotekta sa mga kabataan at pati na rin ang mga biktima ng panghahalay ng iilang taong nasa larangan ng relihiyon. Makikita natin na ito ay isang laganap na iskandalo na hinaharap ng ating Simbahan. Pero bilang tao lamang, ang buong sambayanan ng Diyos ay may tungkulin at karapatang ipagdasal ang bawat miyembro ng ating pananampalataya, at gayun din ang ating Santo Papa, Obispo, mga Pari, Diyakono, madre, at iba pang relihiyoso’t relihiyosa. Bagamat mayroon tayong kanya-kanyang kahinaan na minsan hindi tayo’y nagiging mga mabuting Katoliko, patuloy tayong lumakad sa grasya ng Panginoon habang ipinapagdasal natin ang ating mga pastol, namumuno, at tayong mga ordinaryong Laiko.

Reply

Aida Ramirez February 28, 2019 at 5:43 am

PINUPURI KA NAMIN PANGINOONG HESUKRISTO.
Salamat sa pagbasa at mabuting balita at sa pagninilay.
Malaking tulong upang maging gabay natin sa pang araw araw na pamumuhay at patuloy na paalala sa ating lahat para sa mga tamang hakbang dito sa mundong ibabaw .

Reply

Marilyn Quiminiano Castillo February 28, 2019 at 6:04 am

Purihin ang Diyos. Salamat po sa inyong kapahayagan ng mga pagbasa at mabuting balita. Inspirasyon po namin ang lahat ng ito .at sa pagni ilay n nagpapalaim pra maunwaan amg mensahesa araw-araw at nawa’y maisabuhay ko po ito st maishare din sa kapurihan ng Kanyang Pangalan Panginoong Hesukristo.

Reply

Melba G. De Asis February 28, 2019 at 7:34 am

Marami o halos lahat tayo ay naghahangad ng kayamanan, ngunit nawa’y huwag itong maging sanhi ng ating pagkakasala at pagkahiwalay sa Panginoon. Magandang ang kayamanan ay makamit natin sa mabuting paraan ngunit marami ay gumagamit ng panlalamang o panloloko at mga taliwas na pamamaraan para lamang yumaman. Dapat nating pahalagahan ang mga paalala at turo ng Panginoon, na hangarin natin na maging mabuti at huwag gumawa ng masama at alisin natin sa ating puso at pag-iisip ang mga masasamang gawain at ang gawin natin ay ang mga magagandang bagay na ikalulugod ng Panginoon. Aanhin natin ang kayamanan na nanggaling naman sa masamang gawain at panlalamang. Ang tunay na kayamanan ay ang katahimikan sa ating puso at pag-iisip. Maraming salamat Panginoon sa mabuting salita at turo Mo na palagi naming gabay sa aming mga buhay. Salamat Panginoon sa kabutihan Mo. Amen

Reply

Mel Mendoza February 26, 2025 at 11:35 am

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyo ngayon, binibigyang-diin ni Hesus ang kahalagahan ng pagiging tapat sa Kanya at sa Kanyang misyon. Sinasabi Niyang kahit isang simpleng gawa ng kabutihan, tulad ng pagbibigay ng isang basong tubig sa Kanyang mga alagad, ay may gantimpala mula sa Diyos. Ngunit kasabay nito, matindi rin ang Kanyang babala laban sa pagiging sanhi ng pagkakasala ng iba, lalo na ng mga mahihina pa ang pananampalataya.

Isa sa pinakamahalagang aral ng Ebanghelyo ay ang radikal na panawagan ni Hesus sa kabanalan. Sinabi Niyang kung ang isang bahagi ng ating katawan ay nagiging sanhi ng ating pagkakasala, binabalaan tayong talikuran ito kaysa manatili sa kasalanan at mapunta sa kapahamakan. Bagamat hindi ito literal na hinihiling ni Hesus, ipinapakita nito kung gaano kaseryoso ang dapat nating pagiwas sa kasalanan—dapat itong itakwil at putulin mula sa ating buhay.
Ang mensaheng ito ay isang paanyaya sa atin na suriin ang ating sarili: Mayroon bang mga gawi, relasyon, o pag-uugali sa ating buhay na humahadlang sa atin upang lubos na makasunod kay Kristo? Handa ba tayong isuko ito para sa mas dakilang biyaya ng buhay na walang hanggan?

Sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni Sirak, tinutuligsa ang pagpapabaya sa Diyos at ang maling pagtitiwala sa yaman at kasaganaan. Pinapaalalahanan tayo na iwasan at itakwil ang kasalanan at huwag ipagpaliban ang pagbabalik-loob sa Panginoon. Sinasabi nito na ang awa ng Diyos ay dakila, ngunit huwag nating abusuhin ito sa pamamagitan ng patuloy na paggawa ng masama.

Ang paalalang ito ay may kaugnayan sa Ebanghelyo dahil kapwa tayong tinatawagan ng Diyos na maging tapat sa ating pananampalataya. Huwag nating ipagpaliban ang pagsisisi, sapagkat hindi natin alam ang takdang panahon ng ating buhay. Sa halip, tayo ay hinahamon na mamuhay nang may takot sa Diyos at maging masigasig sa paggawa ng kabutihan.

Ang parehong pagbasa ay nagtuturo sa atin ng pagsisisi, pag-iwas sa kasalanan, at pagsunod nang buo kay Kristo. Huwag tayong maging kampante lang sa ating pananampalataya, kundi dapat nating pagsikapang maging dalisay ang ating puso at isabuhay ito.

Ngayong araw, tanungin natin ang ating sarili:
1. Ano ang mga bagay sa aking buhay na kailangang “putulin” upang mas mapalapit ako sa Diyos?
2. May mga kasalanan ba akong patuloy na ipinagpapaliban ang pagsisisi?
3. Paano ko maipapakita sa iba ang isang buhay na tunay na naka-ugat sa kabutihan at pag-ibig ni Kristo?

Manalangin tayo. Panginoon, bigyan Mo po kami ng pusong masunurin sa Iyong kalooban. Tulungan Mo kaming iwanan ang anumang humahadlang sa aming kabanalan. Turuan Mo kaming magsisi at patuloy na lumapit sa Iyong awa. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: