Biyernes, Pebrero 21, 2025

February 21, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Manalangin tayo sa Ama sa Langit upang masundan natin si Jesus, ang kanyang Anak, at matularan siya nang lubos.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, palakasin Mo kaming makasunod sa Iyong anak.

Ang Bayan ng Diyos nawa’y yakapin ang krus ni Kristo at maging mga buhay na mensahe ng pag-asa sa mga taong ipinagkatiwalang mapasaating pangangalaga, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng ating bansa nawa’y marinig nila ang mga daing ng ating mga kababayan lalo na yaong mga nagdurusa dahil sa kawalan ng katarungan, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y maging mga karapat-dapat na katuwang ng mga taong nabibigatan sa kanilang dinadalang krus sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng kasiyahan at kalakasang espiritwal sa pamamagitan ng ating pagkalinga at pangangalaga, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makapahinga sa kapayapaan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Ama, nawa’y mabanaagan sa aming buhay at sa aming pagkalinga sa pangangailangan ng iba ang lahat ng aming pagsisikap na sumunod kay Jesus. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez February 16, 2023 at 6:27 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang pagsasalaysay sa tanyag na kwento ng Torre ni Babel. Nangyari ito noong panahong ang mga tao’y nagkakaisa sa isang wika at pananalita. Subalit napasok sa isip ng mga tao na gumawa ng isang mataas na hakbang patungo sa langit, upang maabutan nila ang Diyos. Kaya’t nagpasya sila na gumawa ng isang torre sa pundasyon ng Shinar, isang torreng kung saan maaabutan nila ang langit. Ngunit nakita ng Diyos kung paano naging mapagmataas ang kanilang damdamin at kalooban. Kaya’t pinalito niya ang kanilang pananalita, nang sa gayon ay hindi sila magkakaintidihan. At tinawag nga ang torreng ito bilang “Babel” dahil ito’y hindi natapos nang magkalituhan ang kanilang pananalita. At sinasabi dito na kumalat ang bawat tao sa bawat haligi ng daigdig.

Ang kwento ng Torre ni Babel ay pahayag kung paanong kumalat ang mga tao sa bawat mundo dahil sa hinding pagkaintindi ng tao sa kanilang pananalita at wika. Subalit makikita natin sa kasayasayan ng kaligtasan kung paanong niloob ng Diyos ang kaligtasan ng tao. Noong una, pinaniniwalaan ng mga Hudyo na tanging sila lamang na sumasampalataya sa tunay na Diyos ang maliligtas, at ang sinumang taong hindi sumasampalataya at gumagawa ng mga paganong bagay ay hindi maililigtas. Subalit nakita natin sa katauhan at pangangaral ni Hesus ang pahayag na ang Diyos ay para sa lahat, maging Hudyo man o Hentil, kung ang isang tao ay tunay na sumasampalataya at mayroong mabuting kalooban. Kaya nga ang mga Apostol na siyang pundasyon ng Simbahang Katolika ay naipalaganap noong nagsimula mangaral sila matapos ang pagbaba ng Espiritu Santo noong araw ng Pentekostes. At magpahanggang ngayon, patuloy ang misyon ng Simbahang ito, alang-alang sa sinabi ng Salmo na tunay na mapalad tayong Sambayanang ng Diyos na kanyang ibinukod.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang karugtong ng Ebanghelyo kahapon, na matapos ipahayag ni San Pedro na si Hesus ay ang Kristo, Anak ng Diyos, at matapos ipagsabi ni Kristo sa kanyang mga alagad tungkol sa kanyang Misteryong Paskwal na bagamat pilit na pinipigilan ni San Pedrong hindi pa nauunawaan ang kalooban ng Diyos Ama, agad pinatipon ni Hesus ang ibang tao kasama ang mga alagad upang magbigay ng paalala tungkol sa pagiging tunay na alagad niya. At ang pagiging tunay na alagad niya ay nakikita sa paglimot sa sarili, pagpasan ng krus, at pagsunod sa kanya. Mahirap para sa isang tao ang magdusa at dumaan sa mga pagsubok na parang gusto na niyang sumuko. Parang parusa ng Diyos ang tingin ng isang tao pag siya’y nahihirapan sa buhay. Subalit binubuksan ni Hesus ang mga puso’t isipan ng mga tao na bagamat ang pagdurusa ay bunga ng Kasalanang minana mula kina Adan at Eva, ito naman ay naging bahagi ng buhay ng sinumang tao upang ipaalala sa atin na sa dulo ng ating mga pagsubok ay mayroong naghihintay na kaginhawaan at pagpapahinga. Hindi ba’t ito yung ating karanasan tuwing tayo’y napapagod araw-araw, na binibigyan natin ang ating sarili ng panahon upang magpahinga? Ganun din ang buhay ng Kristiyano na ang pagdanas natin ng mga “krus” ng ating buhay ay magdudulot din ng kaginhawaan sa huli. At dahil ang ating buhay ay nakasentro kay Kristo, ginugunita natin kung paano siya na ang nauna sa atin nang dumanas ng mga paghihirap at pinasan ang isang malaking Krus patungo sa Kalbaryo upang maipako diyan. Ngunit sa kanyang pagtampok sa Krus na Banal, ipinamamalas niya ang kapanagyarihan ng Diyos Ama na naghangad ng ating kaligtasan. Hindi nanaig ang Kamatayan sapagkat siya’y muling nabuhay at nagtagumpay laban sa kasalanan at kamatayan. Mayro’n nga siyang dapat pagkakataon upang iligtas niya ang kanyang sarili mula sa kapahamakan, subalit pinili niya ang daan tungo sa ating kaligtasan upang matunghayan natin sa ating buhay ang tunay na kahulugan ng pagiging inampong anak ng Diyos at mga tinawag na alagad ni Kristo.

Sa ating buhay, patuloy pa rin ang mga hamon na nakalaan sa atin. Subalit kung tayo ay may matibay na pananampalataya na handa tayong tumiis at patuloy na gumawa ng mabuti, ang lahat ng ating paghihirap at pagdurusa ay makakaya nating buhatin sapagkat nakakapit tayo sa kanya. Mahirap maging Kristiyano, lalo na ang pagiging martir na talagang pinapatay o kaya pinapahirapan at niyuyurakan para lang ang mga saksing ito ay isuko at itakwil ang kanilang pananampalataya sa Panginoon, subalit tiniis nila ang mga kamalasan nito alang-alang kay Kristo, kahit sa puntong dumanak ang kanilang dugo. Dahil sa kanilang pagtitiis, natagumpayan nila ang korona ng buhay sa kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan sa kalangitan, at kapiniling nila ang Diyos at ang mga anghel. Kaya diyan din tayo patungo balang araw, at katulad ng ating pagkakapit sa kanya sa kabila ng ating mga pinapasang krus, atin ding akayin ang ating kapwa patungo sa kanya sapagkat tayo rin ay may pananagutan sa mabuting kapakanan ng bawat tao.

Reply

SAINTSPOT February 17, 2023 at 9:04 am

Please SHARE and SUBSCRIBE
“SAINTSPOT” at https://youtube.com/watch?v=u2dRe7e9lk8&si=EnSIkaIECMiOmarE

TUNAY NA KAYAMANAN

“Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay?”

Sa madaling salita, kung ang pagnanais ng iyong puso ay para sa mga kayamanan ng mundong ito ay talagang mawawalan ka ng buhay. Ngunit, kung pipiliin mo ang kaligtasan ng iyong kaluluwa, dapat mong iwaksi ang pagnanais para sa mga kayamanan at pang-aakit ng mundong ito. Hindi pwedeng “sana all”.

Bihira lang ang taong mayroong maraming bagay sa mundong na walang attachment sa kanila. Namumuhay silang ganap na hiwalay sa mga bagay ng mundong ito, nakakahanap ng tunay na kasiyahan sa Diyos at sa Kanyang banal na kalooban, na nagiging walang pakialam sa anumang materyal na bagay na mayroon sila. Madali lang ito sa mga taong inuuna pa rin ang Diyos sa kanilang buhay.

Sa kabilang punto, may mga tunay na mahirap sa literal na kahulugan. Gayunpaman, ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pangangarap tungkol sa kayamanan at pagnanasa sa lahat ng wala sa kanila. Nakakalungkot, at kaawa-awa ang kaluluwang ito dahil ginawa ang kayamanan bilang layunin at pokus ng buhay. At ang panloob na kalakip na iyon ay gagawa ng malaking espirituwal na pinsala.

Pagnilayan, ngayon, ang tanong na ito ni Jesus: “Ano ang pakinabang ng isang tao na makamtan ang buong sanlibutan at mawala ang kanyang buhay?” Gamitin ang tanong na iyon na pagmumulan ng iyong panalangin, pagmumuni-muni at pagsusuri sa sarili. Subukang maging tapat tungkol sa iyong mga hangarin. Ang kaganapan sa buhay ay hindi kailanman makakamit sa pamamagitan ng mga pagnanasang iyon o sa katuparan ng mga hangaring iyon. Diyos at Diyos lang ang makakatupad nito. Kayat hanapin mo ang Diyos higit sa lahat ng bagay dahil siya lang ang tunay mong kayamanan.

Panginoon, Ikaw at Ikaw lamang ang pinagmumulan ng kaganapan sa buhay. Mangyaring dalisayin ang aking mga hangarin upang ikaw lamang ang aking hangarin at ang Iyong banal na kalooban. Palayain mo ako sa bawat panlilinlang at maling pang-akit sa buhay upang ako ay makahanap ng kasiyahan lamang sa Iyo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo

Reply

Mel Mendoza February 21, 2025 at 12:16 am

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyo, hinimok ni Hesus ang Kanyang mga alagad na itakwil ang kanilang sarili at pasanin ang krus. Ito ay paalala sa atin na maging handang sumunod sa Diyos, kahit ito’y mangahulugan ng pagdurusa. Madalas, iniisip natin na ang buhay at kaligtasan ay nakasalalay sa ating sariling kakayahan, kayamanan, o kapangyarihan. Ngunit sinabi ni Hesus na “ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito”—ibig sabihin, ang sinumang inuuna ang sarili sa halip na ang Diyos ay hindi tunay na maliligtas. Tinatawagan tayo ni Hesus na unahin at sundan Siya bagamat ang pagsunod ay nangangailangan ng sakripisyo. Ito ay nangangahulugan na dapat nating alisin ang ating sariling kagustuhan at pagmamataas upang tunay tayong makasunod sa Diyos.

Sa Unang Pagbasa (Genesis 11:1-9), ang pagtatayo ng Torre ni Babel ay isang halimbawa ng kayabangan ng tao—sa halip na magtiwala sa Diyos, gusto nilang itaas ang kanilang sarili at gumawa ng sariling daan patungo sa langit. Bilang parusa, pinagwatak-watak sila ng Diyos. Ipinapakita na ang pagpapakumbaba at pagsunod sa Diyos ang tunay na daan na magdadala sa atin sa Kanya, hindi ang sariling kalakasan o ng ating mga panukala.

Sa Ebanghelyo, ipinakita ni Hesus na ang daan patungo sa kaligtasan ay sa pamamagitan ng Kanyang krus. Sa Torre ni Babel, ipinakita naman ng Diyos na ang tao ay hindi maaaring umakyat sa langit sa sariling kaparaanan.Tinuturuan tayo ng pagbasa na si Hesus lamang ang daan patungo sa Diyos, hindi ang ating sariling ambisyon, yaman, o kapangyarihan. Ipaalala sa atin na ang tunay na tagumpay sa mata ng Diyos ay hindi nakasalalay sa kayamanan o lakas ng tao kundi sa pagsunod at pagtitiwala sa Kanya, kahit may kasamang sakripisyo.

Ang dalawang pagbasa ay nagtuturo sa atin na piliin ang magpakumbaba, pagsunod, at pagtitiwala sa Diyos kaysa sa sariling ambisyon at kayabangan. Si Hesus ang tunay na daan patungo sa Diyos, at tayo ay tinatawag na sundan Siya, buhatin ang ating krus, at magtiwala sa Kanyang plano.

Hamon ng Pananampalataya:
1. May bahagi ba sa aking buhay kung saan sinusubukan kong gawin ang aking sariling kalooban sa halip na sundin ang Diyos?

2. Handa ba akong pasanin ang aking krus at sundan si Hesus, kahit mahirap at may sakripisyo?

3. Inaangat ko ba ang sarili kong pangalan, o mas pinipili kong ipahayag ang kaluwalhatian ng Diyos?

Sa ating paglalakbay bilang mga alagad ni Kristo, nawa’y piliin natin ang may kababaang pagsunod sa Diyos kaysa sa kayabangan na iniaalok ng mundo. Ang totoong tagumpay ay hindi ang pag-abot sa langit sa sariling paraan, kundi sa pagsunod kay Hesus na Siyang tunay na daan patungo sa Amang nasa langit.

“Panginoon, turuan Mo akong talikuran ang aking sarili at sundan Ka nang buong puso. Nawa’y hindi ako matulad sa mga nagtayo ng Torre ni Babel na nagtitiwala sa sarili, kundi maging tapat akong tagasunod ng Iyong kalooban. Amen.”

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: