Podcast: Download (Duration: 7:07 — 5.1MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Bumaling tayo sa Diyos Ama sa panalangin para sa biyaya na makapagbagumbuhay at matatag na maniwala sa panawagan ni Kristo sa pagbabalik-loob.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng kaligtasan, maging bukas nawa kami sa Iyo.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y walang kapagurang maging tagapaghatid ng mensahe ng Diyos ng pagsisisi sa mga taong may tunay na pusong naghahanap sa Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Bilang mga makasalanan nawa’y mas malalim nating maunawaan ang pag-ibig at awa ng Diyos para sa lahat ng nagbabalik-loob sa kanya nang may kababaang-loob at nagsisising puso, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y magkaroon ng malalim at tunay na pananampalataya sa Diyos na hindi naikakahon sa mga panlabas na anyo ng ating pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makaunawa sa walang patid na pag-ibig ng Diyos sa gitna ng kanilang mga dinaranas na pagsubok at paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay nawa’y makatagpo ng kapayapaan at kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
O Panginoon, gabayan mo ang lahat ng araw ng aming masalimuot na buhay. Bigyan mo kami ng kaligtasan at banal na kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Linggo, Pebrero 16, 2025
Martes, Pebrero 18, 2025 »




{ 3 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Isinasalaysay ng Unang Pagbasa kung paanong patuloy na minahal ng Diyos ang mga tao kahit sila’y nagkasala. Kaya ang ating mga unang magulang na sina Adan at Eba ay binayayaan ng 2 anak, sina Cain at Abel. At patuloy rin isinalaysay ang bunga ng orihinal na kasalanan. Dahil sa hindi natanggap ng Diyos ang hain na prutas ni Cain, nainggit siya sa pagtanggap ng hain ng tupa ng kanyang batang kapatid na si Abel. Kaya pinatay ni Cain ang kanyang kapatid, ang kauna-unahang ganap na pangyayari ng pagpapatay. At hinanap ng Diyos si Abel, na tugon naman ni Cain kung siya ba ay tagapag-alaga ng kanyang kapatid. Nabatid na ng Diyos ang ginawa ni Cain, kaya plano niyang parusahan nito at palayasin. Subalit nangamba ang tao na baka siya’y papatayin, kaya nilagyan ng Panginoon ng palatandaan sa noo ni Cain bilang tanda na hindi siya’y papatayin ng kahit sinong tao. Kaya lang ang mga nakalipas na bersikulo ay makikita natin na pinatay ni Lamec, ama ni Noe, at nagsisi ito sa ginawa kay Cain. Ngunit makikita natin na ang Diyos ay patuloy na nagmahal sa sangkatauhan sa kabila ng lahat ng mga pagkakasalang ginawa. Kaya ang Ebanghelyo ay paalala na ang Diyos ay nagbibigay ng tanda ng kanyang pagmamahal. Hindi ito lingid ng mga eskriba at Pariseo na tutuksuhin si Hesus upang humiling ng palatandaan. Kaya hindi siyang nagpakita ng anumang tanda sa kanila. Nais ipunto ni Kristo na upang makilala natin siya at ang kanyang Ama, hindi natin kailangang humiling ng tanda o himala, kundi maging palantandaan ng kabutihan sa bawat tao. Kahit tayo pa ay nabigo o nagkasala, tayo ay patuloy na nililingap mula sa kahinaan upang maging malakas sa pananamapalataya, pag-asa, at pag-ibig.
Marunong sa batas ang mga Pariseo kaya sila ay nakikipagtalo. Ngunit ang kaharap nila ay ang ating Panginoong Hesus na mismong tumutupad ng batas. Balitang balita ang mga pag-gawa ng ating Panginoong Hesus ng mga himala, yun lang hindi nasaksihan ng mga Pariseong nakikipagtalo. Sa panahon natin ngayon, ang isa sa ating katibayan ay ang Bibliya. Salamat na lang sa mga masisipag na tagapagsulat ng mga aklat nito. Dama natin ang presensya ng ating Panginoong Hesus magpasa hanggang ngayon. Lalo’t higit, kung tayo ay dadalo sa Banal na Misa kung saan nadidinig ang Salita ng Diyos at tinatanggap mismo ang ating Panginoong Hesus sa komonyon. Ang araw-araw na himala kung saan ang tinapay ay nagiging katawan at ang alak naman ay nagiging dugo ng ating Panginoong Hesus. Kaya nga mapalad ang taong dumadalo sa Banal na Misa.
PAGNINILAY:
Sa araw na ito ginugunita ng ating Simbahan ang Pitong Tagapagtatag ng Orden ng mga Lingkod ng Mahal na Birheng Maria (The Seven Holy Founders of the Servite Order) sila’y isang pangkat ng mga banal na mangangalakal mula sa Florence, Italy, na nagtatag ng Order of the Servants of Mary (O.S.M.), o mas kilala bilang Orden ng mga Lingkod ng Mahal na Birheng Maria, noong ika-13 siglo. Sila ay sina, Bonfilius Monaldi, Alexius Falconieri, Manettus dell’Antella, Amadeus of the Amidei, Hugh of the Lippi-Ugguccioni, Sosthenes of the Sostegni, at si Buonagiunta of the Manetti
Ang mga ito ay mga lalaking may mataas na katayuan sa lipunan, ngunit kanilang iniwan ang kanilang kayamanan at posisyon upang ialay ang kanilang buhay sa pananalangin, pagsisisi, at paglilingkod sa Mahal na Birheng Maria.
Kanonisado sila bilang mga santo noong 1888 ni Papa Leo XIII.
Ipinagdiriwang ang kanilang kapistahan tuwing Pebrero 17 sa kalendaryo ng Simbahang Katoliko. Ang Orden ng mga Lingkod ng Mahal na Birheng Maria (Servite Order) ay patuloy na umiiral hanggang ngayon at kilala sa kanilang apostolado ng pagpapalaganap ng debosyon sa Mahal na Birhen, lalo na sa Our Lady of Sorrows.
Sa Ebanghelyo, nakita natin ang mga Pariseo na humihingi ng tanda mula kay Hesus upang patunayan ang kanyang kapangyarihan. Ngunit tumugon si Hesus na hindi siya nagbibigay ng tanda para lang sa mga pusong sarado at puno ng pagdududa. Ang ating pananampalataya ay hindi dapat nakabatay sa mga tanda o himala lamang, kundi sa malalim na pagtitiwala sa Diyos, kahit na hindi natin agad nauunawaan ang Kanyang mga plano.
Ang Pitong Banal na Tagapagtatag ng Orden ng mga Lingkod ng Mahal na Birhen Maria ay isang huwaran ng pananampalatayang hindi humihingi ng tanda kundi tahimik na tumugon sa tawag ng Diyos. Iniwan nila ang kanilang marangyang buhay sa Florence, Italy, upang sundan ang kalooban ng Diyos, kahit na hindi nila alam ang eksaktong mangyayari sa hinaharap. Pinili nilang mamuhay bilang mga ermitanyo sa Monte Senario sa pananalangin at pagsisisi, sa halip na maghanap ng mga materyal na palatandaan ng kanilang misyon.
Nagtiwala sila sa Mahal na Birhen Maria, na siyang gumabay sa kanila upang itatag ang Orden ng mga Lingkod ng Mahal na Birhen.
Magandang suriin din natin ang ating mga buhay pananampalataya.
1. Nagtitiwala ba tayo sa Diyos kahit hindi natin nakikita ang buong larawan ng Kanyang plano para sa atin?
2. Nananalig ba tayo sa gitna ng pagsubok, o naghahanap tayo ng “tanda” bago sumunod sa Kanya?
Sa panghuli , Katulad ng Pitong Banal na Tagapagtatag, handa ba tayong iwanan ang ating “comfort zone” upang mas sundan ang kalooban ng Diyos?
Ang tunay na pananampalataya ay hindi nakasalalay sa mga nakikitang himala, kundi sa ganap na pagtitiwala sa Diyos, gaya ng ginawa ng Pitong Banal na Tagapagtatag. Nawa’y tularan natin sila sa pagiging bukas sa kalooban ng Panginoon at sa malalim na debosyon sa Mahal na Birhen Maria.
Manalangin tayo. Panginoong Hesus, palakasin mo ang aming pananampalataya upang huwag kaming humingi ng mga tanda bago sumunod sa Iyo. Tulungan mo kaming magtiwala nang buo sa Iyong plano. Gaya ng Pitong Banal na Tagapagtatag, nawa’y matuto kaming maging masunurin sa Iyong tawag, at ialay ang aming buhay sa paglilingkod. Amen.
Nuestra Señora de los Dolores, ipanalangin mo kami! ?