Podcast: Download (Duration: 6:26 — 4.6MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Para sa mga Kristiyano, wala nang iba pang batas maliban sa batas ng pag-ibig. Manalangin tayo para sa ating katapatan sa batas na ito at walang pag-aalinlangang pagsasabuhay ng ating relihiyon.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, dalisayin Mo ang aming mga puso.
Ang ating Simbahan nawa’y laging mapanibago at dalisayin ng salita ng Ebanghelyo ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y magdulot ng pag-asa sa mga nanghihina ang kalooban sa pamamagitan ng ating pagmamahal kaysa pawang mga pampalubog na loob na salita lamang, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga puso nawa’y mapuno ng tapat na pagnanais na mabuhay para sa bawat isa upang sumamba tayong lahat sa espiritu at katotohanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at naghihingalo nawa’y makatagpo ng kaginhawahan ng pag-ibig at habag ng Ama, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumaong mahal sa buhay nawa’y makasama sa kalipunan ng tunay na pagsamba sa kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, gawin mong dalisay ang aming mga puso upang hindi kami mawalay sa aming mithiing mahalin ka nang higit sa lahat. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Martes, Pebrero 11, 2025
Huwebes, Pebrero 13, 2025 »




{ 5 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Isinasalaysay ng unang pagbasa ang ikalawang ulat ng Paglalang ng Diyos sa sangkatauhan, na siyang tinatawag na “Yahwistic source”. Ipinapakita dito kung gaanong kabuti ang Panginoon sa paglikha ng langit at lupa, at ang tao bilang tagapamahala sa lahat ng nilalang. Kaya itinanim ng Diyos ang isang hardin na tinatawag Eden upang malasap ng tao ang mga kaloob ng sangkalupaan. Ipinapakita dito na ang Diyos ay naglikha ng mabubuting bagay, at palaging sa huli ay mananaig ang kabutihan. Itinuturo ni Hesus sa Ebanghelyo ang tunay na nagpaparumi at nagpapalinis sa tao. Ito’y matapos niyang pagsabihan ang mga eskriba at Pariseo na kumakapit at ginagawa lamang ang utos at tradisyon ng tao, at walang pagpapahalaga sa Utos ng Panginoong Diyos. Ayon sa batas ng mga Hudyo, bawal daw kainin ang mga pagkaing marumi at madugo sapagkat ito’y isang kasalanan, at sagrado ang dugo. Ganun rin ang turing ng ibang mga denominasyon ng Kristiyanismo dahil ito’y iniutos ng Panginoon ito kina Moises at ng mga Israelita. Kung baga dito sa atin, hindi lahat ng Pilipino ay kumakain ng dinuguan. Ngunit para kay Hesus, direkta niyang idineklara na ang pagpaparumi sa tao ay hindi mga maruming pagkain o anumang bagay. Ang tunay na nagpaparumi ay ang masasamang bagay dulot ng kasalanan. Kung mali ang ating mga isip, salita, at gawa, nawawala sa atin ang kaloob na grasya ng Panginoon. Kaya kailangan natin na espirituwal na paglilinis sa sarili upang maging karapat-dapat tayong kamtan ang biyaya ng Diyos. Kaya kung nais nating matanggap ang biyaya ng Diyos, dapat maging tapat tayo sa Panginoon sa paggawa ng mabuti at magiging mabubuting ehemplo para sa ibang tao.
Please SHARE & SUBSCRIBE
SAINTSPOT on https://youtube.com/watch?v=5fM-i6jI8W8&si=EnSIkaIECMiOmarE
“Ang lumalabas mula sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos.”
Ano ang nasa loob mo? Ano ang nasa puso mo? Malinaw na inihayag sa Ebanghelyo ngayon na – sa puso ng tao – nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”
Ito ang dahilan kung bakit si Jesus ay hindi tumitigil sa paglapit sa atin ng dahil sa kanyang awa. Kinakalampag niya tayo lagi at hinihikayat na umatras at tignan ang ating mga kasalanan. Alin dito sa listahan ang nagpapahirap sayo? Kung magagawa mong tignan ang iyong puso at aminin na kailangan mo ng kaligtasan, ay tutulungan ka ng Diyos.
Pagnilayan, ngayon, Pahintulutan ang iyong sarili na hamakin ang mga kasalanang ito nang may banal na poot at sisimulan ka ng ating Panginoon na palakasin at dadalisayin ang iyong puso upang ikaw ay makalaya mula sa karumihang iyon at maging isang magandang anak ng Diyos.
Aking mahabaging Panginoon, tulungan mo akong makita ang aking kasalanan kung ano nga ba ito. Tulungan mo akong makita ang sarili kong kasalanan—na nanahan sa aking puso na siyang nagpaparumi sa akin. Habang nakikita ko ang aking kasalanan, bigyan mo ako ng biyayang kailangan kong tanggihan ito at bumaling sa Iyo nang buong puso upang ako ay maging isang bagong nilalang sa Iyong biyaya at awa. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo!
Source of content: mycatholic.life
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyo ngayon, tinuturuan tayo ni Hesus na ang tunay na nagpaparumi sa tao ay hindi ang pumapasok sa kanyang katawan kundi ang lumalabas mula sa kanyang puso. Hindi ang panlabas na bagay, gaya ng pagkain, ang nagpaparumi sa atin sa harap ng Diyos, kundi ang masasamang pag-iisip, inggit, kapalaluan, kasakiman, at iba pang masasamang gawain na nagmumula sa ating kalooban. Itinutuwid ni Hesus ang maling pananaw ng mga Pariseo at eskriba na nakatuon lamang sa panlabas na pagsunod sa mga batas, gaya ng ritwal sa pagkain at paghuhugas ng kamay, ngunit hindi binibigyang-pansin ang kalinisan ng puso.
Sa ating buhay pananampalataya, madalas tayong nakatuon sa panlabas na gawi ng kabanalan—ang pagsunod sa ritwal, pagsisimba, at paggawa ng mabuti sa harap ng iba. Ngunit ipinapaalala ni Hesus na ang tunay na kabanalan ay nagmumula sa pusong malinis at tapat sa Diyos. Maaari tayong mukhang banal sa paningin ng tao, ngunit kung ang ating puso ay puno ng galit, inggit, o masamang pagnanasa, hindi tayo tunay na malapit sa Diyos. Ang tunay na kabanalan ay hindi nasusukat sa panlabas na pagsunod sa mga kautusan kundi sa kalinisan ng puso at katapatan sa Diyos.
Ang paanyaya ni Hesus sa atin ngayon ay suriin ang ating puso. Ano ang nilalaman nito? Mayroon ba tayong mga hinanakit, inggit, o pride na humahadlang sa ating pagiging tunay na mga anak ng Diyos? Nawa’y sikapin nating linisin ang ating puso sa pamamagitan ng panalangin, pagsisisi, at patuloy na pagpapakabanal upang tunay tayong maging dalisay sa harap ng Panginoon.
Sa huli, ano ang mga bagay sa ating puso na kailangang linisin upang tayo ay maging tunay na malapit sa Diyos?
Manalangin tayo. Panginoong Hesus, linisin Mo po ang aking puso at alisin ang anumang bagay na hindi ayon sa Iyong kalooban. Turuan Mo akong maging tapat at dalisay sa aking pagsunod sa Iyo. Amen.
Salamat panginoon sa araw na ito, salamat sa salita mo na nagbibigay buhay sa amin sa araw araw, maliwanag ang mga salitang nakarurumi sa amin, tunay na nag mumula sa aming mg puso, kaawaan at kahabagan mo po kami, patawarin mo po kmi, tulungan mo po kaming maging mabuti at d magkasala sa araw araw, kaawaan mo po kami panginoon, Amen