Miyerkules, Pebrero 5, 2025

February 5, 2025

Paggunita kay Santa Agata (Agueda), dalaga at martir

Hebreo 12, 4-7. 11-15
Salmo 102, 1-2. 13-14. 17-18a

Pag-ibig mo’y walang hanggan
sa bayan mong nagmamahal.

Marcos 6, 1-6


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Agatha, Virgin and Martyr (Red)

Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Hebreo 12, 4-7. 11-15

Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo

Mga kapatid, hindi pa humahantong sa pagdanak ng inyong dugo ang pakikitunggali ninyo sa kasalanan. Nalimutan na ba ninyo ang pangaral ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya – mga salitang nagpapalakas ng loob ninyo?

“Anak, huwag kang magwalang-bahala kapag itinutuwid ka ng Panginoon,
At huwag panghinaan ng loob kapag ikaw ay pinarurusahan niya.
Sapagkat pinarurusahan ng Panginoon ang mga iniibig niya,
At pinapalo ang itinuturing niyang anak.”

Tiisin ninyo ang lahat bilang pagtutuwid ng isang ama, sapagkat ito’y nagpapakilalang kayo’y inaari ng Diyos na kanyang mga anak. Sinong anak ang hindi itinuwid ng kanyang ama? Habang tayo’y itinutuwid hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis. Ngunit pagkaraan niyon, lalasap tayo ng kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay.

Kaya’t palakasin ninyo ang inyong lupaypay na katawan at tipunin ang nalalabi pang lakas! Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi tuluyang mapilay, kundi gumaling ang paang nalinsad.

Magpakabanal kayo at sikaping makasundo ang inyong kapwa, sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito. Pag-ingatan ninyong huwag talikdan ninuman sa inyo ang pag-ibig ng Diyos. Ingatan ninyong huwag sumama ang sinuman sa inyo at makagulo at makahawa pa sa iba.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 13-14. 17-18a

Pag-ibig mo’y walang hanggan
sa bayan mong nagmamahal.

Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.

Pag-ibig mo’y walang hanggan
sa bayan mong nagmamahal.

Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya
gayun siya nahahabag sa may takot sa kanya.
Alam niya na alabok, yaong ating pinagmulan,
alam niyang babalik din sa alabok kung mamatay.

Pag-ibig mo’y walang hanggan
sa bayan mong nagmamahal.

Ngunit ang pag-ibig ng Diyos ay tunay na walang hanggan,
sa sinuman sa kanya’y may takot at pagmamahal;
Ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
yaong magtatamo nito’y ang tapat sa kanyang tipan.

Pag-ibig mo’y walang hanggan
sa bayan mong nagmamahal.

ALELUYA
Juan 10, 27

Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 6, 1-6

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtungo sa sariling bayan, kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, nagturo siya sa sinagoga. Nagtaka ang maraming nakarinig sa kanya at nagtanong, “Saan niya nakuha ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga kababalaghan? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago at Jose, Judas at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At siya’y ayaw nilang kilanlin. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon, maliban sa pagpapatong ng kanyang kamay sa ilang maysakit upang pagalingin ang mga ito. Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya. At nilibot ni Hesus ang mga nayon sa paligid upang magturo.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Magno February 3, 2019 at 4:46 pm

Sinabi sa Unang Pagbasa, huwag siyang alalahanin ang kanyang anak kung babagsak siya ng Panginoon at huwag ding mawawalan ang kanyang pag-asa kapag siya ay pinarusahan dahil niluluwalhati ng Panginoon ang kanyang pagmamahal sa kabila ng itinuturing niyang tunay na anak.

Reply

Reynald Perez February 4, 2019 at 6:11 am

Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ay isang paalala kung paanong itinutuwid ng Diyos ang sangkatauhan, kung paanong dinidisiplina ng isang ama ang kanyang mga anak. Ito ay isang panawagan na maging banal katulad ng ating Diyos Ama upang matunghayan natin ang kanyang dakilang kalooban. At kapag naging matapat tayo sa ating pamumuhay, balang araw ay makikita natin siya at makakapiling kailanman sa kanyang kaluwalhatian. Masakit naman ang naransan ni Hesus sa Ebanghelyo nang tanggihan siya ng kanyang mga sariling kababayan sa Nazaret. Tingin nila sa kanya ay isa lamang siyang karpintero at imposibleng maging Tagapagligtas. Hindi nila makikita ang kanyang katauhan bilang propeta na isinugong ipahayag ang mensahe ng Diyos. Kaya sinabi ni Kristo na walang propetang tinatanggap ng kanyang sariling bayan. Makikita dito sa pagbabalik ni Hesus sa kanyang sariling bayan ang pagbabalik sa kanyang pinagmulan bilang tanda ng pagpapakumbaba. Pumasok siya sa sinagoga upang makisabay sa pagsamba at ipahayag ang mensahe ng Diyos. Ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang sariling mga kababayan dahil mas pinahahalagahan nila ang kultura ng tsismis kaysa sa kahalagahan ng mensaheng hatid ni Kristo. Kaya nga huwag po tayong maniwala sa lahat nating naririnig ngunit suriin muna kung ito’y katanggap-tanggap ayon sa pamantayan ng Panginoon. Nawa’y tanggapin natin siya bilang tunay na kaligayahan ng ating buhay, at sundin natin ang kanyang kalooban sa pagiging saksi sa kanyang Salita.

Reply

Melba G. De Asis February 7, 2019 at 5:08 pm

Pagkapanganak natin andyan ang ating ina at ama para tayo ay mahalin, gabayan, turuan ng mabuti pero sa oras na may nagawa tayong mabigat na kasalanan tayo ay pinagsasabihan at kung kailangan ay pinapalo tayo para ipaalam sa atin na tayo ay nagkamali. Ang pagdisiplina ng magulang ay tataglayin ng isang anak hanggang sa paglaki at siyang magiging gabay niya sa kaniyang buhay upang makamtan ang tagumpay. Malalaman ng isang anak ang mga kabutihan ng magulang kapag nagtagumpay na siya at mataas na ang kaniyang narating sa buhay.

Sa panahon ngayon may mga pagkakataon na ang boses ng isang mahirap madalas ay ipinagwawalang bahala lang at mas pinakikinggan ang salita pag
mataas na tao ang nagsasalita. Ganito ang nangyari noong panahong nangangaral ang Panginoon sa kaniyang bayan dahil anak lang siya ng karpintero na itinuturing na mababa ang pagkilala ng lipunan. Hindi makapaniwala ang kanyang mga kababayan at nagtataka saan nanggagaling ang kanyang mga salita na ipinangangaral sa kanila at ang katunayan iyon ay nanggagaling mula sa Ama na nagsugo sa Kanya.

Reply

Mel Mendoza February 5, 2025 at 12:18 am

PAGNINILAY:
Ang ating Ebanghelyo ngayon ay naglalarawan kung paano tinanggihan si Hesus sa kanyang sariling bayan. Sa kabila ng kanyang mga himala at karunungan, hindi siya tinanggap ng kanyang sariling mga kababayan. Bakit? Dahil siya ay kilala nila bilang anak ni Maria at Jose, at isang ordinaryong karpintero lamang. Sa madaling salita, hinusgahan siya batay sa kanyang pinagmulan at hindi batay sa kanyang tunay na pagkatao bilang Anak ng Diyos.

Madalas nating maranasan ito sa ating buhay. Kapag ang isang tao ay nagbago at nagpakita ng bagong pananaw sa pananampalataya, may mga taong hindi naniniwala sa kanya dahil kilala nila siya o dahil sa familiarity. Ganito rin ang nangyari kay Hesus—hindi siya pinaniwalaan ng kanyang mga kababayan dahil sarado ang kanilang mga puso hindi nila makita ang presensya ng Diyos sa kanya.

Subalit, ang mensahe ng Ebanghelyo ay malinaw: Hindi hadlang ang pagtanggi ng tao sa kalooban ng Diyos. Kahit hindi tinanggap si Hesus sa kanyang sariling bayan, hindi ito naging dahilan upang tumigil siya sa kanyang misyon. Nagpatuloy siya sa pangangaral, sa pagpapagaling, at sa pagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos sa iba pang mga bayan.

Tayo ba ay bukas sa pagkilos ng Diyos sa ating buhay? Minsan, mahirap tayong maniwala na ang isang pangkaraniwang tao ay maaaring gamitin ng Diyos upang magdala ng kanyang mensahe. Maaari minamaliit natin ang kakayahan ng ibang tao o ng ating sarili. Hinihikayat tayo ng Ebanghelyo na huwag sarhan ang ating puso sa pagkilos ng Diyos, kahit sa mga simpleng tao o bagay.

Paano natin tinatanggap ang mga nagpapahayag ng Salita ng Diyos? Bilang isang komunidad, tinatawag tayo na maging bukas sa mga lingkod ng Diyos. Huwag nating husgahan ang isang tao batay sa kanyang nakaraan o panlabas na anyo, o dahil bago siya sa tingin nila sa larangan ng paglilingkod. Nangyayari mismo ito sa loob ng isang parokya. Ito ay maaring karanasan ng mga lingkod na nagsusumikap na pakinggan at aralin, at sundin ang tawag ng Diyos.

Ang aral ng Ebanghelyo, ay alalahanin ang ating tunay na halaga sa harap ng Diyos. Hindi nakasalalay ang ating halaga sa iniisip ng ibang tao kundi sa pagmamahal ng Diyos sa ating ginagawa. Sabi sa Awit 139:14, “Pinupuri kita, sapagkat kahanga-hanga at kahigit sa lahat ang pagkakalikha sa akin.” Tayo ay mahalaga sa Diyos, at iyon ang pinakamahalaga. Ang talatang ito ay nagpapaalala sa atin na tayo ay nilikha ng Diyos nang may layunin, kagandahan, at kahanga-hangang disenyo. Anuman ang iniisip ng mundo tungkol sa atin, ang katotohanan ay nasa Diyos—tayo ay mahalaga, may halaga, at iniibig Niya nang lubos.

Sa gitna ng mga pagtanggi at pagsubok, nagpapatuloy ba tayo sa ating misyon? Si Hesus ay hindi pinanghinaan ng loob sa kabila ng hindi pagtanggap sa kanya. Tayo rin, bilang mga lingkod ng Diyos sa ating parokya at komunidad, ay maaaring dumanas ng panghuhusga o kawalan ng suporta. Ngunit hindi ito dapat maging dahilan upang tumigil tayo sa ating paglilingkod. Si Hesus mismo ay nanalangin para sa mga taong humamak sa Kanya. Sa halip na masaktan o magkimkim ng galit, ialay natin sila sa panalangin. Sabi sa Mateo 5:44, “Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang umuusig sa inyo.”

Manalangin tayo. Panginoon, tulungan Mo kaming maging bukas sa Iyong presensya sa aming buhay. Huwag nawa kaming magpadala sa panghuhusga sa iba, kundi matutong makinig sa Iyong Salita. Palakasin Mo po ang aming pananampalataya upang sa kabila ng mga pagsubok, kami ay patuloy na maglingkod at sumunod sa Iyong kalooban. Amen.

Reply

SAINSPOT February 5, 2025 at 5:25 am

Ang pagtanggi (rejection), tulad ng ipinakita ni Jesus, ay hindi hadlang upang patuloy na magsilbi at magsikap. Sa halip, ito ay pagkakataon upang mas mapagtibay ang ating pananampalataya sa Diyos at ang ating paninindigan sa ating mga misyon at prinsipyo. Hindi laging madali, ngunit sa pamamagitan ng pagtanggap at pananampalataya, magiging mas malakas tayo sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay.

Ang pinaka-mahalagang mensahe ay: huwag magpadala sa mga opinyon ng iba. Kung tayo ay may layunin at misyon na binigay sa atin, dapat natin itong sundan, kahit na mahirap at puno ng pagtanggi.

ANO DAPAT GAWIN UPANG MATANGGAP NATIN ANG PAGTANGGI:

MAHALIN NATIN ANG ATING SARILI AT MISYON. Jesus, bagamat tinanggihan, ay hindi nawalan ng direksyon. Siya’y patuloy na nagturo, at hindi siya pinanghinaan ng loob. Ang pagtanggi ay isang bahagi ng ating personal na buhay. Mahirap tanggapin na hindi palaging magkakaroon tayo ng pag-apruba mula sa iba, pero tulad ni Jesus, kailangan nating maging matatag at patuloy na magsikap sa ating layunin.

TANGGAPIN NA MAY MGA PAGTANGGI SA BUHAY. Maraming beses tayo ay makakaranas ng pagtanggi o hindi pag-unawa mula sa mga tao sa ating paligid—lalo na kung ginagawa natin ang isang bagay na kakaiba o hindi nila nauunawaan. Dito natin natutunan na hindi laging magkakaroon tayo ng lahat ng pagsang-ayon. Ang mahalaga ay kung paano natin tinatanggap ang mga pagtanggi at kung paano tayo magpapatuloy sa ating landas.

MAGPATAWAD AT MAGPASALAMAT. Sa mga pagkakataon ng pagtanggi, masakit, ngunit ito ay pagkakataon din na magpatawad. Hindi tayo tinanggihan ni Jesus, bagkus, ipinakita Niya sa atin ang pagpapatawad at malasakit, kahit pa ang Kanyang mga kababayan ay hindi nakakita ng Kanyang tunay na kahalagahan. Dapat din nating ituring ang mga pagkakataon ng pagtanggi bilang pagkakataon para magbukas ng ating mga mata at pag-isipan ang ating mga aksyon at layunin sa buhay. Kaya dapat magpasalamat sa oportunidad na lumago sa pananampalataya.

GOD BLESS.

Reply

lolita Y Sebastian February 5, 2025 at 6:43 am

Papuri at parangal.sa ating walang hanggan Diyos, salamat sa kanyang dakilang pag ibig, sa kabila ng ating pafiging makasalanan ay patuloy niya tayong minamahal at tinuruuan upang ituwid ang liko nating oamumuhay, loobin mo panginoon na palagi marinig ng aking puso at kaluluwa ang iyong salita., salamat sa panibagong buhay na kaloob mo, Amen.

Reply

Maria Villarama February 5, 2025 at 1:28 pm

Manalangin tayo:

Panginoon, turuan mo kami na mamuhay ng naayon sa Iyong kalooban. Maisabuhay nawa namin ang pagkakaroon ng kababaang-loob at bigyan mo kami ng karunungan upang maunawaan namin ang calling mo sa amin.

Kami ay patawarin mo sa lahat ng aming pagkakasala at pagkukulang sa Iyo.

Maraming Salamat sa walang hanggan biyaya ibinibigay mo sa amin.. AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: