Podcast: Download (Duration: 5:13 — 3.8MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Patnubay sa Misa
Ngayon ay Araw ng Kapayapaang Pandaigdig. Sa harap ng mahigpit nating pangangailangan sa kapayapaan sa daigdig, ipanalangin natin sa Diyos ang
mahalagang kaloob na ito sa pamamagitan ni Mariang Reyna ng Kapayapaan. Manalangin tayo:
Panginoon, dinggin Mo kami!
Para sa buong Simbahang mag-anak ng Diyos sa lupa: Nawa siya’y maging kasangkapan para sa pakikipagkasundo ng sangkatauhan. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa at lahat ng pinunong panrelihiyon: Nawa magtagumpay sila sa kanilang mga patuloy na pagsisikap sa pagtataguyod ng kapayapaan sa mundo. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng bansa sa mundo, lalo na iyong may digmaan: Nawa matagpuan nila sa kanilang pagkakapatiran ang batayan ng kanilang pagkakasundo. Manalangin tayo!
Para sa ating lipunang tinatampukan ng di pagkakapantay-pantay at pagpapairal ng kanilang sariling kapakanan lamang: Nawa lahat ng mamamayan ay lumago sa
kanilang kamalayang panlipunan, paggalang sa karapatan ng kanilang kapwa, at malasakit sa kapakanang panlahat. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng Pilipinong mag-anak, lalo na iyong wala nang kapayapaan at pagkakaunawaan: Nawa tulungan sila ng diwa ng panahong ito upang makaraos
sila sa kanilang mga kahirapan. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng mga migrante at mga napilitang mangibang-bayan dahil sa digmaan. Nawa’y ang kanilang karapatan sa edukasyon na lubhang kailangan sa ikabubuti ng daigdig, ay maigalang at maipagkaloob ng Lipunan. Manalangin tayo!
Ama, tulutan Mong pagharian ng Iyong kapayapaan ang aming mga puso at kami’y gawin Mong kasangkapan ng pakikipagkasundo sa aming mag-anak at pamayanan. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristo, na Prinsipe ng Kapayapaang nabubuhay at naghaharing walang hanggan. Amen!
Pages: 1 2
« Linggo, Disyembre 29, 2024
Huwebes, Enero 2, 2025 »




{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Isang masagana at manigong Bagong Taong 2023 sa inyong lahat. Tayo ngayon ay nagtatapos ng Taong 2022, at papasok na po sa Taong 2023. Ito yung ating sibil na pagdiriwang ng Bagong Taon. Ang pagdiriwang ng simula ng taon ay kaugnay pa rin sa pasimula ng Taong Panliturhiya ng Simbahan. Sinimulan natin ang ating “bagong taon” noong Unang Linggo ng Adbiyento. Matapos ang 4 na Linggo ng paghahanda at pananabik, tayo ay pumasok sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang.
Ang pinagninilayan po natin sa Kapaskuhan ay ang katuparan ng kaligtasan ng Diyos para sa sangkatauhan. Ito ang ipinapahayag sa atin ng Ikalawang Pagbasa sa takdang panahon nang matupad ang pangako ng Ama sa pagsusugo ni Kristong ipinanganak ng Birheng Maria upang tayo’y marapat na tawaging mga anak ng Diyos Ama dahil sa pagpapalang ito. Kaya nga ang ating pagdiriwang ngayon sa liturhiya ay paggalang sa ating Mahal na Ina bilang Ina ng Diyos. Siguro maraming magtatanong kung bakit tinatawag natin si Maria sa ganyang titulo na pinakatanyag sa lahat ng mga tawag sa kanya. Kung susuriin po natin ang “Ina ng Diyos,” ang kataga ay nabanggit sa Pagdalaw ni Maria kay Elisabet nang ipahayag ni Elisabet na dinadalaw siya ng “ina ng Panginoon” (Cf. Lucas 1:43). At n’ung dumating si San Gabriel Arkanghel kay Maria, ipinahayag sa kanya na ang sanggol na isisilang niya ay ang “Anak ng Diyos”. Kaya nga ang ating Mahal na Ina ay ‘Theotokos’ sapagkat dinala niya sa kanyang sinapupunan ang Diyos na nagkatawang-tao (na walang iba kundi si Hesukristo). Kaya nga rin si Maria ay ang “Ina ng Anak ng Diyos” at dahil si Hesus ay totoong Tao at totoong Diyos, ang Mahal na Ina ay “Ina ng Diyos”.
Isa pang maaring pagnilayan ay ang disposisyon ni Maria tungo sa kalooban ng Diyos. Nakita natin sa Ebanghelyo kung paano iningatan niya ang mga nangyaring pagdalaw ng mga pastol sa kanilang tinitirhan. Hindi naunaawan ni Maria kung paanong nabalita ng mga pastol ang Pagsilang ni Kristo, subalit nang ingatan niya ang bagay na iyan sa kanyang puso, mas naunawaan niya ang plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa kabuuan, tayo ay nasa 2023 na. Maraming naganap noong 2022, kaya tayo ay naglilista ng mga “resolutions” bilang tanda kung ano ang nais natin makamtan at mga bagay na nais nating baguhin. Subalit ang mga “New Year’s resolutions” natin ay madalas hindi naitutupad. Ngunit ang maari natin dalhin para sa bagong taon ay ang pagpapala ng Diyos na narinig natin sa Unang Pagbasa, na siya namang dinadasal ng Pari sa huling pagbabasbas ng Misa.
Ang bawat taon ay “Anno Domini” o “Taon ng Panginoon”. Tayo ay patuloy na pinagpapala ng Panginoon ng kanyang grasya, awa, at kapayapaan. At nawa’y katulad ng Mahal na Ina, tayo ay maging marapat na tawaging mga anak ng ating Diyos sa pagsunod at pagiging matapat sa kanyang dakilang kalooban.
papuri sa iyo panginoon
Sa ebanghelyo at mga pagbasa natin ngayon ay inaanyayahan tayo ng Diyos na mag balik-loob sakaniya. Ngayong taon ay sinimulan na ang Jubilee of Hope o sa tagalog ay Hubileyo ng Pag-asa, binibigyan tayo ng Diyos sa araw na ito ng kaniyang sagot sa ating mga tanong sa ating mga buhay na akala natin tapos na, it’s over na. Hindi ganon ang sagot sa atin ng Diyos, ang sagot niya sa atin “May pag-asa ka pa”. Kaya tayo nabubuhay pa sa araw na ito kasi mayroon pang pag-asa ang Diyos na ibinibigay sa atin. Yung akala natin na wala na, may pag-asa pa basta’t ibigay natin ito sa Diyos, sana ibigay natin sakaniya ang buo nating pagtitiwala na sa mga susunod pa nating mga araw siya ang magiging pag-asa natin at siya ang magbibigay nito sa atin. Nais ng Diyos na sabihin sa atin ngayon sa kabila ng ating pagiging makasalanan at napakaraming mga pagkukulang “May pag-asa ka pa”. Kagya sa ating Ebanghelyo ipalaganap natin ang mga mabuting balita ng Diyos at kaniyang mga ginagawang kababalaghan sa ating buhay ng sa gayon maakay natin ang iba na sumunod at mag tiwala sa kaniyang kapangyarihan. Umasa tayo na sa tamang panahon, matagal man o mabilis ang ating naging paghihintay ibibigay at ipagkakaloob ng Diyos ang ating mga pangangailan. Amen