Linggo, Disyembre 29, 2024

December 29, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Kapistahan ng Banal na Mag-anak Hesus, Maria at Jose (K)
Patnubay sa Misa

Hatid ng pananalig sa Panginoong humirang sa ating maging mga miyembro ng isang pamilyang Kristiyano at ng Simbahan, manalangin tayo para sa lahat ng pamilya sa buong mundo:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Para sa pamilya ng Simbahan at sangkatauhan: Nawa’y lahat ng kanilang kapamilya ay makalasap
ng pag-iingat nina Hesus, Maria, at Jose. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng pamilyang Pilipino: Nawa’y mapanatili silang magkakabuklod at magkakasundo
sa kanilang pananampalatayang Kristiyano at tulong ng pamayanan. Manalangin tayo!

Para sa mga pamilya ng mga mahihirap at mga migrante: Nawa’y ingatan ng kanilang mga kapamilya ang pananampalataya, pagkakaisa, at pagbibigayan sa kabila ng mga kahirapang pangkabuhayan. Manalangin tayo!

Para sa ating sariling pamilya: Nawa’y maghari ang kapayapaan ni Kristo sa atin at pagbuklurin
tayo ng tapat na pagmamahalan at pagpapatawaran. Manalangin tayo!

Para sa atin, ngayong taon ng Jubileo: palakasin nawa nito ang ating pananampalataya, at
matulungan tayong makilala ang Panginoong muling nabuhay sa ating pang-araw-araw na buhay.
Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, pagpalain Mo ang lahat ng pamilya sa buong mundo. Ilapit Mo sa Iyo at sa
isa’t isa ang lahat ng miyembro nito at ingatan Mo sila sa Iyong kapayapaan at pagmamahal. Sa
pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 25, 2021 at 9:26 pm

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak tuwing Panahon ng Pasko ng Pagsilang. Sa pagdiriwang na ito, matutunghayan natin kung paano niloob ng Diyos na magkatawang-tao at manganak sa isang pamilya. Ang imahe ng Banal na Mag-anak ay bumubuo kina Hesukristo, Birheng Maria, at San Jose. Maraming bagay ang nangyari sa pamilyang ito, maganda at hindi maganda. Ngunit sa kabila ng mga ito, naging matapat ang tatlo sa pagsunod sa kalooban ng Ama para sa isa’t isa. At ang Panginoong Diyos ay hindi lang Pangkalatahang Pinuno ng Banal na Mag-anak, kundi pati rin ang lahat ng mga pamilya sa buong mundo. Kaya ang konsepto ng pamilya para sa bawat indibiduwal, lalo na sa ating Inang Simbahan, at ang ating tungkulin at bokasyon ay ipagtanggol ito para sa mabuting kinabukasan.

Noong Enero 16, 2015, isa sa mga gawain sa Apostolikang Pagdalaw ni Papa Francisco sa ating bansa ay ang Pagtitipon ng mga Pamilya sa SM MOA Arena, Pasay. Sa kanyang mensahe, ipinahayag ng Santo Papa na ang bawat pamilya ay kailangang managinip. Kaya nga sabi niya: “When you lose this capacity to dream you lose the capacity to love, and that capacity of love is lost.” Ipinahayag din niya na dapat tularan ng bawat isa ang halimbawa ng Banal na Mag-anak. Kaya nga ibinigay niya ang tatlong bagay para pagnilayan natin: (1) paghihinga sa Panginoon, (2) pagbangon kasama sina Hesus at Maria, at (2) maging mga boses na mala-propeta (prophetic voices). Ang iba pang impormasyon tungkol sa talumpating ito ay makikita po rito.

Napakaraming problema ngayon ukol sa buhay-pamilya. May mga ilang mag-asawa ay gustong makipaghiwalay dahil sa mga alitan sa isa’t isa. Kung ganyan ang sitwasyon, maaapekto nang higit ang mga anak-anakan ng mga pamilyang iyon. Kaya nga tutol ang Simbahan sa isyu ng diborsyo. Hindi nakapagtataka na maraming mga di-Katoliko at di-Kristiyano ang nagsasabi na kaya pala hindi pa legal ang isyung ito sa ating bansa, kaya nga the stand of the Roman Catholic Church, especially the CBCP, is being questioned and destructively criticized. Pero kung ating babalikan ang Banal na Kasulatan, wika nga ng Panginoong Hesus mismo: “Ang sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay gumagawa ng masama sa kanyang asawa—siya’y nangangalunya. At ang babaing himiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay nangangalunya rin” (Marcos 10:11-12).

Mga kapatid, napakahalaga ang konsepto ng pamilya at napakabanal ang buhay na ito. Sana po ay patuloy na mamunga ang kabutihan sa bawat nating mga pamilya, kahit sa mga panahon ng pagsubok, dahil dito’y nakasalalay ang kinabukasan hindi lang ng pamilya, kundi pati rin ang bawat indibiduwal. Kaya nga ang ating mga Pagbasa ngayon ay para sa lahat, at bawal ang palusot. Sa mga magulang, sana po turuan ninyo ng tama ang iyong mga anak para sila’y lumaki nang husto at may natutunan mula sa ‘yo. Nawa’y maging matapat kayo sa iyong mga asawa at sa mga pangako ninyo noong kayo’y ikasal. Sa mga kabataang katulad ko, sana po ay igalang ninyo hindi lang ang inyong mga magulang, kundi pati rin ang lahat ng mga taong nasa awtoridad. Kung mali ang tinuturo nila sa atin, sabihin sa kanila kung ano ang dapat tama, ngunit huwag kalimutang respetuhin sila. At para sa lahat, kahit wala na ang isang indibiduwal, patay na, o kaya umalis kayo para magtrabaho sa ibang bansa, huwag po nating kalimutan ang mga alaalang kasama sila, at nawa’y isabuhay ang mga natutunan natin sa mga karanasang ito. Higit sa lahat, huwag nating kalimutan na magpasalamat sa Diyos sa mga biyaya niya sa atin, at maging mga biyaya rin sa ating mga kapwa, hindi lang tuwing Kapaskuhan, kundi sa ating araw-araw na pamumuhay.

Sa ating paglalakbay sa daan ng Pasko ng Pagsilang, tularan natin ang Banal na Mag-anak na sa gitna ng mga pagsubok, napahalaga ang imahe ng konsepto ng pamilya, at ang kalooban ng Diyos ay nasundan.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño December 26, 2021 at 11:32 am

Ang mga pagbasa ngayon araw na ito ay nakatuon sa Pamilya. Maging sa ebanghelyo ay sariling pamilya naman ng Poong Hesus ang salaysay. Ano ang nais iparating sa atin ng mga ito sa pangkasalukuyang panahon?

Ang Ama, haligi ng tahanan kung tawagin sapagkat sya ang dapat mamuno at masunod sa loob ng tahanan. Kung ikaw ay isang ama nararapat na magpakita ng isang magandang ehemplo sa iyong mga anak, sinabi din na wag kayong magagalit ng husto sa inyong mga anak sapagkat baka panghinaan ng loob lalo nasa panahon ngayon na may pandemya, maaari silang magkaroon ng depression o lubos na kalungkutan. Sa iyong asawa nman ay wag mong pagmamalupitan o sasaktan at lalong lalo na wag kang mangangalunya, makikiapid o magnanasa sa hindi mo asawa. Ipakita mo sa iyong tahanan na nararapat ka nga nilang sundin at ang lahat ng iyong sasabihin at gagawin ay sa ngalan ni Hesus.

Ang ina, ilaw ng tahanan, sundin mo ang iyong asawa, magpsa-ilalim ka sa kanya, kahit pa sa panahon ngayon na mas malaki ang iyong sueldo sa kanya, o mas mataas ang posisyon mo sa iyong pinapasukan. Panghihinaan ang lalake kapag minamaliit ng babae. Wag kang maging bungangera sapagkat yan ang kadalasang pinagmumulan ng away, sakitan at paghihiwalay o paghahanap ng ibang babaeng mas malambing. Tulungan mo sya sa pagtataguyod ng pamilya.

Mga anak, mahalin ninyo ang inyong mga magulang, igalang ninyo sila, nasusulat yan sa mga kautusan, wag tayong maging bastos, makinig tayo sa kanila, wag kayong sasagot ng pabalang kahit pa kayo ay may katwiran, wag nyong bibigyan ng sama ng loob ang inyong Ama. Mahalin nyo sila at alagaan lalo na sa kanilang katandaan at kalulugdan kayo ng Diyos, dringgin ng Diyos ang inyong mga dasal. Maging mabuting anak, isipin myo lagi si Hesus na naging masunuring anak sa Diyos Ama.

Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!

Reply

Mel Mendoza December 27, 2024 at 11:14 pm

PAGNINILAY:

Sa unang Linggo pagkatapos ng apat na araw ng Pagsilang ni Hesus, ay ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Banal na Mag- Anak Hesus, Maria, at Jose. Ang tagpo sa Ebanghelyo, ay kuwento ng pagkawala o pagpaiwan at pagkakakita kay Hesus sa templo. Ang pag-aalala nina Maria at Jose ay natural bilang magulang, ngunit tinuruan sila ni Hesus na higit sa lahat ay kilalanin ang plano ng Diyos sa Kanyang buhay. Ito ay hamon sa mga magulang na suportahan ang misyon ng kanilang mga anak at ituro sa kanila ang kahalagahan ng relasyon sa Diyos. Ito ay nag-aanyaya sa atin na pagnilayan ang buhay ng Banal na Mag-anak—isang modelo ng pagmamahal, pananampalataya, at pagkakaisa sa gitna ng mga hamon ng buhay.

Pinapaalala sa atin ng kapistahang ito na ang pamilya ang pundasyon ng ating pananampalataya at pagkatao. Ang Banal na Mag-anak ay sumasalamin sa ating tungkulin bilang Kristiyano mga miyembro ng pamilya—ang pagiging mapagmahal, masunurin, at mapagpatawad sa isa’t isa. Ang Banal na Mag-anak ay nagpapakita na ang pamilya ay hindi lamang isang institusyon, kundi isang misyon na tinatawag na maging maliit na simbahan, kung saan namumuhay ang pagmamahalan, kabutihan, at pagpapalaganap ng Mabuting Balita.

Ngunit sa usad ng panahon, maraming ang mga hamon at hadlang kung papano pa papagtibayin ang pananatili na buo ang isang pamilya. Unang una, ay ang diborsiyo na gawa ng batas ng tao. Nandyan din na may paghihiwalay na katulad ng annulment na may pahintulot kung talagang mapatunayang hindi ito dapat nangyari mula noong umpisa pa lamang ngunit hindi gaya ng diborsiyo na mas madali gumawa ng rason upang gibain ang unang institusyon ng lipunan sa halip na papagtibayin ito. Kaya nga sa Estados Unidos, nagiging talamak ito na kahit ang mga dating kalaguyo ay maari nang maging lehitimong asawa. Lahat ng ito’y paninira sa sakramento ng kasal na unang pundasyon ng kahit anong pamilya. Ito ang dahilan kung bakit dapat nating ipanalangin araw-araw ang lahat ng pamilya sa buong mundo.

Ipinakita sa Ebanghelyo na ang sakripisyo ng mga magulang ay mahalaga upang gabayan ang kanilang mga anak tungo sa katuparan ng kanilang misyon o ninanais sa buhay. Ang halimbawa nina Jose at Maria bilang mga magulang habang pinapalaki ang batang Hesus ay mahalagang paalala sa lahat ng magulang na pagbuklurin ang pamilya na nasa sentro ang Diyos. Ang pagbuo ng isang malusog at masayang pamilya ay hindi dapat naka- dedepende sa yaman o anumang materyal na bagay ang kanilang pagkakaisa kundi sa pagmamahalan at pagkaka-unawaan. Humingi tayo ng panalangin kay Maria at Jose na tularan natin ang naging tagumpay ng misyon nila bilang mga magulang ng ating Tagapagligtas. Dahil sa kanila, naging matagumpay din ang misyon ni Hesus dahil Siya’y iningatan at tinuruan nila mula pagkabata. Nawa’y lahat ng magulang ay gawing inspirasyon si Maria at Jose at ang lahat ng anak ay maging tulad ni Hesus na maging masunurin na bagamat Diyos ay sumunod sa Kanyang mga magulang.

Sa pagtatapos ng Ebanghelyo, sinabi na si Hesus ay “lumago sa karunungan, edad, at pagpapala ng Diyos at ng mga tao.” Ito ang hamon sa bawat pamilya: ang patuloy na lumago sa pananampalataya, sa kaalaman, at sa pagmamahal sa kapwa, bilang pagsunod sa Diyos.

Ang pagdiriwang ng Banal na Mag-anak ay paalala sa mga Kristiyano na gawing modelo ang buhay ni Hesus, Maria, at Jose. Ito ay isang paanyaya na isabuhay ang kanilang mga halimbawang pagsunod sa Diyos upang maging matatag ang ating pamilya at mas maging malapit ito sa Diyos. Sa ganitong paraan, ang ating mga tahanan ay magiging liwanag sa ating komunidad at sa buong mundo.

Sa araw na ito, lalo natin paigtingin ang ating mga dasal bilang isang pamilya, hingin ang patnubay ng Banal na Mag-anak, at manalangin na nawa’y ang ating mga tahanan ay maging sentro ng pananampalataya, pagmamahalan, at pag-asa. Banal na Mag-anak, Hesus, Maria, at Jose, gabayan ninyo ang aming pamilya. Turuan ninyo kaming magmahal, magkaisa, at manalig sa Diyos, lalo na sa panahon ng matitinding pagsubok. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: