Linggo, Disyembre 15, 2024

December 15, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Adbiyento Linggo ng Gaudete (K)
Patnubay sa Misa

Sa pangaral ni Juan Bautista, napagtanto natin na lubhang kailangan ang pagbabalik-loob sa
kabila ng ating kahinaan. Humiling tayong lahat ng kanyang tulong upang maisapuso ang wagas
na pagbabalik-loob:

Panginoon, bigyan Mo kami ng bagong kalooban!

Para sa Inang Simbahan, sa Santo Papa, mga Obispo at mga Pari: Nawa’y matagumpay nilang maitaguyod sa ating panahon ang misyon ni Juan na akayin ang mga tao para magbalik-loob. Manalangin tayo!

Para sa mga natutuksong maghanap ng kaligayahan nang malayo sa Panginoon: Nawa’y alalahanin nilang nasa pagtupad lamang ng kalooban ng Diyos ang kagalaka’t kalayaang walang hanggan. Manalangin tayo!

Para sa mga Kristiyanong inuusig dahil sa kanilang pananampalataya: Nawa ay tumindig sila ng matatag at hindi panghinaan ng loob, pinatatatag ng pagpapala ng Diyos at mga panalangin at suporta ng lahat ng bansa. Manalangin tayo!

Para sa mga nasa bingit ng kamatayan: Nawa ay maging handa silang harapin ang Banal
na Hukom nang may tapat na pagsisisi sa kanilang mga kasalanan at mapagpakumbabang pagtitiwala sa kanyang awa. Manalangin tayo!

Para sa ating pagsalubong sa taon ng Jubileo: palakasin nawa nito ang ating pananampalataya, at
matulungan tayong makilala ang Panginoong muling nabuhay sa ating pang-araw-araw na buhay. Manalangin tayo!

Diyos ng liwanag, itulot Mong ang aming asal ay maging laging alinsunod sa Ebanghelyo ng buhay naming kasama si Hesus, na siyang bukal ng aming kagalakan, at siyang nabubuhay at naghahari
magpakailanman. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 13, 2018 at 11:52 pm

Pagninilay: Ang Ebanghelyo ay patuloy na ipinapakilala sa atin ang katauhan ni San Juan Bautista ngayong Panahon ng Adbiyento hindi lang bilang pinsan ng Panginoon, kundi bilang tagapaghanda ng kanyang daraanan. Ang mga tao ay namangha sa kanyang pahayag na tuwirin ang mga landas, patagin ang mga burol, at punuin ang mga lambak. Kaya tinanong nila si Juan kung ano ang kanilang gagawin, at ang naging tugon niya ay magbahagi ng mga pagkain at damit lalung-lalo sa mga nangangailangan. Pati rin mga mangingil ng buwis hinikayat niyang huwag mandaya, at pati rin mga sundalong Romano hinikayat niyang huwag mangotong. Sa kabuuan, pinatotoo ni San Juan Bautista sa mga tao sa Ilog Jordan na siya ay isang dakilang propeta, ngunit may mas dakila pang kaysa sa kanya ang darating, at hindi siya karapat-dapat na ikalas ang sandalyas nito. Makikita natin ang kababang-loob ni Juan na ipahayag na ang kanyang pinsan na si Hesukristong Anak ng Diyos ay darating bilang Tagapagligtas ayon sa katuparan ng plano ng Diyos. Kaya ang paanyaya ng tinig sa ilang ay magsisi at magbalik-loob sa Panginoon. Ito yung ating ginagawa ngayong Adbiyento bilang paghahanda sa Pagdating ni Kristo. Ipinahayag din ni Propetang Sofonias na kailangan nating magalak sa pagdating ng kaligtasan na para sa lahat. At ngayong Linggo ay tinatawag na “Linggo ng Katuwaan” o “Gaudete”. Makikita po natin sa Antipona sa Pagpasok na hango sa Ikalawang Pagbasa ngayon na tayo ay palaging magalak sa Panginoon sapagkat siya ay malapit nang dumating. Sa ating mga simbahan, makikita po natin ang Pari ay minsan nagsusuot ng kulay-Rosas na kasulya, at ang kulya-Rosas na kandila sa Korona ng Adbiyento ay sinsindihan. Ang panawagan ng Linggo ng Gaudete ay sa kabila ng ating pagsisisi at paghihingi ng tawad ngayong Adbiyento, kailangan nating magalak sapagkat tayo’y nasa kalagitnaan ng panahon, at malapit na ang Kapistahan ng kaligtasan ng Diyos na dumating sa ating noong unang Kapaskuhan ng Pagsilang. At tayong mga Pilipino ay talagang naghahanda upang maging masaya ang bawat pagdiriwang ng Pasko, kaya tayo ay nagtitipon upang sa loob ng siyam na araw ay idaraos ang Simbang Gabi bilang pananabik sa Pagsilang ni Hesus. At mahalaga rin dito sa liturhiya ngayon na ang kagalakang iyon ay kinakailangan ibahagi sa ibang tao. Sabi nga ni Christopher Mccandless sa huling hantungan ng kanyang buhay, “Happiness is only real when shared.” Nawa’y pakinggan natin ang mensahe ni San Juan Bautista na gumawa ng katuwiran at kabutihan sa bawat tao upang patuloy nating ibahagi ang kagalakan ng Panginoon sa isa’t isa.

Reply

Melba G. De Asis December 15, 2018 at 8:35 pm

Nawa’y makagawa ako ng kabutihan sa aking kapwa sa lahat ng oras. Panginoon gabay Mo po at patnubay nawa’y mapasaamin at puspusin mo po kami ng Iyong kabanal banalang Ispiritu Santo at pagpapala. Ang lahat ng ito-‘y hinihiling at itinataas ko sa Pangalan ng Panginoon ng may pasasalamat. Amen

Reply

Reynald Perez December 5, 2021 at 5:57 am

Pagninilay: Ang Ebanghelyo ay patuloy na ipinapakilala sa atin ang katauhan ni San Juan Bautista ngayong Panahon ng Adbiyento hindi lang bilang pinsan ng Panginoon, kundi bilang tagapaghanda ng kanyang daraanan. Ang mga tao ay namangha sa kanyang pahayag na tuwirin ang mga landas, patagin ang mga burol, at punuin ang mga lambak. Kaya tinanong nila si Juan kung ano ang kanilang gagawin, at ang naging tugon niya ay magbahagi ng mga pagkain at damit lalung-lalo sa mga nangangailangan. Pati rin mga mangingil ng buwis hinikayat niyang huwag mandaya, at pati rin mga sundalong Romano hinikayat niyang huwag mangotong. Sa kabuuan, pinatotoo ni San Juan Bautista sa mga tao sa Ilog Jordan na siya ay isang dakilang propeta, ngunit may mas dakila pang kaysa sa kanya ang darating, at hindi siya karapat-dapat na ikalas ang sandalyas nito.

Makikita natin ang kababang-loob ni Juan na ipahayag na ang kanyang pinsan na si Hesukristong Anak ng Diyos ay darating bilang Tagapagligtas ayon sa katuparan ng plano ng Diyos. Kaya ang paanyaya ng tinig sa ilang ay magsisi at magbalik-loob sa Panginoon. Ito yung ating ginagawa ngayong Adbiyento bilang paghahanda sa Pagdating ni Kristo. Ipinahayag din ni Propetang Sofonias na kailangan nating magalak sa pagdating ng kaligtasan na para sa lahat. At ngayong Linggo ay tinatawag na “Linggo ng Katuwaan” o “Gaudete”. Makikita po natin sa Antipona sa Pagpasok na hango sa Ikalawang Pagbasa ngayon na tayo ay palaging magalak sa Panginoon sapagkat siya ay malapit nang dumating. Sa ating mga simbahan, makikita po natin ang Pari ay minsan nagsusuot ng kulay-Rosas na kasulya, at ang kulya-Rosas na kandila sa Korona ng Adbiyento ay sinsindihan. Ang panawagan ng Linggo ng Gaudete ay sa kabila ng ating pagsisisi at paghihingi ng tawad ngayong Adbiyento, kailangan nating magalak sapagkat tayo’y nasa kalagitnaan ng panahon, at malapit na ang Kapistahan ng kaligtasan ng Diyos na dumating sa ating noong unang Kapaskuhan ng Pagsilang. At tayong mga Pilipino ay talagang naghahanda upang maging masaya ang bawat pagdiriwang ng Pasko, kaya tayo ay nagtitipon upang sa loob ng siyam na araw ay idaraos ang Simbang Gabi bilang pananabik sa Pagsilang ni Hesus. At mahalaga rin dito sa liturhiya ngayon na ang kagalakang iyon ay kinakailangan ibahagi sa ibang tao. Sabi nga ni Christopher Mccandless sa huling hantungan ng kanyang buhay, “Happiness is only real when shared.”

Nawa’y pakinggan natin ang mensahe ni San Juan Bautista na gumawa ng katuwiran at kabutihan sa bawat tao upang patuloy nating ibahagi ang kagalakan ng Panginoon sa isa’t isa.

Reply

Analyn Mangona December 12, 2021 at 2:00 am

Ang Papuri at pasasalamat ay sayo PANGINOON DIYOS AMA at PANGINOON HESUKRISTO. Amen???

Reply

Mel Mendoza December 14, 2024 at 9:14 pm

PAGNINILAY:

“Ano po ang dapat naming gawin?” Mga katanungan ng mga tao kay Juan Bautista. Ang tanong na ito ay paulit-ulit na binigkas ng iba’t ibang grupo ng tao kay Juan Bautista habang naghahanda sila para sa pagdating ng Panginoon. Ang tugon ni Juan ay malinaw at simple, ngunit malalim ang kahulugan: ang bawat isa ay kailangang mamuhay nang matuwid at naaayon sa kalooban ng Diyos.

Sa mga tao ang payo ni San Juan Bautista ay magbahagi ng mga biyaya. Sinabi niya, “Ang may dalawang balabal ay magbigay sa walang balabal, at ang may pagkain ay magbahagi sa walang pagkain.” Sa mga maniningil ng buwis: Ang utos niya ay maging tapat. Sabi niya, “Huwag kayong kumolekta nang higit sa nararapat.” Sa mga kawal: Sinabihan niya sila na umiwas sa pang-aabuso, huwag mangikil, at maging kuntento sa kanilang sahod.

Ang tema sa Ikatlong Linggo sa panahon ng Adbiyento ay panawagan ng pagbabago ng may kagalakan. Ang Mabuting Balita ngayon ay nagtuturo sa atin na ang tunay na paghahanda para sa pagdating ng Panginoon ay hindi lamang panlabas na gawain, kundi isang pagbabago ng puso at kilos na may kagalakan na nagmumula sa pananampalataya.

Mga pagbabago na may kagalakan na dapat natin isabuhay. Una ay ang Pagbabahagi ng Biyaya: Tayo ba ay nagiging daluyan ng pagpapala sa ating kapwa, lalo na sa mga nangangailangan? Ang pagbabahagi ng biyaya ay pagpapakita ng pag-ibig na makikita kay Kristo. Sa gitna ng materyalismo ng panahon, paalala ito na magbawas ng pagkamakasarili at mag-alay ng tulong.

Pangalawa , ay ang Pagiging Tapat: Ang pagkilos nang tapat at may integridad ay mahalaga. Sa lahat ng aspeto ng ating buhay—sa pamilya, trabaho, o komunidad—ipakita natin ang pagiging matuwid na Kristiyano. Ang katiwalian at kasinungalingan ay humahadlang sa liwanag ng Diyos sa ating buhay.

Pangatlo, ay ang Pagpapakumbaba: Ang pagiging kuntento sa ating kalagayan at pag-iwas sa pag-abuso ay nagpapakita ng pusong nagpapasakop sa Diyos. Ang kapayapaan ay matatagpuan hindi sa yaman kundi sa tiwala sa probidensya na ngmumula sa Diyos.

Ang panghuli , ay ang Pagkilala sa Tagapagligtas: Sa pagtatapos ng ebanghelyo, pinaalalahanan tayo ni Juan na siya ay isang tagapagpauna lamang, at ang tunay na Tagapagligtas, si Hesus, ay paparating. Siya ang magdadala ng Banal na Espiritu upang baguhin ang ating mga buhay.

Mga hamon sa ating mga Kristiyano Ngayon. Itanong natin sa ating mga sarili: “Ano ang dapat kong gawin upang maging handa sa pagdating ni Kristo?” Hindi sapat ang panlabas na dekorasyon o ritwal. Ang mas mahalaga ay ang pagbabagong-loob na tumutugma sa Mabuting Balita—isang buhay na puspos ng pagmamahal, katarungan, at kababaang-loob.

Tularan natin si Juan Bautista sa kanyang mensahe ng panawagan sa pagbabago at maging masiglang tagapagbahagi ng liwanag ni Kristo sa ating kapwa katulad ng mga katangiang niyang: 1. Pagpapakumbaba sa Harap ng Diyos, 2. Pagkilala sa Kadakilaan ni Kristo, si Juan ay nagbabautismo ng tubig bilang tanda ng pagsisisi. Si Hesus, bilang Mesiyas, ang magdadala ng Banal na Espiritu upang ganap na baguhin ang buhay ng tao. 3. Pagtuturo ng Halimbawa ng Paglilingkod. Ang bawat Kristiyano ay tinatawag na maglingkod nang walang paghahangad ng pansariling kapakinabangan, kundi upang luwalhatiin ang Panginoon.

Katulad ni Juan, tinatawagan din tayong magpakumbaba at maglingkod nang tapat kay Kristo. Sa mundo kung saan ang yaman, kapangyarihan, at karangalan ang madalas na hinahangad, ipinapaalala sa atin na ang tunay na kahulugan ng kadakilaan ay nasa kababaang-loob at paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.

Manalangin tayo. Panginoon, tulungan mo akong may kagalakan ng puso na maging handa sa Iyong pagdating. Buksan mo ang aking puso sa pagbabagong-loob, pagiging tapat, at pagbabahagi ng pag-ibig sa aking kapwa. Nawa’y makita sa aking buhay ang Iyong liwanag. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: