Podcast: Download (Duration: 7:48 — 9.5MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Tinatawag tayo ng Panginoon na magbantay sa kanyang muling pagbabalik. Lumapit tayo sa Ama sa panalangin habang naghihintay sa kanyang pagdating.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng kasaysayan, palakasin mo kami.
Ang Simbahan nawa’y makatugon sa tawag ng pagbabalik-loob at pagbabago, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong may mabuting kalooban nawa’y sama-samang kumilos para wakasan ang pag-aaway at digmaan, pang-aapi at kawalang katarungan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating kamulatan sa presensya ni Kristo nawa’y higit pa nating palawigin sa ating mga dukha at mga naghihirap na kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y pagkalooban ng lakas at pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumaong kamag-anak at kaibigan nawa’y maranasan ang walang hanggang kaligayahan sa piling ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Diyos, pakinggan mo ang aming mga panalangin. Buksan mo ang aming paningin sa iyong presensya sa aming piling. Ilapit mo kami sa iyo araw-araw. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Huwebes, Nobyembre 28, 2024
Sabado, Nobyembre 30, 2024 »




{ 4 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Totoong malapit na magtapos ang Kalendaryo ng ating Simbahan. Sa darating ngayong Linggo, papasok tayo sa bagong taon sa pagsisimula ng Panahon ng Pagdating (Adbiyento), na kung saan ipaghahadaan natin ang ating mga puso para sa Pagdating ni Kristo sa ating buhay, sa ating paglalapit sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang at sa ating pananabik sa kanyang muling pagpaparito sa katapusan ng panahon. Kaya ang mga pagbasa nitong pagtatapos ng taong panliturhiya ng ating Simbahan ay nagpapaalala sa atin ukol sa pagwawakas ng mundo.
Ang Unang Pagbasa ngayon ay isang kakaibang pangitain ni San Juan: ang sunud-sunod na mga pangyayari na minsan masasama, subalit ay nagiging mabuti. Ito ang mga iba’t ibang pagsubok na kung saan minsan nagtatagumpay ang kabutihan, subalit may mga pagkakataong ang kasamaan ay nananaig. Sa kabila ng nakikilabot na mga pangyayari sa ating buhay, na minsan hindi natin mapaliwanag kung bakit naganap ang mga ito, mayroong pag-asang nakita ang Apostol sa isa pang kagila-gilalas na pangitain: ang bagong Jerusalem. Ito ang bagong langit at bagong lupa, na kung saan wala na ang dating lupa’t dagat. Kaya ang ating disposisyon ay hindi lang dapat puno ng takot o pag-alinlangan, kundi puno ng pag-asa at kagalakan dahil sa kaganapan ng pangako ng Diyos na tayo’y sasamahan at aakuin niya tungo sa buhay na walang hanggan sa kalangitan. Kaya ang mga kasalukuyang pangyayari sa mundo, kahit masaya o malungkot, ay nagpapaalala sa atin na hindi dapat tayo maging kabado o maguluhan sa ating pag-iisip, kundi dapat tayo mag-asam ng mga bagay na makakamit natin kapag kapiling na natin ang Panginoon sa ating mga buhay.
Ang ating Ebanghelyo ngayon ay ang patuloy na mensahe ng Panginoon ukol sa darating na katapusan. Kaya ang ginamit niyang larawan ay ang puno ng igos at ng iba pang punongkahoy. Kapag ang mga ito ay nagdamo, ito’y tanda na malapit na ang tag-araw. Ganun din ang mga “tanda ng panahon”, na nagsasabing malapit na ang paghahari ng Diyos. Subalit may iilang tao ay ginagawang literal na “malapit na raw magunaw ang mundo”. Ang nais ipahiwatig dito ng Panginoon na huwag tayong maging masyadong kumpiyansang magtatapos na ang ating daigdig at bukas ay darating na raw si Kristo. Bagkus, dapat tayo ay magkaroon ng sapat na paghahanda sa ating kalooban para sa pagdating na oras na yaon. At kahit lumipas pa ang langit at lupa, magiging matatag pa rin ang mga salita ng Panginoon. Kaya dapat tayong puno ng pag-asa na ang lahat ng mga pagsubok sa ating buhay ay balang araw lilipas din, subalit ang Panginoon ay patuloy na manantili sa atin magpakailanman. Kaya patuloy tayong maging tapat sa kanyang mga salita at isabuhay ang mga ito sa ating araw-araw na pamumuhay.
Lagi nating purihin, sambahin at dakilain ang ating mahal na Panginoon at Diyos Hesus, amen
PAGNINILAY:
Ang talinghaga ng puno ng igos ay isang paalala mula kay Hesus tungkol sa kahalagahan ng pagbabantay sa mga tanda ng panahon at pagiging handa sa muling pagdating ng Panginoon. Tulad ng puno ng igos na nagbibigay ng senyales ng paparating na tag-araw, ipinapakita ng mga kaganapan sa paligid natin ang pagiging malapit ng katuparan ng kaharian ng Diyos. Ang mensahe ng Ebanghelyo para sa atin:
Pinaalalahanan tayo na maging mapagmasid: Sa ating panahon, maraming palatandaan ang nagpapaalala sa atin tungkol sa kaharian ng Diyos – mga pangyayari sa mundo, pagbabago sa lipunan, at personal na karanasan. Huwag tayong maging abala lamang sa makamundong bagay, kundi sikaping makita ang espiritwal na aspeto ng ating buhay.
Tinuturuan tayo ng Ebanghelyo na magtiwala sa Salita ng Diyos: Sinabi ni Hesus na ang Kanyang mga salita ay hindi maglalaho. Ito’y paalala na kahit magbago ang mundo, mananatiling totoo at buhay ang Kanyang Salita. Nawa’y mag-ugat tayo sa pananampalataya sa Diyos na tapat sa Kanyang mga pangako.
Hinihikayat tayo na paghandaan ang Kanyang pagbabalik: Ang pananampalataya ay hindi lamang pagtanggap ng kaalaman; ito’y isang uri ng pamumuhay na may patuloy na paghahanda at pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Mga kapatid, ang talinghaga ng puno ng igos ay nagpapakita sa atin ng tatlong mahalagang punto: pagtutok, pagtitiwala, at paghahanda. Tinuturuan tayo ni Hesus na suriin ang ating mga buhay. Ano ang ating inuuna? Saan natin inilalagay ang ating pananampalataya? Handa ba tayong harapin ang Kanyang pagbabalik?
Sa mundo ng kawalang-katiyakan, ipinapaalala sa atin ni Hesus na ang Kanyang Salita ay ang ating matibay na pundasyon. Ang lahat ng bagay sa mundo ay lilipas at pansamantala lamang—ang kayamanan, karangalan, at maging ang ating buhay—ngunit ang Salita ng Diyos ay hindi kailanman maglalaho.
Sa darating na Linggo ay magsisimula na unang Linggo sa panahon ng Adbiyento, inihahanda tayo ng Ebanghelyong ito na pagnilayan ang ating relasyon sa Diyos. Puspos ba ng pagmamahal, pananampalataya, at pag-asa ang ating puso? Tulad ng puno ng igos, sumisibol ang mga dahon nito kasabay ng pagbabago ng panahon ganun din dapat ang ating mga buhay dapat kasabay ng takbo ng panahon nakikitaan tayo ng pagbabago sa ating kilos at gawa bilang bahagi ng ating paghahanda sa pagdating ng pagsilang ng manunubos sa ating mga puso.
Mga kapatid, sikapin nating manatiling nakaugat sa Salita ng Diyos. Sa gitna ng kaguluhan, magtiwala tayo sa Kanyang pangako. Huwag tayong matakot sa hinaharap sapagkat alam nating kasama natin ang Diyos sa bawat hakbang ng ating paglalakbay sa buhay na ito.
Manalangin tayo. Panginoon, salamat po sa Iyong Salita na nagbibigay liwanag sa aming landas. Turuan Mo kaming maging handa at mapagmasid sa mga tanda ng Iyong presensya. Nawa’y maging mabunga ang aming buhay sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa iyong kaluwalhatian. Amen.
Pinapaalala sa atin ngayon na kahit na mawala ang lahat ang salita ng Diyos ay mananatili. Isang paalala rin ito sa atin na mawala man ang lahat, iwan man tayo ng lahat mayroon at mayroong mananatili. Ang mannaatili ay ang paghahari ng Diyos sa sanlibutan at ang kaniyang kapangyarihan. Lahat ng bagay sa mundong ito ay pansamantala lamang at parang bula na maaaring mawala sa isang iglap lamang ngunit ng mga salita ng Diyos ay mananatili lalo na kung siya at ang kaniyang mga salita ay ating pakikinggan at isasabuhay. Amen