Linggo, Nobyembre 17, 2024

November 17, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Patnubay sa Misa

Hangad nating lahat na maging handa sa pagdating ng Panginoon. Bunsod ng tiwalang tayo ay tutulungan niyang makatagpo siya nang maluwalhati, ating sambitin:

Maluwalhating Diyos, dinggin Mo ang aming panalangin!

Para sa mga namumuno sa Simbahan, upang maihanda nila ang Bayan ng Diyos na maging Esposa ng Kordero, dalisay at kaaya-aya sa mata ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Para sa lahat ng mga pari at mga namanata sa Diyos, upang maging masigasig sila sa paghahanda para sa pagdating ni Kristo sa wakas ng panahon, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga namumuno sa ating bansa, upang ibuhos nila ang kanilang talino at lakas para maihanda ang ating daigdig sa muling pagbabalik ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga taong nasa bingit ng kamatayan, upang makatagpo nila nang maligaya at mapayapa
si Kristong darating, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa ating lahat na nagkakatipon sa Lingguhang Eukaristiya, upang lumago tayo araw-araw sa paghahanda ng ating mga sarili para sa pagbabalik ni Kristo at talagang magsikap na mapuspos ang ating daigdig ng pag-ibig, ligaya, at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga magulang na nagluluksa sa pagkamatay ng kanilang anak: nawa’y makatagpo sila ng suporta mula sa kanilang pamayanan at makatanggap ng kapayapaan at katiwasayan mula sa Espiritu Santo!

Ama naming maluwalhati, isugo mo sa amin ang iyong Banal na Espiritu upang mapuspos kami ng walang kupas na sigasig para maihanda ang aming mga sarili at ang lahat ng aming makakasalamuha sa buhay na ito para sa maluwalhating pagbabago ng daigdig sa pagbabalik ng aming nililiyag, ang iyong Anak, na si Hesukristong aming Panginoon. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Melba G. De Asis November 18, 2018 at 11:46 am

Ang lahat ng bagay ay mawawala pati ang langit at lupa ngunit ang salita ng Panginoon ay mananatili at matutupad ayon sa nasusullat. Ang Kanyang mga salita at iniuutos sa atin na inihayag sa Bibliya ay sapat na para maging gabay natin sa ating buhay at dapat sundin para kamtan natin ang pangakong buhay na walang hanggan ipagkakaloob ng Panginoon.

Panginoon nawa’y tulungan mo akong maging matatag sa pagtupad ng Iyong mga utos, palaging maging masunurin at tapat sa Iyo at gumawa ng mga bagay na ikalulugod Mo sa lahat ng panahon ng aking buhay dito sa lupa. Nawa’y patawarin Mo po ako sa mga naging pagkakasala ko sa aking kapwa lalu na sa aking mga Magulang. At salamat po Panginoon na sa kabila ng aking mga pagkakasala ay patuloy Mo pa rin akong minamahsl at pinagkakalooban ng Iyong pagpapatawad. Ikaw na po Panginoon ang bahala sa aming mga pangangailangan sa araw araw at nawa’y ipagkaloob mo po sa akin at sa buo kong pamilya pati na ng lahat ng may karamdaman ang lubos na kagalingan sa taglay naming mga karamdaman, sa sakit ng aming kaluluwa, at katawan. Buo ang aking pananalig at inaangkin ko na po ang aming kagalingan ng may pasasalamat sa Pangalan ng ating Panginoong Hesus. Hesus Maria ipanalangin nyo po kami. Amen.

Reply

Reynald Perez November 7, 2021 at 4:47 pm

PAGNINILAY: Ngayong Linggo ay isang tanda na patapos na ang Taong Panliturhiya ng Simbahan. Sa susunod na Linggo ay ating ipagdiwang ang Kapistahan ng Pagkahari ni Kristo sa Sanlibutan. Kaya ang bilang na “33” ay mahalaga sapagkat ito ang edad ni Hesus nang namatay siya sa Krus at muling nabuhay. Sabi nga sa Ikalawang Pagbasa na ang Pagkamatay niya sa Banal na Krus ay ang pinakaperpekto sa lahat ng mga handog na hindi na kailangan pang mag-alay ng mga pisikal na handog. Kaya nga si Kristo ay ang ating Dakilang Saserdoteng namamagitan sa atin patungo sa Amang Diyos na nasa langit.

Kaya ang Ebanghelyo ay nagsasaad na tayo ay may hangganan sa mundong ito. Ang tawag ng mga dalubhasa tungkol sa katapusan ay “Eschatology”, isang disiplina ng Teolohiya kung saan pinag-aaralan ang mga huling kagapan ng buhay dito sa daigdig. Kaya dito pumapasok ang mga konsepto ng Kamatayan, Pagkabuhay, Paghuhukom, Kalangitan, Impiyerno, at Purgatoryo. At sinasabi ni Hesus sa Ebanghelyo na ang katapusan ay katulad ng mga nahuhulog na dahon ng puno ng igos bilang tanda ng papalapit ang tag-araw. Kaya nga itong pagdilim ng araw, hindi pagliwanag ng buwan, pagbagsak ng mga bituin, at pagyanig ng mga kapangyarihan, ay hindi dapat maghasik ng takot sa damdamin ng tao. Ni hindi man natin dapat iniisip na ang mga kalamidad katulad ng lindol at bagyo ay tanda na raw ng katapusan ng mundo.

Ang pinakahalaga sa ating mga buhay ay ang ating pananampalataya sa Panginoon. Katulad ng mga taga-Israel na binihag ni Antioquio Efifanes sa Unang Pagbasa, tayo ay pinapalakas-loob sa tagumpay ng Diyos laban sa mga kasamaan ng mundo at takot na napapalibot sa puso’t isipan ng bawat tao. At sa hantungan ng ating buhay ay hindi lang kamatayan, kundi mayroon pagkabuhay tungo sa walang hanggan. At itong walang hanggan ay kailangan patungo sa itaas dahil sa ating kabutihan, hindi patungo sa ibaba dahil sa mga masasamang gawain. Kaya sa Parousia/Ikalawang Pagdating ni Kristo, titipunin niya ang lahat ng mga kalat-kalat na indibidwal upang ihatol ayon sa pagmamahal na ipinakita ng bawat isa.

Kaya sa ating buhay-pananampalataya, nawa magkaroon tayo ng pananampalataya at pag-asa sa paghahangad ng kaligayahan ng walang hanggan kapiling ang Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanya at sa ating kapwa na gaya ng ating sarili.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño November 14, 2021 at 12:16 pm

Ano ang hamon at aral ng ebanghelyo ngayon?
Kailan dapat magbago? Maliligtas pa ba ang makasalanan? Ano ang dapt gawin?

Hindi pa huli ang lahat kapatid, simulan mo ngayon, anong kadiliman ka man naroroon, magsisis ka, pagsisihan ang nagawa mong kasalana simula sa maliit at sa malala. Ihingi mo ito ng kapatawaran, maawain si Hesus at mapagpatawad. Pagkatapos ay sikaping matalikuran na ang pagawa ng kasamaan.

Tatanggapin tayo ni Hesus, kinalulugdan nya ang taong nagbabalik loob sa kanya lalo na ang mga taong makasalanan at nagnanais magpakabanal. Tandaan mo na iniwan ng mabuting pastol ang 99 na tupa upang hanapin ang isang nawawala at naliligaw ng landas. At kapag natagpuan nya ay nagdidiwang sya. Ganuon din si Hesus sa atin. Kay ngayon na kapatid, umpisahan mong magkaroon ng relasyon sa Panginoon.

Reply

mugmog November 12, 2024 at 9:28 am

Marcos 13_24-32 MAY WAKAS
Nasa huling kabanata na po tayo ng Ebanghelyo ayon kay San Marcos. Next week po ay Christ the King na! Pagkatapos po nun, dadako na tayo sa panahon ng Adbyento bilang paghahanda sa pasko.
At sa huling kabanata ngayon ng Ebanghelyo ayon kay San Marcos, narinig natin na sinasabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng mga napakalaking kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. At makikitang dumarating ang Anak ng Tao na nasa alapaap.” Binabalik tayo nito sa isang realidad ng ating buhay at pananampalataya- ang realidad ng “wakas, katapusan, dulo, hangganan.” Pero, kapag nagaganap na raw ang mga wakas, makikitang dumarating si Hesus, ang Anak ng Diyos na nasa alapaap. Ibig sabihin, sa gitna ng wakas, matatagpuan ang bagong simula kay Hesus.
Ano ang aral na makukuha natin dito?

1. May wakas. May katapusan ang lahat. Ang ating paghihirap ay may hangganan.
Ang ating problema sa pamilya, sa pag-aaral, sa sarili, anuman ito, ay matatapos din!
Ang mga dukha/api (tignan ang mga katabi, mukha bang inaapi yan), hindi palaging nasa ibaba at tinatapakan ng mga taong mapagsamantala sa paggamit ng kapangyarihan. Ang halakhak ng taong nangbwibwisit sayo ngayon ay matatapos din.
Hindi pwedeng namamayagpag palagi ang mga taong may masasamang hangarin. Ang pwersa ng kasamaan ay may hangganan din.
At sa ganitong pagtingin sa “realidad ng wakas”, maituturing natin itong ‘biyaya’.
Kaya, salamat sa Diyos, may wakas! Salamat sa Diyos, may dulo pala ang tila walang hanggang problema na ating nararanasan ngayon. Salamat sa Diyos, ang sakit na ating iniinda sa katawan at kalooban ay may hangganan din.
Salamat sa Diyos, may katapusan ang lahat dito sa mundong ibabaw!
Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng mga napakalaking kapighatian, makikitang dumarating si Hesus, ang Anak ng Diyos na nasa alapaap.

Reply

Mel Mendoza November 15, 2024 at 9:24 pm

Ang buhay natin sa mundo ay may simula at katapusan, ganun din ang lahat ng bagay na kasabay natin na nilikha ng Diyos sa himpapawid, at sa balat ng lupa. Ang mahalagang katanungan na dapat natin sagutin ay ano ang pagpapahalaga na ginawa natin sa gitna ng magkabilang dulo nito. Kung sakaling man hindi gaanong maganda ang ating naging simula tayo ay laging binibigyan tayo ng Diyos ng sapat na panahon para itama ang ating mga nagawang pagkakamali. Marami na tayong narinig o nabasa na mga magagandang kasaysayan ng mga Santo at Banal na bagamat meron sa kanila nagsimula ng buhay na hindi maganda na sila’y katulad din natin na dumanas din ng karimlan, kaguluhan, at nalagay sila sa mga daan na walang direksiyon na tila walang patutunguhan pero sa kalagitnaan ng mga buhay nila nakasilay sila ng liwanag mula sa Diyos- ang ilaw na nagbigay -daan sa kanila upang mamuhay ng may karangalan, kapayapaan, at buhay na may kabanalan. Sa ganitong diwa ng paghahanda na may konkretong pagpapanibago ng puso at kalooban ang tema ng panawagan sa atin ng Ebanghelyo.

Ang Mabuting Balita sa Linggo ito ay inihahayag ang mga pangyayari ng wakas ng mundo o tanda ng wakas ng panahon na kalimitan nagsasaad ng paghahanda. Ito ay paalala sa lahat na habang may panahon pa, sa kabila ng mga pagsubok at sa gitna ng ating mga masamang karanasan ay laging pagtuunan ang paghahanda. Kung tayo man ay may sinimulan na hindi kaayaaya mga gawain sa mata ng Diyos na nagpadilim ng ating buhay, nagbigay ng labis na kaguluhan, tayo ay pinaalalahanan na may Diyos tayong na walang sawang gumagabay na handang tanggapin ang ating pagsamo at paghingi ng kapatawaran na may kaakibat na radikal na pagpapanibago ng sarili.

Ang nakatala sa Banal na Kasulatan tungkol sa katapusan ng mundo ay tiyak na darating pero sa halip na ito ay katakutan harapin natin ito ng may kagalakang paghahanda at lalo pa natin palakasin ang ating pananampalataya at sumunod at isabuhay ang ipinangaral sa Mabuting Balita. Lagi nating isapuso na ang lahat ng bagay sa mundong ito ay lilipas, may wakas, katapusan, at may hangganan. Ito ay dapat natin ipagpasalamat, sapagkat ang mga kaganapang ito ang siyang magbubukas ng panibagong yugto na magbibigay sa atin ng bagong pagkakataon para magsimula ng isang makabuluhang buhay sa piling ni Kristo Hesus.

Reply

Malou. Castaneda November 17, 2024 at 4:02 pm

PAGNINILAY
Sa lahat ng natural at dulot ng tao na mga sakuna, ang pandemya, ang katapusan ng mga hula sa mundo, marami ang nag-aalala na ang mundo ay malapit nang magwakas. Maaari itong maging isang nakakatakot na sandali upang kilalanin ang Diyos bilang ang Lumikha para sa mga taong itinuring ang mundong ito at ang mga bagay nito bilang kanilang sarili at hindi pinarangalan ang Lumikha. Ang Salita ay ang kayamanan na hindi mawawala. Ang Kanyang Salita na binigkas sa atin sa pag-ibig ay nabubuhay magpakailanman at ang liwanag ng buhay na laging kasama natin. Ang Salita ng Diyos ay nagbibigay-liwanag sa atin na hindi mag-isip tulad ng mundo kundi mag-isip ng mga iniisip ng Diyos. Ang mga nag-iingat ng Salitang ito sa kanilang puso ay magkakaroon ng liwanag na magpapaalis sa kadiliman.

Panginoong Diyos, tulungan Mo kaming maging handa sa pagdating ng Iyong Anak. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: