Miyerkules, Hulyo 24, 2024

July 24, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-16 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Sabihin natin sa Diyos ang ating pagnanais sa isang mayamang ani sa mundo habang ating nasasalamin ang hindi matabang lupa sa ating buhay.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, gawin Mong mabunga ang aming buhay.

Ang Simbahan nawa’y magbunga ng mayamang ani sa pamamagitan ng katapatan at dedikasyon ng kanyang mga lingkod, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ani ng katarungan nawa’y magbuhat sa hindi makasariling paggawa ng mga pinuno, mambabatas at hukom ng gobyerno, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga magsasaka na nagpapagal sa bukid nawa’y umani ng bunga ng kanilang paggawa at makatulong sa ikauunlad ng sambayanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit na nahihirapan sa mga kasawian sa buhay nawa’y masiyahan sa ani ng pagpapalakas-loob mula sa kanilang mga kaibigan at komunidad, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao nawa’y makarating sa kanilang walang hanggang tahanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Mapagmahal na Ama, tulungan mo kaming makapagdulot ng mayamang ani sa anumang iyong itinanim sa aming mga puso. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Jefferson Serrano July 19, 2022 at 7:05 pm

Ibinabagi sa ating ngayon ng Ebanghelyo ang talinghaga ukol sa manghahasik. Ang binhi na nalaglag sa ibat ibang lugar at ang naging bunga nito. Ipinakikita lamang nito na ang mga mga binhing ito ay tumatalakay sa ating mga tao kung paano tayo inihasik at kung paano tayo magiging mabunga. Kaya ang ibig ng Diyos sa pagtatalakay na ito, ang butil na sinasabing nalaglag sa matabang lupa ang siyang tunay na maganda. Ang mataba o mabuting lupa ang kumakatawan sa magulang, sa simbahan at sa lipunan na kung saan umaasa ang nagpunla nito na magiging maganda at masagana ang binhing ito na magbubunga ng marami.

Reply

Reynald David Perez July 20, 2022 at 1:21 am

PAGNINILAY: Ang mga Pagbasa ay ang pagtalima at pagtugon sa salita ng Diyos.

Nagsisimula ang Unang Pagbasa sa Aklat ni Propeta Jeremias, na nabuhay 500-700 taon bago dumating si Kristo. Narinig natin ngayon ang pagtawag ng Panginoon kay Jeremias na magpahayag ng kanyang mensahe ukol sa pagtutuwid ng bayan ng Diyos (Juda) mula sa kanilang pagmamatigas. Subalit nagduda si Jeremias dahil tingin niya na siya’y masyadong bata pa para gampanan ang tungkulin na maging propeta. Ngunit sumagot ang Diyos na hindi dapat iyan maging hadlang upang ipahayag ang dakilang mensahe, kaya’t hinipuan siya ng Panginoon upang ipahayag ang mensaheng iyon. At makikita natin sa pagpapahayag ni Jeremias ang pagbagsak at pagbangon ng mga bansa, lalong-lalo na ng Juda dahil sa pagsuway nito sa Panginoon. Subalit makikita rito na sa kabila ng mga paglagapak ng bayan ng Diyos, patuloy ang Diyos sa kanyang pag-uukit muli ng tipan upang ang tao ay maging mas malapit sa kanya sa pagsunod sa dakilang kalooban na ipinahahayag niya sa kanyang Banal na Salita.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang simula ng ika-13 kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo, na kung saan nakasentro sa buong kabanatang ito ang mga talinghaga ng Panginoon. Ang talinghaga ay isang uri ng panitikan na gumagamit ng mga larawan at mga simbolo na tao man, lugar, o bagay, na bagamat hindi totoo, ngunit nagbibigay ng kahulugan/asal ukol sa isa pang higit na kahalagahan sa buhay. At ang unang talinghaga ni Hesus dito ay ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik. At narinig nga natin kung paanong naghasik ang isang magsasaka ng binhi sa apat na lupa, at alam din natin kung paanong ipinaliwanag ng Panginoong Hesukristo ang kahulugan ng pagkahulog ng binhi sa iba’t ibang lupa, na makikita kung paano nga naitatanim ang Salita ng Diyos sa puso ng tao upang mas lalo pang lumago at mabunga ang tunay na kabanalang Kristiyano sa bawat tagapagpakinig ng kanyang Salita.

Nawa sa ating buhay ay matanggap natin nang malugod ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pakikinig, pagtugon, at pagsasabuhay nito, upang patuloy nating isaysay ang kanyang kadakilaan at kabutihan, at mamunga pa ang kanyang kagandang-loob mula sa isang tao patungo sa bawat pusong handang tumanggap at sumunod sa kanya.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño July 20, 2022 at 9:21 am

Ano ang aral at hamon sa atin ng ebanghelyo ngayon?

Ang maghahasik ay si Hesus, ang mga binhi ay ang Salita ng Diyos at ang mga klase ng lupa ay tayo.

May mga taong nakikinig o nagbabasa ng Salita ng Diyos subalit hindi ito iniintindi at isinasapuso, ito ay ang mga binhing nahulog sa tabi ng daan at tinuka ng mga ibon.

May mga tao nman na palasimba, nakikinig ng Mabuting Balita, magiging mabait subalit pagkatapos ng ilang araw ay babalik na naman sa dating mga maling gawain. Ito ay ang mga bihing nagulog sa batuhan na hindi nagkaugat at namatay sa init ng araw.

May mga tao naman na nakapakinig ng Salita ng Diyos at isinapuso subalit nagpadaig sa kamunduhan o sa mga mapang akit na tukso ng demonyo, ito naman ang mga binhi na nahulog sa dawagan at nagpatalo sa masasamang damo.

May mga tao nman na patuloy na nakikinig ng mga Salita ng Diyos, isinasaisip, isinasagawa at isinasapuso ang mga aral mg Mabuting Balita. Ginagawang gabay ang Salita ng Diyos at makikita ito sa kanyang pakikitungo sa kapwa. Ito ang mga binhing nahulog sa matabang lupa.

Ngayon kapatid, suriin natin ang ating mga sarili. Saan napunta ang binhi ng maghahasik sa iyo? Sa tabi ng daad, sa batuhan, sa dawagan o sa matabang lupa?

Reply

Malou Castaneda July 23, 2024 at 9:46 pm

PAGNINILAY
Kapag si Hesus ay nagsasalita sa atin sa tuwing Siya ay bukas-palad na naghahasik ng mga binhi ng Ebanghelyo sa atin, ang ilan sa atin ay walang pakialam na makinig. O nakikinig tayo ngunit pagkatapos ng pakikinig ay tuluyan na nating nakakalimutan. Sa pag-asang ang Kanyang mga naihasik na binhi ay lalago sa ating mga puso at magbubunga ng hindi mabilang na bunga sa pamamagitan ng ating mga salita at kilos. Ngunit mayroon ding mga nakikinig, tumatangkilik at hinahayaang magbunga ang mga binhi ng Ebanghelyo sa kanilang buhay sa pamamagitan ng pamumuhay at pagbabahagi nito. Sa ganoong paraan pinapayagan nila ang kanilang mga sarili na gamitin ng Diyos bilang Kanyang mga binhi upang pagpalain ang buhay ng ibang tao. Hayaan natin ang mismong mga salita ng Diyos na ito na magbago sa atin upang tayo ay maging binhing naihasik sa matabang lupa. Kapag binuksan natin ang ating Bibliya, basahin at pagnilayan ang mga salita ni Hesus at hayaan itong bumaon ng malalim sa atin, ito ay mag-uugat, tutubo at mamumunga ng marami.

Panginoong Hesus, buksan Mo ang aming mga tainga at magpatuloy sa pagpapahayag ng Iyong Salita. Amen.
***

Reply

Group of Believer Poblite July 24, 2024 at 6:06 am

MAGNILAY: Ang puso natin ay para ring lupa na kailangang iproseso upang maging handang pagtamnan. Minsan para itong matigas na lupa sa daanan na kailangang bungkalin nang husto upang lumambot. Ang dami nating sama ng loob na dapat hilumin upang lumambot muli ang puso natin. Minsan para itong lupa sa batuhan na manipis at walang lalim. Kailangang alisin ang mga bato ng kababawan upang matutong pangatawanan ang mga pangako kahit may pagsubok. Minsan para itong lupa sa damuhan na maraming karibal. Kailangang bunutin ang damo ng kamunduhan upang walang maging kaagaw ang Diyos sa puso mo. Ang pangarap natin ay pusong tulad ng matabang lupa – wala nang sama ng loob, may paninindigan na at buong-buo sa Diyos at wala nang iba pa.

MANALANGIN: Panginoon, ihasik mo ang binhi ng iyong salita sa puso ko kahit hindi pa ito gaanong handa. Baguhin nawa ng iyong salita ang puso ko unti-unti hanggang kaya na nitong mamunga nang masagana.

GAWIN: Pagtiyagaan mong baguhin ang sarili mo tulad ng pagtitiyaga ng Diyos sa iyo.

Reply

Celine loveko July 28, 2024 at 1:36 am

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: