Podcast: Download (Duration: 8:10 — 5.8MB)
Biyernes sa Ika-2 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28
Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21
Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.
Mateo 21, 33-43. 45-46
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Friday of the Second Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Mas mahal ni Israel si Jose kaysa ibang mga anak, sapagkat matanda na siya nang ito’y isinilang. Iginawa niya ito ng damit na mahaba at may manggas. Dinamdam ito ng kanyang mga kapatid at ayaw nilang pakisamahang mabuti si Jose.
Nasa Siquem ang mga kapatid ni Jose at doon inaalagaan ang kawan ng kanilang ama. Sinabi ni Israel, “Gumayak ka at sumunod sa iyong mga kapatid.” Sumunod si Jose at natagpuan ang mga kapatid sa Dotan. Malayo pa siya’y natanaw na ng mga ito. Nagkaisa silang patayin siya. Sinabi nila, “Ayan na ang mapanaginipin! Patayin natin at ihulog sa balon, at sabihing sinila ng mabangis na hayop. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanyang mga panaginip.”
Narinig ito ni Ruben at binalak na iligtas si Jose. Sabi niya, “Huwag, huwag nating patayin. Huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; ihulog na lamang natin sa balon.” Sinabi niya ito, sapagkat ang balak niya ay iligtas ang kapatid. Paglapit ni Jose, hinubdan nila ito, at inihulog sa isang tuyong balon.
Habang sila’y kumakain, may natanaw silang pangkat ng mga Ismaelitang mula sa Galaad. Ang kanilang mga kamelyo ay may kargang mga gagawing pabango na dadalhin sa Egipto. Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Wala tayong mapapala kung patayin natin ang ating kapatid. Mabuti pa’y ipagbili na lamang natin siya sa mga Ismaelita kaysa ating saktan! Siya’y kapatid din natin: laman ng ating laman at dugo ng ating dugo.” At sila’y nagkasundo. Nang malapit na ang mga mangangalakal, iniahon nila si Jose at ipinagbili sa halagang dalawampung pirasong pilak. At si Jose’y dinala ng mga Ismaelita sa Egipto.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21
Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.
Sa lupain nila’y mayroong taggutom na ipinarating
itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
Subalit ang Diyos sa unahan nila’y may sugong lalaki
tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose.
Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.
Mga paa nito’y nagdanas ng hirap nang ito’y ipangaw,
pati leeg niya’y pinapagk’wintas ng kolyar na bakal;
hanggang sa dumating ang isang sandali na siya’y subukin
nitong Panginoon, na siyang nangakong siya’y tutubusin.
Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.
Ang kinasangkapan niya’y isang hari, siyang nagpalaya,
pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
Doon sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,
sa buong lupain, si Jose’y ginawa niyang katiwala.
Gunitain nang malugod
ang dakilang gawa ng D’yos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 3, 16
Pag-ibig sa sanlibutan
ng D’yos ay gayun na lamang,
kanyang Anak ibinigay
upang mabuhay kailanman
ang nananalig na tunay.
MABUTING BALITA
Mateo 21, 33-43. 45-46
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan: “Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga. May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid, at ito’y binakuran niya. Gumawa siya roon ng pisaan ng ubas at nagtayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, kanyang iniwan sa mga kasama ang ubasan, at siya’y nagtungo sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga alipin upang kunin sa mga kasama ang kanyang parte. Ngunit sinunggaban ng mga kasama ang mga alipin; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. Pinapunta uli ng may-ari ang mas maraming alipin, ngunit gayun din ang ginawa ng mga kasama sa mga ito. Sa kahuli-huliha’y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. ‘Igagalang nila ang aking anak,’ wika niya sa sarili. Ngunit nang makita ng mga kasama ang anak, sila’y nag-usap-usap: ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kanyang mamanahin. Kaya’t siya’y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay.
“Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga kasamahang iyon?” Sumagot sila, “Lilipunin niya ang mga buhong na iyon, at paaalagaan ang ubasan sa ibang kasama na magbibigay sa kanya ng kaparte sa panahon ng pamimitas.” Tinanong sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang talatang ito sa Kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
Ang siya naging batong panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
At ito’y kahanga-hanga!’
Kaya nga sinasabi ko sa inyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Diyos kundi ang bansang maglilingkod sa kanya nang tapat.
Narinig ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo ang mga talinghaga ni Hesus, at naunawaan nilang sila ang pinatatamaan niya. Dadakpin sana nila siya, ngunit natakot sila sa mga tao, sapagkat kinikilala ng mga ito na propeta si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Pebrero 29, 2024
Sabado, Marso 2, 2024 »
{ 8 comments… read them below or add one }
It is our pride and envy that cause us to sin against our God most of the time. In our effort and desire to live a secure and prosperous life, sometimes we tend to build envious heart along with pride of being good and noble. Let us pray to God to help be humble always and recognize Jesus as our owner and owner of this world.
Reflection: The Readings remind us to spend this Season of Lent through penance and renewal, as we prepare to celebrate the Mystery of Redemption on Holy Week.
In the First Reading (Genesis 37:3-4, 12-13a, 17b-28a), Joseph was loved most by Israel (Jacob), which is why he was given a coat of many colors. This made his ten brothers jealous and sought a plot to get rid of him. But Reuben, the eldest of them all, said that instead of killing him, why don’t they just throw him down the cistern by the desert. His real purpose was to save his brother. So the time came when they seized Joseph and threw him down the well. Then they saw a group of Ishmaelites traveling to Egypt, so they sold him as a slave to them. Later on, we could see how Joseph tested his brothers as governor of Egypt, so that he could reconcile with them and see again his father, Israel, and the youngest one, Benjamin.
In the Gospel (Matthew 21:33-43, 45-46), Jesus tells the Parable of the Tenants. The landowner symbolizes God the Father, the vineyard is Israel, the tenants are the scribes and Pharisees, the servants are the prophets, and the son is Jesus. Just as the tenants beat up and kill the servants sent to the vineyard by the landowner, the prophets of God are being persecuted by the religious leaders of Israel. And just as the son of the landowner is killed, the scribes and Pharisees under the High Priest Caiaphas persecuted Jesus, the Son of God, and handed him over to Pontius Pilate to be sentenced to death. But 37 years later, Jerusalem was destroyed by the Romans, as was prophesied and lamented by our Lord. This even includes the Temple built by King Herod the Great.
My dear brothers and sisters, the brothers of Joseph were sorry afterwards for what they have done. But the scribes and Pharisees were full of pride and never accepted the teachings of Jesus. That is why their authority was taken away because their worship to God is vain, and they nullified his word. Christ died to redeem us all from falling down into the pit. It was our sins that nailed him to the Cross. But he, once rejected by us, the builders, became our cornerstone, the Church for which we are part of. So Lent is the sacred time for penance and renewal. We must be sorry for our sins and promise to be faithful to the teachings of the Good News. Let us also not belittle others or persecute them, especially those who bring the Lord’s message of peace. As we journey down this Lenten road, let us spend this forty-day journey by being faithful to the Lord and manifesting his teachings in our lives.
PAGNINILAY: Narinig natin sa Unang Pagbasa ang kwento ng mga 12 anak ni Israel (Jacob). Si Benjamin na pinakabunso ay nasa pangangalaga ni Jacob, at si Jose naman ay ang pinakapaboritong anak. Kaya’t ipinagkaloob si Jose ng isang balabal na maraming kulay. Ngunit nainggit ang kanyang mga kapatid, kaya’t pinagtalian siya at tinangkang ihulog sa balon upang patayin. Hindi ito pinayagan ng panganay na si Ruben dahil sa kanyang mabuting intensyon na iligtas si Jose. Kaya’t nang mamasdan nila ang grupo ng mga Ismaelitang papuntang Egipto, inisip ni Juda na ibenta nalang nila ang kanilang kapatid bilang alipin sa Egipto. At nangyari nga ito sa susunod na kabanata, makikita natin ang karanasan ni Jose bilang alipin, hanggang sa madiskubre ang kanyang talento na makapaglarawan ng mga panaginip. Ito ang naging daan upang italaga siya ng faraon bilang gobernador ng Egipto. At dito rin makikita natin ang muli niyang pagsulyap sa kanyang mga kapatid na tumankang pumatay sa kanya at ibinenta siya bilang alipin. Kahit masakit ang kanyang karanasan sa kanila at madaming pagsubok ang kanyang pinagdaanan hanggang sa puntong maibunyag niya sa kanila bilang kanilang kapatid, makikita rito ang mga ‘di magandang bagay na tila nga ba’y nangyari upang makamtan ang liwanag at grasya ng Diyos.
Ang talinghaga sa Ebanghelyo ngayon ay kilala sa Ingles bilang “Parable of the Tenants”. Ang mga “tenant” ay ang mga katiwala sa isang lupa. Subalit makikita natin sa talinghaga na ang mga katiwalang ito ay tuso pala. Nais sa kanila mapunta ang ubasan ng may-ari. Kaya’t minamaltrato nila ang mga lingkod ng may-ari at minsan pinapatay. Kahit ang anak ng may-ari, hindi nila binigyan ng karangalan. Bagkus ay pinatay rin nila ito. Subalit sila’y pinalayas ng may-ari, at ibinigay ang ubasan sa pangangalaga ng mga katiwalang maasahan na mas aani pa hindi lang ang produksyon ng mga ubas, kundi pati na rin ang kabutihan ng pagkatao ng mga katiwala.
Makikita natin itong parabula ay ikinuwento ni Hesus sa mga Pariseo at eskriba. Matatandaan sila ay kritikal sa bawat salita o kilos na ginagawa ng Panginoon. Kaya tinatanong nila kung anong awtoridad mayroon siya upang gawin ang ganyang bigay. Ngunit natuldukan ni Hesus ang kanilang balak laban sa kanyang pinsan na si San Juan Bautista, kaya’t alam niya na hindi sila mapapahiya sa kanilang sariling tanong sa kanya. Kaya narinig natin noong nakaraang Linggo ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak na naglalahad tungkol sa tunay na pagsunod sa dakilang kalooban ng Diyos Ama.
At mula sa Talinghaga ng mga Tusong Katiwala, makikita natin sa Awit tungkol sa Ubasan [Isaias 5] ang kasaysayan ng Israel bilang isang ubasan. May mga taong inaatasan ng may-ari na pangalagaan ang ubasan upang magkaroon ng mabuting pag-aani. Subalit ang kapalit nito ay pagkitil ng dugo ng mga mabubuting lingkod. Ito’y sumasagisag sa pang-uusig at pagpapatay ginawa ng mga pinuno ng Israel laban sa mga propeta ng Diyos. At ganun rin ang kwento ng parabula tungkol sa anak ng may-ari, na si Hesus na Anak ng Diyos ay ipagpapatay ng mga pinuno ng Hudyo. Subalit makikita natin na tunay ngang nawala sa kanila ang Paghahari ng Diyos nang lusubin ng mga taga-Romano noong ika-70 taon ang Jerusalem, pati na ang Templo. At ni anumang katiting na bato ang naligtas. Samakatuwid, makikita natin na ang bagong Israel ay namumuhay sa Simbahan dahil kay Kristong namatay sa Krus at muling nabuhay upang maging sandigan natin sa ating misyon.
Mga kapatid, ang buhay natin ngayon ay hindi kailanman dapat nating pag-ariin. Ito’y nagmula sa Diyos, at siya ang may karapatan kunin ito sa kanyang nakatakdang oras at ayon sa kanyang kalooban. Kaya ang buhay na ipinagkaloob niya sa atin araw-araw mula sa pagbangon hanggang sa pagtulog ay ipinagkatiwala niya upang ito ay magbunga ng kabutihan, pagmamahal, kagandahang-asal, katarungan, at kapayapaan. At mula sa mga aral na iyon ay natitiyak na naghahari ang Diyos sa ating buhay.
MAGNILAY: Katiwala lamang tayo hindi may-ari. Lahat ng meron tayo – panahon, talino at yaman – ay pinahiram at ipinagkatiwala lamang sa atin. Ang Panginoon ang tunay at talagang may-ari. Dahil siya ang may-ari may tungkulin at pananagutan tayo sa kanya sa lahat ng pinahiram at pinagkatiwala niya sa atin.
Nagkakaroon ng problema kapag sinimulan nating angkinin ang hindi atin. Natututo tayong manipulahin ang lahat para sa sarili nating kapakanan. Banta ang tingin natin sa iba. Karibal ang trato natin sa kanila. Tingin natin sa Diyos ay sagabal sa lahat ng gusto natin. Babawiin ng Diyos tiyak ang umaangkin ng hindi kanya. Maiiwan siyang wala dahil hindi siya marunong mapagkatiwalaan.
MANALANGIN: Panginoon, huwag mong ipinahintulot na mawala ang lahat sa akin dahil hindi ako naging mabuting katiwala.
GAWIN: Kilalanin mo ang tunay na may-ari ng lahat ng meron ka.
Purihin ang Panginoon.
Ang Unang Pagbasa at talinghaga sa ating ebanghelyo ay magkakaugnay maging ang mangyayari kay Hesus.
Nagawa ang mga masasamang balak, ang pananakit at pagpatay ng dahil sa sariling mga interes, ng dahil sa inggit, ng dahil sa kasakiman at ng dahil natatakot na maagawan ng kapangyarihan.
Sa Unang Pagbasa ay ang sinapit ng anak ni Israel na si Jose, sa ebanghelyo ay ang sinapit ng mga alipin maging ang anak ng may ari mg ubasan, at ganun fin ang mangyayari sa Anak ng Diyos na si Hesus.
Ano ang hamon at aral sa atin ng mga ito? Unang una ay isa sa mga pinakamasang kasalanan, ang pagpatay na nasasaad sa sampung utos ng Diyos. Pangalawa ay wag tayong maging sakim at makasarili sapagkat mag uudyok sa atin nito ng paggawa ng masama upang makamit lamang ang minimithi. Pangatlo ay pag aralan nating maalis ang inggit sa ating katawan, ito ay normal na maramdaman ng isang tao subalit kaya natin baliktarin ito na matuwa tayo sa napala ng ating kapatid, ipagbunyi natin kung ano man ang narating nya at kung nais mo ding makamtam yun at pagsikapan mo na may kasamang panalangin at pagtitiwala sa Diyos. Hiwag nating siraan o ipnalangin na bumagsak ang ating kina iinggitan bagkus ay gawin natin motibasyon iyon na kung kaya ay kaya din natin sa tulong ng Panginoong Hesus.
Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28
Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21
Mateo 21, 33-43. 45-46
Mga self-righteous individuals, self-entitled. Ganyan natin parehong maikukumpara ang mga kapatid ni Joseph at ng mga pinapatungkulang Pariseo at eskriba ng Panginoong Hesus.
Ang pagiging self-righteous ng mga kapatid ni Joseph ay dala ng inggit sa kanilang nakababatang kapatid. Hindi nila gusto na ang 2nd to the bunso ang maghahari sa kanilang magkakapatid. Hindi nila gusto ang mga panaginip ni Jose kaya naman, nagbalak sila ng masama sa kapatid. Ipapatay, ihulog sa balon, at ang natuloy ay ang pagbenta sa kanya sa mga Ismaelita. Flesh and blood nilang kapatid si Jose ngunit ang pagiging self-righteous, ang kabuktutan at ang inggit ang nagtulak sa kanilang gumawa ng masama sa Kanya.
Ganito rin ang mga saserdote at eskriba na pinapatungkulan ni Hesus sa kanyang parable. Hindi nila iginalang ang mismong Anak ng Diyos kahit na they have seen with their eyes ang mga mirakulo and hear with their ears ang mga sermon ni Hesus. Bulag at bingi sila sa katotohanan sapagkat nananaig ang selfrighteousness nila—na “sila lang at ang mga ginagawa nila lang” ang tama.
Tapos na noon pang 2000yrs ago ang pagreject at pagpatay ng tao sa Anak ng Diyos. Nabuhay na nga Siya muli at tayo’y pinaghaharian mula sa langit na kanyang trono, at mula sa ating mga puso na pinananahanan ng Espiritu Santo. Ngunit hanggang ngayon, may mga tao na nirereject pa rin ang Kanyang katuruan at ang alok Niyang eternal life sa mga naniniwala sa Kanya. Maging tayo man ay nirereject natin Siya. Paano? Sa paggawa natin ng kasalanan. Sa pagreject natin sa mga namamalimos sa atin. Sa pagreject natin sa mga nanghihingi ng tulong. Sa pagreject natin sa mga “unloveable” na tao. Sa pagreject natin sa ating mga kaaway. Sa pagtingin natin ng lahat ng mali sa kapwa. Alam nyo ang mali sa ating mga tao? May magawa lang na isang mali ang isang tao sa atin, ipinapalagay na natin na mali ang lahat ng ginawa niya, past present and future. What a hyprocite world! At sana’y makita rin natin ang pagreject natin sa humihingi ng awa at patawad sa atin. Bakit ito ay katulad ng pagreject kay Hesus? Because they too bear the image of God, they too bear the face of Jesus. Yes, kahit na kaaway natin. Kahit yung pinakasusuklaman natin. Kahit na yung most unloveable person in the world, he/she bears the face of God. For all human beings are made in the image and likeness of God.
Kaso yun ngang anak ng Diyos nakuhang ireject, yung Anak mismo ng Diyos, nakuhang ipapatay. Paano na yung mga ordinaryong tao lamang? Mga kapatid, ngayong age of the Holy Spirit, wala ng imposible para sa isang nananampalataya. Kung tayo man ay nagreject na ng tao, nangrereject at may tendency na magreject, lagi tayong manalangin sa Diyos na makita ang kamalian natin sa larangang ito. Na tayo’y magpakababa upang makita ang ating mali at mabago ang ating puso at ugali. Pero sino bang aamin na tayo’y hindi nagpapakababa? Only someone who is in constant communication with God. Only someone who is consistently repentant of his sins. Only someone who is consistently led by the Holy Spirit. So be consistently led by the Spirit!
Lahat ng tao nagkakamali. Pero hindi tayo dapat mabilis magreject. Si Hesus na hindi nagkamali o nagkasala ay inireject ng mismong religious leaders pero napatunayang Siya ang punong bato. Yung nireject natin na tao, maaaring may malaking role din siya sa society o sa buhay mo, huwag nating hadlangan, wag nating reject. Tayo’y magpakababa, at magpatawad.
Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
Ang ubasan ng mundo ay siyang pag aari at kahariang kinatha ng Diyos. Tayo na kawangis Niya ang pinagkatiwalaan pangalagaan ito. Hindi lamang ang lugar kundi pati ang mga ubas na naitanim. Bagamat binakuran may mga umakyat ng bakod na nagturo at naghasik ng pagsuway sa utos at patakaran. Nag dala ng mga salitang kasinungalingan at kasiyahang hindi naman tubong ubasan. Mga gawa at kaisipang sumira sa sipag at tiyaga ng mga katiwala. Mga damong tumubo na nagdulot ng animong mayabong na halamanan na kung titingnan ng mabuti ay pawang damong sumisira sa taniman. Masahol pa duon ay ang mga taong nagpakasasa sa tukso ng mundong akala, pinatay pa mga pinadalang sugo at ang katotohan ay pilit itinatago sa maling gawi na sa tingin ay tila tama. Hanggang sa huli tagapag mana ay hindi na nakilala, sa udyok ng demonyo kinalimutan ang may ari ng lahat, pinatay at inutas ng sariling kamay ang mismong nagtataglay ng Buhay. Tayo ay hitik sa bunga ng natatanging ubasan. Mabuti. Maganda. Pinagkatiwalaan. Ngunit dahil sa alabok galing ang katawan, natutukso at malimit nagkakasala, pinaririwara lahat ng pinaniniwalaan. Alam ng Diyos ang kulang sa atin kaya kahit pinatay ang Nagpapagaling, nabuhay muli para hindi na masaling. Dala ang lahat ng sala natin, magnanakaw ng ubasan at kamatayang dulot, napagtagumpayan at iyun naman ang alay sa atin. Paulit-ulit si Hesus ay nakikilala, paulit-ulit tayo ay nadidisgrasya, panalangin ng mga mahal sa buhay ay kasihan ng Espiritu na mabigyan ng kapangyarihang mabatid at makalayo sa pita. Ang makulit na demonyong pina-alis sa atin, rumesbak at pito ang dinalang kapalit para tayo ay muling sirain. Pita ng laman at maka mundong hangarin, masarap sa una pero sa huli ay dusa at dalamhati ang ibinibigay sa atin. Harinawang makita ng maliwanag na wala sa pagkukunwari ang kaligtasan, ito ay nasa puso ng mga sumusunod ng tapat at lumalaban sa kasalanan. Sa panahong ito kung saan tayo ay mahina, lito, at nagpapa alipin sa maka mundong larangan, mag balik loob tayo kay Kristo at mangumpisal. Magsimba at makibahagi sa Misa. Sambahin Siya na naghihintay sa atin sa Adoration Chapel at ilahad lahat ang ating karupukan. Kung ang Espiritu niya ay maibalik at sa atin ay tuluyan nang manahan, kahit ilang libo pang demonyo ang bumalik para tayo ay parusahan, walang panama at walang kapangyarihan. Manampalataya lang tayo at huwag paniwalaan mga panloloko ng mga lobo sa ating kapaligiran. Mahal tayo ng Diyos at hindi pababayaan. Oo, may Lakas tayong maaasahan.
PAGNINILAY: Katiwala lamang tayo hindi may-ari. Lahat ng meron tayo – panahon, talino at yaman – ay pinahiram at ipinagkatiwala lamang sa atin. Ang Panginoon ang tunay at talagang may-ari. Dahil siya ang may-ari may tungkulin at pananagutan tayo sa kanya sa lahat ng pinahiram at pinagkatiwala niya sa atin.
Nagkakaroon ng problema kapag sinimulan nating angkinin ang hindi atin. Natututo tayong manipulahin ang lahat para sa sarili nating kapakanan. Banta ang tingin natin sa iba. Karibal ang trato natin sa kanila. Tingin natin sa Diyos ay sagabal sa lahat ng gusto natin. Babawiin ng Diyos tiyak ang umaangkin ng hindi kanya. Maiiwan siyang wala dahil hindi siya marunong mapagkatiwalaan.
PANALANGIN: Panginoon, huwag mong ipinahintulot na mawala ang lahat sa akin dahil hindi ako naging mabuting katiwala.
GAWIN: Kilalanin mo ang tunay na may-ari ng lahat ng meron ka.
Purihin ang Panginoon.